You are on page 1of 3

SOFIA REGINA R.

VALERA PI 100
2017-00801 PROP. DELA CRUZ

Distansya ang Daan sa Kaliwanagan


(1016 na salita)

Ang tulang Bulaklak ng Heidelberg na isa sa mga obra ni Rizal ay kwento ng isang
manlalakbay na may nananalaytay na pananabik mula sa kaibuturan ng kanyang puso puro
sa kanyang inang bayan at pamilyang nilisan niya. Dito natin makikita kung paano
ipinamalas ni Jose Rizal ang pagiging malapit sa pamilya ng mga Pilipino. Hindi natin
maikakaila ang halaga ng pamilya sa ating kultura. Bilang isang Pilipino, kadalasan ang
lahat ng ating pinagpupursigihan at pinagsusumikapan ay para sa ating pamilya. Makikita ito
lalong-lalo na sa mga OFW na malaki-laki ang sinasakripisyo at nangingibang bansa pa
para lamang mabigyan ng magandang buhay at kinabukasan ang pamilyang naiwan sa
ating bansa.

Kung ikukumpara ang aking buhay sa tula, sa aspetong pagmamahal sa pamilya,


naiintindihan ko ang sentimento ng manlalakbay. Bagama’t hindi pa ako nawawalay sa
pamilya, alam kong napakahirap nito maranasan. Kung minsan, sa paaralan ay napapaisip
ako sa kalagayan ng aking pamilya, paano pa kaya kung nasa malayong lugar ako. Siguro
ang pinakamatagal na panahon na nawalay ako sa aking pamilya ay tatlo hanggang apat na
araw noong ako ay sumama sa immersion program ng aking paaralan. Ngunit hindi ito
maikukumpara sa pinagdadaanan ng manlalakbay sa tula ni Rizal na mistula ay siya rin ang
kanyang tinutukoy.

Pagdating sa kalagayan ng relasyon ni Rizal sa kanyang pamilya, lalong-lalo na ang


pagtago nila ng sikreto sa kanyang magulang, masasabi ko na hindi ko kakakayanin ang
maglihim sa kanila ng ganoong kalaking bagay. Ngunit sa aking palagay ay naiintindihan ko
rin ang mithi ni Rizal kung kaya’t nauunawan ko rin ang pagsunod sa kanyang mga
binabalak sa pag-aaral pati narin sa iba niyang politikal na mga layunin. Nakikita ko na
maaari ko ring gawin ang ginawa ni Rizal para lang hindi mag-alala ang aking mga
magulang.

Kaugnay rito, sa aking palagay ay may nagaganap na panloob na pagdududa at


emosyonal na digmaan kay Rizal. Sa tingin ko ay walang sinuman ay may kagustuhan na
mawalay sa kanyang sariling pamilya. Subalit, may mga bagay tayong dapat gawin at
desisyon na dapat tahakin upang makamit ang pansariling pag-asenso at pag-unlad. Higit
pa rito, kung katulad ng isang Jose Rizal ang pinag-uusapan, hindi lamang pansariling
pag-asenso ang naiisip kundi pati na rin ang pangkalahatang pag-asenso ng buong
sambayanang Pilipino. Maihahalintulad ko sa mga sarili kong mithiin ang pansariling
panloob na pagduda at emosyonal na digmaan. Alam kong hindi ko gugustuhin ang
mawalay sa aking pamilya ngunit kapag tadhana na ang nagsalita at bigyan ako ng
oportunidad na magtrabaho o mag-aral sa ibang bansa, sa palagay ko ay itutuloy ko at
kukunin ko ang pagkakataon na ito. Lalong-lalo na pagdating sa aking propesyon na
arkitektura, kung saan mainit-init ang usapin na hindi gaanong pinahahalagahan ang aming
propesyon sa Pilipinas lalo na sa paglabas ng House Bill no. 10234, ang makakuha ng
oportunidad na makapag-aral at makapagtrabaho sa ibang bansa ay isang napakalaking
pribilehiyo. Tulad ni Rizal, ang kanyang pagpunta sa ibang bansa ay hindi
nangangahulugang siya ay hindi makabayan. Tulad ni Rizal, ang aking kagustuhan na
makapag-aral at makapagtrabaho sa ibang bansa ay hindi lamang para sa aking pansariling
pangarap, ngunit nais ko ring ipakilala sa buong mundo ang sining at siyensya ng arkitektura
ng isang Pilipina. Maliban dito, nais kong makalikom ng iba pang kaalaman sa arkitektura
upang maipamahagi ko ang aking nalalaman sa Pilipinas upang mapabuti ang antas ng
pamumuhay ng mga Pilipino.

