You are on page 1of 15

PAGDIRIWANG NG TENEBRAE

Diocese of Malolos
Our Lady of the Most Holy Rosary Parish
Makinabang, Baliwag City, Bulacan

Pangungunahan ni:
Reb. P. Nicanor J. Castro
Kura Paroko

Page 1 of 15
Maaaring ipagdiwang ito matapos ang Misa ng Miyerkules Santo bago
ang Prusisyon o sa ibang araw ng mga Mahal na Araw. Ang salitang
“Tenebrae” ay wikang latin at ang kastila ay “tinieblas”, ang kahulugan
ay kadiliman. Dito, unti-unting pinapatay ang mga kandila at
dumidilim ang buong simbahan upang alalahanin ang panandaliang
tagumpay ng prinsipe ng kadiliman laban sa Liwanag ng mundo.
Tinatapos ito sa pagtugtog ng matraca o ng malakas na ingay para
alalahanin ang lindol noon ang Panginoon ay mag-alay ng buhay.
Pangungunahan ito ng Pari, ng tatalong tagabasa at ng Koro. Sa gitna
ng santuwaryo o sa may gilid, ilalagay ang kandelerong may pitong
tusukan ng kandila o labing-apat na tusukan ng kandila. Maaaring
kumuha ng mga taong “sponsor ng Tenebrae” na unti-unting
magpapatay ng kandila. Kaunting liwanag lang ang simbahan.
Matatapos ang pagdiriwang sa ganap na kadiliman.
Papasok ang pari kasama ang mga tagabasa; o kaya kung ito’y matapos
ang misa, pupunta sa harap ng altar at luluhod doon. Mangyaring
ihanda ang Bibliya para sa mga pagbasa.

Padre Nick:
Alalahanin natin ang misteryo ng pagpapakasakit,
kamatayan at pagkabuhay ng Panginoon

Sandaling katahimikan
(luluhod)

Padre Nick:
Amang Makapangyarihan, ibinigay mo sa
sangkatauhan si Jesukristong aming Manunubos
bilang halimbawa ng kapakumbabaan. Tinupad
Niya ang Iyong kalooban nang Siya’y
magkatawang-tao at nang ialay ang kanyang buhay
sa Krus. Tulungan kaming maging tunay Mong
saksi sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang
halimbawa ng pagpapakasakit at tulutan kaming
maging karapat-dapat sa pakikihati sa Kanyang
muling pagkabuhay sa pamamagitan ni Jesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

B. AMEN

Page 2 of 15
Salmo 140
(Si Kristo’y nakikipagtunggali sa prinsipe ng Kadiliman)

(Umupo)

Antipona:
Padre Nick:
Panginoon ipagsanggalang ako sa kamay ng kaaway.

Kanan: Sa mga masama ako ay iligtas,


Iligtas Mo, PANGINOON, sa mga marahas;
Yaong hangad mag-away, magbaka ang lahat.
Magbagsik ang dila na tulad ng ahas,
Tulad ng ulupong, taglay na kamandag

Kaliwa: Sa mga masama ako ay iligtas


Iligtas Mo, Panginoon, sa mga marahas,
Na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Yaong mga hambog, ang gusto sa akin,
Ako ay masilo, sa bitag hulihin,
Sa bitag na umang sa aking landasin.

Kanan: Sabi ko sa Panginoon, “Ikaw ang aking Diyos”


Kaya ako’y dinggin sa aking pagluhog.
Panginoong Diyos, na Tagapagligtas,
Nang ako’y bakahin, ikaw ang nag-ingat;
Yaong masasama, sa kanilang hangad
Ay iyong hadlangan, biguin mo agad.

Kaliwa: Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin


Pagdusahin sila sa banta sa akin,
Lagpakan mo sila ng apoy na baga,
Itapon sa hukay nang di makaalsa.
At ang mga taong nang-uupasala,
Huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
Ang marahas nama’y bayaang mapuksa.

Kanan: Batid ko, O Panginoon, iyong papanigan


Ang mga mahirap, upang isanggalang,
At ipagtatanggol yaong karapatan.
Page 3 of 15
Ang mga matuwid magpupuring tunay,
Ikaw’y pupurihi’t sa’yo mananahan!

(Tatayo)

Lahat: Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara


noong una ngayon at magpasawalang hanggan. Amen

(Luluhod)

Padre Nick:
Manalangin tayo nang ang Pagpapakasakit ni Jesukristo
ay maging ating tagumpay.

