You are on page 1of 7

Pagsasawalang-Bahala at Hindi Pakikibahagi: Pasimuno ng Mapangwasak na

Pangangatwiran sa Kapwa.
Sa tulong ng karanasan ng aming grupo sa JEEP, lumitaw na mayroon pala
kaming kolektibong pananaw kung saan nakabatay ang kaligayahan at pagkabuo ng
tao sa mga oportunidad na dala-dala ng maayos na edukasiyon. Ito ang dahilan kung
bakit sa tingin namin nahihirapang mabuo ang mga taong tulad ni Ate Nelly, isang
barker ng dyip na hindi nakatapos ng pag-aaral. Tuwing may mga naririnig kami na
taong hindi nakatapos ng pag-aaral, pinakaunang pumapasok sa aming mga isipan ang
panghihinayang sa mga oportunidad na sana natamasa ng taong ito kung siya lamang
ay nakapagtapos ng pag-aaral. Subalit, tama nga ba ang pangangatwiran namin na ito?
At kung hindi, ano ang tama? Paano namin malalaman kung ano ang tama?
Susubukan kong sagutin at ipaliwanag ang mga katanungang ito sa pamamagitan nang
pagtalakay sa: 1) mga oportunidad na maaaring makuha ng mga nakapagtapos ng
kolehiyo, 2) pakikisalamuha kay Ate Nelly, 3) demograpiko at pananaw ng aming grupo
sa sariling pamumuhay at pamumuhay ng mga barker tulad ni Ate Nelly, at 4) ang iba’t
ibang pagpapakahulugan sa pagiging mahirap.
Una, nais kong talakayin ang ilang mga unibersidad sa Pilipinas na
pinagkuhanan namin ng datos. Isisiwalat ko ang halaga ng matrikula ng bawat
unibersidad at magbibigay ako ng halimbawa ng taong nakapagtapos dito nang sa
gayon, magiging possible na maikumpara ang mga oportunidad na kanilang maaring
makuha. Hinati naming ito sa dalawa: 1)apat na pinakatanyag o kilalang unibersidad sa
Pilipinas at 2) ang iba pang unibersidad sa Metro Manila.
Nakalapat sa dalawang semester ang matrikula ng mga sumusunod na
unibersidad: 75,000 pesos sa Ateneo de Manila University, 48,000 pesos sa Universit of
Santo Tomas, at 20,000 pesos sa Unibersidad ng Pilipinas habang 50,000-65,000
pesos naman sa De La Salle University na nakalapat sa tatlong semestre. Gumamit
kami ng random sampling na paraan nang pagkuha ng datos para maibigay ang mga
sumusunod na halimbawa: 1) RJ Oblena, isang trade marketing representative sa
British American Tobacco na nakapagtapos ng BS Management sa Ateneo; 2) Rafael
Lorenzo Quiroz, customer development manager sa Colgate-Palmolive na
nakapagtapos ng BS Business Management sa De La Salle University; 3) Paulo Olivia
Racho, may-ari ng Olivia’s Cakes and Pastries na nakapagtapos ng AB Asian Studies
sa University of Santo Tomas; at 4) Rachelle Marie Quiroz, brand manager ng Philip
Morris-Fortune Tobacco Operation na nakapagtapos ng BA Business Economics sa
Unibersidad ng Pilipinas.
Naghahalagang 27,000 -31,000 pesos naman ang matrikula sa AMA University,
27,000 pesos-32,000 pesos sa Central Colleges of the Philippines, 20,000-22,000
pesos sa Our Lady of Fatima University at libre sa University of Manila. Muli kaming
gumamit ng random sampling para makuha ang mga sumusunod na halimbawa: 1)
Bernardo Acuna, Jr, isang mobile assurance expert, na nakapagtapos ng BS
Information Technology; 2) Mary Rosebelle Orgela Sonido, administrative assistant, na
nakapagtapos ng AB Psychology sa Central Colleges of the Philippines; 3) Ervin
Richard Justin Yuseco , call center supervisor na nakapagtapos ng BS Nursing sa Our
Lady of Fatima University; at 4) King de Vera, call center agent na nagtapos ng BS
Office Administration sa Universidad de Manila.
