You are on page 1of 3

Spratly Islands

Spratly Islands
Ang mga 'isla ng Spratly, o tinatawag ding Kalayaan Group of Islands, ay matatagpuan sa bandang South
China Sea o kilala na ngayon sa tawag na West Philippine Sea. Ang kontrobersiyal [1] na mga islang ito ay
binubuo ng mga tangrib, mga maliliit na pulo, at mga pulo na nagtataglay ng likas-yamanyaman na
pinagaagawan ng pamahalaan at ekonomiya ng mga bansang umaangkin nito.

Heograpiya

Ang Spratly Islands ay binubuo ng humigit kumulang sa 750 mga tangrib, pulo, karang, at mga isleta. Ito ay
matatagpuan sa West Philippine Sea, sa kanluran ng Pilipinas, timog ng Tsina, silangan ng Vietnam, at
hilaga ng Brunei at Sabah, Malaysia. Ang mga tangrib ng koral ang nangingibabaw na istruktura sa mga
isla. Tinatayang humigit kumulang sa 600 na tangrib ng koral ang bumubuo sa Spratly. [2] Ang iba ay
binubuo na ng mga maliliit na pulo at karang na may kaunting pananim na nakadepende sa sistema ng ihip
ng hangin.
Bukod pa rito, ang uri ng lupain na meron sa mga isla ay buhangin na kaya lamang buhayin ay mga damo
at halamang palumpong. Naitala na ang mga islang ito ay tinatamnan ng mga pinya noong 1939. May mga
ibang datos na nagsasabing nababalutan umano ang mga islang ito ng papaya, saging, niyog, at mangrove
maraming taon na ang nakalilipas. [3] Dapatwat, ang mga islang ito nagsisilbing tahanan ng maraming ibon
at pawikan. Ito ay mayaman rin sa mga isda, guano, langis, at natural na gas. [4]
Kasaysayan ng pag-aangkin

Ang lahat ng isla ng Spratly ay inaangkin ng Tsina, Taiwan, at Vietnam. Ang ibang isla naman ay inaangkin
ng Pilipinas, Brunei, at Malaysia. Nagsimula ang pagtatalo ukol sa tunay na nagmamay-ari nang
madiskubre ang likas-yamang makukuha sa mga isla. Kahit na ang Spratly ay hindi maaring sakahin, at
hindi nakakabuhay ng anumang produkto at mga hayop, pinagtibay ng mga umaangking bansa ang
kagandahan ng lokasyon nito para sa pamamaraang militar. [5]
Bukod pa rito, mayaman sa reserba ng langis ang Spratly. Tinatayang 25 bilyon toneladang reserba ng
langis ang taglay ng Spratly katumbas ng pinagsamang reserba ng langis sa Kuwait at Nigeria. [6] Sa
kasalukuyan, wala pang nagagawang teknolohiyang may kapangyarihang hatakin ang mga reserbang
natutulog sa oceanic crust.
Nais ng Tsina na makipatulungan sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) sa pagkilatis sa
mga yamang maaring makuha mula sa Spratly. Tulad ng Pilipinas, sinabi ng Tsina na nais nila nang isang
mapayapang pagkikipag-ayos hinggil sa debate upang mapanatili ang kapayapaan at istabilidad ng
rehiyon. Upang maisakatuparan ito, pumirma sa isang kasunduan na pinamagatang Declaration of the
Code of Conduct ang Tsina at ang mga bansang kasapi ng ASEAN noong Nobyembre 2002. Ang
kasunduang ito ay upang mapagtibay rin ang relasyon ng Tsina sa mga kasaping bansa ng ASEAN. [7]
Noong Marso 2005, ang mga kompanya ng langis sa Tsina, Pilipinas, at Vietnam ay pumirma ng
kasunduan ng pagkakaunawaan na manguna sa mga marine seismic activity sa mga isla ng Spratly. [8]
Mga umaangking bansa

Ang mga sumusunod ay ang mga bansang tuwirang inaangkin ang mga isla ng Spratly.

