You are on page 1of 27

Yunit 11: Pagsulat ng Pormal na Liham

Aralin 3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal


na Liham
Nilalaman
Pansinin 1
Panimula 1
Mga Layunin 2

Tuklasin 2

Alamin 4
Mga Bahagi ng Pormal na Liham 4
Iba’t Ibang Anyo ng Pormal na Liham 8
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham 12
Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Pormal na Liham 14

Palawakin 18
Gawain 1 18
Gawain 2 20

Suriin 21

Paglalahat 25

Bibliograpiya 26
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Pansinin

Panimula

Lar. 1. May mga susing hakbang sa pagsulat ng pormal na liham na magagamit sa


mahahalaga at opisyal na komunikasyon.

Naniniwala ka bang isang sining ang larangan ng pakikipagtalastasan? Sa batayang


katuturang ang sining ay isang larangan ng paglikha at pagwasak, tunay nga namang isang
sining na maituturing ang pakikipagtalastasan. Sa ganang ito, malaki ang ginagampanan ng
liham bilang daluyang nakapag-uugnay at nakapagsasakatuparan ng anomang layunin sa
gawaing komunikasyon sa pagitan ng dalawa o higit pang sangkot. Sa laki ng papel nito,
maaari itong makalikha ng isang magandang ugnayan at ganap; sa kabilang banda, gayon
din ang panganib nitong makawasak ng kaligirang elementong nakaugnay sa layunin ng

1
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

talastasan. Sa ganang ito, malaki ang hamong makasulat ng mabisang liham sang-ayon sa
layuning nakaangkla sa talastasang ninanais na maisakatuparan at maganap.

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang
● natutukoy ang mga bahagi ng liham at iba’t ibang anyo ng pagkakasulat nito, at
● nakasusulat ng sariling pormal na liham batay sa pangangailangan.

Mga Kasanayang Pampagkatuto ng DepEd


● naisasagawa nang mataman ang mga hakbang sa pagsulat ng mga piniling
akademikong sulatin (CS_FA11/12PU-0d-f-92);
● nakasusunod sa estilo at teknikal na pangangailangan ng akademikong sulatin
(CS_FA11/12PU-0d-f-93); at
● naisasaalang-alang ang etika sa binubuong akademikong sulatin
(CS_FA11/12EP-0p-r-40).

Tuklasin

5 minuto

Mga Kagamitan
● ¼ manila paper
● pentel pen

Bumuo ng pangkat na may tigtatatlong kasapi. Sang-ayon sa inyong paunang kaalaman,


gumawa ng isang balangkas ng pormal na liham batay sa mga natunghayan sa nakaraang

2
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

aralin o sa ibang pagkakataon ng pagkaalam. Gawin ito nang malinis at maayos sa ¼ na


bahagi ng manila paper sa loob lamang ng tatlo hanggang limang minuto.

Pagkatapos, maghanda sa isang malaya at masiglang talakayan.

Mga Gabay na Tanong

1. Ano-ano ang mahalagang bahagi ng liham na parehong makikita sa mga inihandang


balangkas ng mga pangkat?

2. Paano ninyo natukoy ang gayong balangkas ng pormal na liham, gayundin ang mga
bahaging bumubuo rito?

3. Sa inyong palagay, bakit mahalagang natutukoy ang mga bahaging bumubuo sa isang
liham, sa anomang anyo ng pagkakasulat?

3
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Alamin

Laging kaakibat ng katagang ‘pormal’ ang mga salitang ‘seryoso’ at ‘pamantayan,’ kaya gayon
na lamang ang katugmaan nito sa mga kahingian ng pagsulat ng isang pormal na liham.
Pinahihintulutan ng gawaing ito na magamit ang iba’t ibang kaalaman at kasanayang nauna
nang natuklasan at napagyaman sa larangan ng pagsulat at pakikipagtalastasan para sa
higit pang paglinang ng balarila, pagbabalangkas ng mga kaisipan at saloobin, sariling
pamamaraan ng paglalahad, at kumpiyansa sa sariling makalikha ng isang kasangkapang
pantalastasan.

