You are on page 1of 5

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO (EsP 8) 4TH QUARTER WEEK 5-6

Pinagsama ni:
Gian-Greisen A. Gloria

Mga Guro:
Erosido, Marie Paulette
Losbañes, Antonia
Orillano, Evelyn
Orcullo, Fecille Marie
Umbac Maria Estella
Caseres, Honorio
Content Standards:

Naipamamalas ng mag-aaral ang pag-unawa sa mga karahasan sa paaralan.

Performance Standards:

Naisasagawa ng mag-aaral ang mga angkop na kilos upang maiwasan at matugunan ang mga
karahasan sa kanyang paaralan.

Competencies:

1. Nakikilala ang mga uri, sanhi at epekto ng mga umiiral na karahasan sa paaralan;
2. Nasusuri ang mga aspekto ng pagmamahal sa sarili at kapwa na kailangan upang maiwasan at
matugunan ang karahasan sa paaralan;
3. Naipaliliwanag na: a. Ang pag-iwas sa anomang uri ng karahasan sa paaralan (tulad ng pagsali sa
fraternity at gang at pambubulas) at ang aktibong pakikisangkot upang masupil ito ay patunay ng
pagmamahal sa sarili at kapwa at paggalang sa buhay. Ang pagmamahal na ito sa kapwa ay may
kaakibat na katarungan – ang pagbibigay sa kapwa ng nararapat sa kanya (ang kanyang dignidad bilang
tao.) b. May tungkulin ang tao kaugnay sa buhay- ang ingatan ang kanyang sarili at umiwas sa
kamatayan o sitwasyong maglalagay sa kanya sa panganib. Kung minamahal niya ang kanyang kapwa
tulad ng sarili, iingatan din niya ang buhay nito.;
4. Naisasagawa ang mga angkop na kilos upang maiwasan at masupil ang mga karahasan sa kanyang
paaralan.

Objectives:

K Nakikilala ang mga uri, sanhi at epekto ng mga umiiral na karahasan sa paaralan
S Nasusuri ang mga aspekto ng pagmamahal sa sarili at kapwa na kailangan upang maiwasan at
matugunan ang karahasan sa paaralan
A Nahihinuha na ang mga angkop na kilos upang maiwasan at masupil ang mga karahasan sa kanyang
paaralan.

Mga Aspekto ng Pagmamahal: Pag-iwas ng Karahasan sa Paaralan

Bakit kaya nagawa ng mga ilang mag-aaral ang ganitong karahasan? Maraming dahilan ang ugat ng
karahasan sa mga kabataan. Ang ilang dahilan ay ang ang hindi pagkaranas ng pagmamahal at pag aaruga sa
loob ng tahanan, hindi nakatanggap ng papuri, madalas pinapagalitan, magulo ang pamilya, o magulo sa lugar
ng tinitirhan. Kahit na naranansan ng ibang kabataan ang mga nasasaad na kaguluhan sa pamilya at lugar na
tinitirhan ay maari pa rin silang umiwas sa gulo at imbis ay magpakita ng pagmamahal na kanilang inaasam.
Sabi nga ng iba, ang magandang gawain ay bumabalik sa may gawa. Mas maraming paraan para maiwasan o
matuldukan ang karahasan sa paaralan kaysa sa makilahok dito.

Bilang isang mag-aaral ay mahalaga na masusuri ang mga aspekto ng pagmamahal gaya ng
sumusunod:

1. Pagmamahal sa Panginoon Ang pagmamahal sa Panignoon ay isa sa pinakamabisa na sandata sa pagiwas


ng karahasan. Ito ay kadalasang natututunan sa mga magulang kasabay ng pagsasabuhay ng mga aral na
napapaloob dito. Kung nagkulang naman ang mga magulang ay maaring pag-aralan ng kabataan kung paano
mahalin ang Panginoon at isabuhay ang mga aral sa pagmamahal sa sarili at sa kapwa.

2. Pagmamahal sa magulang Pag hinubog ang isang bata na puno ng pagmamahal at aral ng magulang sa
loob ng tahanan ay maipararamdam din niya ang pagmamahal na naranasan sa iba o kapwa. Ang pagmamahal
sa magulang ay pagsasabuhay ng aral galing sa kanila katulad ng hindi pakikipagbasag-ulo, pagtrato nang
maayos sa mga kaklase, at pagpili sa mga kaklaseng kakaibiganin para hindi masangkot sa anumang
karahasan. Kung may mga pagkukulang ang mga magulang ay responsiblidad ng mga mag-aaral na humanap
ng isang taong huwaran at pag-aralan kung paano sila makakaiwas sa karahasan.

