You are on page 1of 17

Usaping Seks sa mga Kantang Filipino

Introduksiyon

Sa papel ni San Juan na binasa sa Internasyonal na Kumperensiya, sinasabing bukod na literary

genre ang mga awit at higit na madaling matandaan ang mga salitang may saliw na himig (47). Isinudlong

naman ni Pacua na ang musika ay isang sining na bahagi ng kultura ng bawat tao o grupo ng tao (52).

Totoong bahagi nga ng kalinangang Filipino ang mga kanta bago pa man dumating ang ibat

ibang mananakop sa bansa. Pinapatunayan ito sa mga epiko na kinakanta ng mga binukot (Victoria 198),

dalit (mga kanta bilang pagsamba sa mga diyos at diyosa) higit lalo ang mga awiting-bayan na naitala sa

ibat ibang lugar sa bansa na hanggang ngayon ay patuloy sa pag-iral. Sa ibat ibang aklat tungkol sa

panitikang Filipino, naitala ang ilan sa mga awiting-bayan gaya ng:

1. Oyayi o ayayi - awit na panghele o pagpapatulog ng bata.


2. Diyona - awit sa panliligaw at pagpapakasal.
3. Soliranin- awit ng mga manggagaod o mananagwan.
4. Talindaw - awit sa pamamangka.
5. Kumintang- noon awit ito sa pakikidigma ngunit ng lumaon ay naging
awit ng pag-ibig.
6. Tagumpay- awit sa pagwawagi sa digmaan na nakakatulad ng
sambotani.
7. Indolanin at kutang-kutang- mga awiting panlansangan.
8. Hihiraw at Pamatbat- mga awit sa pag-iinuman.
9. Balitaw at kundiman- mga awit ng pag-ibig
10. Saloma at Tikam- mga awit sa pakikidigma.
11. Bansal, pagatin, onsequep- mga awit sa kasal sa Pangasinan.
12. Holohorio- katulad din ng oyayi na awit sa pagpapatulog ng bata.
13. Umbay- awit sa paglilibing
14. Dalit- awit ng papuri sa Diyos
15. Duwang - awit na panrelihiyon.

Sa papel naman ni Carandang, sinasabing napakayaman ng ating tradisyon sa musika at

hanggang sa kasalukuyan ay umiinog pa ito upang magkaroon ng repleksiyon sa patuloy na nagbabagong

hilagyo ng mamamayan, lipunan at kultura. (107) Kaya nga sa pagdaan ng maraming taon, nagkaroon ng
bago, iba-iba at/o kakaibang mga kanta ang umiral sa kamalayan, panlasa at lipunang Filipino. Dulot na

rin ito ng tinatawag na kulturang popular sa anyo ng mga novelty song.

Ano ba ang kulturang popular? Ayon sa kilalang eksperto sa larang ng kulturang popular na si

Soledad Reyes sa kaniyang panayam noong 1994 sa Pamantasang Ateneo de Manila, ito ay mga akda o

teksto, mga gawain o gawi na bahagi ng pamumuhay at kakakitaan ng mga kahulugan na ibinibigay ng

lumikha at ng mga tumatanggap nito. Ibig sabihin, lahat ng sikat, patok, penomenal, pinakapinag-

uusapan, pinakamaiinit na balita na tinatangkilik ng mas nakakaraming mamamayan sa anumang disiplina

ay maibibilang bilang kulturang popular. Ang kulturang popular kung gayon ay sumasakop sa mga

penomenal na artista, mga pangyayaring laman lagi ng balita, usong damit, pinagkakaguluhang pagkain,

dinudumog na lugar-pasyalan, pinaniniwalaang relihiyon, tinatambayang mall, updated na gadgets,

kinababaliwang laro, isports at/o online games, mga tumabong pelikula, mataas na ratings na teleserye,

paulit-ulit na komersiyal sa telebisyon, tinutugaygayang DJ, pinakamaraming likes sa Facebook, nag-viral

na video, pinakamaraming tweets kasama na ang mga nagna-number one sa kanta sa radyo at marami

pang iba. Sa pananaw ni Lumbera (1984) na binanggit sa papel ni Pascua (55) tumutukoy ang kulturang

popular sa anyong kultural (at nilalaman nito) na ipinakikilala mula sa labas bago ito maging asimilisado

patungo sa sensibilidad at sistema ng pagpapahalaga ng mga tao (mga nasa loob). Dagdag naman ni

Torralba (124) na ang produkto ng kulturang popular ay may katangiang popular dahil itoy

sumasaklaw sa pinakamaraming bilang ng tao. At dahil dito, maaaring itoy nasa antas ng pambansa.

Nagbigay si Tolentino (6-10) ng mga mga katangian ng kulturang popular gaya ng (1) Ang kulturang

popular ay ginagawa para sa kita. (2) Ang kulturang popular ay transgresibo sa mga kategorya. (3) Ang

kulturang popular ay ipinapalaganap sa pamamagitan ng teknolohiya. (4) Ang kulturang popular ay

pumapailanlang sa nosyon ng sado-masokismo. At (5) Ang kulturang popular ay nanggagaling,

pangunahin, sa sentro.
Pangunahing lente ng pagsipat na gagawin at gagamitin sa mga piling kanta na may konotasyong

seksuwal ay ang dalumat ng kulturang popular sa anyo ng mga novelty songs. Mahalagang bigyan muna

ng kahulugan ang ibig sabihin ng novelty. Ang novelty batay sa Merriam-Webster (440) ay may ibig

sabihing new or unusual, the state or quality of being novel, newness. Ano naman kung gayon ang

novelty song? Sa papel ni Pascua (55), ito ay nangangahulugang bago o kakaibang kanta. Sa

