You are on page 1of 2

Paunang Sanaysay

Dakila, bayani, kagalang-galang, respetado at matapang. Ganito raw ang isang sundalo. Sila ang mga klase ng taong kinahahangaan ng kanilang mga naipagtatanggol samanatalang kinamumuhian ng kanilang mga kaaway. Subalit kadalasan, maraming tao ang nagkakamali ng persepsyon sa buhay at kalagayan ng mga sundalo. Isa ako sa mga taong yon. Ngunit nang minsang nakipamuhay ako sa kanila, doon ko natuklasan ang tunay na mga kwentot karanasan na nakapaloob sa mga pader ng isang kampo. Takot ako sa sundalo. Sobrang kaba ang naramdaman ko noong tuluyan kong mapagdesisyunan na sa balwarte ng mga mandirigmang Pinoy ako mag-o-OJT at titira sa loob ng halos isang buwan at kalahati. Marahil dulot ito ng pagiging isang manunulat ko. Isa akong manunulat na pumupuna at kumukontra sa mga mali ng isang pamamahala. Sa paraan ng paglaban ko kung ano sa palagay ko ang tama ay nakakabilang ako sa hanay ng mga aktibistang manunulat. Sa kadahilanang ito, lubos ang pagdadalawang isip ko noon kung tama bang sa mga bantay ng lipunan ko gugulin ang aking oras sa On-the-Job Training. Gayunman, sa bandang huli, napagtanto ko ring hindi ako nagkamali sa aking desisyon noong suungin ko ang isa na naman karanasan na higit na nagbigay sa akin ng inspirasyon. Sino nga ba silang mga sundalo? Pahihirapan nila kami, bubugbugin at sisigawan sa kahit kaunting pagkakamali, yayabangan at tatakutin iyan ang unang inakala ko. Marahil may mga ilan ngang abusado sa kapangyarihang ibingay sa kanila subalit higit pa ring marami ang mga mabubuti. Isang nasagot na panalangin ang matuklasan ang buhay nilang mga alagad ng batas.

Ang bawat mandirigmang Pilipino ay may kanya-kanyang kwento. May ibat-iba silang katangian at karanasan. May tuta at may amo. May siga at may mapagkumbaba. May kumakapit at kinakapitan. Mayroong ilang nagbebenipisyo ng malaki mula sa gobyerno, may ilan din namang ginigipit. May nagpapagamit at may nanggagamit. Katangian na mabuti o maganda, karanasang mapait o matamis. Subalit sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba ay may isang bagay na nagbuklod sa kanila. Isang bagay na dahilan kung bakit marapat silang saluduhan. Bagay na matatawag nating pangako pangako sa Pilipinas. Sa araw ng paglisan ko sa kuta ng mga sundalo, isang mahalagang aral ang ipinabaon nila sa akin. Ito ay ang realisasyon na sa huli, mapasundalo ka man o sibilyan, anuman ang katayuan mo sa buhay, anumang swerte o pasakit ang dinanas mo sa pamahalaan, ay possible at dapat mo pa ring mahalin at ipagtanggol ang Pilipinas, ang kapwa mo Pinoy. Higit pa sa kahit anong baril o pasabog ang isang puso na yumayakap sa sariling bayan. Isang puso na naninindigan sa pagkaPilipino Isang pusong nangangako ng katapatan sa ating bansa. Sa anumang paraan naglilingkod ang isang tao, hanggat dala niya ang pusong ito, tunay na masasabi na siyay armado.

You might also like