3. Pagmamahal sa sarili Ang kakayahang magmahal ay biyayang natanggap mula sa Panginoon na nararapat
na magsisimula sa pagmamahal sa sarili. Ika nga wala kang maibigay na pagmamahal sa iba kung wala kang
pagmamahal sa sarili. Kaya ilan sa mga patunay na mahal ng tao ang sarili ay sa pamamagitan ng pagkilala at
Sources: EsP ADM 4th Quarter, Unang Edisyon; 1
EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO (EsP 8) 4TH QUARTER WEEK 5-6
paggalang sa sarili, pag-aalaga sa pisikal, mental, sosyal, ispiritwal at moral na aspekto o buong pagkatao. Hindi
rin gagawa ng anumang bagay na nakasasama sa sarili o maaring ikapahamak o ikasawi gaya ng hindi pagsali
sa pambubulas, gang, fraternity at iba pang karahasan sa paaralan.

4. Pagmamahal sa kapwa Kung mahal ang sarili ay dapat mahalin din ang kapwa dahil hindi nabubuhay ang
tao na mag-isa kundi kailangan niya ang kapwa niya. Ika nga sa Bibliya, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng
sa iyong sarili” (Mateo 22: 37-39) kaya hindi lamang pansariling tungkulin kundi kautusan ng Panginoon na
mahalin ang kapwa. Patunay dito ay pagrerespeto, maingat sa pananalita, pangangalaga sa kapakanan, pag-
iingat sa pagmamay-ari, pagtanggap sa buong pagkatao at paggawa ng mga bagay na ikabubuti at ikatutuwa
ng kapwa ay nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa kapwa. Sa kabuoan, kung maisabuhay ang mga aspekto
ng pagmamahal sa sarili at kapwa ay maiiwasan at matugunan ang karahasan sa paaralan. Magkakaroon din
ng pokus sa pag-aaral, tahimik at matiwasay na buhay ang bawat mag-aaral.

Pag-iwas sa Karahasan sa Paaralan: Pagmamahal sa Sarili, Kapwa at Buhay

Marahil ikaw ay nakasaksi na ng karahasan sa loob o labas ng paaralan o kaya ay sa social media. Para
lubos mong mauunawaan kung ano ang karahasan sa paaralan at kung papaano ito maiwasan, simulan mo
nang pag-aralan.

Ano nga ba ang Karahasan?

Ang karahasan ay ang anumang kilos na lumalabag sa misyon at bisyon ng paaralan na maging ligtas
sa anumang kapahamakan ang bawat mag-aaral. Ito ay mga kagagawan ng kapwa kabataan sa loob man o
labas ng paaralan. Ilan sa mga uri ng karahasan ay ang pambubulas, gang at fraternity.

Sa mga nakaraang modyul ay ating napag-aralan ang mga epekto ng umiiral na karahasan sa paaralan
gaya na lamang ng pagsali sa fraternity na sasabak sa hazing kung saan ito ay magdudulot ng pisikal,
sikolohikal, emosyonal na pangaabuso at kung hindi maaagapan ay maaaring maging sanhi ng kamatayan.

Isa pa sa karahasan na kadalasang nararanasan ng ating kapwa mag-aaral ay ang tinatawag na


pambubulas. Karaniwang mga kilos na kaugnay ng pambubulas ay ang mga sumusunod: panunukso, panglalait,
pang-aasar, at pananakot. Ang mga nabanggit ay nagiging dahilan ng maraming drop-outs sa bawat taon,
nakaaapekto sa abilidad ng pagkatuto ng mag-aaral at ang mas Malala ay depresyon na humantong sa
pagpapatiwakal.