paglalarawan naman ni de Castro (2006) sa papel ni Pascua (59) na Ang novelty song ay nakakapaghatid

ng katuwaan; nakakapagdulot ng katanyagan bagamat panandalian lamang; sa mga awtor o tagakanta ng

mga ito, sinasabing may dalang kabastusan kung hindi man ay may double meaning. Sa papel na ito, ang

novelty song ay tumutukoy sa mga kantang nagtataglay ng dobleng pagpapakahulugan sa isang salita na

madalas ay may konotasyong seksuwal. Madalas din itong nakakatuwa kaya nakakaengganyo sa mga

tagapakinig. Kinikiliti nito ang imahinasyon ng tagapakinig lalo nat may oryentasyong seksuwal. Saan

matatagpuan ang novelty song? Maaari itong matagpuan sa mismong tono o tunog na nakakahalina, sa

liriko o linya na may dobleng pagpapakahulugan, sa mismong kompositor at mang-aawit, sa ginawang

music video, sa mayoryang tagapakinig higit lalo ang masa, sa paggamit ng wikang nasa kategoryang

balbal, kolokyal, Taglish at Inggalog at sa kontekstong kinasasasangkutan sa pagkakalikha nito. Ano

naman ang sakop ng novelty songs?

SASALA ANG sandok sa palayok kung hindi mo alam ang lyrics ng


kantang Bulaklak ng sikat na grupong Viva Hot babes o kung
hindi man, tiyak na may isa kang anak na magaling mag-Ocho-ocho
samantalang ang isa mo namang anak ay magaling na mag-
Spaghetti at nais nang maging isa sa mga Sex Bomb Dancers o kaya
Sex Bomb Singers na pinangungunahan ni Rochelle (Pangilinan) at
mga kasama nitong sina Jopay atbp.

O dili naman kaya, may koleksiyon ka ng rap o tulang pakanta ni


Andrew E at ng Salbakutah. Kung mayroon ka ng mga ganito, hindi
rin maitatangging isa ka rin sa nabihag ng musikang masasabing
novetly (Datos, Tomo 20 Blg. 1, Hunyo 2004).

Sa kasaysayan ng Filipinas, itinuturing na Ama ng Novelty Songs si Yoyoy Villame

(http://www.gmanetwork.com/news/story/43038/publicaffairs/kapusomojessicasoho/remembering-
yoyoy). Sa kasalukuyan, marami nang personalidad ang nagsisilitawan at nagpapauso ng mga novelty

song. Sa mas malawak na mundo, sinasabing:

A novelty song is a comical or nonsensical song performed


principally for its comical effect. Humorous songs or those
containing humorous elements, are not necessarily novelty songs.
The term arose in Tin Pan Alley to describe one of the major
divisions of popular music. The other two divisions were ballads
and dance music. Novelty songs achieved great popularity during
the 1920s and 1930s. They had a resurgence of interest in the 1950s
and 1960s.

Novelty songs are often a parody or humor song and may apply to a
current event such as a holiday or a fad such as a dance or TV
programme. Many use unusual lyrics, subjects, sounds, or
instrumentation, and may not even be musical. For example, the
1966 novelty song "They're Coming to Take Me Away, Ha-Haaa!"
has little music and is set to a rhythm tapped out on a snare drum
and tambourine.

Pagtalakay

Gumamit ng mahigit sa 100 kantang Filipino ang pananaliksik na ito upang suriin ang mismong

ginamit na salita na may konotasyong seksuwal. Pangunahing metodolohiyang gagamitin sa pag-aaral ang

palarawang pagsusuri sa pamamagitan ng tinatawag na Critical Discourse Analysis (CDA) ni Norman

Fairclough. Bago tuluyang ipaliwanag ang CDA ni Fairlough, mahalagang termino munang dapat

ipaliwanag ang batayang salitang pinaghanguan nito, ang tinatawag na discourse analysis. Ano ang

discourse analysis? Sa simpleng pagpapakahulugan, ang analisis ng diskurso ay tumutukoy sa pagbasa

at/o pagsusuri sa ginamit na salita at/o mga salita sa isang tekstong pinag-aaralan. Tinawag naman ito ni

Nuncio na metadiskurso o diskurso ng diskurso (9). Nangangahulugan ito na ang anumang uri ng teksto,

pasalita o pasulat man ay isang uri na ng pakikipagdiskurso at ang muling pag-uusap hinggil dito ay

panibagong diskurso. Tandaang ang anyo mismo ng mga kanta ay isang uri ng diskurso. Binigyan naman

ito ng pagpapakahulugan mula sa sanaysay na may pamagat na Discourse Analysis: What Speakers Do

in Conversation na:
Discourse analysis is sometimes defined as the analysis of language
'beyond the sentence.'

Malinaw na ang analisis ng diskurso ay akto ng pagbasa at/o pag-unawa nang higit pa sa

literal na pagkakagamit sa mga salita. Sa isang analisis ng diskurso, lumalagpas ito sa literal

at/o denotatibong pagpapakahulugan. Mas binibigyang-puwang at guwang ng analisis ng

diskurso ang malalim na interptetasyon sa pagkakagamit sa salita o mas kilala sa pag-aaral na

kung tawagin ay konotasyon. Ang batayang pinaghanguan ng CDA ni Fairclough ay ang

analisis ng diskurso. Ano naman ang Critical Discourse Analysis? Sa aklat ni Narvaez (30), ito

ay interdisiplnaryong pagdulog sa pagsusuri sa teksto (nakasulat o berbal) nang may pagtingin

sa wika bilang anyo ng social practice at kung paanong sa pamamagitan nito ay naipapakita

at naipapahayag ang dominasyong panlipunan at pampolitika (Fairclough, 2001). Dagdag pa

na:

Mas tuon sa CDA ang pagsusuri sa salita bilang isang teksto na maaaring
mabasa sa iba-ibang paraan. Tinutukoy nito ang produksiyon ng
kahulugan sa isang lipunan.