Hindi isang simpleng gawain ang pagsulat ng pormal na liham; bagkus, isa itong tangka ng
pagbubuo ng isang opisyal na ugnayan ng lumiham na kadalasang may kinalaman ang
pakay sa gawain o intensiyong kaugnay sa propesyon, institusyon, pangangalakal, o kaya ay
pang-akademiko.

Ano-anong salik ang mahalagang isaalang-alang


sa pagsulat ng isang mabisang pormal na liham?

Mga Bahagi ng Pormal na Liham


Ang pormal na liham ay mahalagang gamit sa mga pormal na pakikipagkomunikasyon, gaya
ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kompanya para sa kalakalan, pag-aplay ng trabaho,
pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya, at iba pang mga kagaya. Kaugnay nito,
mahalagang mabatid ng sinumang susulat ng pormal na liham ang mahahalagang bahagi
nito, nang sa gayon ay masigurong tama ang pagkakabuo.

4
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Lar. 2. Halimbawa ng isang pormal na liham at ang mga bahagi nito

Petsa
Ang petsa kung kailan isinulat ang liham. Ito ay may tatlong paraan ng pagsulat:
● Mayo 10, 2020
● 10 Mayo 2020
● Ika-10 ng Mayo 2020

Tandaang hindi ginagamit sa pagsulat ng petsa ang pagsulat nang panumero. Halimbawa
nito ang 10/5/2020, sapagkat maaaring mapagpalit ang unang dalawang numerong
tumutukoy sa buwan at araw ng pagliham. Maaaring unawain ng iba na ito ay ika-10 ng
Mayo, samantalang ika-5 ng Oktubre naman sa iba.

5
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Patunguhan
Binubuo ito ng pangalan, katungkulan, tanggapan, at lunan ng tanggapan ng taong
padadalhan ng liham.

Inilalagay ang buong pangalan ng taong padadalhan kasama ang iba pang mga detalye.

Ginoong Eduardo Roy


Ehekutibong Direktor
Pambansang Sentro ng Pananaliksik sa Pamamahayag
11 Matimtiman Street, UP Village
Diliman, Quezon City

Sa pagkakataong kaligirang impormasyon lamang ang nalalaman hinggil sa taong


padadalhan ng liham at hindi tiyak ang buong pangalan, maaaring gamitin ang katungkulan
bilang pamalit sa pangalan ng taong sinusulatan.

Bating Pambungad
Ito ang paunang pagbating ipinaaabot ng lumiham sa sinusulatan. Mayroon itong iba’t ibang
anyo kung paano maaaring isaad.

Mahal na Ginoo,
Mahal na Ginang,
Mahal na Tagapangulong Sinas,

Katawan ng Liham
Ito ang tampok na bahagi ng liham na nagsasaad ng mga detalyadong impormasyon at
kaisipang nais ipabatid ng lumiham sa sinusulatan. Mayroon itong panimula, katawan, at
huling talata para sa masinsing pagpapangkat ng impormasyong ipinahahayag ng sumulat.
● Panimula - naglalaman ito ng maikling pahayag.
● Katawan - naglalaman ito ng mga detalyeng paliwanag hinggil sa pakay ng liham.
● Huling talata - nagsasaad ito ng inaasahang tugon mula sa pinadalhan ng liham.

6
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Pamitagang Pangwakas
Kung may pagbati sa panimulang bahagi ng liham, ito naman ang nagsasaad ng pormal na
pagpapaalam o bating pangwakas sa pinadadalhan ng liham.

Magalang na sumasainyo,
Lubos na gumagalang,
Matapat na sumasainyo,

Lagda
Inilalagay rito ang buong pangalan ng lumiham, kasama ang opisyal na lagda at posisyon
nito.

Alalahanin
Bukod sa mga tinukoy na bahagi ng liham, may ilan pang bahaging
ginagamit; tulad ng inisyal, paglalakip, tawag-pansin, paksa, at notasyon ng
binigyang-sipi.
● Inisyal ng pagkakakilanlan – inilalagay ito sa mga liham
pampamahalaan. Inilalaan ang dalawang espasyo mula sa huling linya
ng lagda, sa gawing kaliwa ng papel, para sa magkasamang inisyal ng
nakapangalan ng lumiham at ang kawaning naghanda ng liham. Nasa
malaking titik ang inisyal ng sumulat at nasa maliit na titik ang
nagmakinilya.
● Paglalakip – talaan ito ng dokumento o mga dokumentong nabanggit
sa liham na matatagpuan sa ibaba ng kaliwang bahagi ng liham.
Maaaring isulat nang buo ang salitang “Kalakip” at isulat ang pangalan
ng mga dokumento. Dalawang espasyo ang inilalaan dito pagkatapos
ng inisyal.
● Tawag-pansin – inilalagay ito upang panawag-pansin sa taong
magiging tagapamagitan ng liham upang maipaabot ito sa
nakatataas.

