You are on page 1of 14

Modyul 1

KALIKASAN AT SIMULAIN NG RETORIKA

MGA LAYUNIN:
1. Natutukoy at naisa-isa ang mga tuntunin ng maretorikang pagpapahayag.
2. Nakapagsasagawa ng positibong saloobin sa paggamit ng wikang Filipino
at naiaangat ang antas nito sa pagiging matiyaga sa pagbuo ng
akademikong gawain.
3. Nailalahad ang kahalagahan ng pag-aaral ng retorika.

RETORIKA: Kahulugan at Pahapyaw na Kasaysayan


Ano nga ba ang Retorika? Nagmula sa salitang griyego na Rhetor ang
salitang retorika na nangangahulugang “guro” o isang taong mahusay magtalumpati
o isang mahusay na orador. Ito ay tumutukoy sa sining at agham ng pagpapahayag
na pasalita o pasulat. Tinatawag din itong “sayusay”. Ang pasalitang retorika ay
tinatawag na oratoryo.

RETORIKA: KLASIKO AT KONTEMPORARYONG DEPINISYON


Batay ang klasikong pagpapakakahulugan ng retorika sa mga dalubhasa na
pinag-aralan at sinaliksik ang kaisipan ng retorika samantalang ang
kontemporaryong pagpapakahulugan nito ay halaw sa mga mananaliksik sa
kasalukuyang panahon.
Sa Klasikong pagpapakahulugan matutunghayan na ang ating mga kaisipang
ipinapahayag ay kinakailangang maging mapanghikayat. Kinakailangan na makuha
ang interes o atensiyon ng ating mga tagapakinig upang ating mahikayat ang mga
ito sa ating pagpapahayag.
Ayon kay Socrates, estudyante ni Plato at guro sa Athens, ang retorika ay
isang siyensya ng panghihimok o panghihikayat. Ayon din sa kanya, ang retorika ay
ang kakayahang maanino, mawari o makilala sa bawat kaso ang makukuha o
magagamit na paraan ng panghimok. Samakatuwid, ang bawat kaisipan na ating
pinapahayag ay kailangang mayroong mga pamantayan kung papaano natin
mapapaayon ang ating mga awdyens.
Maliban dito, inilarawan ni Aristotle, isang pilosopong griyego, na ang
tungkulin ng retorika ay hindi bilang isang panghihikayat. Binigyang-diin niya sa
kanyang akdang Rhetoric na ang pagtatagumpay ng argumento ay sa pamamagitan
ng katotohanan at hindi ng panghihikayat sa apil ng emosyon. Ito ay tinutulan
naman ni Plato, isang griyegong pilosopo, sa kanyang akdang Gorgias na kung
saan ipinahayag niya na sa teknikal na pagdulog sa retorika binibigyang-diin ang
panghihikayat kaysa sa katotohanan.
Sa Kontemporaryong pag-aaral ang retorika, kinakailangan ang sining sa
pagpapahayag sa paraang pangangatwiran na ang pangunahing layunin ay ang
wastong pagpili ng mga salita upang palakasin ang pagkilala ng mga awdyens sa
argumento kaya marapat na gamitin ang wastong mga salita upang magkaroon ng
indayog at kaakit-akit ang bawat mga kaisipang ating inilalahad.
Ayon kay Panganiban, ang retorika ay ang sining ng maayos na pagpili ng
wastong salita sa loob ng isang pahayag upang maunawaan, mahikayat at kalugdan
ng mga nakikinig o bumabasa.
Samantala, si Sebastian ay nagsabing, ang retorika ay isang mahalagang
karunungan sa mabisang pagpapahayag. Isang sining ng maganda at kaakit-akit na
pagsasalita at pagsulat. Ito ay tumutukoy sa mga batas ng pag-aaral kung papaano
maging kaakit-akit, kanais-nais, malinaw at mabisa ang pagpapahayag.
Ayon sa pag-aaral nina Bisa at Sayas, ang retorika ay sining ng mabisa at
magandang pagpapahayag. Dagdag pa nila, ang retorika ay isang sining o agham
sa pagsulat ng kathang pampanitikan.
Para kay Mendiola, ang kaayusan ng salita ay idinidikta ng gramatika at ang
pagpili ng salita ay sa retorika.
Ang pag-aaral sa maayos na pagpili ng mga salita upang tayo ay makabuo
ng mga pangungusap ay kinakailangang gayundin ang malawak nating kaalaman sa
pag-aaral sa mga tuntuning pambalarila.
RETORIKA: KATANGIAN
Sa website na hitp //wwwgsu.edu, matutunghayan ang mga Iskolarting
depinisvon ng retorika. Dinepayn at inilarawan ang disiplinang ito ayon sa mga