Minsan ang tao ay nagiging agresibo dahil sa kanyang emosyon ukol sa mga pangyayari. Minsan ay
nagagalit ito nang hindi alam ang kahihitnan ng ginawang kilos na kadalasan ay nauuwi sa karahasan. Pisikal,
sosyal, emosyonal at sekswal na karahasan, vandalism at pagnanakaw ay iilan lamang sa mga karahasan na
maaring magawa natin sa ating kapwa. Ngunit kung mahal ng tao ang kanyang kapwa, ang anumang karahasan
ay pwedeng maiwasan sa pamamagitan ng sumusunod:

1. Igalang ang kapwa - Hindi ito hinihingi kung hindi ay kusang ibinibigay at ipinapakita sa kapwa sa paraang
pasalita o sa gawa na hindi naghihintay ng anumang kapalit. Ito ay patunay ng pagmamahal na walang
kundisyon o kabayaran.

2. Tratuhin ang kapwa ng may katarungan - Ang pagtrato sa kapwa ng may katarungan ay ang pagbibigay
sa kung ano ang nararapat sa ating kapwa bilang tao na may dignidad.

3. Pagtanggap sa buong pagkatao ng kapwa - Sa pagmamahal sa kapwa, dapat walang pinipili at tanggap
natin maging sino at ano pa siya. Tanggapin din ang kanilang buong pagkatao ng walang kundisyon.

Kaya ang pagmamahal sa kapwa ay may kaakibat na katarungan o dignidad-pagiging karapat-dapat ng


tao sa pagpapahalaga at paggalang mula sa kanyang kapwa. Huwag kalimutan na nilalang tayo sa larawan ng
Diyos, na ang pangunahing katangian ang pag-ibig na di-makasarili (Genesis 1:27) Ibig sabihin, dinisenyo tayo
para magpakita ng pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay para sa iba.

Kailanman ay hindi maiiwasan ng tao ang kamatayan dahil ito ay itinakda ng Panginoon ngunit habang
may buhay ay tungkuling itaguyod ito na ating pangangalagaan at protektahan mula sa panganib dahil ang
buhay ay sagrado.

Narito ang pamamaraan upang maipakita ang paggalang sa buhay:

1. Iwasan ang mga dako na pinag-iistambayan ng mga masasamang-loob.


2. Umiba ka ang daan hanggat maari.
3. Iwasan ang hindi kinakailangang pagtungo sa mga kilalang dakong mapanganib
4. Manalangin palagi.
5. Umiwas sa pakikipag-alitan.

Sa mga kabataan, huwag sumali sa kahit anumang grupo o organisasyon na gagawa ng karahasan.
Kung ang dahilan ng iyong pagsali ay paghahanap ng kaibigan at pagmamahal na tulad ng sa kapamilya, sumali

Sources: EsP ADM 4th Quarter, Unang Edisyon; 2


EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO (EsP 8) 4TH QUARTER WEEK 5-6
ka sa mga school, spiritual at social clubs na may mabubuting hangarin. Hindi nakakahanap ng kapamilya o
tunay na kaibigan kung ikaw rin ay sasaktan at kapag sa susunod na termino ay igaganti lang ang naranasan.
Kailanman hindi ito nagdudulot ng maganda sa buhay kaya marapat na iwasan dahil magiging sagabal lang ito
sa pag-aaral at maging sa magandang kinabukasan ng bawat kabataan kaya huwag sayangin ang panahon at
pagkakataon.

Walang perpektong tao sa mundong ito ngunit kung pagsumikapan at may pagmamahal sa sarili, kapwa
at paggalang sa buhay tiyak may kapayapaan at pokus sa pag-aaral ang bawat kabataan. Tandaan! Ang
pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig; Kaya’t iwan ninyo ang pagtatalo bago mag-init sa
pagkakaalit (Kawikaan, 17:14).

Angkop na Kilos sa Pagsupil ng Karahasan sa Paaralan

Ang paaralan ay itinuturing ng guro at mag-aaral na ikalawang tahanan. Naniniwala silang ito ang tamang
pundasyon upang malinang ang kaalaman, kakayahan at karanasan ng mga kabataan. Umaasa naman ang
mga magulang na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Inaasam din ng mga guro na magabayan nang maayos ang mga bata tungo sa pagkamit ng minimithing
tagumpay bagama’t sa pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay ay hindi maiiwasang masangkot o mabiktima
ng karahasan.