Vietnam. Ang Vietnam ay isa sa mga bansang mahilig maglayag. [9] Dahil dito, narating nila ang
maraming lupain at isa na dito ay ang Spratly Islands. Iginigiit ng Vietnam na nagkaroon sila ng
epektibong okupasyon sa mga islang iyon simula pa noong ika-17 siglo. Gayunpaman, ang mga
ebidensya ng Vietnam noong ika-18 at ika-19 siglo ay hindi tugma sa iginigiit nilang pag-aari sa Spratly
Islands. Ito ay tumutukoy lamang sa Paracel Island na may 400 kilometro pagitan sa Spratly
Island.[10]Isa pang punto mula sa Vietnam na nagpapatunay sa kanilang pag-aangkin sa Spratly ay
ang 1982 Law of Sea Convention. Sa Article 76 ng kasunduang ito binibigyang kahulugan
ang continental shelf kung saan maaring kamkamin ng ninumang nasyon ang isang eksklusibong
teritoryo hanggang sa 200 nautical miles mula sa baseline ng kanilang dalampasigan.[11]

China at Taiwan. Tulad ng dahilang itinaas ng Vietnam, inaangkin din ng Tsina at Taiwan ang lahat ng
pulo sa Spratly Islands. Inaangkin nila ang pagkakadiskubre ng Spratly sa Han dynasty noong
pangalawang siglo B.C. Pinatunayan ito ng awtoridad ng Tsina gamit ang mga sinaunang teksto at
mapa na may kinalaman sa pangingisda ng mga Tsino sa West Philippine Sea. Mayroong ilang mga
dokumento na nagsasabing ang mga Tsino ang kauna-unahang nakarating sa mga islang ito. Malinaw
itong isinasaad sa isang libro ni Ch'en Lun-chiung na natagpuan noong 1730. Subalit, ito ay hindi
naman isang mapanghimok na pruweba para sa mga modernong manunulat upang ibigay sa Tsina
ang kapangyarihang angkinin ang Spratly. Ang mga puntod o pinaglibingan ng mga Tsino sa pulo ay
isang puweba ng kanilang pagdating sa lugar ngunit hindi nito pinatutunayan ang kanilang patuloy na
presenya at administrasyon sa lugar.[12] Bilang isa sa rehiyon ng Tsina, inaangkin din ng Taiwan ang
buong kapuluan ng rehiyon ng Spratly sapagkat ito ay mahalaga sa kanila sa dalawang kadahilanan:
(1) karamihan sa mga malalaking barkong nagdadala ng mga langis ay dumadaan sa West Philippine
Sea kung saan nakapwesto ang Spratly Islands; at (2) ang kabuuan ng West Philippine Sea ay
mayaman sa isda. Sa ganoon, napilitan ang Taiwan na ipaglaban ang kanyang interes para sa
ekonomiya ng bansa. [13]

Pilipinas. Inaangkin ng Pilipinas ang tinatayang 60 sa mga pulo ng Spratly. Ang Royal Duth/Shell
Group at Alcorn International ay nagsanib pwersa para sa isang ekplorasyon malapit sa pulo
ng Palawan at inaasahang iaangat ang taunang produksiyon ng langis sa Pilipinas mula sa 3,000 b/d
noong 1991.

Brunei. Inangkin ng Bruniei ang Louisa Reef ng Spratly Island na makikita katabi ng babayin nito.

Malaysia. Ang Malaysia ang kauna-unahang oil operator sa dagat at inaangkin ang tatlong pulo at
apat na grupo ng bato sa rehiyon ng Spratly. Simula noong 1992, 90 balong nagtataglay ng langis ang
pinapaandar ng Malaysia sa mga islang ito. [14]
Telekomunikasyon

Noong 2005, nagtayo ng cell site tower ang Smart Telecommunications ng Pilipinas sa isa sa mga pulo ng
Kalayaan upang mabigyan ng malinaw na daloy ng komunikasyon ang mga militar na nakadestino roon. [15]
Noong 2011, pinalaki ng China Mobile ang sakop ng kanilang network. Nagtayo rin sila ng cell site tower na
ayon kay Chen Zegang, ang tagapangasiwa ng proyekto, ay upang mabigyan ng komunikasyon ang mga
mangisngisdang Tsino at mga militar na nagkalat sa lugar.[16]
Mga banta

Ang mga grupo ng militar na namamalagi sa Spratlys ay sangkot sa mga aktibidades na nakakapanira sa
kalikasan ng mga isla. Halimbawa ng mga ito ay ang pamamaril sa mga pagong, pawikan, at mga ibon;
ang pangingisda gamit ang dinamita; at ang pananalasa ng mga pugad ng ibon. Isang banta rin ang
polusyon sa mga tangrib ng koral sa isla.[17]

You might also like