You are on page 1of 2

Ilaw sa Dilim

Ngiti. Ang sarap mabuhay lalo na kung ramdam mo ang tibok ng puso mo at hinga
mula sa iyong dalawang baga sa likod. Maririnig mo ang halakhak, boses at
usapan ng iyong mga mahal sa buhay. Ang saya sa pakiramdam na kapiling mo na
sila sa mundo mong napapalibutan ng pulang tubig at malapot na likido na siyang
naging tulay sa buhay mo.
Isang araw nagising ako na ngumiti si Inay. Ramdam ko ang tamis ng kanyang
ngiti dahil nararamdaman ko ang tibok ng puso ko na konektado kay Nanay. Ang
init ng kanyang haplos at mga matatamis niyang salita, tila awit sa aking pandinig.
Ngayon pa lang, alam kong magiging masaya ako sa piling ng aking nanay at tatay.
At mula sa araw na ito, pinapangako ko na magiging mabait, masunurin at
mabuting anak ako.
Gabi ng umuwi ang itay mula sa trabaho. Narinig ko ang pinag-usapan nila. Tila
may koneksyon ito sa nangyayari sa kasalukuyang panahon. Ramdam ko ang
pangamba at takot sa boses ng aking mga magulang. Yung kaba ng puso ni Inay na
tila nagbibigay din sa akin ng ibang pakiramdam. Si itay naman, naramdaman ko
ang init na yakap niya kay inay. Nagtatanong ang musmos kong isip, ano ba ang
nagyari? Tawag ako ng tawag kina inay at itay. Ngunit tila di nila ako naririnig.
Hanggang sa nakatulog ako.
Kinabukasan, narinig ko ang balita sa telebisyon. Ang buong mundo ay nababalot
ng pangamba at lungkot dahil sa kumakalat na virus. Rinig ko ang pagpapaalala ni
inay kay itay. Ang pag-iingat niya.
Lumipas ang ilang araw, umuwi ang itay na inuubo at nilalagnat. Naramdaman ko
ang takot ni inay kahit di pa niya sasabihin. Hanggang sa may kausap ang inay sa
telepono. At hanggang sa narinig ko ang tunog ng ambulansya. Ang lakas.
Nakakakaba at nakakabahala. Nagtatanong ako kung ano ang nagyari. Tila hangin
lang ang aking boses at ramdam ko na nga ang pagtulo ng luha ni inay at rinig ko
ang hikbi niya.
At yun na nga, si itay ay positibo sa COVID-19 Virus. Ang bahay ay tila napupuno
ng lungkot. Ramdam ko si inay na nanghihina at tila di na mapakali. Di ko na
ramdam ang saya sa puso niya. Kinakausap ko siya na tatagan niya ang loob niya.
Na andito lang ako na nagpapalakas para sa kanya. Ang init ng haplos ni inay ay
tila nagpapahiwatig na lakasan niya ang loob niya para sa akin.
Ngunit isang araw, nagulantang kaming lahat ng sinabi ni inay na inuubo siya,
masakit ang ulo at tila lalagnatin siya. Natakot ako. Pero ramdam ko ang tapang ni
Inay. Ang haplos niya ay tila nagsasabing lalaban siya.
Pero kahit anong pilit naming lakas ay di rin kami nakakatakas sa virus. Pati si inay
ay nagpositibo din pala. Unang araw, ay ramdam ko na ang katamlayan ni inay.
Pero ang tibok ng ppuso niya ay andun pa din ang pagmamahal at tapang.
Ikalawang araw, ganun pa din ang nararamdaman ni inay. Pangatlo hanggang sa
pang-apat, tila lagi ng hinihingal si inay. Rinig ko ang sabi ng doctor na kailangang
lagyan ng alalay si inay sa kanyang paghinga.
Nalungkot ako. Puno na ng luha ang aking mga mata. Lagi kong sinasabi sa kanya
na lumaban. Na ilang buwan nalang ay magkakapiling na kaming tatlo at magiging
masayang pamilya kami. Na mag-aaral pa ako at aalagaan ko pa sila hanggang sa
pagtanda.

Dumaan ang ilan pang araw, tila bumabagal na ang tibok ng puso ng inay. At tila
humihina na din ako. Nalasahan ko na ang mga iniinom ni inay. Ang tibok ng
kanyang puso ay bumabagal tapos bumibilis at tila humihina. Sumisigaw na ako na
lumaban si inay. May pangarap pa kami. Buoin pa naming ang aming pamilya.
Di ko na narinig ang tungkol sa aking itay. Heto ako tumamlay din. Nanghihina at
tila wala ng gana kumilos. Si nanay ay parang hirap na hirap na din. Ngumiti ako at
nagpapasalamat kay inay, sabay tulo ng aking mga luha. Gusto ko siyang yakapin,
ngunit tila wala na akong lakas para gawin iyon. Sumipa ako, ngunit tila walang
epekto kay inay. Isa, dalawa, tatlo, tila nakita ko na ang liwanag sa madilim kong
mundo. At tuluyan ng naging linya ang alon ng buhay ko, sa piling ng aking ina.

You might also like