pangunahing awtoridad sa larangang ito sa ba’t ibang lokasyon at panahon.
Narito ang llan sa mga ito:
1. Retorika ang pakulti ng pagtuklas ng lahat ng abeylabol na paraap, paghikayat
sa anomang partikular na kaso (Aristotle).
2. Retorika ang art of winning soul sa pamamagitan ng diskurso (Plato)
3. Ang retorika ay pagpapahayag na dinisenyo upang makapanghikayat (Cicero).
4. Ang retorika ay sining ng mahusay na pagsasalita (Quintillian).
5. Ang tungkulin ng retorika ay maiaplay ang katwiran sa imahinasyon para sa
higit na mabuting pagkilos ng disposisyon (Francis Bacon).
6. Ang retorika ay isang arte o talento na pinaggagamitan ng diskurso tungo sa
layuning maglinaw ng pag-unawa, umaliw ng imahinasyon, magpakilos ng
marubdob na pagnanasa o makaimpluwensiya ng disposisyon (George
Campbell).
7. Ang retorika ay isang sining ng pagbabalangkas ng argumento upang
mapahalagahan ng mga tagapakinig/mambabasa (Philip Johnson).
8. Ang retorika ay sining, praktis at pag-aaral ng komunikasyong pantao (Andrea
Lunsford).
9. Ang pinaka-karakteristik na konsern ng retorika ay ang manipulasyon ng
paniniwala ng mga tao para sa isang tunguhing pampolitika; ang salalayang
tungkulin nito ay ang paggamit ng mga salita upang hubugin ang atityud at
pakilusin ang ibang tao (Kenneth Burke).
10. Ang retorika ay maaaring maiugnay sa enerhiyang inherent sa
komunikasyon: ang emosyonal na enerhiyang nagbubunsod sa isang tao na
magsalita, ang pisikal na enerhiyang ginagamit sa pagsasalita, ang antas ng
enerhiyang nasa likod ng mensahe at ang enerhiyang nararanasan ng
tagatanggap sa pag-eenkowd ng mensahe (George Kennedy).
11. Ang retorika ay isang paraan ng pag-aalter ng reyalidad hindi Sa
pamamagitan ng direktang aplikasyon ng enerhiya sa mga bagay-bagay, kundi
sa pamamagitan ng paglikha ng diskursong nakakapagpabago ng reyalidad...
(Lloyd Bitzer).
12. Ang retorika ay disiplinang nakatuon sa pag-aaral ng lahat ng mga paraang
ginagamit ng mga tao upang makaimpluwensiya ng paglisip at gawi ng iba sa
pamamagitan ng strategic na paggamit ng mga simbolo (Douglas Ehninger).
13. Ang retorika ay isang instrumental na paggamit ng wika. Ang isang tao ay
nakikisalamuha sa ibang tao sa pamamagitan ng palitan ng mga simbolo tungo
sa isa o mga layunin. Hindi ito komunikasyon para sa kapakanan ng
komunikasyon lamang. Ang retorika ay komunikasyon na nagtatangkang
ikoordineyt ang mga panlipunang pagkilos. Dahil dito, ang retorikal na
komunikasyon ay lantarang pragmatik. Ang layunin nito ay impluwensiyahan ang
pagpapasya ng mga tao hinggil sa mga ispesipikong bagay na nangangailangan
ng agarang atensyon (Gerard A. Hauser).
14. Ang retorika ay proseso ng paggamit ng wika upang mag-organays ng
karanasan at maikomyunikeyt iyon sa iba. Ito ay isa ring pag-aaral ng paraan ng
paggamit ng wika ng tao sa pag-oorganays at pagkokomyunikeyt ng mga
karanasan... (C.H. Knoblauch).
15. Ang retorika ay isang pag-aaral kung paano ginagamit ng tao ang wika at iba
pang simbolo upang isakatotohanan ang mga layuning pantao. Ito ay isang
praktikal na pag-aaral na nagbibigay sa tao ng matinding kontrol sa kanilang mga
simbolikong gawain (Charles Bazerman).
16. Ang retorika ay isang strategic na paggamit ng komunikasyon, " pasalita o
pasulat, upang makamit ang mga tiyak na layunin (The Art of Rhetorical
Criticism).
Bilang pagialagom, ang retorika kung gayon ay isang teorya at praktika ng
pagpapahayag o elokwens, pasalita man o pasulat. Ang pasalitang retorika ay
tinatawag na oratoryo. Binibigyang-kahulugan ng retorika ang Mga tuntunin sa
pagsulat ng komposisyon at pagdedeliber ng oratoryo na dinisenyo Upang
makaimpluwensiya sa pagpapasya o damdamin ng ibang tao (http encartg
msn.com).

