You are on page 1of 13

BAITANG 1 1 | PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA

PANANALIKSIK

YUNIT 4
Tekstong Persuweysib

Mahalaga ang pagkakaroon ng kasanayan sa pagtukoy ng uri ng teksto. Sa


tulong nito ay madaling natutukoy ang tekstong kailangan sa pananaliksik, pagkuha ng
impormasyon sa isang paksa o gawain, o pag-alam sa mga bagay na nais tuklasin.
Ngunit may mga pagkakataong kailangan mong magpasya o magbigay ng desisyon.
Halimbawa, kung sasang-ayon ka ba sa isang mungkahi o ideya o kung bibilhin ang
isang produkto o hindi. Ang tekstong persuweysib ay ginagamit sa ganitong mga
pagkakataon. Tingnan ang poster na ito. Ano ang mensaheng nais ipahiwatig nito?

Ipagpalagay na isa ka sa mga negosyanteng lalahok sa gawaing ito. Paano mo


mahihimok ang mga mamimili na tangkilikin ang iyong produkto? Makasusulat ka ba ng
patalastas tungkol sa iyong mga sapatos? Kalakip din ng yunit na ito ang pagtalakay ng
katangian at kalikasan ng teksto, pagtukoy sa paksa ng teksto, kahulugan at katangian
ng mga salita sa teksto, at paggamit ng mga cohesive device o pangatnig.
Aralin 1
Katangian at Kalikasan ng Teksto

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang natutukoy ang
kahulugan at katangian ng tekstong persuweysib.

Basahin natin ang lunsarang teksto:


Tayo na sa Sapatos Festival!

Kapag sinabing ang sapatos ay "gawang Marikina, " sigurado itong matibay at
maganda. Yari ang mga ito sa materyales na may mataas na kalidad. Dumaan ang
mga ito sa maiingat at mahuhusay na mga kamay ng mga sapatero. Mayroon din
itong iba't ibang kulay at disenyo na tiyak na babagay sa panlasa ninuman. Ang
mga ito ay iniluluwas at ipinagbibili sa ibang bansa. Patunay lamang na ang
"gawang Marikina" ay talagang maipagmamalaki.

Ipagdiwang natin ang husay ng


mga sapatero ng Marikina!
Tangkilikin natin ang kanilang
mga gawa. Halina, dumalo at
makiisa sa darating na Sapatos
Festival sa Nobyembre 1
hanggang Disyembre 15, 2016 sa
Marikina Riverbanks. Sa
halagang P199.00 pataas ay makabibili ka ng sapatos na
angkop sa iyong panlasa!

Saan ka pa makabibili ng maganda at matibay na sapatos na


abotkaya? Dito lang yan sa Marikina!

• Ano ang masasabi mo tungkol sa teksto?


• Ano ang nais nitong ipahayag sa mga mambabasa?
• Nakumbinsi ba kayong pumunta at makilahok sa gaganaping Sapatos Festival? Ang
tekstong ito ay halimbawa ng isang tekstong persuweysib.

Ang tekstong persuweysib ay tekstong nanghihikayat sa mga mambabasa na


maniwala sa tao, bagay, lugar, pangyayari, o aksyong inilalahad nito. Ang inilalahad na
tao, bagay, lugar, pangyayari, o aksyon ng isang tekstong persuweysib ay tinatawag na
posisyon. Layunin ng tekstong persuweysib na hikayatin ang mga mambabasa upang
piliin ang posisyong inilalahad dito.

Mga Halimbawa ng Tekstong Persuweysib

Maraming halimbawa ng tekstong persuweysib ang makikita natin sa paligid. Ilan dito
ang mga advertisement o patalastas sa radyo at telebisyon, mga talumpati sa
pangangampanya at rally, paalala sa mga poster o billboard, at feature article tungkol
sa isang gadget, cellphone, at computer.

Ang mga advertisement o patalastas ay naglalayong hikayatin ang mga mamimili na


tangkilikin ang kanilang iniendorsong produkto o serbisyo. Kasama na rito ang mga
paalala sa mga poster o billboard. Dito ay inilalahad ang mga katangian ng produkto o
serbisyo, pati na rin ang mga benepisyong makukuha kung tatangkilikin ito. Kung ating
babalikan, ang patalastas ay maaaring ituring na isa ring tekstong impormatibo. Ngunit,
kung lantaran na itong humihingi ng pagtangkilik at hindi lamang nagbibigay ng
impormasyon tungkol sa produkto o serbisyo, ito ay isa nang halimbawa ng tekstong
persuweysib.

Ang mga speech o talumpati ay mga pahayag na naglalayong makumbinsi ang mga
tagapakinig o mambabasa na maniwala o suportahan ang posisyon o nais mangyari ng
nagtatalumpati. Inilalahad rito ang magagandang punto o benepisyo na makakamit
kung susuportahan ang nagtatalumpati.