7
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

● Paksa – tinutukoy at inilalagay rito ang opisyal na pakay o layunin ng


pagpapabatid ng liham.
● Notasyon ng binigyang-sipi – inilalagay rito ang iba pang taong
pinaabutan ng liham, na inihuhudyat ng simbolong “cc.”

Iba’t Ibang Anyo ng Pormal na Liham


May tatlong anyo ng pagsulat ng pormal na liham: ang estilong full-block; estilong semi-block;
at estilong may espesyal na pagtatalata. Tinutukoy sa magkakaibang anyong ito ang
pagkakaiba-iba sa pagkakaayos at pagkakabalangkas ng mga pangunahing bahaging
bumubuo sa isang liham.

Estilong Full Block


Nagsisimula sa kaliwang palugit ang lahat ng bahagi ng liham kapag nasa ganitong anyo ang
liham, kaya naman ito ang pinakamadaling balangkas ng liham na maaaring gawin.

8
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Lar. 3. Liham aplikasyon sa anyo ng estilong full block

Estilong Semi-Block
Kumpara sa estilong full block, nasa kanang palugit ng liham ang mga bahaging petsa,
pamitagang pangwakas, pangalan ng lumiham, at lagda, habang nananatili sa gawing kaliwa
ang mga bahaging patunguhan at bating panimula. Samantala, nakapasok nang lima
hanggang pitong espasyo mula sa kaliwang palugit ang simula ng bawat talata ng katawan
ng liham.

9
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Lar. 4. Liham aplikasyon sa anyo ng estilong semi-block

Espesyal na Pagtatalata
Tinatawag din itong estilong modified full block dahil halos katulad ito ng estilong full block.
Ang pagkakaiba, nasa kanang palugit ng liham ang petsa, pamitagang pangwakas, ngalan ng
lumiham, at ang lagda. May pagkakataon ding maaaring magtampok ng espesyal na
paglulugit mula sa gawing kaliwa sa loob ng katawan ng liham.

10
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Lar. 5. Liham aplikasyon sa anyo ng estilong may espesyal na pagtatalata

Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham


Isa sa mga pangangailangan at di-maiiwasang gawaing opisyal at transaksiyonal ang
pagsulat ng pormal na liham, lalo na sa mga layong makalahok o makatugon sa isang
pormal na talastasan, gayundin, ang magpaigting ng ugnayang panlipunan.

Narito ang pamantayang sinusunod sa pag-eespasyo sa pagsulat ng pormal na liham.

11
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Lar. 6. May pamantayang bilang ng espasyong sinusunod sa bawat pagitan ng mga bahagi
ng liham.

Dahil isang kasanayang dapat taglayin sa loob ng akademya at sa labas ng may iba’t ibang
larangan ang pagsulat ng pormal na liham, mahalagang nagagawa at nasusunod ang mga
hakbang upang makasulat ng mabisang pormal na liham anuman ang pakay.

1. Tukuyin ang katugunan sa sumusunod na detalye para sa liham na isusulat:


● layunin ng pagsulat;
● impormasyon sa padadalhan ng liham;
● balangkas ng mga ilalahad na impormasyon, ideya, at kaisipan sa daloy ng
liham; at

12
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

● paraang gagamitin upang maipadala ang liham.