Hindi maipagkakaila na nangyayari ang iba’t ibang bayolenteng kilos maging sa loob ng paaralan. Ilan
dito ang pananakot ng mag-aaral sa kapwa mag-aaral, paninira, panlalait ng kapwa gamit ang teknolohiya na
maaaring makaapekto sa pisikal at sikolohikal na kondisyon ng tao lalo pa’t nasa murang edad, paggamit ng
masamang salita at kilos, komento o biro, mga gawain na itinuturing na pambubulas o bullying na nakasaad sa
Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013 na nilagdaan ng dating Pangulo ng Pilipinas na si Benigno
Aquino III. Ang pinakamasama sa lahat ng marahas na kilos na maaaring maganap sa paaralan ay ang
pagdadala ng mag-aaral ng mga bagay na nakamamatay tulad ng patalim. Kung kaya pinagsisikapan ng guro,
magulang at iba pang miyembro ng lipunan na maiwasan, maagapan, at masolusyonan ang patuloy na
paglaganap ng karahasan sa loob ng paaralan sapagkat malaki ang magiging epekto nito sa pagkatuto at
pakikipag-ugnayan ng bata

Dagdag pa, ang karahasan ay maaaring maiwasan kung tayo ay may sapat na kaalaman at aktibong
pakikilahok sa mga gawaing magpapaunlad ng angkop na kilos tungo sa pagsugpo sa anumang uri ng
karahasan. Ang pag-iwas sa karahasan ay nasisimulan sa pagmamahal at pagpapahalaga ng sarili, kapwa, at
sa buhay na ipinagkaloob ng Panginoon. Bukod dito, ang pamilya, lipunan, at paaralan ay may malaking
kontribusyon sa pagkamit ng mga angkop na kilos upang mapagtagumpayang maiwasan at masupil ng mag-
aaral ang karahasan sa paaralan.

Ilan sa mga ito ay ang sumusunod (Raja, 2019):

a. Pagtuturo ng magandang asal gaya ng hindi pananakit o pambubulas sa kapwa. Ang pambubulas o bullying
ay isang sinasadya at madalas na malisyosong pagtatangka ng isang tao o pangkat na saktan ang katawan o
isipan ng isa o mahigit pang biktima sa paaralan.
b. Pagbibigay puri sa mga anak upang mapagtibay ang positibong pananaw nito.
c. Pagtuturo na masama ang manakit ng kapwa.
d. Tulungan ang anak na magtiwala sa sarili nang sa gayon ay matutunan din niyang magtiwala sa iba.
e. Ipaunawa sa anak ang epekto ng karasahan sa sarili at sa kapwa.
f. Magsagawa at suportahan ang mga programang magpapaunlad sa kamalayan ng mga bata tungkol sa
masamang epekto ng karahasan, gaya ng symposium at seminar.
g. Pagpapatupad ng mga panukalang batas na susugpo sa patuloy na paglaganap ng karahasan sa paaralan
at maging sa lipunan.
h. Bigyan ng tamang paggabay ang mga anak at mag-aaral.

Anumang pagsisikap ng mga magulang, paaralan at lipunan sa pagsugpo ng karahasan ay walang


pagbabagong magaganap kung hindi ito sisimulan sa sarili. Kung gayon ay nararapat na malaman mo ang mga
angkop na kilos na isasagawa upang maiwasan at masupil ang mga karahasan sa paaralan.

Ayon kay Yahnke (2019), ang mga sumusunod ay angkop na kilos upang maiwasan ang karahasan sa
paaralan. Ang mga ito ay gamitin bilang gabay sa sarili upang mapaunlad ng angkop na pagkilos at maiwasan
ang karahasan sa paaralan.
✓ Isaisip mo na walang maidudulot na mabuti ang pakikisangkot sa anumang karahasan.
✓ Pakinggan mo ang payo ng iyong mga magulang, nakatatanda, guro at ibang awtoridad.
✓ Mahalin mo at igalang ang sarili at ang kapwa.
✓ Makilahok ka sa mga gawaing kapaki-pakinabang tulad ng isports, pagbabasa, at iba pa.
✓ Sumunod ka sa mga patakaran at batas pampaaralan.
✓ Pakitunguhan mo ang anumang sitwasyon nang mahinahon.
✓ Makipagkaibigan ka sa kapwa mag-aaral.
✓ Pairalin mo ang pagiging sensitibo sa nararamdaman ng ibang tao.
✓ Magpakita ka ng kabutihang-loob sa kapwa.