Halimbawa:
Tuwing sasapit ang halalan ay nagtatalumpati ang mga kandidato para
kumbinsihin ang mga mamamayan na sila ay iboto. Dito ay inilalahad nila ang mga
pangakong pagbabago o serbisyong ibibigay sa mga mamamayan kung sakaling sila ay
manalo. Mayroon din namang mga talumpati na ipinahahayag sa mga protesta at rally.
Dito ay inilalahad ang mga isyung pinag-uusapan at ang hindi magagandang epekto na
naidudulot nito sa mga mamamayan. Nais din nitong kumbinsihin ang mga
mamamayan na makiisa sa protesta at isulong ang isang hakbang na mas makabubuti
para sa nakararami.

Sa mga diyaryo at magasin naman mababasa ang mga feature article. Ang mga
ito ay nagbibigay ng rebyu tungkol sa isang produkto o serbisyo na karaniwang bagong
labas sa
merkado. Dito ay nagbibigay ng marka, halimbawa 7/1 0, pagkatapos ilahad ang mga
katangian, benepisyo, at kakulangan ng produkto o serbisyo.

Mga Katangian ng Tekstong Persuweysib


Muling tunghayan ang poster na ito.

Paano natin ito ilalarawan?


• Makulay ang ilustrasyon nito.
• Malinaw na nababasa ang teksto o
impormasyon.
• Kumpleto ang detalye tungkol sa gaganaping
festival.

Naengganyo ka bang pumunta sa festival sa


tulong ng poster na ito?
Balikan natin ang lunsarang teksto.

Inilalahad rito ang mga detalye tungkol sa mangyayaring festival. Matutukoy rito
kung “ano” (Sapatos Festival), “sino” (natin o tayong lahat), “kailan” (Nobyembre 1
hanggang Disyembre 1 5, 201 6 ), “saan” (Marikina Riverbanks), at “paano” (dumalo at
makiisa). Hinihikayat din nito ang mga mambabasa na makibahagi sa gawain sa
pamamagitan ng paglalahad sa ganda at tibay ng sapatos na gawa sa Marikina.

Isa-isahin natin ang mga pahayag na ito:


• “Gawang Marikina” ay siguradong matibay at maganda
• May mataas na kalidad
• Maiingat at mahuhusay na mga kamay ng mga sapatero
• May iba’t ibang kulay at disenyo
• Talagang maipagmamalaki

Ang tekstong ito ay halimbawa ng isang tekstong persuweysib. Sa tulong ng poster ay


higit na nanghihikayat ito ng mga mambabasa na dumalo at makiisa sa gaganaping
Sapatos Festival.

Para maging mabisa ang isang tekstong persuweysib, nararapat na makuha nito ang
interes ng mga mambabasa. Ito ay inaasahang maging simple, malinaw, organisado, at
gumagamit ng mga salitang nakapanghahalina.

Isa-isahin natin:
Mga Paraan ng Panghihikayat

Ayon kay Aristotle, isang kilalang pilosopo sa Sinaunang Gresya, may tatlong paraan
para makapanghikayat. Ito ang ethos, pathos, at logos.

Ethos
• Ang “ethos” ay nangangahulugang “karakter” o “personalidad.”
• Sa paraang ito, ginagamit ang impluwensiya at kredibilidad ng isang kilalang tao para
makahikayat ng mga tao na tangkilikin ang isang
produkto, serbisyo, o paniniwala.
• Ito ang madalas gamitin sa mga advertisement o
commercial ng iba’t ibang produkto.
• Sa ganitong paraan, ipinalalagay ng mambabasa o
manonood na ang iniendorsong produkto o serbisyo
ay ginagamit ng kilalang artista o personalidad na
nagpapaganda sa kaniyang hitsura o nagpapabuti ng
kaniyang kalagayan. Dahil dito, nahihikayat ang mga
tao na tangkilikin din ang nasabing produkto o
serbisyo para maging katulad siya ng nag-iendorso,
na karaniwan ay iniidolong artista o personalidad.
• Ang literal na salin ng salitang ethos ay character.
Alam ba ninyo kung paanong kapag nanunuod tayo ng
isang patalastas sa telebisyon at nakita natin na ang
paborito nating artista ang nag-iendorso ay napaiisip tayong bumili ng kaniyang pino-
promote na produkto? Dahil ipinalalagay nating gumagamit siya ng produkto o
serbisyong iyon, at para sa atin ay kapani-paniwala siyang tao, napaniniwala tayo na
tunay na mahusay ang nasabing produkto o serbisyo.
Halimbawa:
• Sa ating lunsarang teksto ay maaaring magdagdag ng isang pahayag o testimonya
mula sa isang kilalang artista o personalidad tungkol sa ganda at tibay ng mga sapatos
ng Marikina.
• Maaari din sabihing ang personalidad na ito ay dadalo sa festival para mahikayat ang
mga tao na dumalo rin para makita ang iniidolong personalidad.

