Professional Documents
Culture Documents
Banghay-Aralin
Pakitang-turo hinggil sa Kabanata 17 ng El Filibusterismo
(Ang Perya sa Quiapo)
Inihanda ni:
Julie Ann A. Ranes
BSED Filipino 4-2
Pebrero 27, 2018
Mula sa pagkakaayos ng mga araling ito, ano nga ba ang kahalagahan ng mga pambansang panitikan
para sa pagtatamo ng mga layunin ng K-12 Kurikulum partikular sa asignaturang Filipino? Paano nga ba ito
nakaaapekto sa pagiging isang buo at ganap na Filipinong may kapaki-pakinabang na literasi ng mga mag-
aaral?
Unahin natin ang pagtalakay sa kung ano nga ba ang pakahulugan kapag sinabi nating “pambansang
panitikan”. Batay sa isinulat na sanaysay ni G. Bienvenido Lumbera (1994) sa kanyang aklat na pinamagatang
“Pag-akda ng Bayan”, tinalakay niya na ang pambansang panitikan ay tumutukoy sa pagkabuuan o
pinagsama-samang mga panitikan mula sa Pilipinas na isinulat ng mga Pilipino. Mula sa mga panitikang ito,
nasasalamin ang bansang Pilipinas sa iba’t ibang aspekto – lipunan, kultura, wika, at iba pa. Dagdag pa niya,
kapag patuloy na nakapagsusulat ng panitikan ang mga Pilipino, naiaakda o naisusulat na rin natin ang ating
bayan, kung ano ang mga kaganapan sa tiyak na panahon na ating kinabibilangan.
Mula sa talakayan na iyon ni G. Lumbera, malinaw na inihayag na ang mga akdang pampanitikan ang
siyang magsisilbing ulat o salamin sa ating bansa na nakaayos batay sa kung anong panahon ito naisulat.
Kasangkot dito ang mismong bansa, ang Pilipinas, ang mamamayan nito, ang mga kaganapan sa partikular na
panahon. Ang panitikan ang nagbibigay-pagkakataon sa atin upang masaksihan ang mga kaganapan sa
ating bansa noong mga panahong hindi pa man tayo isinisilang. Sa ganitong kapamaraanan, namumulat tayo
kung bakit nga ba ganito na lamang ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa paglipas ng ilang panahon.
Kaugnay nito, sa panimula rin ng ikalawang markhan ng modyul na ito, nabanggit na sa panitikan nasasalamin
ang mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing, buhay, at hangarin ng mga Pilipino. Ito ang
nagsisilbing tulay upang maabot ng nakalipas ang kasalukuyan, gayundin upang maipagpatuloy ng
kasalukuyan ang pagpapanatili at pag-unlad ng kultura at kabihasnan upang maisalin ito nang ganap sa
susunod na henerasyon.
Samakatuwid, ang pag-aaral ng mga pambansang panitikan ay makatutulong sa mga mag-aaral na nasa
ikawalong baitang upang magkaroon sila ng malinaw na pagkilala sa ating bansa. Gayundin, higit nilang
mauunawaan ang ugnayan sa pagitan ng mismong panitikan at yugto ng pagkakasulat nito. Masasaklaw na
rin nito ang kasaysayan at magiging malay sila sa kung ano nga ba ang naging kaganapan at pinagdaanan
ng bansang Pilipinas at dahil dito, mas mapatitibay ang pagkakakilanlang Pilipino sa mga mag-aaral na isa sa
pangunahing layunin ng ating kurikulum sa kasalukuyan.
Ang paksa sa ikalawang markahan ay pumapatungkol sa mga panitikang naisulat sa panahon ng mga
Amerikano, Komonwelt at Kasarinlan mula sa unang markahan kung saan tinalakay naman ang mga panitikang
umusbong sa panahon ng Katutubo, Espanyol at Hapones. Kapansin-pansin na naunang tinalakay ang mga
panitikan sa panahon ng mga Hapones kumpara sa panahon ng mga Amerikano gayong kung pagbabatayan
ang balangkas ng kasaysayan na nakabatay sa pagdating ng mga mananakop, hindi maikakailang higit na
nauna ang mga Amerikano kaysa sa mga Hapones.
Samantala, kung pagbabatayan naman ang muling pagbabalangkas ni Dr. Zeus Salazar sa ating
kasaysayan, kapansin-pansing ibang-iba ito sa naging pagkakaayos ng pagtalakay sa mga akda sa modyul na
ito. Sa kanyang pag-aaral na pinamagatang “Kasaysayan ng Kapilipinuhan – Bagong Balangkas” (2004), inisa-
isa niya ang tamang pagkakabalangkas ng ating kasaysayan na nakaayos at nakaayon sa pantayong
pananaw at hindi batay sa kung sino ang mga mananakop na dumating sa ating bansa. Ayon pa sa kanya,
may kasaysayan pa rin ang mga Pilipino at ang kabuuan nito’y hindi lamang nakabatay sa mga dayuhan
bagkus sa kung paano lumago ang ating lipunan. Halimbawa niya na nga rito ang pagiging pamayanan
tungong bayan hanggang sa pagiging isang bansa ng Pilipinas.
Kung iuugnay ang mga impormasyong inilahad, makikitang wala sa dalawang balangkas na ito ang naayon
sa pagkakaayos ng mga panitikan sa modyul na ito. Nahahawig sa unang balangkas (kasaysayan batay sa
pagdating ng mga dayuhan) subalit kapansin-pansin na nagkapalit ang panahon ng mga Hapones at panahon
ng mga Amerikano. Kung susuriin, may porsyento na maaaring sabihing hindi sa kasaysayan nakabatay ang
pagkakaayos ng mga talakayan sa mga akda bagkus ay sa kung ano ang temang nangingibabaw sa mga ito.
