You are on page 1of 1

“Si Medusa at ang sumpa ni Athena”

Si Medusa, ang babae na may mga ahas na buhok ay marahil isa sa pinakakilalang nilalang sa
mitolohiyang griyego. Gayunpaman, hindi siya dating halimaw. Siya ay anak na babae nina Phorcys at
Ceto na mga primordial diyos ng dagat. Si Medusa ay ipinanganak na may kakaibang kagandahan.
Napupukaw ng dalagang ito ang mga puso ninuman kahit saan man sya magpunta. Pero sa kabila ng
kanyang mapang-akit na hitsura, si Medusa ay inosente, malinis at dalisay. Dahil hinahangaan niya ang
diyosang si Athena, napagpasyahan niya na maging isang paring babae sa templo ni Athena. Birhen at
may kadalisayan ay kailangang-kailangan para sa posisyong ito. Si Medusa ay isang perpektong babaing
pari at sobrang napakaganda niya kung kaya’t napaka daming mga bisita araw-araw na pumupunta
lamang sa templo upang hangaan at makita ang taglay niyang ganda. Kaya't nangyari na ang diyosang si
Athena ay sobrang nagselos at nainggit sa kanya dahil sa kanyang kagandahan at dahil siya rin ang may
pinakamagandang buhok sa lahat.

Isang araw may isang mamamayan ang nangahas na sabihin na ang buhok ni Medusa ay
magiging mas maganda kaysa sa buhok ng diyosa na si Athena. Bagaman nasaktan at nagalit, si Athena
ay hindi naghiganti. Gayunpaman, isang araw sa isang pampang na malapit, si Medusa ay napansin ni
Poseidon, ang diyos ng Dagat at umibig ito sa napakagandang dilag. Pero tinanggihan at iniwasan lamang
ni Medusa ang diyos ng dagat. Si Poseidon ay may personal na away kay Athena kung kaya’t ang
kagustuhan niyang mapasa-kanya si Medusa ay isang matinding pagkahumaling. Dahil sa palagiang
pagtanggi ni Medusa kay Poseidon, nagpasya siyang puwersahing kunin ang dalaga. Ang takot na takot
na si Medusa ay tumakbo papunta sa templo ni Athena para makakuha ng proteksiyon.

Nakasunod si Poseidon at sapilitang hinawakan ang dalaga at ginahasa ito sa sahig sa harap ng
rebulto ng diyosang si Athena. Nang matapos ang karahasan, ang diyosang si Athena ay lumitaw at
nagalit. Nagpasiyang bigyan ng malupit na parusa si Medusa. Hindi magawang parusahan ni Athena si
Poseidon dahil isinaalang-alang niya na ang kanyang nagawa ay likas lamang na katangian ng mga lalaki
ngunit itinuturing niyang nagkasala si Medusa ng pang-aakit sa diyos ng dagat at pagdadala ng kahihiyan
sa kaniyang templo.

Isinumpa ni Athena ang dalaga, ginawang ahas ang kanyang magandang buhok at mula sa araw
ding iyon, ang sino mang tumingin sa kanyang mga mata ay agad na magiging bato. Si Medusa ay
hinahabol ngayon ng mga mandirigma na nagnanais ng kanyang ulo bilang isang tropeo pero silang lahat
ay naging bato. At Sa wakas ang bayani na si Perseus ay nagawang pugutin ang nilalang. Pero ang hindi
nila alam ay dinadala ni Medusa ang anak nila ni Poseidon, kung kaya't sa kamatayan ni Medusa at sa
pagbuhos ng dugo ay pinanganak niya sina Chrysaor at Pegasus.

You might also like