Pathos
• Ang “pathos” ay nangangahulugang “nararamdaman.”
• Ang paraang ito ay nanghihikayat sa pamamagitan ng pag-apila sa damdamin o
emosyon ng mga tao.
• Ito ang madalas gamitin kung nais makakuha ng simpatiya, pakikiisa, o pagkilos.

Halimbawa:
• Ang isang nasalanta ng kalamidad ay maaaring magsalaysay ng kaniyang hindi
magandang karanasan at mga bagay na nawala sa kaniya para makakuha ng simpatiya
at tulong sa ibang tao.
• Ang mga nagpoprotesta tungkol sa isang panlipunang isyu ay maaaring makahikayat
sa iba na makaramdam ng galit sa pamamagitan ng
paglalahad ng hindi magagandang epekto ng isang gawain
sa mga tao.

Sa halimbawang teksto, hinihikayat ang mga tao na


tangkilikin ang mga lokal na produkto sa pamamagitan ng
pag-apila sa damdamin ng mga tao na dapat nilang
ipagmalaki ang mga sapatos ng Marikina dahil “iniluluwas at
ipinagbibili na rin ito sa ibang bansa.” Nakararamdam tayo
ng pride o ipinagmamalaki natin ang pagiging Pilipino kapag
nalalaman natin na may mga Pilipinong nagdala ng
karangalan sa bansa sa larangan ng isports, pelikula,
paglilingkod, at iba pa.

Katangian Paliwanag / Halimbawa

Ang kasalukuyang kampanya na “It’s more fun in the Philippines” ng Department of


Tourism ay hindi lamang maaaring nakapupukaw ng pagiging makabayan, kung hindi
pati na rin ang makaengganyo ng mga turista na bumisita sa Pilipinas. Ipinakikita ng
poster na ang pagbisita sa ating bansa ay naghahatid ng masasayang karanasan at
magagandang alaala. Isa itong magandang halimbawa ng panghihikayat gamit ang
pathos.

Logos
• Ang “logo” ay nangangahulugang “sinabi ko.”
• Sa paraang ito, gumagamit ng mga katunayan,
ebidensiya, estadistika, mga makasaysayang tala, mga
opisyal na dokumento, mga sipi sa pananaliksik, at
panayam upang patunayan ang katotohanan at bigat ng
katuwiran.
• Karaniwang gumagamit ng mga pahayag na “Ayon sa
aming pag-aaral…,” “9 out of 10 Filipinos…,” o “Batay sa
estadistika ng (pangalan ng ahensiya ng pamahalaan)…
Sa pamamagitan nito ay ipinahihiwatig na ang inilalahad
ay may katotohanan at batay sa mga napatunayan at
tinatanggap nang kaalaman.
Ganito rin ang ginagamit sa pagsulat ng mga
feature article, kung saan inilalatag ang magagandang
katangian ng isang produkto o serbisyo batay sa
itinakdang pamantayan ng magandang produkto o serbisyo.

Sa lunsarang teksto, inisa-isa ang magagandang katangian ng mga sapatos na


“gawang Marikina” upang patunayan ang katotohanan ng pagiging maganda at matibay
nito. Gayunpaman, higit itong makapanghihikayat kung nagdagdag ng pahayag na
“Simula pa noong dekada ‘50 ay kilala na ang mga sapatos ng Marikina na may mataas
na kalidad.”

Tandaan, ang tekstong persuweysib ay tekstong nanghihikayat sa mga


mambabasa na maniwala sa tao, bagay, lugar, pangyayari, o aksyong inilalahad nito.
Layunin nito na hikayatin ang mga mambabasa upang piliin ang posisyong inilalahad
rito.

Ilan sa mga halimbawa ng tekstong persuweysib ay ang mga patalastas,


talumpati, at feature article tungkol sa iniendorsong mga produkto o serbisyo. Para
maging mabisa ang isang tekstong persuweysib, dapat itong maging simple, malinaw,
organisado, at gumagamit ng mga salitang nakapanghahalina.

May tatlong paraan ng panghihikayat ang isang tekstong persuweysib: ethos,


pathos, at logos. Ang ethos ay paggamit ng kredibilidad ng isang kilalang personalidad;
ang pathos ay ang pag-apila sa damdamin ng mga tao; at ang logos ay ang paggamit
ng mga katibayan.
Aralin 2
Pagtukoy sa Paksa ng Teksto
Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang natutukoy ang
paksa, pangunahing ideya, at ang mga sumusuportang ideya ng isang tekstong
persuweysib.

