You are on page 1of 6

Ang Araw at ang Hangin

by PinoyCollection.com

Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong
dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.

Isang araw, sinabi ng hangin, “O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas
ako kaysa iyo?”

Ngumiti ang araw. “Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun,
may lalaking dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot
niyang polo, siya ang
kikilalaning mas malakas.”

“Payag ako. Ngayon din, magkakasubukan tayo,” malakas na sagot ng hangin.

“Ako ang uuna,” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang
labanan.

Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao
ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.

Nilakasan ng hangin ang pag-ihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa
may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa pag-ihip. Lalo namang
pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.

Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa pag-ihip niya ay talagang hindi niya
makuhang mapaalis ang damit ng lalaki.

“Sige,” sigaw niya sa araw, “tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin
naman mapapahubad ang taong iyon.”
Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng
lalaki.

Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya at ang lalake ay nagkalas ng mga
ilang butones sa baro.

Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal
nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito.

Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin.


Araw, Buwan, at Kuliglig
by PinoyCollection.com

Noong unang mga panahon, laganap pa sa kapaligiran ang mga punong


siyang maaaring panirahan ng mga kuliglig. Kakaunti pa ang tao sa mundo,
masagana ang kabukiran.

Isang araw, ang Buwan at ang Araw ay naglalakbay sa alapaap. Masaya ang
mag-asawang ito. Gwapo ang Araw at maganda ang Buwan. May anak silang lalaki.
Mahal na mahal nila ang anak nilang ito. Masaya silang namumuhay na mag-anak.

Ang kasayahan nilang mag-anak ay ginulo ng isang alitan. Nagsimula lamang


iyon sa isang munting pagtatalo, hanggang sa magpalitan na sila ng mabibigat na
mga salita. Nagalit si Buwan. Inihampas ang walis sa pisngi ni Araw. Umalis si Araw
dahil sa malaking galit sa asawa.

Isang araw, habang pinaliliguan ni Buwan ang kanilang anak biglang dumating
si Araw. Isinaboy niya sa mukha ni Buwan ang dalang mainit na tubig. Napasigaw si
Buwan. Nasira ang magandang mukha nito. Dahil sa kabiglaan ni Buwan sa
nangyari sa kanya, nabitiwan niya ang kanyang anak at nahulog ito sa lupa.

Sinasabing ang anak na ito ang naging kuliglig. Umiiyak ito tuwing lumulubog
na ang araw sa kanluran. Nais niyang makita ang kanyang mga magulang na
matagal nang nawalay sa kanya. Dahil naman sa pagkakagalit ng mag-asawa hindi
na sila nagsamang muli. Kung araw lamang makikita si Araw, kung gabi naman
makikita si Buwan.
Ang Buwaya at ang Pabo
by PinoyCollection.com

Noong unang panahon, may isang batang buwayang namumuhay sa pampang ng Ilog
Pasig. Siya ay mabangis at ubod ng sakim. Sa kadahilanang ito, walang ibang hayop ang
magkalakas ng loob na siya’y lapitan.

Isang araw habang siya ay namamahinga sa ibabaw ng isang bato, napag-isipan niyang
mag-asawa na. Pasigaw niyang sinabi,

“Ibibigay kong lahat ng pag-aari ko upang magkaroon ng asawa.”

Katatapos pa lamang niyang sambitin ito nang may makiring pabo ang dumaan sa
kanyang harapan. Inulit banggitin ng pilyong buwaya ang kanyang kahilingan. Nakinig ng
mabuti ang makiring pabo, at sinumulang suriin ang anyo ng buwaya.

Sabi niya sa kanyang sarili,

“Pakakasalan ko ang buwayang ito. Mayaman siya. Naku! Kung mapapasaakin lamang
ang lahat ng mga perlas at diyamante, ako ang magiging pinakamasayang asawa sa buong
mundo.”

Bumaba ang pabo sa bato na kung saan naroroon ang buwaya. Sinabing muli ng pilyong
buwaya ang kanyang pag-aalok ng kasal nang buong pagpipitagan, gaya ng gawi ng isang
mapagkunwari.

Inakala ng pabo na ang malalaking mata ng buwaya ay dalawang magagandang


diyamante at ang magaspang na balat nito ay gawa sa perlas, kaya tinanggap niya ang alok
nitong pagpapakasal.
Inanyayahan ng buwaya ang pabo na umupo sa kanyang bibig, upang sa gayon ay hindi
daw madumihan ng putik ang maganda nitong plumahe. Sinunod naman ng mangmang na ibon
ang kahilingan ng buwaya.

Ang Bata at ang Aso


by PinoyCollection.com

Si Boyet ay may alagang aso. Ang tawag niya dito ay Tagpi. Puting-puti ang makapal na
balahibo ni Tagpi. Sa bandang likod ay mayroon itong isang malaking tagpi na kulay itim. Iyon ang
dahilan kung bakit tagpi ang itinawag ni Boyet sa kanyang aso. Mahal na mahal niya si Tagpi.
Palagi niya itong pinaliliguan. Binibigyan niya ito ng maraming masasarap na pagkain at tubig.
Madalas din niya itong ipinapasyal.

“Habol, Tagpi!” sigaw niya habang nakikipag unahan siya sa pagtakbo sa alaga.

Isang araw ay may naligaw na aso sa lugar nina Boyet. Kasing laki ni tagpi ang aso pero
kulay tsokolate ito. Manipis ang balahibo ng tsokolateng aso kaya hindi ito magandang tingnan.
Marami pang putik sa katawan kaya mukha rin itong mabaho. Hindi ito katulad ni Tagpi na ubod ng
linis dahil araw-araw niyang pinaliliguan.

Nakita ng tsokolateng aso si Tagpi. Lumapit ito sa bakod nila at tinahulan ang kanyang alaga.
Gagalaw-galaw pa ang buntot ni Tagpi na parang tuwang-tuwa.

Hindi nagustuhan ni Boyet na makikipaglaro si Tagpi sa marungis na aso. Binugaw niya ang aso
pero ayaw nitong umalis.

“Tsuu,tsuu!” bugaw niya rito.

Ayaw umalis ng aso, panay ang tahol nito kay Tagpi. Nainis si Boyet. Kumuha siya ng mahabang
patpat at hinampas niya ang aso. Nabuwal ito at nag-iiyak.

Hahampasin sana muli ni Boyet ang kulay tsokolateng aso para tuluyan nang umalis pero dumating
ang kanyang tatay, agad siyang inawat nito.
“Huwag mong saktan ang aso, Boyet” sabi ng kanyang ama.

“Ang baho po kasi, Itay! Baka mamaya ay mahawa pa sa kanya si Tagpi,” katwiran niya.

“Paano kung si Tagpi ang mapunta sa ibang lugar at saktan din siya ng mga bata doon.
Magugustuhan mo ba iyon?” tanong ng ama.

Hindi nakasagot si Boyet. Napahiya siya.

Tinulungan nilang makatayo ang aso. Pinabayaan na niya itong makipaglaro kay Tagpi.

You might also like