Sa pag-aaral na ito, higit na bibigyang-aplikasyon ang kahulugan ng analisis ng diskurso sa mas

tiyak na anyo nitong CDA sa pagbasa at/o pagsusuring gagawin sa mga kantang Filipino na maituturing

na kulturang popular sa mukha ng novelty song na pumapaksa sa anumang dalumat na may kaugnayan sa

seks. Pangunahing teorya namang sasandigan ang Interpretive Communities ni Stanly Fish na

nagsasabing:

We as individuals interpret texts because each of us is part of an interpretive


community that gives us a particular way of reading a text. Readings of a
text are culturally constructed.

May malapit at matalik na ugnayan ang metodolohiyang CDA at ang teoryang Interpretive

Communities sa pag-aaral na ito sapagkat pareho nitong binibigyang-diin ang katotohanang may
mga pagbasang higit pa sa aktuwal na nakikita at ang mambabasa o target na awdyens nito ay

may kapangyarihan namang magpasiya kung paano niya binibigyan ng pagpapakahulugan ang

mga salita batay sa danas, higit lalo sa lipunan at kulturang kaniyang kinabibilangan. Sa ibang

depinisyon, sinasabi rin ng teoryang ito na:

Interpretive communities are groups who interpret texts similarly because they share
similar social positions and experiences (Stanley Fish, literary critic). All meaning resides in
the readers and audiences of texts. Meaning cannot exist outside of audience interpretation.

Sa aminin man o hindi ng mga kompositor na lumikha ng mga kantang may konotasyong

seksuwal maging ng mga mismong kumanta nito, lantarang may dobleng pagpapakahulugan ang mga

sinuring kanta. Marami na ring palaisip, iskolar at edukador ang may parehong pagbasa gaya sa papel na

ito. Bagamat sinasabing may kani-kaniyang interpretasyon ang anumang diskurso, pasalita o pasulat man

ito, hindi maitatanging may tinatawag sa Ingles na common discourse. May halos magkakahawig kung

hindi man sakto o pareho ang pagpapakahulugan sa mga ginagamit na salita o termino sa mga kanta. At

ang nabubuong kahulugan ito ay nakadepende sa lipunan at kulturang kinabibilangan ng isang kairalan.

Tunay na hindi maitatatwa ang impluwensiya ng lipunan at kultura kung saan at kailan namukadkad ang

mga kantang may konotasyong seksuwal. Tinatanggap ito ng lipunan sa pamamagitan ng pagpapapolarisa

rito sa anyo ng kulturang popular partikular sa tinatawag na novelty songs. Sinisegundahan ito ng papel ni

Andrada (43-58) na may pamagat na Chipaparu at Pukitakte: Tulansangang Seksuwal, Pangmadlang

Midya at ang Industriya ng Kulturang Popular. Sa papel na ito, lantarang tinutukoy na maraming kantang

pambata na ginagamit sa mga tula at larong panlansangan na may konotasyong seksuwal na maaaring

hindi pa batid ng mga bata sa kanilang kawalang-kamuwangan. Kung minsan ay nakakalusot ang mga ito

dahil sa halina ng musika, sa pagpili ng mga salitang may tugmaan na kung susuriin ay nangangailangan

pala ng Rated SPG o Strong Parental Guidance. Tinukoy sa papel ang kantang Pamela One na may

seksuwal na aspekto gaya ng mga pariralang igalaw ang katawan, kumembot nang ganito, gumiling

na parang kinikiliti at sumayaw, gumalaw na parang natutunaw. Mas lalong titingkad at lilinaw ang
seksuwal na akto sa pagmumuwestra ng sayaw ni Vhong Navarro. Iginiit pa ni Andrada na sa kantang

Sasara ang Bulaklak, Bubuka ang Bulaklak na may mahihibong erotikong erudisyon na pornograpiko

ang kantang ito. Higit na lulutang ang seksuwal na akto sa tulong ng mismong steps ng pagsayaw nito sa

kantang Bulaklak ng Viva Hotbabes. Sa akto ng pagsasayaw, ang mismong kamay ng gumagawa nito

ay parang inaamoy ang pekpek sa pamamagitan ng pagbaba ng kamay sa bahaging ito ng babae at itataas

sa ilong samahan pa ng pagtuwad-tuwad, pagbukaka, paggiling pababa habang nakasuot ng maiiksing at

maninipis na damit. Sa pagsusuri naman ni Villanueva (67), nagkakaroon ng pailalim na kahulugan (otso

pa) dahil ang naririnig ay selebrasyon ng isang sexual act (tsupa) o oral sex sa ari ng lalaki na karaniwang

hindi kabilang sa mga sex act na tinatanggap ng lipunan, estado at simbahan. At ang itinuturing na bastos,

dapat ikubli, hindi dapat pakinggan ay nalalantad. Hindi lamang nasasambit, inihihiyaw pa!

Sa papel naman na may pamagat na Nang Mag-ocho-ocho at Nag-ispageti ang Musikang

Filipino (Isang Kritika sa Musikang Novelty sa Pilipinas), kaniyang isiniwalat na Hindi man aminin ng

kompositor, ari o puke (vagina) ng babae ang pinatutungkulan nito lalo pa nang dugtungan ng

sumusunod na linya Mayroong makapal, mayroong manipis na bulaklak Malinaw na indikasyon ng

sinasabing pagiging likas na bastos ng wisyong masa ang mga nabanggit na linya sa itaas at naigigiit ito

dahil katanggap-tanggap ito sa kanila. Sa Ispageti naman, Apir tayo, Sumakit ang dibdib ko, Sex bomb,

sex bomb,sex bomb Makikita sa sipi ng lyrics ng Ispageti ng Sex Bomb sa itaas, ang aktuwalisasyon

ng pangingiliti sa isip ng masa ang tungkol sa seks.

