You are on page 1of 10

Modyul sa Filipino 3:

Retorika

Inihanda ni:
Dr. Maria Agnes Q. Ifurung
(Propesor)
PAKSA 1: RETORIKA
ALAMIN NATIN 💡___________________________

ANO ANG RETORIKA?


 
Ang retorika ay isang mahalagang kaalaman sa pagpapahayag na tumutukoy sa
kaakit-akit at magandang pagsasalita at pagsulat. Pinag-aaralan dito ang ukol sa
mga tuntunin ng malinaw, mabisa at kaakit-akit na pagpapahayag. Maaaring
maging tama ang mga sulat ng mga salita sa mga pangungusap ngunit kung salat sa
pang-akit, maaaring hindi na maging mabisa ang pahayag. Kahit ano pa ang
sabihin, nakaaakit pakinggan at basahin ang pahayag na maayos ang pagkakabuo,
maganda at tama ang mga salitang ginamit. Naibibigay ang mga ito ng retorika sa
pahayag.
KASAMA NG RETORIKA ANG BALARILA
 
Kung ang retorika ay nagbibigay ng linaw, bisa at kagandahan sa
pahayag, ang balarila naman ang nagdudulot ng kawastuhan sa
pagpapahayag. Ang pagkakaugnay ng mga salita sa mga pangungusap ng
pahayag, ang tamang mga panuring, mga pang-ugnay at iba pa ay upang
magkaroon ng kaisahan ang mga pangungusap.
 
ANG PAGPAPAHAYAG
 
Ginagamit ng mga tao ang pagpapahayag upang ihayag ang kanilang damdamin at kaisipan.
Maaaring gawing pasalita o pasulat ang pagpapahayag. Kapag nakikipag-usap nang harapan o
kaya’y sa telepono, tayo’y nagpapahayag nang pasalita. Kung sinasabi naman ang ating
saloobin sa pamamagitan ng paglilimbag o pagsasatitik ng mga ito sa isang tula, sanaysay o
anumang anyo ng katha, nagpapahayag naman tayo nang pasulat.

Tatlong bagay na dapat isaalang-alang upang matamo ang kalinawan sa pahayag.

1. Diwang ipinahahayag
2. Kasanayan sa pagbuo ng pahayag
3. Tamang pagpili ng mga salita
ANG KOMPOSISYON
 
Ang pagsulat ng isang uri ng pagpapahayag ng iniisip at nadarama. Ano
mang maaaring sabihin ay naisusulat din. Sa mga pormal na pagsasalita,
isinusulat muna iyon bago bigkasin ng nagsasalita.
 
Ang komposisyon ay isa sa mga paraan para mahasa ang mag-aaral sa
pagsulat. Ito ang maituturing na pinakapayak na paraan ng pagsulat. Ang
simpleng pagsulat ng mga natatanging karanasan, pagpapahulugan sa mga
pangyayari sa kapaligiran at para sa mga nabasang artikulo o narinig na mga
talumpati ay nagagawa sa pagsulat ng komposisyon.
MAHALAGANG BAHAGI NG KOMPOSISYON

 
A. Paksa

B. Pamagat
1. May kaugnayan sa paksa
2. Maikli
3. Kaakit-akit
MAHALAGANG BAHAGI NG KOMPOSISYON
(karugtong)
C. Panimula
Iba’t ibang paraan ng panimula:
1. Paggamit ng sipi
-Minsan ay sinabi ng Pangulong Manuel A. Roxas ang ganito: “Ngayon ay malaya na tayo sa ating buhay
pulitika, kailangan na rin tayong lumaya sa sarili. ”

2. Paggamit ng tanong
-Ano ang halik? Ito kaya’y gamot sa nalulumbay na puso?

3. Paggamit ng makatawag-pansing pangungusap


-Langit, pook na hindi pa nararating ng tao ngunit minimithi ng lahat.

4. Maaaring gumamit ng pambungad na pasalaysay


-Napatingin ako sa babaeng nasa bintana, nakita kong pumatak ang kanyang mga luha, napangiti ako.
Naisip kong hindi pa huli ang lahat.
 
MAHALAGANG BAHAGI NG KOMPOSISYON
(karugtong)
 
5. Tahasang paglalahad ng suliraning papaksain
-Ang pag-ibig ay kakaibang damdaming nararanasan ng sinumang nilalang lalo’t higit ng mga
kabataan. Subalit tunay na pag-ibig nga kayang matatawag ang kakaibang damdaming ito?

6. Maaaring gumamit ng salitaan.


-“Hmmmm… ang bango mo ha, anong pabango mo?” tanong ni Rey.
“Perry Ellis , okey ba?,” tugon ni Bel.
“Oo naman, pero mas type ko ang Bengay,” biro muli ni Rey.

7. Paggamit ng salawikain o kawikaan


- “Kung anong itinamin, siyang aanihin.”
 
8. Paggamit ng isa o ilang linya ng awitin
- “Sinaksak mo ang puso ko, kinuskos mo ng sipilyo, binuhusan mo ng asido, sinaksak mo ang puso ko.”
MAHALAGANG BAHAGI NG KOMPOSISYON
(karugtong)
D. Pagwawakas ng Komposisyon
Iba’t ibang paraan ng pagwawakas
1. Pagbibigay ng buod ng paksa
-Sa kabuuan, nararapat lamang na bigyang halaga nating mga kabataan ang paghihirap ng ating mga magulang at suklian natin
ng pagmamahal at ibayong sikap at tiyaga sa pag-aaral ang panahon at salaping ginugugol nila sa atin.
2. Pag-iiwan ng isang tanong/mga tanong
-Sa hamong ito ng panahon, handa ba kayo? Nasa inyo ang kasagutan, mga kaibigan.
3. Mag-iwan ng hamon
-“Sa mga balikat ninyo nakasalalay ang tagumpay at kabiguan ng ating wikang Filipino. Mahalin ninyo ito at pagmalasakitan
at ito’y magtatagumpay, magwalang bahala kayo at ito’y mabibigo. ”
4. Magwakas sa angkop na sipi
-Nais kong hiramin ang pahayag ni Rizal na “Nasa inyong mga kabataan ang pag-asa ng bayan sa kinabukasan.” Sasabihin ko
naman ngayon, nasa inyong kabataan ang pag-asa ng ating sariling wika.
5. Maaaring sariwain ang suliraning binanggit sa simula
-Nakapanlulumong isipin na marami sa mga kabataan ngayon ay walang disiplina lalo na sa pag-aaral. Tila di nila iniisip ang
halaga ng perang pinaghirapan ng kanilang mga magulang.
6. Paggamit ng isang linya ng awitin
-“Tatanda at lilipas din ako, ngunit mayroong awiting iiwanan sa inyo, alaala…”
GAWAIN NATIN: 📖
Bumuo ng tig-iisang halimbawa ng Panimula 1-8 at tig-iisang halimbawa
ng Pangwakas 1-6.

You might also like