Naaalala ko pa kung kailan ko napanood ang pelikulang ABNKKBSNPLAko, panahon din ‘yun ng aking panonood ng pelikulang The Day After Valentine’s. ‘Yung unang pagkakita ko talaga sa pamagat ng pelikula ay naakit agada ko kaya ko talaga pinanood. At bigla kong naalala noon na teksto nga muna pala ito sa libro bago maging pelikula na isinulat ni Bob Ong. Sa panimula ng aking repleksyon sa pelikulang ito, magbibigay pahapyaw muna tayo sa nilalaman ng ABBNKKBSNPLAko. Ito ay tungkol sa buhay ng isang simpleng bata na siyang nararanasan ang mga karanasan ng pangkaraniwang mga bata. Isang partikular na senaryo rito ang pag-ikot sa buhay ng bata nang buhay estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo. Ipinakilala ang bidang karakter bilang si Roberto na kasa-kasama ang kanyang mga naging kaibigan hanggang sa magkaroon na sila ng kanya-kanyang trabaho at ito ay sila Ulo at Portia. Ang huling tauhan naman ay siya ring mahalaga sa kwento, si special someone, tunay ngang nabighani si Roberto sa kanya sapagkat hanggang sa kanilang high school reunion ay hindi pa rin nawala ang pagmamahal na naramdaman niya rito na kalaunan at pampatapos ng kwento ay nagkatuluyan din naman ang dalawa. Ang kwento ng pelikulang ito ay simple lamang pero para sa akin ay tatatak talaga ito sa puso ng mga ito at masasabi kong maganda ang laman ng pelikula sapagkat ang bawat hibla ng kwento ng isang simpleng bata ay nabigyang kulay sa pamamagitan ng mga tauhan na gumanap at iyong mga linyang binibitawan ng mga tauhan sa buong kwento. Sa panonood ng pelikulang ito tunay mong masasalamin ang buhay mo bilang estudyante, kasalukuyan ka pa rin mang nag-aaral o hindi na. Dito ay hindi ka talaga mabibitin sa kwento. Simula sa buhay sa elementarya kung saan madalas kang mapahiya sa harap ng klase sapagkat wala ka pang ganoong kamuwang-muwang sa mundo pero ayos lang sapagkat hindi ka naman napapahiya dahil sa sadya ng mga guro o ng iyong mga kamag- aral kung hindi ay may natututunan ka mula sa mga ito at dito na rin unti-unting nahuhulma ang iyong pagkatao. Pagdating ng sekondarya o mas kilala sa tawag na hayskul, sobrang naipakita talaga sa pelikulang ito ang iba’t ibang katauhan ng mga estudyante sa panahong ito sa pamamagitan ng mga pagpapakita ng iba’t ibang samahan at kalokohan mapasa loob man o labas ng paaralan. Masasabi ko mula sa panonood na hayskul nga talaga ang pinakamasaya at pinaka hindi malilimutang taon nang pag-aaral dahil sa hindi ka lang natututo rito bagkus ay mas nakikilala mo pa ang iyong sarili. Pagtungtong naman ng kolehiyo, rito na talaga kayo maghihiwa-hiwalay pansamantala ng mga matatalik mong kaibigan noong hayskul. Ang maganda sa pelikula ay talaga namang para akong nasa taong 80’s hanggang 90’s dahil sa ugaling ipinakita ng mga tauhan na kahit nagkahiwa-hiwalay sila sa kolehiyo ay hindi pa rin nawala iyong tibay ng samahang nabuo nila mula elementarya hanggang hayskul. Rito ko napagtantong nag-iba na talaga ang ibang kultura ng Pilipinas sa kasalukuyan sapagkat hindi na ganoon nakikita ang pag-uugaling ito sa mga Pilipino sa ngayon. Isang pruweba pa rito ay iyong pananatili ng tunay na samahan ng tatlong magkakaibigan hanggang sa magkatrabaho sila. Sa kabuuan, isa lamang ang natutunan ko sa takbo ng pelikula. Ito ang sulitin ang bawat oras na kasama natin ang ating mga kaibigan sa paaralan lalo na sa hayskul. Hangga’t maaari ay maging bukas tayo sa isa’t isa upang hindi maputol ang ugnayang nabuo natin sa simula. Sa oras na masaya ang lahat, magsaya tayo habang kung ang lahat naman ay lugmok o malungkot magbigay galang tayo sa nararamdaman ng bawat isa at kung maaari ay gumawa nang magandang paraan upang mapasaya muli ang mga lugmok at malulungkot. Ang isang matibay na samahan ay hindi maglalaho kung maalam tayo sa tamang paglapat ng tamang komunikasyon, pagmamahal, at respeto sa bawat isa. Ngunit lagi ring tandaan na magtira para sa sarili sapagkat hindi natin masasabi kung tunay ngang magtatagal ang inyong mga nabuong samahan.