RETORIKA: PAHAPYAW NA KASAYSAYAN


Klasikal na Retorika
Pinaniniwalaang nagsimula ang retorika bilang isang sistema o paraan ng
pagtatalo sa Syracuse, isang matandang lungsod na matatagpuan sa isla ng Sicily
noong ika-5 siglo bago dumating si Kristo. Makaraang bumagsak ang kanilang
pamahalaang diktaturyal, ang mga mamamayan doon ay binigyan ng pagkakataong
dumulog at ipagtalo sa hukuman ang kanilang karapatan sa mga lupang ipinagkait
ng nakaraang rehimen.
Sinasabing ang aktwal na tagapagtatag ng retorika bilang sining ay si
Corax, isang Sicilian na nagpanukala kung paano ilalahad ang argumento upang
makuha ang simpatiya ng mga tagapakinig. Sinabi niya, ang retorika ay artificer o
persuasion (panghihikayat) at umakda ng unang handbook hinggil sa sining ng
retorika. Si Antiphon naman, unang tinaguriang Ten Attic Orators, ang kauna-
unahang nagsanib ng teorya at praktika ng retorika. Ngunit si ISOCRATES, ang
dakilang guro ng oratoryo noong ikaapat na siglo BC, ang nagpalawak sa sining ng
retorika upang maging isang pag-aaral ng kultura at isang pilosopiya na may
layuning praktikal. Ayon sa kanya, ang talumpati ay kailangang magtaglay ng
maiindayog at magagandang pagkakatugma ng mga salita. Samantala, si Homer
ang kinikilala ng maraming griyego bilang “Ama ng Oratoryo” dahil sa kanyang akda
na “Illiad”.
Mula nang naitatag ang demokratikong institusyon sa Athens noong 510 b.c.
naging esensyal na pangangailangan na ang oratoryo kaya isang pangkat ng mga
guro ang nakilala na tinawag nilang Sophist. Si Protagoras ang kauna-unahang
sophist at nagsagawa ng pag-aaral sa wika at nagturo sa mga mag-aaral kung
paanong ang mga mahihinang argumento ay magagawang malakas sa isang
pahayag o talakayan.
Habang sa Roma, isa sa kinilalang batikang orador si Cicero. Ayon sa kanya,
kailangan ang mananalumpati ay maging mabuting tao muna bago maging
mananalumpati. Kasama niya si Quintillian na naging isa sa unang guro ng pormal
na retorika. Sila ang tinaguriang dakilang maestro ng retorikal at praktikal na
retorika. Ayon kay Quintillian, ang retorika ay sining ng mahusay na pagsasalita.
Si Cicero ang umakda ng On the Orator, Institutio Oratoria at The Training of
an Orator na hanggang sa kasalukuyan ay ipinapalagay na masusing pagdulog sa
mga simulain ng retorika at sa kalikasan ng elokwens. Hanggang sa unang apat na
siglo ng Imperyo ng Romano, ang retorika ay itinuro ng mga tinatawag na Sophist
na sa panahong iyon ay naging isang titulong akademiko.
Ilan lamang sila sa mga kinikilalang nagpasimula at nag-aral tungkol sa
retorika at hanggang sa kasalukuyan ang kanilang mga paniniwala at kaisipan ay
ginagamit at patuloy na pinapalawak sa modernong retorika.
Mula sa kanilang kaisipan, matutunan natin na ang bawat mga
pagpapahayag ay kailangan magkaroon ng kaisahan at ritmo ang mga salita upang
lalong maging kanais-nais ang mga ito. Sa ating paglalahad ng mga kaisipan o mga
maretorikang pagpapahayag kinaikalangang maging mapanuri tayo, hindi lamang sa
paligid kundi na rin sa ating sarili sapagkat ang retorika ay isang mataas na sining
ng pagpapahayag.
Retorika sa Gitnang Panahon/Midyibal at Renasimyento
Sa gitnang panahon, ang retorika ay isang sabdyek ng trivium o tatlong
sabdyek na preliminari ng pitong liberal na sining sa mga unibersidad, kasama ang
gramar at lohika. Ang mga pangunahing midyibal na awtoridad sa retorika ay tatlong
iskolar sa ikalima, ikaanim at ikapitong siglo: sina Martianus Capella, awtor ng isang
ensayklopidya ng pitong liberal na sining (aritmitik, astronomi, geometry, musika,
gramar, lohika at retorika); Flavius Magnus Aurelius Cassiodorus, isang historyan at
tagapagtatag ng mga monasteryo na umakda ng Institutiones Divinarum et
Humanarum Lectionum; at si San Isidore ng Seville, isang Kastilang arsobispo na
nagkompayl ng isang akdang ensayklopedik tungkol sa ancient world. Sa panahong
ito, ang retorika ay nakasumpong ng praktikal na aplikasyon sa tinawag na tatlong
artes: paggawa ng sulat, pagsesermon at paglikha ng tula.
Sa panahon ng Renasimyento (ika-14 hanggang ika-17 siglo), ang pag-aaral ng
retorika ay muling ibinatay sa mga akda ng mga klasikal na manunulat tulad nina
Aristotle, Cicero at Quintillian. Ilang mga kontemporaryong disertasyon ang nalikha
sa panahong ito, kabilang ang The Art or Crafte of Thethoryke ng Inglaterong
punongguro at manunulat na si Thomas Wilson. Noong ika-16 na siglo, nakilala sina
Pierre de Courcelles at Andre de Tonquelin, mga retorisyanong Pranses. Sa buong
panahon ng Renasimyento, ang retorika ay itinakdang sabdyek sa mga kolehiyo at