Base sa mga datos na ito, maaaring makita na mayroong mga oportunidad na
bumukas sa kanila dahil nakapagtapos sila ng pag-aaral. Hindi magbubukas ang
karamihan sa mga oportunidad na ito sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Nakuha
nila ang mga kasalukuyan nilang mga white collared na trabaho dahil sa natapos nilang
mga kurso sa kolehiyo. Kung hindi sila nakatapos, marahil hindi ito ang trabaho nila
ngayon at maaari silang mapabilang sa mga blue-collared na mga nagtatrabaho:
jeepney driver, karpintero, tubero, o isang barker ng dyip kagaya ni Ate Nelly. Gamit
ang sariling pag-uunawa, masasabi ko na higit na mas madali at makatao ang trabaho
ng mga nakapagtapos sa pag-aaral kumpara sa mga blue-collared worker subalit, ibig
sabihin ba nito, hindi na maaaring mabuo ang isang taong hindi nakapagtapos ng pag-
aaral? Hindi na ba sila maaaring makuntento at maging masaya sa kanilang katayuan?
Para sagutin ang mga tanong na ito, gagamitin ko ang karanasan ng aming
kagrupo at ang datos na aming nakuha mula sa panayam namin kay Ate Nelly.
Nagtrabaho ang aming kagrupo bilang barker ng dyip para sa kaniyang JEEP at dito
niya nakilala ang 47 taong gulang na barker na si Ate Nelly na kasalukuyang
naninirahan sa Pansol. Namatayan si Ate Nelly ng asawa noong siya’y 30 taong gulang
pa lamang at hindi na pinalad na magkaroon ng sariling anak. Wala ng hanapbuhay ang
kaniyang ama, labandera’t plantsadora ang kaniyang ina habang wala namang trabaho
ang kapatid niyang babaeng iniwan ng asawa pagkatapos bigyan ng dalawang anak.
Kaya naman si Ate Nelly ang nagmistulang ama ng kaniyang mga
pamangkin.Napagtapos niya na sa pag-aaral ang panganay, at kasalukuyan nang
nagtatrabaho sa Canada at tumatanaw ng utang na loob kay Ate Nelly sa pamamagitan
nang pagtulong sa gastusin nila sa pamilya.Si Ate Nelly pa rin ang pangunahing
sumusustento sa pag-aaral ng bunsong anak ng kaniyang kapatid subalit,
pansamantala muna itong tumigil sa pag-aaral ng criminology upang tulungan si Ate
Nelly sa pagiging barker ng dyip.
Noon pa man bago pa mapadpad sa Katipunan si Ate Nelly, nagsimula na siyang
magtrabaho bilang barker sa Alabang at sa Maynila. Buong araw siyang
naghahanapbuhay mula 4 ng umaga kung saan sapat lamang ang kaniyang pahinga
para kumain nang mabilisan at manigarilyo. Minsan tinutulungan siya ng kaniyang
pamangkin, at sa gabi, pinapalitan na siya ni Ate Malou at pagkatapos, uuwi na at
magpapahinga. Madalas 400-600 pesos ang kaniyang kinikita sa isang araw habang
250 pesos naman sa mga araw na kaunti ang sumasakay ng dyip. Mayroon din
namang pagkakataon kung saan maganda ang kita at 800 pesos ang kita niya sa isang
araw.
Nang aming ikipanayaman si Ate Nelly, inamin niyang hindi ligtas ang kapaligiran
ng kaniyang pinagtatrabahuhan ngunit sinabi niyang wala na siyang maaari pang gawin
sapagkat ito na lang ang kaya niyang gawin. Nalaman din namin na mayroon siyang
panghihinayang na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil noong bata pa raw siya,
pangarap niyang makapagtapos ng criminology at maging pulis ngunit hindi niya ito
natapos dahil kinailangan niyang magtrabaho upang matulungan ang pamilya sa mga
pangunahing gastusin. Subalit, nang tanungin namin siyang muli kung nais niya pang
ipagpatuloy ang pag-aaral, sinabi niya sa amin na hindi na raw sapagkat pangunahing
layunin niya na ang mapagtapos sa pag-aaral ang kaniyang mga pamangkin. Naging
mabilis ang palitan ng tanong at sagot sa pakikipanayam na aming isinagawa.
