You are on page 1of 3

Mga Kaibigan sa Cervini Hall

ni Eduardo Jose E. Calasanz

Lalong banal na tungkulin


nasa dusa'y tangkilikin;
sa mundo ang buhay natin
parang nagdaraang hangin.

-Ibong Adarna

Para kay Erwin

Kung wala kang maipamahagi


Ipamahagi ang iyong ngiti,
Kislap ng mata, lindol ng pisngi.
Hindi sa lahat ng araw
Ang araw ay ngumingiti.

Kung wala kang mailuha


Iluha ang iyong pagdusa.
Maraming nagdurusa
Dahil lamang sa pagsinta;
At hindi nagtatagal
Sa takbo ng pagtanda
Dahan-dahang nawawala
Kamusmusan at mga luha.

Kung wala kang maibunyag


Ibunyag ang iyong habag
Sa pulubing walang-limos
At walang-pagkaing hapag.
Akayin ang pilay
Samahan ang bulag;
Sa tanikala ng ilan
Baka ikaw ang kakalag.

ejecalasanz
ateneo de manila
2 agosto 1976

Para kay Paulito

Pinagmasdan kita sa iyong kalungkutan


Palakad-lakad gabi-gabi
Habang natutulog na ang lahat.
Kakatok kang wari'y nanghihinayang
At papasok sa aking silid.
Maglulunoy tayo sa walang-humpay na pagkukuwento
Tungkol sa sarili at nakaraan
Habang lumuliit ang lumang buwan
Kapiling ng ulap sa kawalan.

Hindi mo maintindihan ang buhay


Hindi mo maintindihan ang tao
Kung bakit nag-aaway ang magkakaibigan
At ang magkakapatid ay di nag-iimikan
Kung bakit lumalago ang naitanim na galit
Kung saan itinatago ang nakaraang mga langit.
Marami kang mga tanong
Na hindi ko nasasagot
Marami kang mga sagot
Na sa akin ay bumabagot.

Naalaala ko ang una nating pagkikita.


Nakatingala ka kung saan
Hindi ko alam kung sa lambak
O kaya'y sa kabundukan.
Aking napansin ang pangungulila sa iyong mga mata.
Umaalingawngaw sa tinig mo ang tawag ng gunita:
Matatamis na gunita - lamang ay gunita.
Salat ka ngayon sa paniniwala
Kapos sa katiyakan.

Huwag mag-alala.
Hindi nagtatagal ang kadiliman.
Mahirap talaga
Ang humahabol sa karunungan.

ejecalasanz
ateneo de manila
21 agosto 1976

Buntong-Hininga ni Celso Muriel

Hindi mahuhugasan
Ng beer o hinebra
Ang mga bakas ng luha
Sa puso ko at mata.
Nakapagtataka talaga
Kung paano nakasalalay
Ang anumang pag-ibig
Sa maliliit at walang-kuwentang bagay:
Mga pagtawag sa telepono
Apat na beses isang araw,
Araw-araw;
Ang paghawak ng kamay,
Paghaplos sa pisngi,
Ang pagsandal ng ulo sa balikat
At pagnamnam ng labi sa labi;
Ang madalas na paglalabas,
Mga takas, sundo, hatid;
Ang paupo-upo sa tabi,
Nagbibiruang walang-saysay,
Nakatutuwang nagbabalak
Kung kailan ang kasal
O ilan ang anak;
At <i>marami pang iba</i>
Ika nga.
Kayrupok naman
Ng isang pag-ibig
Na umuusbong, lumalahong madali
Dahil sa isang sulat,
O dahil sa isang ngiti.
Marupok tulad ng buhay,
Tulad ng lahat.

Eduardo Calasanz
11 Mayo 1977

You might also like