unibersidad na may kalakip na pagsasanay sa publiko at mga kumpetisyon na
nakatulong upang panatilihing buhay ang praktika ng retorika.
Modernong Retorika
Sa simula ng ika-18 siglo ay nabawasan ang importansya ng retorika,
bagama’t sa teoretikal na aspeto lamang at hindi sa praktikal, sapagkat nagpatuloy
ang paglaganap ng mga oportunidad para sa epektibong oratoryo sa pulitikal na
arena. Sa ikalawang hati ng siglo, patuloy na nabawasan ang mga eksponent ng
retorika. Mangilan-ngilan lamang ang mga kaugnay na akdang naging popular sa
panahong ito, kabilang ang Lectures on Rhetoric (1783) ng paring Scottish na si
Hugh Blair, Philosophy of Rhetoric (1776) ni George Campbell, isang teologong
Scottish at ang Rhetoric (1828) ni Richard Whately, isang Britong eksperto sa lohika.
Sa unang hati ng ika-20 siglo, nagkaroon ng muling pagsilang ang pag-aaral
ng pormai na retorika bunga ng pagganyak ng mga eksponent ng semantika, isang
agham ng lingguwistika. Ito ay naganap sa kabuuan ng lahat ng mga bansang
gumagamit ng wikang Ingles sa daigdig. Ang mga modernong edukador at
pilosopong nakagawa ng mga mahahalagang kontribusyon sa pag-aaral na ito ay
sina I.A. Richards, isang Britong kritiko ng literatura at Kenneth Duva Burke at John
Crowe Ramsom, mga Amerikanong kritiko rin ng literatura.
RETORIKA: SANGKAP NG MABISANG PAGPAPAHAYAG
1. Ethos- kung paanong ang “karakter” o kredibilidad” ng tagapagsalita ay
nakaiimpluwensya sa tagapakinig/awdyens para ikunsidera na kapani-paniwala ang
kanyang sinasabi. Kung ang tagapagsalita ay kilala bilang isang awtoriti sa paksang
kanyang tinatalakay tulad ni Al Gore na isang awtoriti sa Global Warming dahil sa
kanyang pag-aaral sa nasabing paksa na prenesenta niya sa mundo.
2. Pathos- ang paggamit ng emosyon ng tagapagsalita upang mahikayat ang
tagapakinig/awdyens na mabago ang kanilang desisyon. Nang-aakit ang kanyang
pananalita gamit ang emosyon. Nagagawa ito sa pamamagitan nang paggamit ng
metapora, amplifikasyon ng boses, pagkukuwento at pagrerepresenta ng paksa na
nang-aakit ng damdamin ng kausap.
3. Logos- ito ay ang paggamit ng katwiran/rason upang bumuo ng mga argumento.
Ang apela sa logos (logos appeal) ay maaaring maipakita sa paggamit ng
istadistika/istatistiks, matematika, lohika (logic) at objectivity.
RETORIKA: Saklaw
1. Tao/ Mga Tao. Tumutukoy ito sa mga tao o lipunang makikinig o di- kaya’y
babasa ng isinulat o ipinahayag ng manunulat. Ang bawat ipinahahayag, oral man o
berbal ay tiyak na may patutunguhan sa tulong ng pokus ng talakay.
2. Kasanayan ng manunulat. Kung walang kasanayang pansarili ang manunulat
mahirap magkaroon ng sining ang mabisang pahayag. Ang kasanayan sa
pagpapahayag ay denebelop upang ibahagi sa iba at di sarilinin.
3. Wika. Ang wika ay sadyang makapangyarihan. Nagagawa nitong maging kilala
at hinahangaan ang isang tao dahil sa kagalingan nitong gamitin ang wika.
4. Kultura. Malaki ang kinalaman ng kultura sa pagpapaunlad ng sinabi o
ipinahayag dahil anumang gampanin ng isang mamamayan, tuwina ito’y saklaw ng
kulturang kinabibilangan. Kabilang dito ang mga pinaniniwalaan, mga tradisyon,
wika, awit at iba pa.
5. Sining. Kumakatawan ito sa taglay na galing o talino ng manunulat o mananalita
sa larangan ng pagsasalita o pagsusulat. Pumapasok dito ang taglay na
pagkamalikhain ng taong gumagawa ng masining na pahayag.
6. Iba Pang Larangan. Ngunit ang retorika ay hindi lamang eksklusibo sa larangan
ng Wika, Sining, Pilosopiya at Lipunan. Sino mang tao, saan mang larangan ay may
pagnanasang maging mabisa sa pagpapahayag. Sa ano mang larangan, hindi
maaaring hindi magsasalita o magsusulat ang mga taong kasangkot doon.
Samakatwid, maging sa ibang larangan, ang retorika ay may malaking kinalaman.
ANG RETORIKA BILANG SINING
Higit ang kabisaan ng pagpapahayag kung naipakikita ang kasiningan sa
tulong ng paglalakip ng wastong gramatika at angkop na retorika sa mga
pangungusap. Ang kasiningan ng pagpapahayag ay naipamamalas sa paggamit ng
angkop at tamang mga salita at parirala sa loob ng pangungusap batay sa
kahulugan at damdaming nais ipaabot ng nagsasalita o nagsusulat. Nagiging
mabisa lamang ang ano mang pagpapahayag na pasalita o pasulat kung may
kasiningan, kawastuhan at kagandahan ang pagpapahayag. Malaking tulong ang
pag-unawa sa pag-aaral ng retorika.
Maituturing na isang sining ang retorika sapagkat kaakibat nito ang paggamit
ng wika. Wika ang ginagamit sa lahat ng aspeto ng buhay ng isang tao. Sina
Bernales et al. (2002) ay nagbigay ng mga katangian ng retorika bilang isang sining.
Man dito ay ang mga sumusunod:

1. Kooperatibong sining. Hindi magagawa ng isang tao nang mapag-isa ang


wika. Kailangan niya ng kausap upang makipag-interaksyon sa iba.
2. Pantaong sining. Ang wika ay nilikhang eksklusibo para lamang sa tao. Ang
tao lamang ang nakahahawak ng kanyang wika sa paraang kanyang
nalintindihan o nauunawaan siya ng kanyang kausap. Nilikha ang wika para
gamitin ng tao.
3. Nagsusupling na sining. Dumarami ang mga likhang-sining dahil sa wika.
Nagsusupling ang wika mula sa isang simpleng ideya at nakabubuo ng mga
akda. Nababasa ito at napalalawak ang kaalaman ng mga mambabasa at mula
sa kanyang binasa ay maaari rin siyang makalikha ng bagong obra o likhang-
sining.
4. Limitadong sining. Lahat ng bagay sa mundo ay may limitasyon. Tulad na rin
ng paghawak sa wika o ang kaalaman sa wika. Hindi lahat ng naalisip natin ay
maaaring maisulat o maipahayag sapagkat maaaring limitado ang mundong
ginagalawan natin pagdating sa wika. Hindi lahat ng wika sa daigdig ay alam
natin, dahil dito, nagiging limitado ang ating kaalaman sa pagpapahayag o
paggamit ng wika.
5. Kabiguang sining. Kapag ang isang bagay ay hindi natin magawa, ito’y
magdudulot ng kabiguan sa atin. Tulad na lang kapag gustong-gusto mong
magsulat ng isang awitin subalit hindi mo ito maisatitik nang wasto, ito’y
magdudulot ng kabiguan sa isang taong nais ipahayag ang kanyang sarili.
6. Temporal na sining. Ang lahat ng bagay sa daigdig ay pansamantala lamang.
Sabi nga “walang permanente sa mundong ibabaw kundi ang pagbabago”.
Tulad ng wika na temporaryo lamang, ito’y maaaring magbago, mapalitan o
mamatay. Kapag may nagaganap na pagbabago sa kabihasnan, tiyak na
magbabago rin ang wika. Tulad ng pagsusulputan ng mga makabagong
kagamitan sa komunikasyon, nagbabago rin ang bokabularyo ng mga taong
gumagamit nito.
RETORIKA: KANON
Ang retorika, bilang isang sining, ay nahahati sa limang pangunahing kategorya
o kanon:
1. Imbensyon
2. Pagsasaayos/Arrangement
3. Estilo
4. Memorya
5. Deliberi/Paghahatid
Ang limang kanon na ito ay naglalarawan sa mga larangan ng atensyon sa
retorikal na pedagogy, dapat tandaang hindi lamang ito ang edukasyonal na
templeyt para sa disiplina ng retorika. Mayaman ang literatura ng retorika sa
mga pagtalakay hinggil sa mga ugat o hanguan ng retorikal na abilidad at mga
ispesipikong uri ng mga retorikal na pagsasanay para sa paglinang ng pasilidad
sa lingguwistika.