Natagalan lamang siya nang tinanong namin siya kung masaya na ba siya ngayon kahit
hindi na niya nakamit ang pangarap niya dati na makapagtapos ng pag-aaral. 30
segundo niyang pinag-isipan ang tanong at sinabi na sa kasalukuyan, mas iniintindi
niya na ang kapakanan ng kaniyang pamangkin; at naging buhay niya na ang pagiging
barker kaya kahit na pangarap niya sana noon na makapagtapos, masaya na raw siya
sa buhay niya ngayon; at hindi na niya inaasam-asam na siya’y makapagtapos ng pag-
aaral. Nagulat kami sa kasagutan niyang ito sapagkat inaasahan namin na sasabihin
niya na hindi siya masaya at na pinapangarap niya pa rin sana makapagtapos ng pag-
aaral upang magkaroon siya ng ibang oportunidad na magpapahintulot sa kaniya na
iwan na ang buhay ng pagiging barker at magtungo sa mas mataas na magpasahod na
hanapbuhay.
Sa kabila ng aming pagtingin sa kaniya bilang mahirap, sinagot niya kami na
parang isang taong hindi naghihirap; kaya upang mas maintindihan ang kalagayan ni
Ate Nelly, minabuti naming magsaliksik ukol sa iba’t ibang pananaw kung ano ba ang
mahirap.
Bago ko talakayin ang depenisiyon ng pagiging mahirap mula sa iba’t ibang
disiplina, nais ko munang talakayin ang ilan sa mga posibleng dahilan na nagsanhi sa
aming kasalukuyang pag-iisip at pananaw sa buhay. 18-20 taong gulang na ang mga
miyembro ng aming grupo. Nabibilang kami sa mga A at B na uring panlipunan.
Mayroon kaming permanenteng maayos na tirahan at kasalukuyang estudyante ng
Ateneo. Dahil siguro sa mga ito, inaasahan naming mas magiging maginhawa ang
aming trabaho’t kinabukasan kumpara sa iba; at ang mga taong tulad ni Ate Nelly ay
kasama sa mga kinikilala naming mahihirap sa bansa.
Ayon sa ekonomikal na pagtingin, mahirap daw ang isang tao kung hindi niya
nakukuha ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, at bahay.
Batay naman sa antropolohiyang pagtingin, hindi sapat na batayan ng kahirapan ang
pangunahing pangangailangan ng tao. Hindi lamang ito ukol sa suweldo at
pagkonsumo ng mga bagay; sa halip, mas binibigyang-halaga nito ang kakulangan ng
pagkakataon o kakayahang makibahagi sa pagdedesisyon sa lipunan. Nagsasabi
naman ang mga sosyolohista, na, kagaya ng lahat, may silbi at tungkulin ang
kahirapan(functionalism). Sinasabi nito na ginagamit daw ang mahihirap sa paraan
kung saan nagiging pamantayan sila ng mga mayayaman sa paraan na kapag hindi sila
namumuhay na tulad ng mga mahihirap, hindi pa sila matatawag na mahirap. Maaaring
mahirap si Ate Nelly kung ang basehan ay ang kinikita o pera ngunit sa isang banda
tulad ng Antropolohikal/sosyolohikal na nakabase sa functionality ng tao ang kahirapan,
nagmimistulang hindi mahirap si ate Nelly dahil bahagi siya ng komunidad na mayroong
function. Kung tutuusin, maaari kasing tingnan ang pagiging barker ni ate Nelly na
malaki ang naiaambag sa larangan ng transportasiyon; at nagmimistula na rin siyang
manager sa isang banda dahil siya ang namamahala sa maayos na sistema nang
pagpapatakbo ng mga jeep. Kung ganoon, batay sa aking mga natalakay malinaw na
mayroong iba’t ibang pananaw o pag-uunawa sa kung ano ang tunay na mabuti at
nararapat gawin, kaya susubukan kong lalo pa itong linawin sa pamamagitan ng
pilosopikong pagsusuri.