Sadyang bahagi nga ng buhay at lipunang Filipino ang mga kanta anumang paksa ang nilalaman

nito. Naging bahagi na ito ng kamalayang Filipino sa tulong ng kulturang popular sa anyo ng mga novelty

song. Gamit ang analisis ng diskurso partikular ang CDA at ang teoryang Interpretive Communities,

lumalabas na karamihan ay pandiwa at pang-uri at ang mga kombinasyon nito ang mga salitang ginagamit

sa mga kantang Filipino na may kinalaman sa seks. Ang mga salitang pandiwa na mailalarawang may

konotasyong seksuwal ay ang sumusunod: Nasasabik, Tumindig, Hinagupit, Kinamay, Bubuka,

Papasok, Mina-mate, Dumapa, Hinipo, Titirahin, Naglalaway, Naglalampungan, Nanginig,


Tinutok, Pinasok, Umuungol, Umungos, Gumigiling, F-in-inger, Magpapasuso, Sinakayan, Biyakin,

Sinasawsaw, Binibirocha, Pumatong,Mag-otso-otso pa, Binaon, Magpapakan, Tinitigasan,

Naninigas na ang tuhod, Kinahiligan, Roromansahin, Ipuputok, Nilabasan, Sinasagad, Higupin,

Itaktak. Palakihin, Didilaan, Kakalikutin, Bibiyakin, Hinihimas, Pinakakagat, Sasabog,

Lumalabas mga ugat, Kumati, Puputok, Sasakyan, Ididiin, Sumisid, Tumatagaktak, Papasukin,

Dinilaan, Hinihimas, Nagkakaputukan, Magagalit, Pinagigigil, Lumalaki, Lumalabas, Sumayaw,

Nakikipag-lips-to-lips, Namamaga, Nagbabate, Nangawit, Tumihaya, Manlalata, Nalilibugan,

Nagsasabaw, Nahiwa at Sinira. Gamit na tiyak na paghahalimbawa ang mga salitang ito, malinaw na

may mabubuong common discourse tungkol sa usaping seks sa mga terminong ito. Bakas na bakas ang

ibat ibang aksiyon at akto na direktahang maiuugnay sa akto ng pakikipagtalik. Magkaroon man ng ibat

ibang interpretasyon kung anong klaseng seks ang nagaganap, malinaw na seks pa rin ang tinutukoy ng

mga salitang ginamit sa mga kantang pinag-aaralan. Malaki ang papel na ginagampanan ng pandiwa

bilang bahagi ng pananalita sapagkat ito ang nagbibigay-buhay sa akto at imahinasyon ng mga

tagapakinig sa usaping seks. Tandaang ang pandiwa ang siyang kilos na kumakatawan sa mismong mga

gawaing may kaugnayan sa seks. Katangian ng wikang Filipino na maging pandiwa ang lahat ng salita

kung kayat malaking papel ang ginagampanan nito upang magkaroon ng katuparan ang mga

pangyayaring nagaganap sa akto ng pakikipagtalik. Bukod sa pandiwa bilang bahagi ng pananalita,

lantaran din ang pang-uri upang ilarawan kung ano ang espesipikong konotasyong seksuwal ang gustong

gisingin at/o itampok ng mga kantang sinusuri. Sa pamamagitan din ng pang-uri, nagkakaroon ng

malinaw na hubog, anyo, lasa, danas at iba pang pampagising sa limang pandama ng tao upang

maisakatuparan ang nasa na gustong palitawin ng mga kantang seksuwal.

Sa pagbasa sa mga kantang seksuwal, sadyang may mga gamit o konseptong taal o likas sa isang

partikular na lipunan ang ginagamit, mapa-babae o mapa-lalaki man, bilang metapora upang hindi

lantarang isiwalat ang akto ng seks o ano pa mang may kaugnayan sa seks sa mga kantang Filipino.

Tumutukoy ang metapora sa paggamit ng dalumat, gamit o ano pa mang konsepto upang direktahang

iugnay ang isang bagay sa iba pa. Ilan sa mga tiyak na halimbawa ng metaporang ginamit sa mga kanta
na may konotasyong seksuwal ay ang sumusunod: Nota, Titik, Sinabmarine, Niyayate, Chorizo,

Bomba, Bulaklak, Pink Palaka, Palakang May Buhok, Ngipin ay nakalubog, Sinlambot ng mamon,

F-in-inger, 8 Pa, Tuta, Longganisa, Sinakyan, Butas na, Jumbo Lollipop, Jumbo Coconut, Large

Kalamay, Large Shawarma, Batuta, Bini B. Rocha, Jumbo Hotdog, Fax Machine, Voice Mail, Big

Sausages, Otso Pa, Torotot, 3 Rounds, Hiwa, Pansitan, Kanton, Spaghetting Pababa, Pataas, Kiss

Sabay Hug, Parang pakwan, Bote, Banatan, Tuhugan, Tinapay, Punong Narra, Magpapa-Katrina

Halili, Para Bang si Hayden Kho, Nakahubad na parang sina Evat Adan, Sinepilyo, Laman ng

mga batang hindi pa isinilang, Itaktak mo, Tahong, Ice cream, Coconut, Putahe, Mahilig sa T,

Mainit na saba, Pabaon kahit ulo lang, Asong ulol na gutom, Balahibong pusa, Alaga kong tuta,

Pinakakagat ang iyong pusa, Patikim ng yong pinya. Dagat mong maalat, Bulkang sasabog,

