You are on page 1of 3

BATANG RIZAL; Isang Reaksyon

Dahil sa pandemya, malimit kong maisip ang kalagayan ng iba. Hilig ko na ilagay ang
posisyon ko sa buhay ng ibang tao, sapagkat madalas din akong magkaron ng mga di maiwasang
problema sa buhay. Akala ko ay mahirap na itong pinagdadaanan ko, ngunit mayroon at
mayroon pa talagang mas mahirap o mas mabigat na suliraning kinahaharap ang ibang tao.
Salamat at nalaman ko ang kwento ng batang si Rizal, si Rizal na talaga namang maituturing na
hindi pangkaraniwan dahil sa taglay na tapang at lakas ng loob. Kilala natin si Jose P. Rizal na
ating kinikilala na pambansang bayani na gumamit ng panulat upang ipakita ang kanyang
pagmamahal sa bayan, at nakilala ko naman ang batang si Rizal na ginagamit din ang kanyang
panulat upang lumikha ng nakakamanghang obra sa kabila ng kanyang karamdaman sa
pagsasalita. Ipinanganak si Rizal Gutierrez sa bayan ng Apalit, Pampanga, kilala bilang isang
masipag na mag-aaral na may edad na dalawampu at may di pangkaraniwang sakit na severe
facial cleft, kung kaya't tampulan sya ng tukso. Isa ito sa dahilan kung bakit hindi ganon kadali
ang pag-abot ni Rizal sa kanyang mga pangarap. Ngunit, sa tulong ng kanyang dating guro sa
Filipino na si Bryan Manansala ay naibahagi ni Howie Soverino sa kanyang manonood gamit
ang isang dokumentaryo na pinamagatang “Batang Rizal”. Dito na dinayo ni Howie Severino
ang natatagong mundo ng batang si Rizal sa Calumpit, Bulacan, kung saan ipinanganak si Rizal
na may severe facial cleft ay tila lumalaki bilang masaying tao na para bang madami ang nais
sabihin kahit na hirap magsalita ang mga tulad nyang may kagayang kondisyon. Ang kanyang
taglay na kondisyon ang nakakaapekto sa kanyang pagsasalita gayundin sa kanyang pisikal na
kaanyuan. Bagama't hindi gaya ng isang normal na tao, lumalaban at namumuhay si Rizal ng
parang tipikal na isang mag-aaral. Unti-unting nagbago ang landas ni Rizal nang makilala niya si
Teacher Brian. Isang bagong Muslim, naranasan ni Teacher Brian na pagtinginan siya nang
masama sa komunidad na puro Kristiyano. Pareho nilang nilagpasan ang mga karanasan ng
pagmamaliit at piniling maging matatag. Tinanggal na rin ni Rizal ang panyo sa kaniyang
mukha nang ipasok siya ni Teacher Brian sa Boy Scouts. Ang Mabuhay Deseret Foundation ang
isa din sa naging pamilya ni Rizal at tumulong sa operasyon ng kanyang karamdaman. Kilala sya
bilang isang tahimik na binata pero sa likod nito ay nakakitaan ng husay at galing sa pagguhit at
pagpinta. Isa ring makata si Rizal na maraming paghuhugutan dahil sa kaniyang karanasan.,
totoo nga talaga na ang hindi mabigkas ng labi ay panulat ang nagsasabi.

Habang pinapanood ko ang dokumentaryo na ito ni Howie Soverino, hindi ko maiwasan


na malungkot para katayuan ni Rizal, kung ang isang normal na tao nga ay nahihirapan at minsan
ay naiisip na sumuko dahil sa lupit ng buhay na kanyang nararanasan, ano pa kaya ang isang
batang lumaki ng may sakit ngunit positibo ang tingin sa buhay. Isa yan sa mga pinamalas ni
Rizal na katangian kung kaya't marami syang napapahanga na tao sa kanyang paligid at kabilang
na ako dito. Sa kabilang banda, nakakatuwa naman kung iisipin na ang Rizal na aking nakilala ay
mayroong hindi lamang isa o dalawa na angking talent. Ito ang lalong nagpapabilib sa akin sa
kabila ng kanyang iniinda, ang kanyang husay sa pagguhit at pagpinta ang kanyang ginagamit
upang makatulong sakanyang pamilya. Nagiisip si Rizal nang tila ba mas angat sa pagiisip ng
mga batang ka-edad nya, laging iniisip na makatulong sa pamilya at mamuhay ng normal. May
pangarap din si Rizal na maging arkitek, at mahusay din sa paggawa ng tula, hindi din maitatago
ang kanyang galing sa pagtugtog ng ukelele na bigay pa ng kanyang dating guro si musika. Sino
pa nga ba ang hidi mapapahanga ni Rizal, dagdag pa rito ang kaalaman nya sa pagsulat ng
baybayin.