Katwiran namin V.S. Katwiran ni Ate Nelly
Tulad nang nabanggit ko sa unang bahagi, mayroong kolektibong pag-iisip ang
grupong kinabibilangan ko na nakabatay lamang ang pagbuo ng tao sa mga
oportunidad na dala-dala ng edukasiyon. Naging kulong kami sa pangangatwiran na ito
dahil ito ang kinalakihan naming paniniwala. Ito ang paulit-ulit na ipinataw sa amin ng
aming mga magulang at ng mismong sistema ng edukasiyon kaya naging mahirap sa
amin isipin na mayroon pa palang ibang pag-unawa sa buhay na maaaring maging
mabuti at malikhain. Marahil nakararamdam kami nang panghihinayang sa mga taong
hindi nakatatapos ng pag-aaral dahil sariling pangangatwiran ang gamit namin para
unawain ang kalagayan ng mga tulad ni Ate Nelly kahit na maaaring iba ang kaniyang
pangangatwiran. Namulat lamang kami at naging bukas sa possibilidad ng
pangangatwiran na kaiba sa aming pangangatwiran nang bigyan kami ng kumento ni
Ginoong Rodriguez na assuming at mapanghusga ang iniisip naming nararapat para
kay Ate Nelly--makatapos ng pag-aaral. Dahil dito, minabuti naming kunan ng panayam
si Ate Nelly nang sa gayon mas maintindihan namin ang kalagayan niya. Sa kalaunan,
napagtanto namin na possibleng talagang nabubuo si Ate Nelly sa pagiging barker niya,
sabi nga niya sa panayam na masaya na siya at hindi niya na gustong mag-aral pa.
Maaaring dati, nasa sentido komun niya na dala ng komunidad na kinabibilangan niya
na dapat makapagtapos siya ng pag-aaral. Maaaring mayroon ding partikular na tawag
ng pagpapahalaga sa kursong criminology kaya talagang pangarap niya talaga noon
na makapagtapos nito at maging pulis kaso maaaring tinawag din siya ng halaga ng
buhay ng kaniyang pamilya kaya naghanapbuhay na lamang siya sa halip na magtapos
sa pag-aaral. Dahil sa pagpapasiya niyang ito at iba pang mga ginawa niyang pasiya
patuloy siyang lumikha ng mga bagong posibilidad na nakaapekto sa balangkas at
hangganan ng kaniyang kapalaran at pati na rin ang tadhanang kaakibat nito. Kaya
ngayon maaaring iba na ang tawag ng tadhanang tinutupad niya at ito ay maaaring
nakaugnay sa kaniyang pagiging barker at hindi na sa kaniyang pag-aaral at maaaring
ang angkop na pagtugon na rito ang bumubuo sa kaniya.
Pakikipagtalaban sa Iba pang Nagmemeron
Sa tulong ng karanasan namin sa pag-uunawa sa kalagayan ni Ate Nelly,
namulat kami sa kahalagahan nang pakikisalamuha sa iba lalung-lalo na sa may ibang
pangangatwiran dahil dito lamang natin maipagtatanto ang mga pagkukulang at kung
papaano higit pang mapayayaman ang mga pinangangatwiranan natin. Kung
makikisalamuha lamang tayo sa mga nakasanayan nating mga taong kaparehas
lamang natin ng karanasan at pangangatwiran, manganganib tayo na makulong dito at
makaligtaan ang halaga ng karanasan ng iba. Mahalaga rin iyong sa iba dahil
magkakaiba lamang tayo ng sentido komun at pagpapahalaga pero iisang katalagahan
lamang ang inuunawa natin.Kailangan muna nating makitalab sa iba nang sa gayon
malagay sa alanganin ang mga katiyakang batayan ng buhay natin upang mapagmuni-
munihan natin ang tanong na “sino ba talaga ako?” Ito ba ang pinakaangkop na
pagtugon sa partikular na tawag ng tadhanang ito? Wala na bang ibang mas mabuting
paraan? Sa patuloy na pagtatanong sa ating sarili ng mga katanungan na ito lamang
natin makikita ang mga pagkukulang, at kung papaano pa mas mapayayaman ang
ating pag-uunawa sa katalagahan. Kung sa maliit nga na epekto ng pagkasarado sa
aming pangangatwiran na agresibo na naming naipapataw na edukasiyon lang ang
magpapabuti sa kalagayan ni Ate Nelly paano pa kaya sa mga mas malalaking sakop
na pangangatwiran tulad ng sistema ng pagpapatakbo ng isang bansa? Kahirapan ?
Gaano na lang kaya ito magiging mapangwasak?