Sandaling katahimikan

Padre Nick:
Amang Makapangyarihan, ibinigay Mo ang Iyong Anak
sa kamay ng mga makasalanan; ipinahintulot Mong
Siya’y mapako sa Krus, upang ang kamatayan ng
Matuwid ay magpabanal sa makasalanan. Linisin kami
sa pamamagitan ng pagpapakasakit at kamatayan ni
Kristo at ihatid kami sa Kanyang pagkabuhay sa
pamamagitan din niyang aming Panginoon
magpasawalang hanggan.

B. AMEN

Lahat: Panginoon, ipagsanggalang ako sa kamay ng kaaway.

(Tatayo)

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandilang papatayin ang unang


kandila at kung 14, and unang 2 at papatayin ang ilang ilaw ng
Simbahan

Salmo 141
Itinaas ni Kristo ang Kanyang Kamay sa Ama

Antipona:
Page 4 of 15
Padre Nick:
Ang aking mga Panalangin tulad ng insenso, ang aking
mga kamay tulad ng paghahandog sa gabing ito.

(Umupo)

Kanan: Sa Iyo, O Panginoon, ako’y dumadalangin


Sa aking pagtawag, ako sana’y dinggin.
Ang aking dalangin sana’y tanggapin Mo,
Masarap na samyong handog na insenso;
Ariing panggabing handog ko sa Iyo.

Kaliwa: O Panginoon ko, bibig ko’y bantayan,


Ang mga labi ko’y lagyan mo ng bantay.
H’wag Mong babayaang ako ay matukso,
Sa gawang masama ay magumon ako;
Ako ay ilayo, iiwas sa lilo,
Sa handaan nila’y nang di makasalo.

Kanan: Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao


Pwedeng magparusa’t pagwikaan ako,
Ngunit ang masama ay hindi ko ibig
Na ang aking ulo’y busan n’ya ng langis;
Pagka’t ang dalangin at lagi kong hibik,
Ay laban sa gawa niyang malulupit.

Kaliwa: Kung sila’y bumagsak tuloy na hatulan,


Maniniwala na ang mga nilalang
Na ang salita Mo ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
Sa pinaglibinga’y kakalat ang buto.

Kanan: Di ako hihinto, n’yaring pananalig,


Ang pag-iingat mo’y aking ninanais,
H’wag mong itutulot, buhay ko’y mapatid,
Sa mga patibong ng taong balakyot,
Ingatan mo ako, ilayo Mong lubos;
Iyong pabayaang sila ang mahulog,
Samantalang ako’y ligtas Mong kinupkop.

Page 5 of 15
(Tatayo)

Lahat: Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara


noong una ngayon at magpasawalang hanggan. Amen

(Luluhod)

Padre Nick:
Manalangin tayo nang tayo’y magkamit ng kaligtasan.

Sandaling katahimikan

Padre Nick:
Amang mapagmahal sa gabi ng Kanyang buhay, iniunat
ng Iyong bugtong na Anak, ang aming Manunubos, ang
Kanyang mga kamay sa krus at tumingala sa langit
upang dumalangin. Dinggin ang aming panambitan at
kami’y iligtas mula sa kuko ng kamatayan sa
pamamagitan ng kanyang kabanal-banalang dugo, sa
pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

B. AMEN

Lahat: Ang Aking mga Panalangin tulad ng insenso, ang aking


mga kamay tulad ng paghahandog sa gabing ito.

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-2 kandila
at kung 14, ang ika-3 at ika-4

(Tatayo)

Salmo 142
Dumalangin si Jesus uang Siya’y maligtas sa kamatayan

Antipona:
Padre Nick:
Panginoon, ikaw ang aking kanlungan sa daigdig ng
mga buhay.

Page 6 of 15
(Umupo)

Kanan: Ako ay humingi ng tulong sa Diyos,


Ako ay dumaing, sa Kanya’y lumuhog;
Ang aking dinala’y lahat kong hinaing,
At ang sinabi ko’y pawing suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
Ang dapat kong gawi’y nalalaman Niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,

Kaliwa: May handang patibong ang aking kaaway,


Sa king paligid, nang ako’y lumingon,
Wala ni isa man akong makatulong;
Wala kaht isa na magsasanggalang,
Ni magmamalasakit na kahit sinuman.