Ang imbensyon ay mula sa salitang Latin na Invenire na ang kahulugan ay to


find. Samakatuwid, ang kanon na ito ay nakatuon sa karaniwang kategorya ng pag-
iisip na naging kumbensiyonal nang hanguan ng mga retorikal na materyales.
Tinatawag itong topics of Invention o topoi sa Griyego. Ang mga halimbawa nito ay
sanhi at epekto, komparison at iba pang ugnayan.
Sa bawat pagdaan ng panahon ay may isinisilang na mga manunulat, may mga
bagong imbensyon na niyayakap natin tulad na lang ng pag-usbong ng mga hi-tech
na kagamitan gaya ng cellphone, laptop, i-pad, tablet at iba pa. Kaalinsabay ng mga
imbensyong ito, kasabay ring bumubulusok ang mga salita o pananalitang kaakibat
ng pagbabago ng panahon at nagbabago rin ang ating pananalita. Nakaimbento
tayo ng mga katawagang umaakma sa ating panahon tulad ng message sent,
message failed, teksbak, lowbat, music player at iba pa.
Ang imbensyon ay nakatuon sa ano ang sasabihin ng isang awtor at hindi sa
kung paano iyon sasabihin. Inilalarawan din ito bilang ubod ng panghihikayat. Sa
katunayan, inilarawan ni Aristotle ang retorika bilang pagtuklas sa pinakamabuting
abeylabol na paraan ng panghihikayat at ang importanteng hakbang ng proseso ng
pagtuklas na ito ay tinatawag na Stasis.
Ang pagsasaayos ay nakatuon sa kung paano pagsusunud-sunurin ang isang
pahayag o akda. Sa matandang retorika (ancient rhetoric), ang pagsasaayos ay
tumutukoy sa pagkakasunod-sunod na dapat iobserb sa isang oratoryo, ngunit ang
kanon na ito ay nag-iinklud na rin ng lahat ng konsiderasyon sa pagsasaayos ng
anomang uri ng diskurso.
Sa klasikong oratoryo ay ganito ang karaniwang pagsasaayos.
1. Introduksyon (exordium)