2. Saliksikin ang mga kulang pang detalyeng kinakailangang maisaad sa liham.
3. Muling tipunin at sinsinin ang mga detalyeng impormasyon para sa isusulat na
liham.
4. Simulan ang aktuwal na pagsulat ng liham. Sundin ang pagkakasunod-sunod ng mga
bahagi ng liham, pagkakapangkat ng mga ideyang ilalahad, pag-eespasyo, at
pagbabantas.
5. Iayos ang anyo ng liham sang-ayon sa estilo ng balangkas na nais gamitin.
6. Muling basahin ang unang burador ng liham. Itama ang may mga maling
pagbababaybay at paggamit ng salita, pagkakabuo ng pangungusap, pagbabantas,
pag-eespasyo, at iba pang nangangailangan ng pagwawasto.
7. Muling isulat ang liham para sa pinal na kopya.
8. Huwag kaligtaang pirmahan ang liham matapos itong i-print.

Sa sariling pagpapalagay, ano-ano ang dapat


iwasang gawin sa pagsulat ng liham, nang sa gayon
ay hindi magkaroon ng pangit na impresyon sa
sumulat ang pinadalhan ng liham?

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Pormal na Liham


Sa pagsasaalang-alang ng mahahalagang aspekto at yugto ng pagsulat ng pormal na liham,
mainam na maunawaan at mailapat sa aktuwal na pagsulat ang mga tagubiling nakaugnay
sa bawat bahaging bumubuo ng liham.

Petsa
Hindi ginagamit sa pagsulat ng petsa ang pagsulat nang panumero, tulad ng 10/5/2020;
sapagkat depende sa lokasyong padadalhan ng liham, maaaring mapagpalit ang unang
dalawang numerong tumutukoy sa detalye ng buwan at araw ng pagliham.

13
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Patunguhan
May mga tagubilin sa paggamit ng mga titulong sinusunod sa pagsulat ng patunguhan, lalo
pa ang pagbigay-galang sa pinag-uukulan ng liham.
● Bb. (Binibini) o Miss – Ginagamit ito sa pag-uukol ng babaeng dalaga o walang asawa.
Ginagamit din ito sa babaeng maaaring may titulo ngunit hindi alam ng sumusulat o
maaari rin sa babaeng hindi tiyak ng nagpapadala ng liham kung may-asawa o
dalaga.
● Gng. (Ginang) o Mrs. – Ito naman ang ginagamit sa pag-uukol sa babaeng may
asawa, sa biyudang gumagamit pa rin ng apelyido ng asawa, o sa may titulo ngunit
hindi naman alam ng sumusulat.
● G. (Ginoo) o Mr. – Ginagamit ito para sa mga lalaking pinag-uukulan ng liham may
asawa man o binata, gayundin sa mga may titulo ngunit hindi tiyak ng lumiliham.
● Sa pag-uukol ng liham na para sa mag-asawa, hindi na ipinakikita ang titulo ng babae
at isusunod na lamang ito sa titulo ng lalaki.
● May mga piling-piling pagkakataong ipinahihintulot ang paggamit ng titulo ng babae
kahit na kasama ang pangalan ng asawang walang titulo, maliban sa Ginoo. Inuuna
ang pangalan ng babae kasama ang titulo nito.

Alkalde Sandy Victoria at G. Melchor Victoria


Pamahalaang Lungsod ng Malolos
Lalawigan ng Bulacan

● Kaugnay pa rin, kung may titulo ang lalaki ngunit nasa babae ang higit na pag-uukol
sa liham, maaari pa ring ilagay ang titulo ng lalaki ngunit mauuna pa rin ang babae sa
pag-uukol.

Alkalde Myrene Ruiz at Dr. Sandino Ruiz


Kapitolyong Panlalawigan
Lungsod Malolos, Bulacan

● Isang beses lamang itinatampok ang titulong propesyonal ng pinag-uukulan ng


liham; hindi dapat na paulit-ulit.

14
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Halimbawa ng tama:
Atty. Genesis Abot
Halimbawa ng mali:
Atty. Genesis Abot, LL.B.

Bating Pambungad
Ginagamitan ng Kagalang-galang/Kgg. ang pagtukoy sa mga taong matataas ang
katungkulan lalo na sa mga nasa posisyon sa pamahalaan. Kabilang dito ang Pangulo ng
bansa, mga Senador at Kinatawan, mga Gobernador, mga Kalihim ng Gabinete, Sugo ng
Pilipinas, mga Kalihim at Pangalawang Kalihim ng mga kagawaran, mga hukom, komisyoner,
at mga alkalde.

