You are on page 1of 3

PANGALAN

PANGKAT AT BAITANG

ANG BATANG RIZAL: ANG INSPIRASYON NG KABATAANG PILIPINO

Isa sa mga tanyag na dokumentaryo ni Howie Severino ay ang “Batang Rizal”, na siyang
inere sa GMA I-Witness noong Agosto ng taong 2019. Nakasentro ang palabas sa isang batang
nangangalang Rizal Gutierrez, siyang nagmumula sa Pampanga. Rizal ang kanyang aktuwal na
pangalan sapagkat ipinanganak siya noong ika-30 ng Disyembre, ang araw ng kamatayan ng
pambansang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal. Ang bida ay isang tao na tunay namang
nakapagbibigay ng inspirasyon sa kanyang kapwa. Maliban pa rito, ay nagiging ehemplo siya
pagdating sa hindi pagsuko, lalo na sa pagabot ng mga pangarap at sa patuloy na pagharap sa
buhay. Sa panonood ng dokumentaryo, ay hindi ko napigilang mapahanga kay Rizal. Siya ay
ipinanganak na mayroong severe facial cleft, isang bihirang katangian na naging dahilan sa
kaibahan ng kanyang pisikal na anyo. Ibinanggit sa dokumentaryo na dahil dito, ay hindi siya
tinigilan ng kanyang mga kababata pagdating sa pangungutya. Umabot pa sa puntong huminto
siya sa pag-aaral at kapag lumalabas ay mayroong dala-dalang panyo pangtakip sa kalahati ng
kanyang mukha. Nakakalungkot isipin na mayroong mga tao na nagiging mapanlait sa kapwa
dahil sa mga mababaw na bagay, at dahil sa panlalait na iyon, ay kinuha nila mula kay Rizal ang
kanyang kumpiyansa sa sarili. Hindi nila naiisip kung papaano nga ba nakakaapekto ang mga
salita nila sa ibang tao. Ngunit kahit na ganoon, kahit na siya ay napanghinaan ng loob, ay hindi
sumuko si Rizal.
Pagkatapos niyang makapagpaopera ay ninais na niya agad na makapasok ng paaralan.
Sabi nga ng kanyang nanay, ay Hunyo nagpaopera ang kanyang anak, ngunit gusto na nitong
magsimulang bumalik sa pag-aaral pagdating ng Agosto. Sa loob ng silid-aralan, ay naipamalas
niya ang angking galing sa pagiging estudyante at natutong makipagsalamuha sa kanyang mga
kamag-aral, mga guro, at iba pa. Isa sa mga naaalala kong parte ng dokumentaryo ay ang
talumpati na kanyang ginawa para sa isang asignatura. Sabi nga ng kanyang propesor, kahit na
nahihirapan ay ginawa niya ang kanyang makakaya upang maibahagi ang laman ng kanyang
gawa, at ang mga mensahe na nakapaloob roon ay punong-puno ng emosyon na kanilang
naramdaman. Nais daw sabihin ni Rizal na siya ay iba, ngunit ginagawa niya ang lahat ng
kanyang makakaya upang maging normal, katulad ng kanyang mga kasamahan. Labis na
nakakatuwa ang determinasyong kanyang tinataglay dahil kung tutuusin, ay talagang
nakakapanghina ang mga karanasan na kanyang dinanas, sa pisikal man o mental na kalusugan.
Ilang taong panunukso, diskriminasyon, at panghuhusga ang kanyang kinaharap. Ngunit imbis na
tuluyang mawalan ng pagasa, ay ginamit niya ang mga karanasan na iyon upang tuluyang
tumibay ang kanyang saloobin. Kahit na nagkakaroon ng mga panahong nahihirapan siya, ay lalo
lamang siyang ginaganahang sumulong sa buhay. Habang nanonood ng dokumentaryo, ay kita
ko kung papaano naguumapaw ang kagustuhan niya upang magpatuloy na sumikap sa buhay, at
iyon ay isang bagay na hindi mo maitatanggi o maaalis sa batang Rizal.