2. Paglalahad ng mga katotohanan (narration)


3. Dibisyon (partition)

4. Patunay (confirmation)

5. Reputasyon (refutation)

6. Kongklusyon (peroration)

Ganito ang paglalarawan ni Cicero sa gayong ayos: sa introduksyon,


kailangang ma-establish ng isang orador ang kanyang awtoridad. Samakatuwid,
kailangan niyang gumamit ng mga etikal na panghikayat o appeal. Sa apat na
mga kasunod na bahagi (paglalahad ng katotohanan, dibisyon, patunay at
reputasyon), siya ay kailangang gumamit ng mga lohikal na argumento. Sa
kongklusyon naman, tinatapos niya ang kanyang oratoryo sa pamamagitan ng
mga emosyonal na panghikayat o appeal.
Sa larangan ng pagsasalita at pagsusulat, nangangailangan ng kaayusan
sa paggamit ng mga pananalita o balarila upang maging makinis at malinaw ang
pagpapahayag. Kailangang maipahayag nang maayos ang mga ideyang nais
iparating. Tulad halimbawa ng isang talumpati, kailangang nakahanay o
nakaayos ang mga ideya sa bawat talata na tulong-tulong sa pagbuo ng isang
kaisipan. Bawat talata ay may kaugnayan Sa bawat isa upang makabuo ng
isang diwa. Ang bawat bahagi ay nakalahad nang maayos.
Ang estilo ay nauukol sa masining na ekspresyon ng mga ideya. Kung
ng imbensyon ay nauukol sa ano ang sasabihin, ang estilo ay nauukol sa paano
iyon sasabihin. Sa pananaw retorikal, ang estilo ay hindi insidental, superpisyal
o suplementari sapagkat tinutukoy nito kung paano ipinapaloob sa wika ang
mga ideya at kung paano ito nakukostomays sa mga kontekstong komunikatibo.
May isang manunulat na nagsabing ang estilo ay nasa tao. Ibig sabihin,
nasasalamin sa kanyang mga isinusulat ang kanyang pagkatao. Halimbawa,
kung ang manunulat na ityon ay isang babaeng hiwalay sa asawa, maaaring
ang kanyang mga akda ay tumatalakay sa kapangyarihan ng isang babae kaysa
sa lalaki sapagkat sumasalamin ito sa kanayang karanasan. Ang manunulat ang
nagpapasya sa kanyang pagpili ng mga salitang gagamitin at kung paano niya
mabibigyan ng kahulugan ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga
payak, angkop, maliwanag ngunit epektibong mga salita upang makalikha ng
magandang komposisyon. Ang estilo ay ang paraan sa maganda at epektibong
pagpapahayag ng mga argumento.
Ang estilo ay hindi rin isang opsyonal na aspeto ng diskurso. Ang estilo
ay esensyal sa retorika sapagkat ang kaanyuan o ang lingguwistik na
kaparaanan ng paglalahad ng isang bagay ay bahagi ng mensahe, katulad ng
nilalaman o kontent. Wika nga ni MacLuhan, the medium is the message
Sa pagpapahayag, pasalita o pasulat man, ang mga ito ay
nangangailangan ng memorya o pagsasaulo. Ang memorya ay mga nakaimbak
na kaalaman at karanasan nang sa gayo’y maipahayag natin ito nang mabuti.
Ang ating isipan ang siyang nagdidikta sa ating sarili kung ano ang dapat isulat
o dapat sabihin. Kapag nagawa ng ating isipan ang mga bagay na ito, diretso
itong titimo sa ating sarili at makagagawa tayo o makalilikha ng akda na bunga
ng ating memorya. Wala tayong magagawa kung ang ating memorya ay ayaw
gumana o lumikha ng mga bagay na nais nating likhain.
Sa una, maaaring isipin na ang memorya ay may kaugnayang
mnemonics o memory aids na tumutulong sa isang orador na sauluhin ang
isang talumpati. Ngunit ang kanon na ito ay higit pa sa pagmememorays ng
isang inihandang talumpati para sa re-presentasyon. Nakapalooh din sa kanong
ito ang pag-iimbak ng iba pang materyales sa isipan ng mga paksa ng
imbensyon upang magamit sa isang partikular na okasyon.
Samakatuwid, ang memorya ay nag-uugnay hindi lamang sa
pagmememorays ng isang talumpati para sa deliberi, kundi maging sa mga
pangangailangang improbisasyonal ng isang ispiker. Kaugnay nito, kung gayon,
ang kairos o sensitibiti sa konteksto ng isang sitwasyong pangkomunikasyon.
Isa sa mga ginagampanan ng retorika ay ang maghatid ng mga ideya sa
mga tagapakinig o mambabasa kasama ang manlibang o manghikayat sa
pamamagitan ng pakikinig o pagsasalita. Maipahahatid ang mga ito sa mabisa
at kaakit-akit na pananalita sa tulong ng balarila O gramatika at pananalitang
pampanitikan. Ang mga nakita, nabasa, narinig, naranasan ay mga bagay na
makatutulong sa paghahatid ng magagandang ideya o kaisipan
Bagama’t ang deliberi (kasama ang memorya) ay madalas na hindi
natatalakay sa mga tekstong retorikal, ang kanong ito ay napakahalaga sa
rhetorical pedagogy. Ang kahalagahan nito ay binibigyang-diin sa mga
pagtalakay ng exercitatio (mga practice exercises) at naipapakita sa
deklamasyon ng mga retorikal na edukasyon