Makasalanang kuweba, Dalawang pisngi ng langit, Biglang kumati, Paepek Epek, May red tide na,

Puputok na sya, Gusto mong socks, Ibuka ang pakpak, Halimuyak ng bulaklak, Paruparo

nakadapo sa damo, Pag ika'y nasa baba, ako ay nasa taas, Di kita tinatanong pero'y sagot mo oo

oo oo oo, Sabay na tayo, Talian ang aso, Kahit na pagkain ay hindi sa plato nakalagay, Hindi lahat

ng hinihimas ay umaamo, Asot pusang nagkalmutan, Magwi-withdraw muna ko sa bangko,

Birdie, Parang cobra na mahilig mantuka, Nakaw na sandali, Chuck-chuk, May libre kayong tooth,

Itlog, Hotdog, Hotdog ko at itlog, Parang dart-bulls eye, Walang sundutan, Di ko sya titigilan

when she comes, Payat na malaman, Maliit bastat mahaba lang, Nagbabate, Pagbayo, Nakarating

din sa langit at Kapote. Patunay ang mga salitang ito sa paggamit ng metapora upang itago ang ilang

salitang naglalarawan sa aktong seksuwal. Ang metapora ay ang paggamit ng ibang salita ngunit sa

malalim na pagbasa at/o pagsusuri ay may nais talagang palitawin gaya sa mga linya ng kantang ito.

Tumutukoy rin ang metapora sa pananalinghaga upang makalusot sa matalas na pagpansin ng mapanuring

publiko partikular sa hanay ng mga intelektuwal. Sadyang nakakalusot ang mga kantang ito sapagkat

hindi ito sakop ng Movie and Television Review and Classification Board o mas kilala bilang MTRCB.

Hindi ito madalas suriin ng masang pinag-uukulan nito. Ang tanging nadarama nila ay ang halina ng
sayaw at sayang inilalako ng kulturang popular sa kanilang kamalayan sa anyo ng mga novelty song. Ito

ang opinyon ng isa sa mga mag-aaral ni Edgar C. Samar sa pagsasabing:

Alam kong sa henerasyon ngayon, karaniwan nang pag-usapan ang


seksuwal na mga bagay. Marami nang bagay sa mundo ang malaswa gaya
ng mga kanta, mga nobela, mga palabas at marami pang iba. May mga
pagkakataong tinatanggap ng masa ang mga kantang nagmumungkahi ng
seksuwal na paksa tulad ng Bulaklak ng Viva Hotbabes (isang kantang
Tagalog na tungkol sa puke), Gi Finger ng Kanteen (isang kantang
Bisaya tungkol sa magsalsal o masturbate), Siembra mi Patola ng Bad
Grass (isang kantang Chavacano tungkol sa pagtatalik) at marami pang
iba. Ang mga kantang ito ay tinatanggap ng masa dahil sa nakakaakit na
tempo nito at hindi sa nilalaman ng kanta. Hindi nila namamalayan na ang
mga kinakantat pinapakinggan nila ay malaswa at hindi kanais-nais. Para
sa akin, ito ay mas malala kaysa sa pagbabasa ng mga nobelang alam mo
nang may kalaswaan dahil ipinakikilala ka sa malalaswang idea nang hindi
mo namamalayan.
(https://camilleandceddie.wordpress.com/2012/03/05/ang-pornograpiya/)

Kung papansining mabuti, ang mga metaporang ginamit ay madalas may kinalaman sa pagkain

(hotdog, kalamay, chorizo, longganisa, tahong, ice cream, coconut) na naglalarawan sa ari ng lalaki o

babae man. Ito ang nagsisilbing simbolo o sagisag upang hindi lantarang maisiwalat ang salitang titi at

puke. Mahilig ding gumamit ng imahen ng hayop (palaka, tuta, birdie, asot pusa, kobra) upang iugnay

ang isang katangiang panghayop na may konotasyong seksuwal. Sadyang malikhain ang mga kompositor

ng ganitong uri ng mga kanta. Mahusay sila sa paglalaro sa mga salita upang magamit ito bilang

katuparan ng pagnanasang seksuwal sa mga kanta. Maaaring iba-iba man ang maging pagbasa sa mga

metaporang ito sapagkat lulutang ang kani-kaniyang interpretasyon at/o pagpapakahulugan, mulit muling

babalikan sa usaping ito ang lipunan at kultura o kung saang konteksto ito nagkakaroon ng katuparan.

Tandaang hindi iiral sa isang kamalayang panlipunan ang isang termino na hindi bahagi ng buhay nito.

Malinaw na ang mga metaporang ginamit ay mga terminong totoo, tunay at realidad sa lipunang Filipino.

Kung sisipatin naman ang usaping pangkasarian, walang pinipiling kasarian ang itinatampok sa mga

kantang seksuwal, babae man ito o lalaki. Kaya nga lang, mas nakakalamang pa rin ang paglalantad at

paghahantad sa babae kung kayat mababasang nakakapanaig pa rin ang kaisipang patriyarkal. May
dominasyon pa rin ng lipunang makalalaki. Patutunayan ito ng sumusunod na salita para sa babae na:

Sinabmarine, Niyayate, Bomba, Bulaklak, Pink Palaka, Palakang May Buhok, Ngipin ay

nakalubog, Sinlambot ng mamon, F-in-inger, 8 Pa, Sinakyan, Butas na, Jumbo Coconut, Large

Kalamay, Large Shawarma, Bini B. Rocha, Fax Machine, Voice Mail, Otso Pa, Torotot, 3 Rounds,

Hiwa, Pansitan, Kanton, Spaghetting Pababa, Pataas, Kiss Sabay Hug, Parang pakwan, Bote,

Banatan, Tuhugan, Tinapay, Magpapa-Katrina Halili, Nakahubad na parang sina Evat Adan,