Mahalaga na lagi tayong makitalab dahil laro ang lahat. Ibig sabihin laging
“meron pa” ang lahat. Maaaring magmukhang ang sistema ng pag-uunawa natin sa
kasalukuyan ang pinakaangkop na pagkilos o pangangatwiran kung saan nakabubuti ito
sa lahat ng ating nakasasalamuha na kapwa meron subalit lumilipas ang panahon, at
patuloy na nadadagdagan ang mga posibilidad sa kapalaran ng lahat ng nagmemeron
at ang partikular na tawag ng tadhana dahil bahagi ito ng walang hanggang laro ng
pakikipagtalaban. Samakatuwid, kasabay ng mga pagbabago rito, nagbabago rin ang
pinakaangkop na pagtugon o pagkilos sa partikular na sistemang sinusubukang
mabigyang kaayusan. Kung hindi tayo makikitalab sa iba, manganganib tayo na
makulong sa isang sistema ng pag-uunawa na hindi na pala iyon ang pinakamainam na
gawin o hindi na pala iyon ang tadhanang dapat nating tugunan at tuparin. Hindi natin
malalaman kung paano mas mapayayaman o kung ano ang mga pagkukulang nito
kung hindi natin ito maisasabak sa mga ibang katwiran. Tulad na lamang siguro ng
isang manlalaro ng basketbol na ilang taon nang mag-isang hinahasa ang kakayahan
niyang maipasok ang bola sa ring. Sobrang magiging magaling nga siya sa pagpasok
ng bola sa ring subalit hindi niya malalaman kung gaano siya kagaling kapag mayroon
nang dumedepensa sa kaniya, hindi niya malalaman kung paano pa siya gagaling at
kung ano ang pinakaangkop niyang gawin dahil hindi niya hinahayaan ang sarili niyang
makipagtalaban sa iba pang manlalaro ng basketbol nang sa gayon malaman niya kung
ano ang mga pagkukulang, kahinaan, at mga puntos ng pagpapabuti ng kaniyang mga
kakayahan sa laro ng basketbol.
Karagdagang Malalim na Napagtanto
Nang kami’y tanungin ni Ginoong Justiniano kung pakiramdam ba namin mas
may responisbilidad kami kumpara sa iba pang meron dahil sa pagkatinapon namin na
napadpad kami sa may kayang pamilya, pinakaunang pumasok sa aking isipan ang
matagal ko nang pinagmumunihan na paborito kong sipi na “with great power comes
great responsibility.” Nagalak ako dahil kaya ko palang ipaliwanag ito sa
pamimilosopiya sa paraang nakadepende sa kapalaran, ang kabigatan ng
responsibilidad mo at ang partikular na pinakaangkop na tadhanang kailangan mo
tupdin. Dahil dito naisip ko ang “with great power comes great responsibility” dahil kung
kapalaran mo na binigyan ka ng maraming mga biyaya, mayroon ka ring mas mabigat
na tadhanang kailangan tugunan. Kumbaga, di mo naman puwedeng bigyan ng
pagsusulit sa Calculus ang isang estudyanteng nasa unang baitang pa lamang dahil
hindi Calculus ang tadhanang kailangan niyang pag-aralan at masagutan. Subalit, sa
kabila ng lahat ng ito masasabi ko pa rin na kahit, halimbawa, may isang sobrang
yaman na tao kaya parang sobrang laki rin ng responsibilidad niya, hindi ko pa rin
mahuhusgahan na mas mabigat ang tadhanang kailangan niya tupdin kumpara sa
ibang mga tadhanang kailangan tupdin ng mga mas mahihirap sa kaniya dahil sa sarili
ko lamang na pangangatwiran na pakiramdam ko siya ang may pinakamabigat na
tadhanang kailangan tugunan pero maaaring sa mata ng iba at bukas ako sa
posibilidad na ito na baka hindi naman pala ganoon kabigat ang tadhanang kailangan
niya tugunan. Kasing- halaga at kasimbigat lamang ito ng mga responsibilidad o
tadhanang kailangan tuparin ng mga mas mahinang tao at mas mahirap sa kaniya.
Kumbaga, bukas ako sa posibilidad na pantay-pantay lamang ang tungkulin o
kahalagahan ng pagtupad ng tadhana ng bawat isa dahil sa kabila ng lahat, bahagi tayo
ng laro kung saan lahat tayo’y tinatawag na makipagtalaban upang mabuo tayo at
makamit ang ating potensiya. Kung pahahalagahan o mas bibigyang-bigat natin ang
tadhana ng isang tao kaysa sa isa pang tao baka makaapekto ito sa pagbuo ng
parehas na tao dahil baka masakripisiyo ang kahalagahan ng tadhana ng isa sa kanila
kaya hindi mabubuo ang taong iyon at possibleng hindi rin mabuo ang taong mas
binigyang-halaga ang kaniyang tadhana dahil kailangan nabubuo lahat dahil
nakikibahagi ang lahat sa laro at bilang laro.
