You are on page 1of 2

http://www.ua.edu.ph/main/index.php?

option=com_content&view=article&id=198:ang-imahe-ng-wikang-filipino-sa-mgakabalikat-sa-pag-unlad-nito-isang-pagtanaw-sa-paglalakbay-ng-intelektwalisasyonng-wikang-filipino&catid=28:research-journals&Itemid=55

UNIVERSITY OF THE ASSUMPTION


Ang Imahe ng Wikang Filipino sa mga Kabalikat sa Pag-Unlad Nito: Isang Pagtanaw sa Paglalakbay ng Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino
Monday, 22 August 2011 09:11 Edna P. Martinez, Eloisa P. Sanchez & Eleonor G. Silva

Abstrak Ang pag-aaral na ito ay naglalayong matukoy ang mga pananaw ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino bilang isang medyor. Gayundin, nilalayon nitong mailahad ang mga saloobin ng mga guro hinggil sa maaaring kahinatnan ng ganap na intelektwalisasyon ng wikang Filipino kaugnay ng tila umuurong na bilang ng mga nagmemedyor nito. Ginamit ang Qualitative Research sa pagtukoy sa mga pananaw ng mga mag-aaral, mga saloobin ng mga guro at ang maaaring kahinatnan ng ganap na intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Ang mga naging kasagutan mula sa mga talatanungan na ipinamahagi sa mga mag-aaral at mga gurong kalahok sa pag-aaral ang siyang naging batayan ng pagsusuri sa mga pananaw ng mga mag-aaral hinggil sa Filipino bilang isang medyor. Natuklasan sa ginawang pag-aaral na pinipili ng mga mag-aaral ang Filipino bilang kanilang medyor dahil sa pagkakaroon ng magandang karanasan sa kanilang pag-aaral gamit ang sariling wikang Filipino. Gayundin, ang malaking pangangailangan ng mga tagapagturo ng wikang Filipino sa larang. Samantala, napatunayan sa pag-aaral na hindi ikinokonsidera ang Filipino bilang medyor bunga ng pagkakaiba-iba ng interes, talento at kakayahan ng mga mag-aaral, kahirapan ng asignatura dahil sa kakulangan ng kasanayan ng mga guro sa Filipino sa sekondarya at ang kawalan ng oportunidad na makapangibang-bansa. Ang mga guro ay naghayag din ng kanilang mga saloobin hinggil sa maaaring kahinatnan ng ganap na intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa tila umuurong na bilang ng mga nagmemedyor nito gaya ng unti-unting mamamatay ang Filipino sapagkat walang mga young blood na maghahain ng mga inobasyon o pagbabago sa pagdebelop ng wikang Filipino. Upang masagkaan ang ganitong suliranin, nagmungkahi ang mga guro na manguna ang mga guro ng wikang Filipino sa pagiging modelo sa pagpapahalaga nito sa pamamagitan ng pagbibigay prestihiyo rito kung gagamitin sa mga diskursong akademiko. Dagdag pa rito, ang malawakang paglulunsad ng mga programang may kaugnayan sa pag-aangat sa Filipino bilang asignatura at muling pagrerebisa sa kurikulum nito na may malinaw na itinatahak na mungkahing panghanapbuhay.

Dahil dito, iminumungkahi sa mga guro ng wikang Filipino na lalo pang hasain ang angking kagalingan sa pagtuturo nito upang maging inspirasyon ng mga mag-aaral nang sa gayon ay mahikayat sila na ang Filipino ay isang interesanteng medyor. Tinatawagan din ang pansin ng mga mapagkakatiwalaang tanggapan gaya ng DepEd at CHED. Makabubuti kung bago magsimula ang taong paaralan ay magbigay ng mga kaukulang impormasyon hinggil sa pangangailangan ng mga magtuturo ng mga napiling imedyor ng mga mag-aaral sa kursong Edukasyon. Makatutulong din ang paglulunsad ng mga programa upang makahikayat ng mga mag-aaral na magmedyor ng Filipino gaya ng pagsasanay sa mga guro ukol sa mga makabagong inobasyon sa pagtuturo nito, pagdalo sa ibat ibang seminar kaugnay ng wikang Filipino, at mga gawaing pang-akademiko na nagbibigay tuon sa Filipino bilang asignatura. Key terms: Intelektwalisasyon, Wikang Filipino, Filipino Medyor

You might also like