Sa nakaraang aralin ay tinalakay natin ang kahulugan at mga katangian ng


tekstong persuweysib. Tampok naman sa araling ito kung paano matutukoy ang paksa
ng isang tekstong persuweysib.
Paano kung nais nating hikayatin ang isang kaibigan na sumama o makilahok sa
Sapatos Festival? Paano natin ilalahad ang mga detalye sa maikli, ngunit
makabuluhang paraan?

• Anong unang naiisip ninyo tuwing naririnig o nababasa ang salitang paksa?
• Paano malalaman ang pangunahing ideya at sumusuportang mga ideya sa isang
tekstong persuweysib?

Basahin nating muli ang halimbawang teksto sa sinundang pahina. Sa pagkakataong ito
ay tutukuyin at uunawain natin ang kahulugan ng paksa, pangunahing ideya, at
sumusuportang mga ideya.

Paksa, Pangunahing Ideya, at Sumusuportang Ideya


Ang paksa ay ang tiyak na tao, bagay,
lugar, pangyayari, o aksyon na iniendorso
o nais ng teksto na tangkilikin ng mga
mambabasa. Maaari itong matagpuan sa
unang talata o sa huling talata ng teksto.
• Maaaring tuwirang ihinahayag o
ipinahihiwatig lamang ang paksa.
• Matutukoy ang paksa ng isang teksto sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga inilahad
na impormasyon, dahilan, o pangyayari na inilahad sa talata.

Ang pangunahing ideya ay ang tiyak na aksyon na nais ipagawa ng teksto. Ito ang
“posisyon” ng teksto. Maaari din itong makita sa una o huling talata ng teksto.

Ang sumusuportang mga ideya naman ay mga detalye, katibayan, ebidensiya, o


pahayag na nagpapatibay o nagpapatunay sa katotohanan ng posisyon.

Pagtukoy ng Paksa, Pangunahing Ideya, at Sumusuportang Ideya


Balikan natin ang lunsarang teksto. Matutukoy na ba ninyo kung ano ang paksa nito?
Sa ikalawang talata ay matutukoy ang paksa ng teksto.

Paksa: Sa darating na Sapatos Festival

Ito ang pangyayari na iniendorso o pinatatangkilik ng teksto.


Ano naman ang pangunahing ideya ng teksto?

Pangunahing Ideya: Halina’t dumalo at makiisa.

Sa ikalawang talata ay mababasa ang “halina’t dumalo at makiisa.” Ibig sabihin, nais ng
teksto na mahikayat ang mga mambabasa na dumalo sa festival at tangkilikin ang mga
sapatos ng Marikina. Ito ang posisyon o aksyon na nais mangyari ng teksto.

Ano-ano naman ang sumusuportang ideya?

Sumusuportang mga Ideya: Kapag sinabing ang sapatos ay "gawang Marikina, "
sigurado itong matibay at maganda. Yari ang mga ito sa materyales na may mataas na
kalidad. Dumaan ang mga ito sa maiingat at mahuhusay na kamay ng mga sapatero.
Mayroon din itong iba't ibang kulay at disenyo na tiyak na babagay sa panlasa ninuman.
Ang mga ito ay iniluluwas at ipinagbibili sa ibang bansa. Patunay lamang na ang
"gawang Marikina" ay talagang maipagmamalaki.
Pansinin na ang unang talata ay naglalahad o naglalarawan tungkol sa ganda at tibay
ng mga sapatos na gawa sa Marikina. Inisa-isa nito ang mga katangian ng sapatos at
umaapila ito sa damdamin ng mga tao na “ipagmalaki” ang lokal na produkto dahil
naipagbibili na ito sa ibang bansa. Katunayan lamang ang mga ito na sadyang mataas
ang kalidad ng mga produktong iniendorso.

Ngayon ay tingnan ang posisyon o kinalalagyan sa teksto ng mga konseptong tinalakay


natin.

Tandaan, ang paksa ay ang tiyak na tao, bagay, lugar, pangyayari, o aksyon na
iniendorso o nais ng teksto na tangkilikin ng mga mambabasa. Maaari itong matagpuan
sa unang talata o sa huling talata ng teksto.

Ang pangunahing ideya ay ang tiyak na aksyon na nais ipagawa ng teksto. Ito ang
“posisyon” ng teksto. Maaari din itong makita sa una o huling talata ng teksto.

Ang sumusuportang mga ideya naman ay mga detalye, katibayan, ebidensiya, o


pahayag na nagpapatibay o nagpapatunay sa katotohanan ng posisyon.
Mahalagang matukoy natin ang paksa at mga ideyang nakapaloob sa isang tekstong
persuweysib para higit nating maunawaan ang mensahe at aksyon na nais nitong
ipagawa sa mga mambabasa.

You might also like