Ang deliberi ay orihinal na tinatawag na pasalitang retorika na ginagamit


sa mga pampublikong konteksto, ngunit ito ay maaari ring ituring bilang isang
“aspeto ng retorika na nakatuon sa pampublikong presentasyon ng diskurso,
pasalita man o pasulat
RETORIKA: MGA ELEMENTO
Sa ano mang pagpapahayag, ang retorika ay kailangang magtaglay ng sumusunod
na mga elemento upang maging malinaw at mabisa ang gagawing pagpapahayag.
1. Paksa o kaisipang ipahahayag. Mahalaga na bago pa tayo magpahayag ay may
mga ideya na tayong nalisip na nais nating ipahatid sa mga tagapakinig o
mambabasa. Kung walang paksa, wala ring mabubuong ideya o kaisipan.
2. Kaayusan ng mga bahagi, pagbuo ng pahayag. Dito nakasalalay ang lubos na
pag-unawa ng mga mambabasa o nakikinig. Kailangang ang mga salita o
pangungusap na gagamitin ay makatutulong upang makabuo ng isang diwa o isang
pagpapahayag. Ang mga pananalitang hindi makatutulong sa pag-unlad ng diwa o
paksa ay dapat nang alisin o tanggalin sapagkat ito’y maaaring magdulot lamang ng
pagkalito o di-pagkaunawa Sa nais na ipahayag.
3. Estilo sa pagpapahayag. Bawat manunulat ay may kanya-kanyang estilo Sa
pagpapahayag. Tinatawag na estilo ang pagpili at pag-aayos ng mga salitang
naglalarawan ng katauhan ng manunulat kung ito’y personal, pulosopikal,
makamasa, at iba pa. Ang pagkakaiba-iba sa paraan ng pagpapahayag ay
masasalamin sa kanyang estilo ng pagsulat. Ang payak subalit epektibong mga
salita ay makatutulong nang malaki sa paglikha ng isang mahusay na sulatin.
Isinasaalang-alang ang paggamit ng wastong balarila o grammar.
4. Shared knowledge ng manunulat at audience. Sa ano mang paraan ng
pagdidiskurso, may mga dapat isaalang-alang sa pagitan ng dalawang panig.
(Lachica, 2003: 17, 19).

Tagapagsalita/Manunulat
a. Layunin. Bawat tagapagsalita/manunulat ay mayroong dahilan ng pagsulat isang
akda. Ang kaniyang layunin ang isa sa mga salik na nagdidikta sa magiging
kalalabasan ng teksto. Ang pagkilala sa layunin ng tagapagsalita/manunulat ay
nakatutulong sa pag-unawa ng teksto.
b. Kaalaman sa paksa at kakayahan dito. Sa isang paksa umiikot ang teksto kung
kaya’t ang kaalaman ng tagapagsalita/manunulat at ang kanyang kakayahan ukol
dito ay makatutulong upang mapaganda ang teksto.
c. Kaasalan sa sarili. Ang atityud ng tagapagsalita/manunulat sa kanyang sarili ay
masasalamin sa kaniyang sasabihin/tekstong isusulat dahil sinasabing ang teksto ay
ekstensyon ng kaniyang sarili.
d. Antas ng kanyang kredibilidad. Ang tagapagsalita/manunulat na may mataas na
antas ng kredibilidad ay higit na paniniwalaan ng mga tagapakinig/mambabasa.

Tagapakinig/Mambabasa
a. Kanyang layunin. Sa pagpili ng isang akdang babasahin o sa pakikinig, may
layuning pinahahalagahan ang mambabasa o tagapakinig. Ang layuning ito naman
ang kaniyang ninanais na maisakatuparan sa katapusan ng gawain.
b. Kaalaman at interes sa paksa ng pagpapahayag. Kung may malawak na
kaalaman ang tagapakinig/mambabasa sa paksa ng pagpapahayag, higit na
magiging madali ang proseso ng pag-unawa.
c. Antas ng kakayahan sa pakikinig/pagbabasa, at ng nakikinig/ nagbabasa, at sa
mismong paksa. Isang kasanayang dapat paghusayin ang pakikinig at pagbabasa.
Ang mahusay na pakikinig/pagbabasa ay tanda ng isang sanay na
tagapakinig/mambabasa at gayon ng kaniyang kakayahan sa paksa.
d. Ang kanyang kaasalan sa sarili, sa tagapagsalita/manunulat, at sa inihaing
kaisipan. Ang tagapakinig/mambabasa na may positibong atityud sa sarili ay
maaaring magkaroon ng positibong atityud sa tagapagsalita/manunulat na
makatutulong sa pag-unawa ng inihaing kaisipan.
Sanggunian:
0fdPJMB
https://pongnguyen18.wixsite.com/fil44retorika/about

You might also like