Kanan: Ako ay humibik, sa Panginoon dumaing,


Sa Tagapagligtas, ako’y dumalanginl;
Pagkat siya lamang ang lunas sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
Pagkat halos ako’y di makagulapay;
Iligtas Mo ako sa mga kaaway,
Na mas malalakas ang mga katawan.

Kaliwa: Sa suliranin ko, ako ay hanguin


At ang pangalan mo’y aking pupurihin,
Sa gitna ng madlang mga lingkod Mo rin
Sa kabutihan Mong ginawa sa akin!

(Tatayo)

Lahat: Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara


noong una ngayon at magpasawalang hanggan. Amen

(Lumuhod)

PANALANGIN
Padre Nick:
Manalangin tayo nang tayo’y maligtas sa
pagkakabilanggo sa kamatayan.

Page 7 of 15
Sandaling katahimikan

Padre Nick:
Amang Maibigin, sa Iyong balak na kaligtasan
tinanggap ng Iyong Anak ang Krus upang iligtas kami
mula sa kamatayan. Dagdagan ang aming
pananampalataya sa mapagligtas na kapangyarihan ng
Krus at palakasin ang aming pag-asa sa buhay na
kanyang ipinangako, sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon.

B. AMEN

Lahat: Panginoon, ikaw ang aking kanlungan sa daigdig ng mga


buhay.

(Umupo)

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-3 kandila
at kung 14, ang ika-5 at ika-6

Lektor: PAGBASA: Pananaghoy 1:1-12

Ang salita ng Diyos mula sa aklat ng mga Panaghoy


O anong lungkot ng lunsod na dating matao! Siya na dating
bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo; siya na
dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod! Buong
kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging
luhaan; lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang
umaliw sa kanya. Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay
naging mga kaaway na.
Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at
sapilitang paglilingkod. Sa pananahanan nila sa gitna ng mga
bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga. Napapaligiran
sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.
Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala
nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan. Wala nang
nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at
nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,
Page 8 of 15
pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo.
Napakapait ng sinapit niya!
Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway, pinapaghirap
siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan. Wala na ang
kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.
Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem. Ang kanyang mga
pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;
nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.
Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng
pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang
araw na nagdaan. Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay
walang sinumang sa kanila'y umalalay; nang sila'y bumagsak,
sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.
Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y
naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon
sa kanya. Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan, sa isang
sulok nanaghoy na lamang.
Ang kanyang karumhan ay di maikakaila, malagim ang kanyang
pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya. Nagtagumpay
ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh.
Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan; ang mga
di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan, ang banal na
Templo'y kanilang nilapastangan.
Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng
pagkain; ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga
kayamanan para lamang mabuhay. “Yahweh, masdan po ninyo
kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!”
“Wala ba kayong pakialam, mga nagdaraan? Hirap na ganito'y
inyo na bang naranasan? Ito'y parusa ni Yahweh dahil sa kanyang
matinding poot.

Ang Salita ng Diyos

B. Salamat sa Diyos

Tignan sa Bibliya at maupo ang lahat matapos ay luluhod


(Luluhod)

Page 9 of 15
Padre Nick:
Ituon natin ang ating paningin sa Panginoong Jesus na
Siyang nagbigay at pinapaging ganap ang ating
pananampalataya.

B. Ituon natin ang ating paningin sa Panginoong Jesus na Siyang


nagbigay at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Padre Nick:
Para sa kaluwalhatian na Kanyang kakamtin nang
iniunat Niya ang kamay sa Krus.

B. Ituon natin ang ating paningin sa Panginoong Jesus na Siyang


nagbigay at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Padre Nick:
Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo

B. Ituon natin ang ating paningin sa Panginoong Jesus na Siyang


nagbigay at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-4 na


kandila at kung 14, ang ika-7 at ika-8

(Umupo)

Lektor: PAGBASA: Panaghoy 3:1-9, 55-57

Ang Salita ng Diyos mula sa aklat ng mga Panaghoy

Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng


Diyos. Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang
liwanag. Walang awa niya akong hinahampas sa buong
maghapon. Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali
ang aking mga buto. Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at
pagdurusa. Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng
kamatayan. Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan
ako ng pader na mataas. Nanambitan man ako at humingi ng
tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin. Susuray-suray ako

Page 10 of 15
sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling ay may pader na
nakaharang.
“O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa
kailaliman ng balon; narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong
takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin,
‘Huwag kang matakot!’

Ang Salita ng Diyos

B. Salamat sa Diyos

Tignan sa Bibliya at maupo ang lahat matapos ay luluhod


(Luluhod)

Padre Nick:
Bagamat Siya ang bugtong na Anak, natutunan ni Jesus
na sumunod dahil Siya’y nagpakasakit.

