You are on page 1of 4

Halo Halo Espesyal

Tanghaling tapat nang tula ay simulan.


Limampung mag-aaral, nasa harapan.
Sa gutom at init na nararamdaman,
Ewan, halo halo ang nasa isipan.

Kung para sa akin, itong pagtuturo…


Ay hawig ng espesyal na halo halo.
Sarap nito ay hindi makukumpleto,
Kung ang lahok mo lamang ay puro yelo.

Sa ating klase, hindi baga’t kaytamis,


Kung may anak ka na asukal ang wangis.
May problema ka man, lungkot at hinagpis.
Sa bawat ngiti’y matutunaw ng mabilis.

Marami ri’y tila gulaman at sago.


Mga batang may makukulay na kwento.
Malambot, matigas, hindi sigurado.
Sa tamang payo, isip ay nagbabago.

‘Di rin mawawala, ube sa’king baso.


Tulad ng mga batang masigla’t bibo.
May’rong sulirani’y nagbabalatkayo.
Alaming mabuti kung tunay at puro.

Nata at kaong, makunat kung kainin.


Lulubog, lilitaw at kulang sa pansin.
Kakaunti man, kailangang hanapin.
Sa hangarin na sila ay patutuhin.

Hindi matamis at hindi rin matabang.


Gatas, nagbibigay lasa at linamnam
Gayundin ang gurong kinagigiliwan.
Ang pagkakaiba’y nauunawaan.

Tuyong lalamunan, tuloy ay natakam.


Sa pagsusulat, tiyan ay kumakalam.
Naku!..Malayo pa pala ang swelduhan.
Iinom na lang muna sa baong tapayan.

Pangaw
Dalamhati…
Sikil sa pag-aglahi.
Lipos ng pagsisisi.
Dayukdok sa kandili
Dahil sa pagkakamali.

Disiplina…
Baligho ma’t pasaliwa,
Pananalig at panghihinawa.
Simbolo’y tanikala
Parusang nagsisilbing babala.

Dalisay…
Hangaring ituwid,
Diwang nakapinid.
Mapukaw nawa kapatid
Pusong may balakid.

Dasal…
Sa pagtatapos ng pagpapagal.
Matapos matigmak at masakal
Magpatuloy ng may pagmamahal
Karanasan ay magsilbing aral

Pangaw…
Parusa sa nagkamali.
Subalit sa marami,
Sangkap sa pagpapanatili
Matiwasay na mga sandali.
Paalam
Paalam…
Masakit man at luhaan.
Ito ba’y kaparusahan?

Paalam..
Hindi dahil pumanaw ka
Kung ‘di dahil lumisan ka.

Paalam…
Kung gaano katagal ika’y hinintay
kaybilis mong nahulog sa ibang kamay.

Paalam…
Masakit man sa kalooban.
Kailangan ika’y pakawalan.

Paalam..
Hindi ka pa dumarating.
Wala pa man saking piling.

Paalam…
sweldo.

You might also like