You are on page 1of 4

Isang pagsusuri sa pelikulang

Ang Pagdadalaga ni Maximo


Oliveros (2005) ni
Aureaus Solito
« Nakaraan
/
Ang Kasunod »
By migibytes / Disyembre 11, 2014 / Film Review / Mag-iwan ng puna
“Mahirap na kitain ang pera ngayon.”

Ito ang huling pahayag sa pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros na nakangiting sinambit
ni Bogs, nakatatandang kapatid ni Maximo. Matapos ang mga kaguluhang nasapit ng pamilya
Oliveros sa kabuuan ng pelikula, ito’y nagtapos na masayang pinaghahandaan ng magkapatid na
Bogs at Boy ang nakababatang kapatid na sabik sa pagpasok sa eskwela. Ito’y sinundan pa ng isang
matagal na eksena kung saan ipinakita ang paglakad ni Maximo patungong paaralan kasabay ng
pagsandal ng isang lalake sa kanyang sasakyan habang nakatingin sa batang naglalakad na tila pilit
na umiiwas lumingon sa nakatingin.
Ang pelikulang ito ni Aureaus Solito, isang talentadong direktor na nanggaling pa sa angkan ng mga
salamangkero sa Palawan, ay isa sa mga yaman ng Filipino film industry na nagkamit 15
international awards at kabilang sa mga buena manong pelikula ng kauna-unahang Cinemalaya
Independent Film Festival sa Pilipinas noong 2005. Taglay nito ang galing ni Michiko Yamamoto sa
pagsusulat na siya ring nagbigay storya sa pelikulang Magnifico ni Maryo J. De los Reyes na
nagkamit din ng iba’t ibang awards sa loob at labas ng bansa.

Ang kuwento ng pelikulang ito ay umiikot kay Maximo Oliveros o Maxie, isang nagdadalagang,
este, nagdadala-dalagang dose-anyos na lalaki at ang pakikipaglaban ng kanyang utang na loob sa
pamilya at ng kanyang pag-ibig na unang naranasan sa isang may edad nang lalake. Bihira ang mga
pelikulang katulad nito na binibidahan ng isang homoseskwal na batang lalaki at ang pagkamulat
niya sa pag-ibig, pagkawala ng kamusmusan, at pagyakap sa bagong mundong salungat sa
pamumuhay nila noon. Subalit iba ang pagtrato ng direktor sa bida nitong binabae. Siya’y payapang
kapiling ng barako niyang mga kapatid at ama, at masayang namumuhay sa munti nilang tirahan
bilang tagalaba, tagasaing, tagaluto, tagatahi, at kung ano pang mga gawaing-bahay na karaniwan ay
ginagampanan ng mga kababaihan.

Nagsimula ang pelikula na pinapakita ang paligid ng lugar kung saan umiikot ang buhay ni Maxie.
Mga basurang lumulutang sa estero, ang mala-labirintong pasikot-sikot ng mga iskinita’t kabahayan,
mga mala-banderitas na mga damit nakasampay kung saan-saan, mga lalakeng nag-iinuman sa
kalsada – isang larawan ng tipikal na pamayanan ng mga maralitang Pilipino na bumubuo ng
malaking bahagdan sa populasyon ng Pilipinas. Ang sitwasyong ito ay laganap sa iba’t ibang dako ng
ating inang bayan kaya’t maaring ituring ang pelikula bilang isang pagtangka sa pagrepresenta ng
ating lipunan ngayon – pasikot-sikot, magulo, madumi at binubuo ng iba’t ibang klase ng mga tao.