B. Bagamat Siya ang bugtong na Anak, natutunan ni Jesus na


sumunod dahil Siya’y nagpakasakit.

Padre Nick:
Siya ay naging bukal ng walang hanggang kaligtasan
para sa lahat ng sumusunod sa kanya.

B. Bagamat Siya ang bugtong na Anak, natutunan ni Jesus na


sumunod dahil Siya’y nagpakasakit.

Padre Nick:
Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo

B. Bagamat Siya ang bugtong na Anak, natutunan ni Jesus na


sumunod dahil Siya’y nagpakasakit.

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-5 kandila
at kung 14, ang ika-9 at ika-10

(Umupo)

Page 11 of 15
Lektor: PAGBASA: Panaghoy 5:15-22

Ang salita ng Diyos mula aklat ng mga Panaghoy

Naparam ang kagalakan sa aming puso;ang aming


pagsasaya ay naging pagluluksa. Walang natira sa aming
ipinagmamalaki;“tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”
Nanlupaypay kami,at nagdilim ang aming paningin, sapagkat
iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,mga asong-gubat na lang ang
naninirahan doon. Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari
magpakailanman,ang iyong luklukan ay walang katapusan. Kay
tagal mo kaming pinabayaan.Kailan mo kami aalalahaning muli?
Ibalik mo kami, O Yahweh,sa dati naming kaugnayan sa iyo!
Talaga bang itinakwil mo na kami?Sukdulan na bang talaga ang
galit mo sa amin?

Ang Salita ng Diyos

B. Salamat sa Diyos

Tignan sa Bibliya at maupo ang lahat matapos ay luluhod


(Luluhod)

Padre Nick:
Ituon natin ang ating mga paningin kay Jesus ang
dakilang pari na ating kinikilala sa pananampalataya.

B. Ituon natin ang ating mga paningin kay Jesus ang dakilang
pari na ating kinikilala sa pananampalataya.

Padre Nick:
Tinulungan Niya ang mga tinukso.

T. Ituon natin ang ating mga paningin kay Jesus ang dakilang pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Padre Nick:
Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo

Page 12 of 15
T. Ituon natin ang ating mga paningin kay Jesus ang dakilang pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Papatayin ang kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-6 na


kandila at kung 14, ang ika-11 at ika-12

(Tatayo)

Antipona:
Padre Nick:
Hindi niya sinagip ang kanyang Anak kundi ibinigay
para sa ating lahat

Tatayo at magkrukrus ang lahat

Lahat:
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
At nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking
Tagapagligtas
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng
Makapangyarihan
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng
sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
Pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
At pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
Bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
Kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakilanman!”

Padre Nick:
Papuri sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo.
B. Kapara noong una ngayon at magpasawalang hanggan.

Page 13 of 15
Papatayin ng kandila; Kung 7 ang kandila papatayin ang ika-7 kandila
at kung 14, ang ika-14 at ikaw-14

(Luluhod)

Padre Nick:
Panginoong Jesus Anak ng Diyos na buhay
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Naging masunurin Ka hanggang kamatayan, kamatayan
sa krus.
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Naparito Ka upang maglingkod at hindi paglingkuran
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Sa Iyo natatagpuan namin ang kaligtasan at buhay
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Sa pamamagitan ng Iyong pagdurusa at pagbuhos ng
dugo
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Sa pamamagitan ng Iyong kamatayan at paglilibing
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Sa pamamagitan ng Iyong pagpanaog sa kinaroonan ng
mga yumao
B. Kaawaan Mo kami.

Page 14 of 15
Padre Nick:
Sa pamamagitan ng Iyong muling pagkabuhay at
pag-akyat sa langit
B. Kaawaan Mo kami.

Padre Nick:
Amang maawain tunghayan mo ang Iyong sambayanan
ng may pag-ibig ang pag-ibig na ipinakita ni Jesukristo
nang kanyang ialay ang kanyang sarili sa mga buktot na
tao at magdusa sa krus upang makamit namin ang
buhay sa pamamagitan Niya na aming Panginoon
ngayon at magpasawalang hanggan.
B. AMEN
Papatayin ang lahat ng ilaw ng Simbahan… sandaling tatahimik…
tutugtugin ang matraca o kaya’y tambol at lilisan ang lahat sa katahimikan

Page 15 of 15

You might also like