You are on page 1of 3

Aralin 11: Patnubay sa Pagsulat

Pagganyak:
Mahilig ba kayong magsulat? Maaaring hindi lahat sa inyo ay nagkahilig sa pagsusulat ngunit bawat isa ay
nakaranas ng magsulat ng inyu-inyong mga karanasan o ng mga bagay na hinihingi ng inyong mga guro para
sulatin.

Bago Sumulat
Ayon kina Rorabacher at Dunbar (1982), nagsisimula ang pagsulat sa pamamagitan muna ng hindi pagsulat.
Bago mo isulat ang unang salita, kinakailangan mo munang maghanda. Pag-iisipan mo munang mabuti kung ano
ang nais mong paksa. Sino ang babasa nito? Ano ang iyong layunin? Pormal ba o impormal ang gagamitin
mong pananalita? Anong anyo ang iyong isusulat; sanaysay ba o kuwento?
Kung nasagot na ang lahat ng mga katanungang ito, kailangan mong magsaliksik upang magkaroon ng
nilalaman ang sulatin mo at maging makabuluhan ito.
Mayroon din namang manunulat na marami siyang naipahahayag sa kaniyang isinusulat ngunit wala pa
siyang naiisip na paksa. Hindi naman maglalaon o magtatagal ay makaiisip din siya ng pinakamabisang paksa na
angkop sa kaniyang sulatin at magpapatuloy rin ang pagdaloy ng magandang ideya na ilalakip niya rito.

Pagpili ng Paksa

Napakahalaga ng pagpili ng paksa o tema dahil dito nakabatay ang gagawing pagsasaliksik ng isang
indibidwal.

Ito rin ang pangunahing ideya ng gagawing pag-aaral. Dito nakabatay ang nilalaman ng isang pananaliksik.
Lalo’t higit, sa paksa nakasalalay kung mapupukaw ang damdamin ng mambabasa.
Mga dapat isaalang-alang sa pagpili ng paksa:

a. Interes at kakayahan
b. Pagkakaroon ng material na magagamit na sanggunian
c. Kabuluhan ng paksa
d. Limitasyon ng panahon
e. Kakayahang pinansyal

Pagtiyak sa mambabasa, layunin, at tono


 Mambabasa - Kung nakapili ka na ng paksa, marapat na natiyak kung sino ang iyong target na
mambabasa. Isaalang-alang ang kaniyang edad, kasarian, antas ng pinag- aralan, at mga kinagigiliwang
paksa.
 Layunin - Ito ang naisin ng manunulat na magiging bunga sa mambabasa ng kaniyang isinulat.

 Tono - Nakabatay ito sa layunin ng manunulat. Kung ang naisin ay magpatawa, gawing magaang ang tono
ng mga salita o mga pangungusap. Mararamdaman ng mga mambabasa ang layunin ng manunulat sa
pamamagitan lamang ng tono ng mga salitang ginamit sa kaniyang akda.

Pagpaplano sa Pagsulat
Matapos matiyak kung sino ang mambabasa, layunin, at tono, makapagpapasya ka na kung anong teksto
ang susulatin. Maikling kwento, tula, anekdota, pabula, refleksyon, sanaysay ba ang iyong isusulat?

Habang Sumusulat
Sa bahaging ito, nagsasagawa na ng pagsulat ang isang manunulat sapagkat natitiyak niya ang kaniyang
mambabasa, layunin at tono.

Pagpapahayag ng Tiyak na Tesis


Ayon kina Bisa, et al. (2008), ang tesis ay laging nag-iisang pangungusap na nagpapahayag sa iyong
mambabasa. Dagdag pa nina Bisa, para makabuo ng tesis, banggitin ang paksa at dagdagan pagkatapos ng isang
puna, isang paglalahat o isang positibong pahayag tungkol sa paksa.
Mahalaga ang pagpapahayag ng isang tesis dahil nagbibigay- linaw ito sa layon ng sanaysay o talata at
nagpapahayag ng tema nito.

Pagsulat ng simula
Ang panimulang talata ang pumupukaw ng pansin sa mga mambabasa. Kung hindi ito nakaaakit, hindi na
ipagpapatuloy pa ang pagbasa.
Ayon kina Rorabacher at Dunbar (1982), ang haba ng panimulang talata ay nakadepende sa haba ng
iyong susulatin. Maaaring isa itong maikling talata, isang pangungusap o isang salita lamang.

Iba’t ibang paraan ng pagsisimula:


a. Pahayag ng tesis
b. Kasaysayan o kaligiran ng paksa
c. Depinisyon
d. Tanong
e. Siping pahayag
f. Estadistika
g. Apila sa mambabasa
h. Naratibo o salaysay
i.Pagbibigay ng halimbawa
Pagsulat ng Wakas
Ayon pa rin kina Rorabacher at Dunbar (1982), ang huling talata ay maikli at hindi lalampas sa ikapitong
bahagi lamang ng kabuuang papel. Karamihan ng panimula ay magagamit din bilang pangwakas ng isang sulatin.

Pagkatapos Sumulat
A. Rebisyon- ito ang pagpapakinis ng mga isinulat.

B. Editing- pagwawasto ito sa sa gramar, estruktura ng pangungusap, gayundin sa ispeling at bantas.


C. Muling Pagsulat- ito ang muling pagsulat ng isang sulatin na taglay na ang mga kawastuan ng gramar,
estruktura ng pangungusap, maging ng ispeling at bantas.

You might also like