Sinepilyo, Itaktak mo, Tahong, Ice cream, Coconut, Putahe, Mahilig sa T, Mainit na saba,

Balahibong pusa, Pinakakagat ang iyong pusa, Patikim ng yong pinya. Dagat mong maalat,

Bulkang sasabog, Makasalanang kuweba, Dalawang pisngi ng langit, Biglang kumati, Paepek

Epek, May red tide na, Puputok na sya, Gusto mong socks, Ibuka ang pakpak, Halimuyak ng

bulaklak, Paruparo nakadapo sa damo, Pag ika'y nasa baba, ako ay nasa taas, Di kita tinatanong

pero'y sagot mo oo oo oo oo, Sabay na tayo, Kahit na pagkain ay hindi sa plato nakalagay, Asot

pusang nagkalmutan,May libre kayong tooth, Parang dart-bulls eye, Walang sundutan, Di ko sya

titigilan when she comes, Nagbabate, Pagbayo at Nakarating din sa langit. Ang mga salitang ito ay

malinaw na paglalarawan sa babae sa akto ng seks ayon sa pagkakagamit nito sa mga kanta. Sa

kasalukuyan, naroon pa rin ang dominyon at gahum ng kasarian lalo na ng lalaki. Higit itong papatunayan

sa paggamit ng pamagat ng Miss Torotot. Sa orihinal na pagpapakahulugan, ang torotot ay tumutukoy

sa lalaking nangangaliwa o nagtataksil (Fortunato 237). Subalit sa pagkakataong ito, ikinapit sa babae ang

pagiging torotot. Ididiin naman ni Andrada (http://pinoyweekly.org/new/2016/03/babae-inang-laya/) na:

Ang pagkanta sa Babae ay isang historikal, kultural at sosyo-politikal na akto. At


sosyo-politikal dahil itinuturo nito na iwaksi ang kaisipan na ang babaey mahina,
sunod-sunuran at perenyal na biktima at sa halip ay hinihimok ang kababaihan na
sumapi sa kilusang magpapalaya ng kababaihan at ng bayan (N)agpapakita ng
dikta ng lipunan sa babae: na ang babae ay mahina, umiiyak, nagtitiis, biktima,
binabaliw at pinapaslang ng lipunang patriyarkal, piyudal at kolonyal noong
panahon ng kolonyalismong Kastila.

Makikita sa usaping ito na hanggang sa kasalukuyan, babae pa rin ang laman ng pagpapantasya

kung seks ang pag-uusapan. Bakit ito nangyayari? Kung titingnan ang mga kompositor, kitang-kita naman
na lalaki ang mga lumilikha ng mga kantang ito. Kung iisa-isahing bilangin ang mga pangalan ng mga

manlilikha ng ganitong uri ng musika, nakakapanaig pa rin ang mga lalaking kompositor. Kung tutuosin,

kahit ang tinaguriang Ama ng Novelty Songs ay lalaki (Yoyoy Villame). Muli itong bubuhayin ng

Bagong Ama ng Novelty Songs sa pamamagitan ni Lito Camo na lalaki pa rin. Higit pang mapagtitibay

ang gahum ng lalaki sa mismong mga kumakanta nito. Karamihan sa mga kumakanta ng mga ganitong

uri ng genre ay lalaki. Nariyan ang maniningning at namamayagpag na mga pangalan nina Andrew E.,

Willie Revillame, Joey de Leon, Bayani Agbayani at iba pang lalaking mang-aawit. Kung higit pang

papansinin, may mga babaeng kumakanta rin nito ngunit kung babalikan ang manlilikha, mababakas at

mababaklas na lalaki ang nasa likod ng ganitong uri ng mga kanta. Sa madaling sabi, lalaki ang puno at

dulo, ang ugat at bunga, ang buod at ubod, ang promotor sa ganitong uri ng mga kantang may

konotasyong seksuwal.

Sa huli, ibat ibang uri ng pakikipagtalik kasama na ang mga akto at posisyon nito ang mga paksa

o temang madalas itinatampok sa mga kantang Filipino na may konotasyong seksuwal. Mapapatunayan

ito sa paulit-ulit na pagtatampok ng seksuwal na akto gaya ng pagsubo sa ari, sa lalaki man o babae (Oral

sex), pagkantot (Fucking), pag-abot sa rurok o pagpapaputok ng tamod kapuwa ng babae at lalaki

(Orgasm), romansa (Foreplay), pagiging sobrang malibog at hayok sa seks (Pervert), pagtukoy sa

bulbol (Pubic hair), pagnanasa (Lust), regla (Menstruation), ibat ibang posisyon sa pakikipagtalik (Sex

position), paggamit ng proteksiyon sa pakikipagtalik (Sex protection), pagsalsal kapuwa ng babae at

lalaki (Masturbation), umaaktikabong kantutan (Wild sex), pagpapaputok sa labas ng tamod

(Withdrawal), pagtataksil (Infidelity) at pag-iingat sa pakikipagtalik (Safe sex). Malinaw ang

pagtatampok na ito sa ibat ibang posisyong seksuwal na mababasa sa aklat na Kamasutra upang

paligayahin ang katalik (http://sexpositions.club/kamasutra). May ilan ding inilarawang akto ng seks si