Ginagamit naman ang malulugod na kataga bilang pagbati sa sinusulatan at tinatapos sa


bantas na tutuldok (:). Ilang halimbawa nito ang sumusunod:
● Mahal na Ginoo:
● Mahal na Kalihim Galvez:
● Mahal na Punong Mahistrado Carpio:

Sa mga pagkakataong kapalagayang-loob o kaya ay kaibigan ng sumusulat ang sinusulatan,


ginagamitan na ito ng pagbating nakaukol sa unang pangalan at nagtatapos sa bantas na
kuwit (,).
● Mahal na Henry,
● Mahal na Bienvenido,
● Mahal na Luis,

Hindi dinadaglat ang mga titulong nasusundan ng apelyido ng binabati, maliban na lamang
sa mga titulong may pinaikli nang anyo tulad ng “Dr.,” “Mr.,” “Mrs.,” at iba pang katulad.
● Mahal na Dr. Santos:
● Mahal na Komisyoner Agustin:
● Mahal na Direktor Matti:

Katawan ng Liham

15
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Laging binibigyang-diin sa pagsulat ng bahaging ito ang wastong pagkakasunod-sunod ng


mga salita, pangungusap, talata, at mismong nilalaman ng bawat paglalahad. Dapat ding
madali itong basahin at unawain at angkop ang mga ginamit na salita, banghay, at bantas.

Kung mahaba ang nilalaman ng katawan at hindi sasapat sa isang pahina ang kabuoan ng
pabatid, idugtong ito sa malinis na papel na gayon din ang uri ng papel at sukat. Ilagay sa
kaliwa ang pangalan ng sinusulatan, ang pahina sa gitna, at petsa naman sa kanan.

Tandaang hindi kinakailangang magdagdag ng pahina kung ang bahagi ng liham ay kulang
sa tatlo o apat na linya bago ang pamitagang pangwakas.

Pamitagang Pangwakas
Gaya ng bating pambungad, dapat na iniaangkop ito sa katungkulan o kalagayang
panlipunan ng taong sinusulatan. Nakabatay sa antas ng pamitagang ipinahihiwatig sa
bating pambungad ang isinasaad sa bahaging ito.
● “Magalang na sumasainyo,” at “Lubos na gumagalang,” para sa mga “Ginoo:” o
“Kagalang-galang:”.
● “Matapat na sumasainyo,” naman kung para sa halimbawang “Mahal na Bb. Suarez:”
at “Mahal na G. Buan:”.

Lagda
Para sa mga pormal na liham sa pagitan ng mga may malugod na posisyon, inilalagay sa
ilalim ng pangalan ng lumiham ang kaniyang posisyon at ng tanggapan.

Maaaring gumamit ng mga titulong “Bb.,” “Gng.,” at “Ms.” sa unahan ng kanilang pangalan
ang mga babae. Samantalang hindi naman pinahihintulutan sa mga lalaki ang maglagay ng
“G.” (Mr.) sa unahan ng kanilang pangalan.

Mga Tip
● Ituon ang iyong pag-iisip.
● Organisahin ang mga pahayag na nasasaloob ng isip.
● Tiyakin ang mga ideya at impormasyong nakaugnay sa mga

16
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

pahayag na nasasaisip.
● Ilahad ang mga ideya, impormasyon, o kaisipan sa malinaw na
paraan ng paglalahad.

17
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Palawakin

Gawain 1
Tukuyin ang mga bahagi ng liham na tinutukoy sa blangkong borador, at magbigay ng kaunti
ngunit mayamang paglalarawan sa bawat bahagi ng liham.

18
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Gabay sa Pagsagot
Sundin lamang ang balangkas ng liham. Madaling alalahanin ang kailangang
tukuying mga bahagi kung nauunawaan ang lohika ng mga impormasyong
nasusulat sa mga ito, at ugnayan ng mga ito para mailahad nang maayos ang
liham.

19
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Gawain 2
Kung sa mga sandaling ito ay bibigyan ng pagkakataon na sumulat ng isang pormal na
liham, anong liham ito at ano-anong impormasyon ang nais mong maipabatid sa lilihaman?
Magbigay rin ng maikling paliwanag sa praktikal na kahalagahang magawa mo ang liham na
ito.