Isang gabi, napagtripan habang naglalakad pauwi si Maxie nang siya ay iligtas ng isang pulis na
nagkataong nakatira rin sa lugar na iyon. Nakaangkas na hinatid ng batang pulis si Maxie sa kanilang
tirahan at doon nagsimula ang pagkahumaling nito sa taong nagligtas sa kanya. Naging mabuti ang
pag-uugnayan ng dalawa sa kalaunan subalit ito’y hinadlangan ng sigalot sa loob ng pamilya
Oliveros. Isa sa mga kapatid ni Maxie ay tinutigis ng kapulisan bilang suspek sa paghold-up at
magpatay ng isang menor-de-edad. Ang kabuhayan ng pamilya ni Maxie ay sinusuportahan ng mga
nakaw na mga gamit na galing sa mga krimeng pinanggagawa ng ama nito, maging ang kanyang mga
kapatid. Bilang alagad ng gobyerno at batas, obligasyon ng batang pulis na si Victor na sugpuin ang
mga taong katulad nila na nagdulot ng pagkalito sa pag-iisip ni Maxie. Pilit na kinukuhanan ng
impormasyon tungkol sa kanyang kuya si Maxie ng kaibigan nitong pulis. Pilit ring sinasabihan si
Maxie ng kanyang pamilya na huwag umimik ng kahit anong salita na magpapahiwatig ng kalikasan
ng pamumuhay ng pamilya. Sa batang edad, si Maxie ay naiwang gumawa ng isang malaking
desisyon sa buhay habang unti-unti nitong dinidilat ang musmos niyang mga mata sa kalupitan ng
realidad.

Naging mahusay ang pagsalaysay ni Aureaous sa masalimuot ngunit makulay na buhay ni Maxie.
Matagumpay rin ang pelikulang ito bilang sining na maaring paghugutan ng mga metapora o
representasyon ng iba’t ibang aspeto ng kultura at lipunang Pilipino. Naisasalamin ng maraming mga
eksena ang pagsamba ng karamihang mga Pilipino sa katolisismo. Nagdarasal na sinimulan ng
kriminal na mag-ama ang kanilang agahan kasama si Maxie. Ginawa ring dahilan ng kuya ni Maxie
ang kanyang paniniwala sa Diyos habang siya’y iniimbestigahan ng kapulisan upang ipagtanggol ang
sarili laban sa krimeng kinasasangkutan nito. Marami pang mga eksena ang nagpapahiwatig ng mga
aksyon at kilos na tila salungat sa mga prinsipyo ng Katolisismo. Subalit itong mga sitwasyon ay
hindi lamang limitado sa pelikulang ito. Bagkus, laganap sa buong Pilipinas, kung hindi sa buong
mundo, ang pagtaliwas sa turo ng relihiyon. Ngunit para sa akin, wala naming problema ang di
pagsunod sa mga prinsipyo ng mga relihiyong inaasahang sinusunod ng mga tagasamba nito. Ang
problema ay nanggagaling sa hindi makatarungan o hindi pantay na pagtrato ng isang tao sa kapwa
nila tao, tulad ng mga ginagawang krimen ng pamilya Oliveros, tulad ng mga kahipokritohan ng mga
tao sa lipunan. Nabuwag ang popular na nosyon sa simbahang Katoliko sa pamamagitan ng tamang
pagtagpi-tagpi ng mga elemento ng pelikula at ng galing ng direktor.

Ang paglarawan ni Solito sa kanyang bida na si Maxie bilang isang mahinhin, malambing at
masayahing bata, o binabaeng bata sa kabuuan, ay maaring ituring isang pagtangka sa
pagrerepresenta ng mga homosekswal o LGBTQ community sa lipunang Pilipino. Ang bukas-palad
na pagtanggap ng pamilya Oliveros kay Maxie at ang pangtutuksong ginagawa ng mga tao sa labas
ng kanilang bahay ay nangangahulugang may diskriminasyon pa ring nangyayari sa realidad.
Bagaman ligtas siya sa piling ng kanyang pamilya, ang pangambang dulot ng diskrimnasyon sa labas
ay humahadlang sa mga oportunidad na maaari nilang makamit. Subalit ang pagiging binabae ni
Maxie ay napakasteryotipikal at tumatalima sa popular na nosyon ng pagiging homosekswal o bakla,
bading, mga lalakeng kilos-babae, kumekembot maglakad, nakapussy-cat, at iba pang mga
kaartehang parating inuugnay sa mga kabaklahan na ating nasasaksihan sa popular na mga media.
Kakaiba rin na sa batang edad ni Maxie, ay tila alam na alam na niya ang kanyang sekswalidad.
Dagdagan pa ito ng una niyang pagkaranas ng tinatawag na pag-ibig sa pulis na nagngangalang
Victor. Ngunit tila hindi natural sa kamalayan ng nakararami ang tambalang malayo ang agwat sa
edad dagdagan pang pareho silang lalaki. Ang paghuhumaling ng batang si Maxie sa nasa gulang
nang lalaki, bagkus nararanasan ng piling pangkat ng tao, ay hindi laganap sa kulturang popular sa
Pilipinas, hindi ito pangkaraniwang sitwasyon.

