You are on page 1of 2

DEZIEL MAY O.

BARAN BSED FILIPINO -3B


Hulagway ng Pagwasak sa Kalikasan at Kapaligiran: Ang mga Eko-Panitikang Manobo na
Nagtatanghal ng mga Hamong Ekolohikal ni Fe S. Bermiso
Ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran ay bahagi ng isang pangmatagalang
ugnayan ng mga pangkat-etniko sa kalikasan. Itinuturing ng mga tribong Manobo ang kalikasan
bilang kanilang daigdig sapagkat ito ang tagalikha ng kanilang búhay at nagsisilbing imahen ng
kanilang kultura at tradisyon. Subalit, kaalinsabay sa pagbabago ng panahon at pag-unlad ng tao
ay ang unti-unting pagkawasak at pagkaubos din ng kalikasan. Ito ay nagdulot ng mga hamong
ekolohikal na tao lang din ang may pakana. Mga hamong nagdadala ng banta sa kalikasan na
lubusang nakababahala at nakakaapekto sa kabuhayan at kapakanan ng mga mamamayan.
Nakasaad sa dyornal na ito ang paglalarawan ng mga eko-panitikang bayan ng tribong
Manobo kung paano nawawasak ang kalikasan ng lupang minana ng mga katutubo mula sa
kanilang mga ninuno. Binubuo ng tatlong genre ang mga eko-panitikang bayan at ito ay ang eko-
alamat, eko-kuwento at eko-pabula. Batay sa mga eko-panitikang-bayan ng Manobo na nalikom
at nadalumat sa pananaliksik, napag-alamang nailarawan ng nasabing mga akda kung paano
nawasak ang kalikásan at kung paano ito nakaaapekto sa kabuhayan ng mga katutubo sa Timog
Agusan.
Maraming mga kalakasan ang lubos na nagpatibay at nagpahusay sa artikulong ito.
Unang-una ay ang mahusay na paglalahad ng mga impormasyon lalong-lalo na ang paglalahad
ng mga hamong ekolohikal na kung saan ay mayroon itong mga nakapaloob na eko-panitikang
bayan ng mga Manobo na lalong magpapatibay sa pag-aaral. Ang ginamit na pamamaraan ng
mananaliksik sa paglalatag ng impormasyon ay napakapulido sapagkat ang mananaliksik ay
hindi lamang gumamit ng banggit sa nilalaman nito bilang suporta, bagkus ay ginamitan pa ito
ng mga eko-panitikang bayan mula sa mga katutubong nakatira sa lugar. Bukod pa rito ay
napaka-organisado ng mga ideya, kronolohikal ang estilo ng paglalapat ng mga impormasyon at
datos.
Pangalawang kalakasan ay pagkamit sa resulta ng mananaliksik sa pag-aaral na kung
saan ito ay naglalayon na maihulagway o mailarawan ang mga nagdadala ng mga bantang
ekolohikal. Natuklasan sa pag-aaral ang tatlong komprehensibong hulagway ng mga hamong
ekolohikal gaya ng labis na migrasyon o pandarayuhan, labis na materyalismo o pagkagahaman
sa materyal na bagay, at mga pagbabago na nakasasama sa kalikasan na may kaakibat na mga
eko-panitikang bayan bilang suporta. Samakatuwid, ang mga eko-panitikang-bayan ng tribong
Manobo na sinuri at dinalumat sa pag-aaral ay nakapaglalarawan ng relasyong minatori sa
pagitan ng tao at kalikasan.
Pangatlong kalakasan ng pag-aaral ay ang paggamit ng kwalitatibong disenyo ng
pananaliksik na lubos na naaangkop sa paksang tinatalakay. Naangkop ang ginamit na disenyo
upang masuri kung ano-anong bantang ekolohikal ang dala ng tao sa kalikasan at masiyasat ang
ugnayan ng kalikasan at kultura ng mga katutubong Manobo sa nasabing lugar. Pang-apat,
mahusay din ang ginamit na metodo ng mga mananaliksik. Ang mananaliksik ay nagsagawa ng
Key Informant Interview (KII) at Focus Group Discussion (FGD) para makuha ang mga
panitikang-bayang Manobo at mabigyan ng pag-unawa ang mga ito ayon sa kanilang konteksto.
Gumamit din ng purposive criterion sampling ang mga mananaliksik para sa pagpili ng mga
bayan ng Timog Agusan bílang hanguan ng datos-pananaliksik. Sa pamamagitan ng paggamit ng
mga metodong ito ay mas magiging epektibo ang pag-aaral at mas maaatim talaga ang resulta na
nais makamtan ng mga mananaliksik.
Panghuling kalakasan ng artikulo ay ang komprehensibong pagkakalahad nito sa
kongklusyon na isa sa pinakamahalagang bahagi sa isang pananaliksik. Mahusay na nailatag dito
ang tatlong hulagway o larawan ng pagwasak ng kalikasan na naipamalas ng mga ekopanitikang
Manobo. Ang pagkawasak ng kalikasan ay nailarawan sa pakikipagtunggali laban sa
nakaambang mga banta ng kalikasan gaya ng labis na pandarayuhan, labis na materyalismo, at
