You are on page 1of 2

PULIDO, Jillian FIL103.

1 7

II-BSAcT Sir Flores

Mumunting regalo

Maganda ang sikat ng araw, hindi tirik ang sinag at ramdam ang malamig na simoy ng

hangin. Abala ang lahat sa pag-asikaso ng mga kailangang dalhin. Sa kanang bahagi ng silid, kita

ang iba na abala sa pagluluto ng tiyak ay masasarap marahil amoy pa lamang ay nakakatakam

na. Abot sa aking kinatatayuan ang amoy ng ginisang bawang at sibuyas. Sa kabilang banda

naman ay abala sila sa pagbabalot ng aming mga mumunting regalo gamit ang mga pampabalot

na may mga nakakaenganyong dekorasyon. Akoy sumilip sa bintana, at tanaw ko ang aking mga

kasamahan na tulong-tulong sa pagkarga ng iba pang kagamitan sa aming inarkilang jeepney na

kulay asul. Handa na ang lahat, at isa-isa na kaming sumakay sa kotse. Maluwag ang jeepney na

kayang maglaman ng higit 23 na katao. Baku-bako ang daan kung kayat dahan-dahan lamang

ang takbo ng sasakyan. Ngunit hindi ito naging problema dahil maganda naman ang tanawin.

Tanaw ang mga nagsisitaasang mga puno, namumungang mga bulaklak at naglalakihang mga

bundok. Lalo pang naging malamig ang simoy ng hangin na nagpaginaw sa aming mga katawan.

Kaunting kilometro na lang ay makakarating na kami sa aming destinasyon.

Sinalubong kami ng mga nagsisitakbuhang mga musmos. Madudumi at gutay-gutay na

ang kanilang mga damit. Amoy na rin ang bunga ng kanilang paglalaro. Pumasok kami sa isang

compound na tila sardinas sa sikip. May mga lalaking nakahubad sa gilid na nagsusugal at

umiinom. May mga ilang kababaihan naman na nagpapasuso sa kanilang mga sanggol. Ang

daming nangyayari sa lugar. Dumiretso na lamang kami sa kadulu-duluhan kung saan makikita

ang pahabang silid na naglalaman ng mga naiwang matatanda. Sinalubong kami ng kanilang
masasayang ngiti na nakakataba ng aming mga puso. Subalit, kinalungkot naming ang kanilang

kalagayan. Magulo, madumi at puno ng agiw ang silid. Nakakalat rin ang mga pakete ng

kanilang mga pinagkainan. Ang ilang lolot lola ay nakahiga sa kanilang higaan. Sa kaliwang

bahagi ng silid ay may grupo na nagkkwentuhan. Ang iba ay nasa sulok at ayaw

makipagmungkahi sa amin at itoy aming nirespeto. Sinimulan na naming ang pagtulong at

paglinis. Kapit-bisig kami sa pagwalis, pag-ayos ng mga gamit at pagtapon ng basura. Nang

malinis na ang silid, sinimulan na rnamin ang programa. Nagpatugtog kami ng mga

nakakaenganyong musika at inanyayahan ang ating mga lolot lola na tumayo at sabayan kaming

magbanat ng buto. Maingat naming silang inalalayan sa mga laro at sayaw na aming hinanda

para sa kanila. Lumulubog na ang liwanag, naghihiwatig na patapos na ang araw. Kinailangan na

naming tapusin ang programa. Bilang huling bahagi ng aming pagbisita, kami ay nagbigay ng

mga regalo at kanilang mga kakailanganin sa pang araw-araw. May isang lola na lumapit sa akin

at hinawakan ang aking kamay. Ramdam ko ang lamig sa kanyang mga kamay habang siya ay

nagpapasalamat. Niyakap ko siya ng mahigpit at kasabay nito ay ang pagtulo ng malulungkot

niyang mga luha.

Ang karanasang ito ay nagbibigay ng gaan sa loob at kasiyahan sa puso marahil sa maliit

na paraan ay maraming tao na ang natulungan. Hindi kailangan gumastos ng malaki o bonggahan

ang sorpresa para makapagpasaya ng ating kapwa. Wala sa halaga ng material na bagay, ngunit

nasa pagmamahal at mabuting intensyon natin nanggagaling ang pagbuo muli sa kanilang mga

ngiti.

You might also like