20
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Gabay sa Pagsagot
Tukuyin sa sarili ang mga kailangang maisakatuparan sa larangan ng
pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan. Pumili ng sa tingin mong
pinakamahalagang maipabatid na sa kinauukulan. Tiyaking may buo at malinaw na
layunin sa pagliham. Ito ang magbibigay-direksiyon ng mga impormasyong nais
ipagbigay-alam at maipaabot sa pag-uukulan.

Suriin

A. Sagutin ang sumusunod at ipaliwanag sa sariling


pangungusap.

1. Ano-ano ang bahagi ng pormal na liham?

2. Ano ang mahalagang tagubilin sa paglalagay ng petsa sa pagsulat ng liham?

21
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

3. Ano-ano pa ang ibang bahaging maaaring matagpuan o kailangang ilagay sa pagsulat


ng pormal na liham?

4. Ano ang ipinagkaiba ng estilong full block at semi-block sa isa’t isa bilang anyo ng
pormal na liham?

5. Paano nahahati-hati ang nilalaman ng bahaging katawan ng pormal na liham?

22
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

B. Sagutin ang sumusunod at ipaliwanag sa sariling


pangungusap.

1. Paano magagamit ang kasanayan sa pananaliksik sa pagsulat ng isang pormal na


liham?

2. Bakit kailangang nasusunod ang mga pamantayan sa pagturing sa nililihaman sa


bahaging bating pambungad at pamitagang pangwakas?

3. Gaano kahalagang nalalagdaan nang aktuwal ang liham na ipadadala o ipinadala?

23
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

4. Paano maaaring itakda o piliin ang anyo ng pormal na liham na susulatin?

5. Bakit mahalagang nasusunod ang mga pamantayan at hakbang sa pagsulat ng


pormal na liham?

24
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Paglalahat
___________________________________________________________________________________________

● Binubuo ang isang pormal na liham ng mahahalagang bahaging natutumbasan ng


impormasyon: petsa ng pagliham, patunguhan, bating pambungad, katawan,
pamitagang pangwakas, at lagda.
● May mga pagkakataong napupunan pa ng iba pang impormasyon ang liham tulad ng
paglalagay ng inisyal ng pagkakakilanlan ng nagpadala ng liham, paglalakip,
tawag-pansin, paksa, at notasyon ng binigyang-sipi. May karampatang lugar din sa loob
ng liham ang mga bahaging ito at may pamantayang sinusunod sa pag-eespasyo at
pagsasatitik.
● May tatlong anyo ng pormal na liham: ang estilong full block; estilong semi-block; at
estilong may espesyal na pagtatalata. Bagaman magkakapareho ang pamantayan ng
mga ito sa pag-eespasyo, nagkakaiba-iba ito sa pamantayan ng paglulugit at
pagpoposisyon sa kabuoang daloy ng liham.
● Isang susi sa mabisang pagsulat ng pormal na liham ang pagkilala sa mga batayang
bahaging bumubuo nito. Sa gayon, nagagabayan ang liliham ng mga impormasyon at
uri ng ideyang dapat nitong ilaman, sang-ayon sa dapat na pagkakasunod-sunod ng
mga ito.

___________________________________________________________________________________________

25
Yunit 11.3: Mga Hakbang sa Pagsulat ng Pormal na Liham

Bibliograpiya

Komisyon sa Wikang Filipino. "Paghahanda ng Korespondensiya Opisyal." (n. d.).


https://kwf.gov.ph/, huling nabuksan noong Mayo 8, 2020.

Komisyon sa Wikang Filipino. "Patnubay sa Korespondensiya Opisyal." (2015).


https://kwf.gov.ph/, huling nabuksan noong Mayo 8, 2020.

ISSUU. “KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat.” (2017). https://issuu.com/, huling


nabuksan noong Mayo 8, 2020.

Samuel, Irinea, Perla G. Ulit, at Clemencia C. Espiritu. Sining ng Pakikipagtalastasan sa


Kolehiyo. Manila: REX Book Store (2016).

Sharp, Callum. “Why writing letters is still important.” (2018).


https://writingcooperative.com/, huling nabukasan noong Mayo 8, 2020.

26

You might also like