Subalit ang pagdalamhati ni Maxie sa bigo niyang pag-ibig ay tila nagpababa sa karakter ni Maxie
bilang tao sa pelikula. Ito’y umaayon sa sa tipikal na nosyon ng lipunan na walang pag-asa sa pag-
ibig ang mga homosekswal.

Ang melodramatikong may halong komedya na genre ng pelikula ay napakapopular sa konteksto ng


Philippine cinema na kahit ang mga likha ng mga natatanging mga direktor noong dekada 70’s at
80’s ay nakaayon sa genreng ito.

Hindi inaasahan ang pagkamatay ng ama ni Maxie dahil sa bangis ng bagong hepe ng kapulisan sa
lugar nila kung saan aprentis nito si Victor. Matagal ng most-wanted ang ama ni Maxie ngunit tropa
nito ang dating hepe kaya’t nakakapaglabas-pasok ito sa kulungan. Sinaksihan ng mga mata ni Maxie
ang pagkawala ng isa sa mga pinkaimportanteng tao sa buhay niya. Subalit kasabay nito ang
pagbago ng diwa ng pamilya Oliveros. Kasabay ng pagkawala ng padre de pamilyang nagpalaki sa
kanila, kanila ring napagtanto ang kanilang kamalian at nagtankga namang magbago. Natapos ang
pelikulang nakangiti lahat ng miyembro ng pamilya, determinadong ipagpatuloy ang buhay na
kanilang nasimulan.

Mga sanggunian:

Auraeus Solito. [ONLINE] Available at: http://en.wikipedia.org/wiki/Auraeus_Solito [Last Accessed


04 September 2014]
B. Zulueta. Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros: Growing up gay, grim and determined.
[ONLINE] Available at:
http://www.manunuri.com/reviews/ang_pagdadalaga_ni_maximo_oliveros_growing_up_gay_grim_a
nd_determined [Last Accessed 04 September 2014]
Magnifico (film). [ONLINE] Available at: http://en.wikipedia.org/wiki/Magnifico_(film) [Last
Accessed 04 September 2014]
The Blossoming of Maximo Oliveros (2005): B+. [ONLINE] Available at:
http://www.nickschager.com/nsfp/2006/03/the_blossoming_.html [Last Accessed 04 September
2014]
The Blossoming of Maximo Oliveros (Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros) (2006). [ONLINE]
Available at: http://www.rottentomatoes.com/m/blossoming_of_maximo_oliveros/ [Last Accessed
04 September 2014]
The Blossoming of Maximo Oliveros. [ONLINE] Available at:
http://en.wikipedia.org/wiki/The_Blossoming_of_Maximo_Oliveros [Last Accessed 04 September
2014]

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros:

Best Foreign Film Nominee sa Independent Spirit Awards 2007

Best Feature Film sa Berlin International Film Festival (2006)

Teddy Award Recipient sa 2006 Berlin International Film Festival

Best Picture sa Gawad Urian Award 2006

Best actor (Nathan Lopez) Las Palmas Film Festival, Spain

Golden Lady Harimaguada Award- Las Palmas Film Festival- Spain

You might also like