Sources: EsP ADM 4th Quarter, Unang Edisyon; 3


EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO (EsP 8) 4TH QUARTER WEEK 5-6
✓ Manampalataya ka sa Panginoon.
✓ Ipaalam mo sa magulang, guro, at kinauukulan kung may karahasang nasaksihan.
✓ Sikapin mong maging positibo, tapat, at bukas ang isipan sa lahat ng pagkakataon.
✓ Iwasan mo ang paggawa at pagpapakalat ng masamang bagay tungkol sa kapwa mag-aaral.
✓ Magbahagi ka ng problema o dinadamdam sa magulang at guro.

Tiyak na maiiwasan at masusupil ang karahasan sa paaralan kung magkakaisa at magtutulungan ang
bawat sektor ng lipunan na tuwirang may awtoridad at responsibilidad para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Tandaan na ikaw rin ay bahagi ng lipunan at ang paggawa ng angkop na kilos upang matigil ang karahasan ay
nagsisimula sa sarili.

ACTIVITY SHEETS
(Isulat ang sagot sa 1 buong papel)
Pangalan: _________________________________________________ Grade & Section: _______________
Guro; ______________________________________________________ Petsa: __________________

GAWAIN 1 Panuto: Basahing mabuti ang bawat tanong o sitwasyon at piliin ang tamang sagot.
Titik lamang ang isulat sa sagutang papel.

1. Nang ikaw ay palabas na ng silid-aralan, nakita mong kinandado ng iyong mga kaklase ang pintuan kahit may
ibang kaklase pang nasa loob na naglilinis ng palikuran. Agad namang nagsitakbuhan ang mga ito palayo.
Ano ang nararapat mong gawin upang matigil ang karahasan?
A. batuhin ng tsinelas ang kaklase
B. susuntukin ang nagsara ng pinto
C. sigawan ang mga kaklaseng nagsitakbuhan
D. buksan ang pinto ng palikuran at palabasin ang kaklase
2. Likas na mabait si Naomi kahit na pinapahiya siya ni Jam sa loob ng silidaralan. Hindi ito umiimik at umiiwas
na lamang. Nakita ng guro ang ginawa ni Jam kay Naomi, ano ang nararapat na gawin ng guro upang hindi
magpatuloy ang maling ginawa ni Jam?
A. Papaluin si Jam sa harap ng klase.
B. Pauuwiin nalang si Jam sa kanilang bahay.
C. Ipaunawa kay Jam na mali ang kanyang ginawa.
D. Ipapahuli agad sa pulis si Jam para ito ay magtanda.
3. Habang ikaw ay nagsusulat ng iyong takdang aralin, biglang hinablot ang iyong kuwaderno. Ano ang iyong
gagawin upang hindi na magkaroon ng gulo?
A. sisigawan ang kaklase nang malakas
B. susuntukin ang kaklase dahil sa inis
C. ngingiti na lamang at ibigay na lang sa kanya ang kuwaderno
D. mahinahon na kakausapin ang kaklase at kukunin ang kuwaderno
4. Kasalukuyan kang nag-uulat sa harap ng klase, bigla kang nakarinig ng panlilibak mula sa iyong kaklase. Ano
ang nararapat mong gawin upang makaiwas sa karahasan?
A. gagantihan ang kaklase
B. pagagalitan siya sa harap ng klase
C. hahayaan mo na lang silang manlibak
D. iiyak at hindi nalang itutuloy ang pag-uulatgkaroon ng matiwasay at tahimik na buhay
5. Alin sa mga pahayag ang nagpapakita ng angkop na kilos bilang patunay sa pag-iwas ng karahasan sa
paaralan?
A. pananakit ng kapwa
B. maayos na pakikitungo sa kapwa
C. paggamit ng ipinagbabawal na gamot
D. pagbibitaw ng masasakit na salita sa iba
6. Ano ang pinakamabisang magagawa ng mga awtoridad sa paaralan upang masupil ang pambu-bully?
A. suspindihin ang nambu-bully sa paaralan
B. papaglinisin sa school ground ang nambu-bully para magtanda
C. hindi tatanggapin sa paaralan ang mga estudyanteng nambu-bully
D. maglatag ng kaukulang programa para masupil ang pambu-bully sa paaralan
7. Narinig ni Lyca na may balak ang matalik na kaibigang si Jane na hilahin ang buhok ng kaklase kaya sinaway
niya ito at pinayuhan kaya hindi naituloy ang masamang balak nito. Alin sa mga pahayag ang patunay na
naisagawa ni Lyca na masupil ang posibleng mangyaring karahasan sa paaralan?
A. Pagsaway at pagpayo sa kaibigan.
B. Pinapagalitan ang kaibigan sa masamang balak nito.
C. Pagtulong sa kaibigan na hilahin ang buhok ng kaklase.
D. Ipinagbigay-alam niya sa guro ang balak ng kanyang kaibigan.
8. Si Athena ay biglang sinampal ng kanyang kaklaseng si Jen sa kadahilanan na hindi niya alam. Ano kaya ang
dapat gawin ni Athena upang maiwasan ang karahasan?
A. Pasasalamatan si Jen.
B. Sasampalin din niya ito.
C. Matuwa sa ginawa ng kapwa.
D. Kakausapin si Jen ng masinsinan.