Kaya para masagot ang pangunahing tanong ng papel na ang mismong
tinatanong din ng isa pang tanong ni Ginoong Justiniano sa aming grupo na, “paano
namin naiisip gawin ang pinakaangkop na pagtugon sa tawag ng iba pang
nagpepresensiya nang hindi namin ipinapataw o pinipilit ang sarili naming
pangangatwiran sa iba?” Masasabi ko na impossible yata o napakahirap na magbigay
ng isang partikular at detalyadong pormula o sistema na magagawa dahil iba-iba ang
mga tadhanang kailangan natin tuparin depende sa partikular na tawag ng kapwa
meron, kapalaran, at ng sarili. Kumbaga nakadepende sa sitwasiyon at mahirap talaga
malaman kung ano ang pinakaangkop na pagtugon sa partikular na tawag ng ibang
nagpepresensiya. Ang pinakamainam lamang talagang gawin para malaman ang
pinakaangkop na pagtugon ay ang patuloy na pagiging bukas ng ating mga sarili at
hayaan nating magpatalab ang ating mga sarili sa iba pang mga kapwa meron lalo na
sa mga kaiba natin nang pangangatwiran dahil sa laro lamang ng pakikipagtalaban
natin sa iba pang mga pangangatwiran , tayo mayayanig at mapag-iisip kung ang
partikular nating sistema nga ba ng pagkilos at ng pangangatwiran ang pinakaaangkop
na pagtugon sa kasalukuyang sitwasiyong natatamasa. Kaya sa kabuuan, kailangan
lamang natin hindi hadlangan ang walang hanggang posibilidad na dala ng
pakikipagtalaban ng mga laro ng mga nagmemeron at ng katalagahan para maiwasan
natin na mahadlangang mabuo ang potensiya ng ating sarili at ng kapwa. Hindi rin kasi
tayo mabubuo kung dahil sa atin hindi nabubuo ang kapwa natin dahil ayon kay Scheler
baluktot na ordo amoris ito at nakakapangwasak ito sa kapwa at sa ating sarili.
Kailangan lamang natin gawin ito para hindi natin mahadlangan ang patuloy na
pagyaman ng potensiya at ng tadhanang kailangang tupdin ng bawat isa.
Mga Sanggunian:
Rodriguez, Agustin Martin G. “Ang Multiberso ng Katuwiran.” In May Laro ang
Diskurso ng Katarungan, 91-126. Quezon City: Office of Research and
Publications, Ateneo de Manila University, 2008.
"A Functionalist View On Poverty Sociology Essay." UK Essays. Accessed September
18,
2014. http://www.ukessays.com/essays/sociology/a-functionalist-view-on-poverty-
sociology-essay.php
Dolan, Ronald E. "Poverty and Welfare." In Philppines: A Country Study. Washington,
1991.
Green, Maia. "Representing Poverty: Attacking Representations Anthropological
Perspectives on Poverty in Development." 2003: 1-4.
Office for National Statistics. 2010. http://www.ons.gov.uk/ons/guide
method/classifications/current-standard-classifications/soc2010/soc2010-volume-
3
ns-sec--rebased-on-soc2010--user-manual/index.html (accessed Sep 18, 2014).
“Higer Education Institutions.” Republic of the Philippines: Office of the President
Commission on Higher Education. Accessed September 28, 2014.
http://www.ched.gov.ph/index.php/higher-education-in-numbers/higher-education
institutions/
“Central Colleges of the Philippines.” FindUniversity.ph. Accessed September 15, 2014.
http://www.finduniversity.ph/universities/central-colleges-of-the-philippines/
“Universidad de Manila.” FindUniversity.ph. Accessed September 15, 2014.
http://www.finduniversity.ph/universities/gat-andres-bonifacio-university/
“Our Lady of Fatima University in Valenzuela City.” FindUniversity.ph. Accessed
September 15, 2014.
http://www.finduniversity.ph/universities/our-lady-of-fatima
university/
“AMA Computer Univeristy.” FindUniversity.ph. Accessed September 15, 2014.
http://www.finduniversity.ph/universities/ama-computer-university/

You might also like