Ayto (1994) sa papel ni Fortunato (237) gaya ng foreplay and after, variations, masturbation, arousal

and climax, contraception, pregnancy, abortion, childbirth, bastards, prostitues, brothels, homosexuality,

bisexuality, the employers at sexual partners. Naging batayan din ito sa pagkakategorya sa mga aktong
seksuwal sa mga kantang sinusuri. Sa kabila ng seksuwal na oryentasyon ng mga kantang ito, bakit ito

patuloy na umiiral at tinatanggap sa lipunan at kamalayang Filipino? Ang mga aktong seksuwal na gaya

nito ay hindi madalas naitatampok sa mga pormal na usapan kahit sa larang ng akademya. Sasabihing

malibog, bastos, mahalay, masagwa at iba pang pang-uring may kinalaman sa hindi pagtanggap sa seks

ang matatanggap ng isang gurong dinadala sa klase ang ganitong uri ng mga paksa. Madalas na lalabas sa

ebalwasyon ng isang guro galing sa mga mag-aaral na tumatalakay seks ang mga salitang manyak, green

minded at iba pang nagsasabing hindi dapat dinadala sa klase ang usaping seks. Pero bakit sa mga kanta

ay nakakalusot ang mga ito? Sa simpleng haka ni Torralba (2006), sapagkat ito ang nagsisilbing anestisya

sa panahon ng matinding krisis. Ito rin ang ginawa sa panahon ng Batas Militar kung saan naging popular

ang mga palabas na bomba upang maibaling ang atensiyon ng mamamayang Filipino sa problemang

kinakaharap nila sa mga yugtong iyong ng kasaysayan. Sa pananalita naman ni Pascua (67), ang mga

novelty song na ito ay nagsisilbing panlunas sa kahirapan. Sa paanong paraan? Sa sandamakmak na

problema ng/sa Filipinas, ang mga kantang ito ay pinapatawa ang masang nagdurusa. Hindi lamang

pinapatawa, pinaindak at pinakakanta pa. Sapagkat nga likas na mapagbiro ang mga Filipino, kahit ang

mga usaping seks ay nagiging katatawanan sa pamamagitan mismo ng mga kanta at pagkanta sa mga ito.

Sa lipunang maituturing na konserbatibo at relihiyoso tulad ng Filipinas, tila may kontradiksiyon,

kataliwasan at/o balintunang nangyayari sa ilang piling kanta sa Filipino. Sa maraming pagkakataon sa

lipunan at kulturang Filipino, sa mga usapang pampribado at pangkanto nakakaykay at nauukay ang mga

usaping may kinalaman sa seks. Kahit sa mismong babala ng MTRCB ay hindi lantarang nasabi ang

salitang seks. Kung pagbabatayan ang paralelismo, may nilabag na prinsipyong pangwika ang Rated

SPG ng MTRCB. Gaya ng pagsasabing Ang programang ito ay rated SPG. Estriktong patnubay at gabay

ng magulang ang kailangan. Maaaring may maseselang tema, lengguwahe, karahasan, seksuwal, horror o

droga na hindi angkop sa mga bata. Kitang-kita na sa halip na seks ang gamitin ay seksuwal ang

maririnig sa patalastas. Ang mga salitang tema, lengguwahe, karahasan, horror o droga ay pawang

pangngalan. Subalit ang seksuwal ay naging pang-uri. Sabi nga ni Fortunato (237), ang usaping seks ay
hindi tahasang pinag-uusapan, nakakahiya raw. Dagdag pa niyang Sa lipunang Filipino, laging di-

tuwiran o pabulong kaya ang pagtukoy ng seks dahil nagiging lunduyan ito ng biruan lalo na kung

talagang hindi pamilyar sa isat isa ang magkakaharap. (238) Isinudlong naman ni Mangahis na likas sa

kulturang Filipino ang hindi tahasang pagsasalita kung makakasakit sa kapuwa. Maingat tayong mga

Filipino sa pagbibitiw ng mga salitang sa palagay natin ay makakasira sa magandang relasyon o

pakikipag-ugnayan natin sa ating kapuwa o makakasira sa ating pagkatao. (43) Ito rin ang estilo, teknik

at/o estratehiyang ginamit sa mga kantang sinuri. Malinaw ang paglalarawan sa aktong seksuwal sa mga

kantang piang-aaralan na hindi direktahang itinampok ang seks sa pamamagitan ng pagtatago kunwari sa

metaporang ginamit. Sa lipunang hindi ba bukas ang isip na pag-usapan ang seks sapagkat bawal,

mahalay, pangmatanda lamang, tila nakakalusot ang mga kantang ito partikular sa tinatawag na masa sa

lipunang Filipino. At higit na nakakalusot ito sa pandinig at panlasa ng mga menor de-edad. Sa isang

banda, maaari ding tingnan ang diskursong ito upang unti-unting pasukin ang puwang at guwang sa

lipunang Filipino na ayaw dalirutin, hawakan at pag-usapan. Pagbubukas ito sa usaping hindi bastos ang

seks, normal na gawi ito sa kahit anong lipunan at bahagi ito ng pagkatao ninuman. Liberalisasyon ito ng

isip sa lipunang Filipino na may kaugnayan sa seks.

Mainit na pagtatalo ang dalawang magkabilang dulo sa usapin ng kabastusan o liberalisasyon

ang mga kantang may konotasyong seksuwal sa Filipino. Tunggalian ito ng eupemismo o ang mismong

pagsisiwalat ng katotohanan (Fortunato 227-53). Sa papel ni Mangahis (36), kaniyang idiniin na

mananatiling kakabit sa wika at kulturang Filipino ang eufemismo.