Isa din sa aking napagtanto habang pinanonod ang dokumentaryong ito ni Rizal, mayroon
pa din palang mga tao na mabubuti ang loob na handing tumulong sa mga kapatid o kababayan
natin na may hindi pangkaraniwang sakit. Hindi lamang ako namamangha kay Rizal, kundi
gayundin sa mga taong nakapaligid at tumutulong sakanya. Ito ang mga taong tumulong hindi
lamang sa pinansyal ni Rizal, sa halip tumulong silang palakasin ang loob ni Rizal na humarap at
makisama sa ibang tao. Isa na din siguro ito sa dahilan at motibasyon ni Rizal upang mag-aral ng
mabuti at magtapos ng pag-aaral. Naniniwala ako na dahil sa kwento ni Rizal, madami ang
matutuwa, bibilib, at magkakaron ng tiwala sa sarili. Ang isang mahiyain na tulad ko, ay walang
wala sa lakas at tapang ng loob ni Rizal. Ang mga taong tumulong sakanya sa paghihirap, ay sya
rin na isasama nya sakanyang tagumpay. Ang ipinamamalas nyang kabutihang loob ang
nagdadala sakanya sa maayos na daan ng buhay, ang hindi nya pagtanim ng galit sa mga taong
humahatak sa kanya pababa, at pumapansin sa kanyang itsura ang isa pa sa susi ng kanyang
tagumpay. Itutuloy nya ang laban ng kanyang buhay hanggang matupad ang kanyang mga
pangarap. Isa sya sa maaaring pagkunan ng insiprasyon ng lahat, dahil sa kabutihan ng kanyang
puso at tapang na harapin ang kanyang pagsubok sa buhay. Kung ang isang Rizal Gutierez na
may Severe Facial Cleft ay talaga namang nagpapamalas ng kanyang husay sa paggamit ng
kanyang talento at may mataas na pangarap sa kanyang buhay, bakit naman hindi mo din
kakayanin? Hindi kailanman magiging hadlang ang ano mang karamdaman sa taong matiyaga at
may pangarap sa buhay at sa pamilya.

Sa panahon natin ngayon, malimit kong mabasa ang mga hinaing ng ilang mga
indibidwal sa kanilang buhay, malimit kong mapansin papaano ang magreklamo ang mga tao sa
kung ano ang natatanggap nila sa halip na magpasalamat, malimit kong marinig ang mga galit o
inis ng mga tao sa kanilang nararanasan, malimit kong masaksihan ang ilang mga taong nag-
aaway kahit sa maliit na bagay lamang, malimit ko din marinig ang pang-aasar o pangiinsulto ng
ibang tao sa kanilang kapwa. Ang mundo natin ay binubuo ng iba’t – ibang klaseng tao na hindi
natin maiwasan na matunghayan araw-araw. Ngunit sa kabila nito, may mga tao din pala
marunong magpasalamat sa kung ano ang natatanggap sa araw-araw, may mga tao din pala na
hindi sinisisi ang pagkakamali sa iba, may mga tao din pala na marunong tumanggap ng
pagkakamali, may mga tao din pala na marunong magsumikap, may mga tao din pala na hindi
nagtatanim ng galit kahit tinutukso na at tinatapakan ang kanyang pagkatao, may mga tao din
pala hindi nawawalan ng pag-asa kahit anong hirap ng buhay. At sa mga taong ganto tayo dapat
tumutulad, sa mga gantong tao tayo dapat kumukuha ng inspirasyon sa araw-araw, dahil sa mga
gantong tao maaari tayong kumuha ng pag-asa para harapin ang bawat araw. Dahil kay Rizal,
natuto ako na huwag magreklamo sa buhay na meron ako, sa halip ay magpasalamat. Natutunan
ko din na huwag pansin ang sinasabi ng iba, dahil totoo nga naman na kung papansinin mo at
papatulan mo silang lahat ay hindi magiging makabuluhan ang oras na igugugol mo sa kanila.
May kanya-kanya tayong pinagdaraanan at pasan pasan sa buhay, iba’t- iba ang dala dalang
problema, ang mahalaga ay matuto dapat tayong lumaban.

You might also like