mapangwasak na mga pagbabago.
Sa kabilang banda ay wala akong gaanong nakitang bahagi o parte na nangangailangan
pa ng pagpapahusay sapagkat para sa akin ang ginawang pag-aaral ni Fe S. Bermiso ay
napakakomprehensibong pananaliksik. Nakamit niya talaga ang inaasahang resulta at ito ay
maihulagway o mailarawan ang pagkawasak ng kalikasan at kapaligiran at maipakita ang mga
hamong ekolohikal na nangyayari sa mga katutubong Manobo. Ang sa tingin ko lang na
nangangailangan ng kaunting pagpapahusay ay pagdagdag pa ng mga kaugnay na pag-aaral at
literature sa bawat hamong ekolohikal na ipinakita upang lubusang mapagtibay ang pag-aaral.
Napansin ko kasi na kakaunti lamang ang kaugnay na pag-aaral na nabanggit.
Bilang dagdag na tala sa mga parte na nangangailangan ng pagpapahusay ay maglikom at
dagdagan pa ang mga eko-panitikang bayan na nakalap. Sa aking pagkaka-alala ay ang ilan sa
mga akdang eko-panitikang bayan ay paulit-ulit lamang na inilalatag sa bawat hamon bilang
pagpapaliwanag. Mas mabuti na dagdagan ito ng kahit dalawa o tatlong akda lamang ng hindi ito
paulit-ulit na ibinabanggit sa pananaliksik. Wala na akong mapupuna sa pag-aaral na ito sapagkat
sa kabuuan ay maayos, malinaw at malaman ang mga detalye nito.
Ang paggamit ng teoryang ekokritisismo sa pananaliksik ay lubos na nakatutulong sa
paglalarawan sa isang dulog na nakaangkla sa pagpapalagay na may ugnayan ang panitikan at
ang pisikal na kapaligiran. Ginamit ang teoryang ito upang maipakita ang danas ng kalikasan
bunsod sa labis na pandarayuhan, labis na materyalismo, at mapangwasak na pagbabago na mga
hamong ekolohikal na nagdadalá ng banta sa kalikasan. Bukod pa dito, ginamit din ang nasabing
teorya upang masuri ng awtor kung paanong mapalalawak ng panitikan ang paksa hinggil sapag-
iingat, pangangalaga at pagbibigay-babala ng kalikasan sa tao upang mapanatili ang kaayusan ng
mapayapang buhay sa daigdig.
Ayon kay Glotfelty, ang ekokritisismo ay tinatawag ding Green Studies na kapwa
nangangahulugang isang kritikal na dulog sa pagbasa ng panitikan. Ipinapahiwatig nito na ang
teoryang ekokritisismo ay pinaikling anyo ng pinaikling anyo ng “Ecological Literary Criticism”
na nagtatanghal sa kalikasan hindi lamang bilang teksto kundi isang indibidwal na may sariling
entidad na maymalaking papel bilang protagonist ng akda. Ito lamang ay nangangahulugan na
ang teoryang ito ang magsisiwalat kung ano ang nangyayari at kalagayan ng kalikasan mula sa
mapang-abusong kamay ng mga tao. Ito ang magbibigay puna sa mga kilos at aksyon na
isinagawa ng mga nandarayuhang tao sa panlingan o lugar ng mga manobong katutubo. Dahil sa
pag-gamit ng mga solusyon sa mga problema na naka-angat sa ekokritisismo, nabibigyan ng
pagkakataong makakita ng paraan upang mabigyang pansin ang mga isyu sa publiko lalong-lalo
na sa bayan ng Timog Agusan. Bukod dito, ang pagdami ng paraan ng literatura ay nagbibigay
ng oportunidad ng maraming posibleng paraan sa pagbibigay aral sa tunay na aksyon at epekto
ng ating natural na pangangailangan o ang ating ekolohiya.
Sa kabuuan mahusay ang papel pananaliksik na ito, lubos nitong naipakita ang kalagayan
at danas ng kalikasan. Samakatuwid, ang mga eko-panitikang-bayan ng tribong Manobo, na
nasuri at nadalumat sa pag-aaral ay nagbigay-diin sa pagpapahina sa impak ng mga distraksiyon
na dalá ng tao sa kalikásan. Ito ang nangingibabaw sa eko-kritisismong minatori o Green Studies
(Barry 218). Nailarawan ng mga panitikang-bayan ang hindi makatarungang pakikipag-ugnayan
ng tao sa kalikásan na siyáng sanhi ng pagkawasak ng kalikasan.
SANGGUNIAN
Barry, Peter. “Eco-criticism.” Beginning Theory: An Introduction to Literary and Cultural
Theory, 3rd ed, 2009, pp. 218-255. Manchester University Press.
Bermiso, Fe. "Hulagway ng Pagwasak sa Kalikásan at Kapaligiran". Ang mga Eko-Panitikang
Manobo na Nagtatanghal ng mga Hámong Ekolohikal, blg. 1, 2020, pp.159-177. Hasaan,
https://hasaan.ust.edu.ph/.
Lisondra, Giselle. "Ekokritisismo". pdfcoffee.com, https://pdfcoffee.com/ekokritisismo-pdf-
free.html Na-akses noong 8 Marso 2023.

You might also like