Huling Banat

Tinalakay sa papel na ito ang pagbasa, pagsusuri at/o pagpapakahulugan sa mahigit 100 kantang

Filipino na may konotasyong seksuwal sa lente ng Critical Discourse Analysis at ang teoryang
Interpretive Communities. Lumilitaw sa pag-aaral na bagamat maituturing na bawal o taboo sa

kultura at lipunang Filipino ang mga usaping may kinalaman sa seks, may mga paraan ang ibang radikal

ang isip upang ito ay maisiwalat sa malikhaing paraan gaya nga ng mga kanta. May mga puwersang pilit

na ikinukulob ang seks subalit may ilang pagtatangka rin na ito ay itampok at ipadama gamit ang mga

kanta sa panahong naghahanap ng anestisya ang maraming Filipino sa samot-saring hamon at pagsubok

na kinakaharap niya sa kasalukuyan. Kung dapat o hindi dapat isiwalat ang seks sa mga kantang Filipino,

tunggalian ito ng magkabilang dulo ng concurring at dissenting opinion. May mensahe sa likod kung

bakit ito nangyayari sa isang lipunan at kulturang patuloy na dumaraan sa banyuhay kung saan ang mga

terminong ginagamit ay hindi tiwalag sa kaniyang realidad. Ang mahalagang punto, lantad man o di-

lantad na pag-usapan ang seks sa ibat ibang midyum ng komunikasyon, mahalagang idiin na dapat ito ay

may matinding dahilan, makatwiran, umaangat ng kamalayan at sensibilidad, higit sa lahat, inilulugar.

Mga Sanggunian

Andrada, Michael Francis C. Chiparu at Pukitakte: Tulansangang Seksuwal, Pangmadlang


Midya at ang Industriya ng Kulturang Popular. Malay Journal, Mass Media. Maynila:
DLSU. 2007: 43-58. Limbag.

- - -. Karugtong sa Awit na Babae ng Inang Laya. 2016.


http://pinoyweekly.org/new/2016/03/babae-inang-laya/. Internet.

Ayto, J. Euphemisms. London: Bloomsbury. 1994. Limbag.

Carandang II, Ernesto V. Musika at Krisis: Kung Paano Umawit nang Matipid si Juan
dela Cruz. Malay Journal, Tomo XIX Blg. 1. Maynila: DLSU. 2006. Limbag.

De Castro, Imelda P. Novelty Songs: Kulturang Popular, Bagong Mukha, Panakip sa


Realidad ng Lipunan. Unitas Journal, Tomo 79 Blg. 4. Maynila: UST Publishing House.
2006. Limbag.
Fairlough, Norman. Language and Power. Longman. 2001. Limbag.

Fortunato, Teresita F. Paano Sasabihin ang Katotohanan? Isang Sosyolingguwistikang


Pag-aaral sa mga Eufemismo sa mga Kontemporaneong Tabloid. Essays on Philippine
Language and Literature. Mabanglo, Ruth Elynia S. at Rosita G. Galang (mga patnugot).
Lungsod Pasig: Anvil Publishing, Inc. 2010. Limbag.

Keller, Reiner. Doing Discourse Research, An Introduction for Social Scientists. London: SAGE
Publications. 2013. Limbag.

Lumbera, Bienvenido. Revaluation: Essays on Philippine Literature, Cinema and


Popular Culture. Index Press. 1984. Limbag.

Mangahis, Josefina C. Eupemismo sa Kulturang Filipino. Bin-I, New Theoretical and


Critical Writings on Philippines Studies. Batuigas, Janet T. at Ernesto V. Carandang, II
(mga patnugot). Maynila: UST Publishing House. 2004: 36, 43. Limbag.

Narvaez, Eilene Antoinette G. Sawikaan, Isang Dekada ng Pagpili ng Salita ng Taon.


Lungsod Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino. 2015. Limbag.

Nuncio, Rhod V. Pagsanghiyang sa Internet. Maynila, De La Salle University Press. 2010.


Limbag.

Pascua, Fame. Ang Novelty Song sa Pilipinas. Scientia, The Research Journal of the
College of Arts and Sciences. Manila: San Beda College. June 2016: 52-74. Limbag.

Reyes, Soledad S. Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular, Piling Sanaysay, 1976- 1996.
Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press. 1997. Limbag.

San Juan, David Michael M. Awitalakay: Estilong Kahulugan, Kasaysayan, Kabuluhan


at Kaugnayan (4K) tungo sa Multidisiplinaring Pagtuturo ng/sa Filipino. Papel na binasa
sa Internasyonal na Kumperensiya ng CLOCAFIL. Maynila: DLS- CSB. 2012.

Tolentino, Rolando B. Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi/Kaliluhay Siyang Nangyayaring


Hari. Lungsod Quezon: UP Press. 2001. Limbag.

Torralba, John Enrico C. Videoke at Tiis: Kulturang Popular Bilang Anestisya sa Krsis. Malay Journal,
Tomo XIX Blg. 1. Maynila: DLSU. 2006. Limbag.

Victoria, Vasil A. Ang Pagbuo ng Wika sa Amaya: Popularisasyon ng Wikang Filipino


sa Telebisyon. Di-Nalathalang Disertasyon. Maynila: Pamantasang De La Salle. 2014.

Villanueva, Rene O. Otso-Otso. Sawikaan 2004, Mga Salita ng Taon. Lungsod


Quezon: UP Press. 2005. Limbag.

- - - . Nang Mag-ocho-ocho at Nag-ispageti ang Musikang Pilipino (Isang Kritika


sa musikang novelty sa Pilipinas).Datos, Tomo 20 Blg. 1, Hunyo 2004 .
https://panitikanatbp.wordpress.com/tag/novelty-songs/

Websters All-In-One Dictionary and Thesaurus. Springfield: Federal Street Press. 2008:440.
Limbag.

http://www.linguisticsociety.org/resource/discourse-analysis-what-speakers-do-conversation

http://grammar.about.com/od/d/g/discanalysisterm.htm

https://www.google.com.ph/?gfe_rd=cr&ei=1puFWKP5NsmE8AWYrqwCg&gws_rd=ssl#q=int
erpretive+communities

http://sexpositions.club/kamasutra

https://camilleandceddie.wordpress.com/2012/03/05/ang-pornograpiya/

You might also like