Sources: EsP ADM 4th Quarter, Unang Edisyon; 4


EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO (EsP 8) 4TH QUARTER WEEK 5-6
9. Pumunta ang Nanay ni Jade sa paaralan upang ibigay ang naiwang baon nito at nasaksihan niyang inaaway
ng grupo ng kalalakihan ang kanyang anak. Ano kaya ang maaaring hakbang na gawin ng Nanay ni Jade?
A. dalhin sa police station at ireklamo
B. makipag-ugnayan sa guidance counselor ng paaralan
C. pagsabihan ang grupo ng masasakit na salita para magtanda
D. paghahampasin ang mga estudyanteng nagpapaiyak sa kanyang anak
10.Nakita mong nilagyan ng dahon ng saging ang bag ng isa mong kaklase. Ano ang pinakamainam na gawin
sa ganitong sitwasyon upang matigil ang karahasan sa iyong kaklase?
A. hayaan ang salarin sa kaniyang ginawa
B. ipagbigay-alam sa guro ang tunay na nangyari
C. tatahimik na lang at magpanggap na walang nakita
D. tutulong sa paglagay ng dahon ng saging sa bag nito
11. Alin sa sumusunod ang angkop na kilos para makaiiwas at makasusupil ng karahasan sa paaralan?
A. manlait ng kapwa
B. mag-imbento ng kwento
C. magpakita ng kabutihang loob
D. manuntok upang ipagtanggol ang sarili
12. Paano masusupil at maiiwasan ang mga karahasan sa paaralan?
A. isipin lamang ang sarili
B. pagsasarili sa problema
C. pag-usapan ang kaklase
D. pakikinig sa pangaral ng magulang
13. Nakita mong kinukutya ng iyong kaibigan ang isang mag-aaral dahil ito ay sobrang payat, ano ang nararapat
mong gawin?
A. manahimik at huwag ng makialam
B. susuportahan ang kaibigan sa ginawa
C. suntukin ang nangungutya sa mag-aaral
D. pagsabihan ang kaibigan na mali ang kaniyang ginawa
14. Bilang Student Leader na tagapagsulong ng Anti-Bullying Act, ano ang pinakamainam na gawin para sa
mag-aaral na nangungutya sa batang may kapansanan?
A. pagbayarin ng multa sa pangungutyang ginawa
B. turuan ng leksiyon ang kinukutya at ang nangungutya
C. ipagbigay-alam sa Guidance Counselor upang mapangaralan
D. sabihan siyang huwag na lang pumasok para hindi niya ma-bully ang mag-aaral na may kapansanan
15. Alin sa mga sumusunod ang nagpapakita ng pagmamahal sa kapwa na
magiging daan upang makaiwas o masupil ang karahasan sa paaralan?
A. bigyan ng pagkain ang kaklase
B. aawayin ang mambubulas sa kaklase
C. pagbibitaw ng masasakit na salita sa kaklase
D. hindi sila pakialaman upang walang gulong mangyari

Sagutin ang mga


sumusunod:

1. Para sa iyo, ano ang


ibig sabihin ng salitang
iyong nabuo?

2. Bilang kabataan,
paano mo ito
maiiwasan?

3. Magbigay ng isang
halimbawa kung
naranasan mo ito.

Sources: EsP ADM 4th Quarter, Unang Edisyon; 5

You might also like