Tunay ngang pursigido si Rizal sa pag-aaral, ngunit marami pa siyang taglay na


magandang kaugalian na aking lubos na hinangaan. Makikita ito pagdating sa kanyang
pakikisalamuha sa mga tao sa Mabuhay Deseret Foundation, na kanyang madalas puntahan at
kinalakihan. Ayon kay Terry Rodrino, na siyang nag-alaga kay Rizal at naging saksi sa kanyang
pagtanda, ay talagang napakabait nitong bata. Tahimik man, ay bakas sa kanya ang pagkakaroon
ng talento. Mahusay si Rizal sa iba’t-ibang klase ng sining: sa pagsulat, lalo na sa pagguhit at
pagpinta. Hindi iyon maipagkakaila, lalo na noong ipakita sa palabas ang ilan sa kanyang mga
larawang-guhit at tula, maging ang pagtugtog ng mga instrument katulad ng ukulele. Kahit na
hirap tumugtog dahil sa kaibahan ng kanyang mga daliri, ay ipinagpatuloy niyang magensayo
hanggang sa tuluyan niya nang kinayanang tumugtog. Tunay akong nasorpresa sa kanyang
kahusayan, lalo na sa paglikha ng iba’t-ibang uri ng visual art, sapagkat kinakailangan talaga ng
talento upang makagawa ng mga piyesa na nakakapukaw ng atensyon at emosyon mula sa tao.
Sa aking palagay, ay nakatulong ang sining upang maipahayag ni Rizal ang kanyang mga
saloobin at ang mga mensaheng nais niyang maihatid sa mga tao. Sa tulong nito, ng mga tao sa
kanyang paligid na walang sawa siyang sinusuportahan, at ng kanyang sariling determinasyon,
ay taas-noo niyang ipinagpapatuloy ang pagharap sa buhay.

Ang dokumentaryong ito ni Howie Severino ay tunay na nakapagbibigay sa akin ng


inspirasyon. Hindi biro ang mga karanasan ni Rizal simula ng kanyang pagkabata. Kaya naman
habang pinapanood ko ang bida at kung papaano niya kinakayanang malampasan ang mga dagok
na ibinibigay sa kanya ng mundo ay para bang lumakas rin ang aking loob. Sabi niya nga kay
Severino habang siya ay kinukunan ng panayam, kahit na siya’y pilit na hinahatak pababa, ay
pinipilit niya ring umangat. Kahit na hirap, ay ipinagbubuti niya ang kanyang pag-aaral at wala
siyang galit sa mga taong nakapaligid sa kanya. Hindi naging dahilan ang malupit at madayang
pagtrato sa kanya upang mawala ang kanyang busilak na loob, at dahil doon, ay masaya siyang
namumuhay. Mayroon pa ring pag-asa para sa kanyang maliwanag na kinabukasan, kaya naman
nagsusumikap siya upang matupad ang kanyang kagustuhang maging arkitekto. Ang mga kilos
niya at ang taglay niyang kumpiyansa sa sarili ay para bang sinasabi sa akin na kung kaya niya,
ay kaya ko rin. Ang Batang Rizal ay nakapagbigay sa akin ng pag-asa at inspirasyon na
ipagpabuti ang aking pagtahak sa buhay. Lubos kong naintindihan ang kahalagahan ng pagtiwala
sa aking angking kakayahan, lalo na noong ipatugtog ang awiting ginawa ng mga kasamahan ni
Rizal tungkol sa kanya at ng kanyang kwento. Naliwanagan ako na kahit na maliitin ako ng
ibang tao, ay wala sila sa posisyon upang tuluyan akong pigilan sa pag-unlad. Ang talambuhay ni
Rizal Gutierrez, o ang Batang Rizal, ay isang dokumentaryo na paniguradong nakapukaw at
patuloy na pumupukaw sa damdamin ng kanyang mga manonood.

You might also like