Tulad ng pamilya ni Rizal, pinahahalagahan din ng aking pamilya ang edukasyon.


Bata palang kami ay itinuro na sa amin ang tamang pagpapahalaga sa edukasyon. Subalit
dalawa lang kaming magkapatid sa aming pamilya, isang nakatatandang lalaki at ako, isang
babae, at sa awa ng Diyos parehas naman kaming nagpursigi nagwagi rin sa aming
pag-aaral. Masasabi ko na sa bawat parangal na nakuha namin, ito ay regalo para sa aming
mga magulang upang maibalik sa kanila kahit papaano ang pinagsumikapan ng aming mga
magulang.

Maliban sa nabanggit, ako rin ay malapit sa aking kuya. May mga araw na kami ay
hindi nagkakasundo ngunit sa aking palagay ay natural lamang ito. Gaya ni Paciano at Rizal,
kami ay madalas ring nagkakamustuhan kahit na ay may kanya-kanyang buhay rin kami.
Bilang mas nakababatang kapatid, sinisigurado namin na nasa mabuting kalgayan ang isa’t
isa. Siguro sa aming dalawa, mas maihahalintulad ko kay Rizal si kuya. Bago pa
magpandemya siya ay nangunguna sa mga proyekto ng kanyang kumpanya sa iba’t ibang
bansa. Sa mga panahong iyon, ang kuya ko ay si Rizal, at ako naman si Paciano, na siya
nagpapadala ng mensahe sa kanya bawat linggo, at sinasabi ko sa kanya ang kalagayan ng
aming pamilya.

Malapit rin kami sa aming mga magulang. Kaya kong sabihin ng may kumpiyansa na
kaya namin gawin ang lahat para sa aming mga magulang basta’t ito ay nasa tamang
katuwiran. Gaya ng nanay at tatay ni Rizal, masasabi kong ang aking nanay at tatay ay
madalas na nag-aalala para sa aming kalagayan. Madalas, sila ay nagbibigay ng mga
paalala upang sa awa ng Diyos ay hindi rin kami mawala sa tamang landas at mapahamak.

Sa lahat-lahat, ang pinakanatutunan ko sa paglalakbay ni Rizal at pagkakawalay niya


sa kanyang pamilya, ay ang distansya ay nakatutulong para matuklasan mo ang iba’t ibang
aspeto ng sarili mo. Matutuklusan mo ang kaya mong tiisin para sa pamilya mo at ang kaya
mong ialay para sa iyong inang bayan. Matutuklasan mo ang kaibahan ng pinanggalingan at
kinalakihan mo sa bansang kinaroroonan. Dahil dito ay matutunan mong mangarap at
mapabuti ang ating bansang kinalakihan. Ang masaksihan ang mga kakulangan at kaibahan
ng ating bansa mula sa bansa/lugar na ating kasalukuyang kinaroroonan, ay hindi para
maliitin ang ating identidad bilang Pilipino. Sa halip, ay ito ay senyales para ating paigtingin
pa ang ating pagiging makabayan. Tiyak na distansya lamang ang pinaka makapagbibigay
ng kaliwanagan sa ating mga mithiin, dahil sa punto ng pakikipaghiwalay at pagputol
pansamantala ng mga ugnayan natin sa ating mga minamahal, pamilya at mga kinalakihan
ay simula ng punto ng paglaya mo sa kahon na kumukulong sa iyo sa komportableng
kapaligiran. Kapag ang isang tao ay masyadong nakulong sa ganitong kapaligiran, madalas
ay nawawalan ka ng pataang umasenso at umunlad.
Sanggunian:
*Mga babasahin at bidyo sa PI 100
Liham: “Letter of Paciano Rizal to Jose Rizal” (May 26, 1882)
Liham: “Letter of Paciano Rizal to Jose Rizal” (September 15, 1882)
Liham: “Letter of Silvestre Ubaldo to Jose Rizal” (October 5, 1882)

You might also like