Batay sa artikulong “Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon” (2017) na ipinaskil ng KADIPAN, ang mga akdang
pampanitikang umusbong sa panahon ng katutubo ay patungkol sa paghubog ng kagandahang-asal sa mga
Pilipino. Sa kabilang banda, nakatuon naman sa pagpapalaganap ng relihiyon, paghubog ng moralidad ng
mga Pilipino, kalayaan, rebolusyon at pagtaliwas sa pamamahala ng mga Kastila ang mga pangunahing
paksain sa ilalim ng pamumuno ng mga Espanyol. Nang sakupin naman tayo ng mga Amerikano, diwang
makabayan naman ang naging pangunahing paksa ng panitikan, gayundin ang pagtatamo ng ganap na
kalayaan. Sa pagdating naman ng mga Hapones, namulat ang mga Pilipino na dapat nilang higit
napahalagahan ang kanilang sariling pagkakakilanlan, ang pagka-Pilipino. Gayundin, nangibabaw sa mga
panitikan noong panahong ito ang usapin hinggil sa kalayaan at pagmamalupit ng mga Hapones sa mga
Pilipino. Sa kasalukuyang panahon naman, mamamalas na karaniwan sa mga nasusulat na panitikan ay hinggil
sa usaping politikal, mga isyung panlipunan, at iba pa.
Samakatuwid, maaaring sabihin na ang pagkakaayos ng mga akda sa modyul na ito ng ikawalong baitang
ay hindi lamang nakabatay sa balangkas ng kasaysayan na nakaayon sa mga dayuhan bagkus maaari ding
sabihin na isinaalang-alang din sa pagbabalangkas na ito ang tema o usaping lumulutang sa mga akdang
pampanitikan sa bawat panahon.
Gayunpaman, mamamalas pa rin na papalapit ang talakayan sa panahong kinabibilangan ng mga mag-
aaral. Sa ganitong proseso, nabibigyang-daan ang ganap na pagkakaunawa ng mga mag-aaral kung bakit
nga ba ganito ang kalagayan ng ating panitikan at ng ating bansa sa kasalukuyang panahon.
Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ng mag-aaral ng pag-unawa sa mga akdang pampanitikang
lumaganap sa Panahon ng Amerikano, Komonwelt at sa Kasalukuyan.
Pamantayan sa Pagganap:
(Orihinal): Nakasusulat ang sariling tula sa alinmang anyong tinalakay tungkol sa pag-ibig sa tao, bayan o
kalikasan.
(Mungkahi):
Sinop-Suri
Ang mga mag-aaral ay lilikom ng tig-iisang akda ayon sa mga anyo ng panitikan na natalakay sa markahang
ito – balagtasan, dula, maikling kuwento, sarsuwela, at sanaysay. Tig-iisa lamang at kinakailangang ang mga
akdang pipiliin nila ay nakapaloob lamang sa Panahon ng Amerikano, Komonwelt at Kasarinlan. Matapos
makapili ay sasaliksikin nila ang background ng akdang ito – kung sino ang sumulat at anong tiyak na panahon
ito naisulat. Gayondin, magbibigay sila ng pagsusuri sa bawat akdang kanilang napili – mensahe, tema,
balangkas ng kuwento at iba pa. Pagsasama-samahin nila ang mga impormasyong ito sa pamamagitan ng
isang booklet.
Masasabing malaki na ang naging pag-unlad ng teknolohiya sa buong mundo maging sa ating bansa. Ang
paglaganap ng Internet, pag-usbong ng iba’t ibang social media network gaya ng Facebook at Twitter,
gayundin ang pagkahumaling ng kabataan sa pagtangkilik sa mga website gaya ng YouTube ay nagdulot ng
malaking pagbabago sa kulturang Pilipino. Ang pagkahilig ng marami, lalo na ng kabataan, sa mga
kontemporaryong anyo ng panitikan ang nag-udyok sa pagbabagong bihis ng tradisyunal na anyo nito.
(Modyul ng Ikawalong Baitang sa Filipino)
Si G. Rolando B. Tolentino, isang tanyag na kritiko at nagsasagawa ng mga pag-aaral hinggil sa kulturang
popular, ay nagtalakay rin patungkol sa kung paano binago ng teknolohiya ang iba’t ibang aspekto ng buhay
natin. Sa introduksiyon ng kanyang unang libro hinggil sa Kulturang Popular, ang Kulturang Mall, nabanggit niya
na ang teknolohiya at ang midya ang pangunahing behikulo ng mga pagbabago sa ating lipunan. Ang buong
katawan ng mamamayan ngayon ay apektado na ng kulturang popular. Hinalimbawa niya rito ang paggamit
natin ng cellphone na para bang hindi na natin kayang mabuhay nang wala ang mga ito. Mula sa kanyang
mga obserbasyon, mamamalas ang matinding pagbabagong dulot ng teknolohiya sa pamumuhay ng mga
Pilipino.
Kaugnay nito, sa isa niya pang artikulong pinamagatang “Panitikan ng Kulturang Popular: Popular na
Anxiedad at ang Arkipelagong Espasyo” (2012), natalakay naman niya ang patungkol sa implikasyon ng
kulturang popular sa mga umuusbong na panitikan. At dahil nga nagbabago ang galaw ng lipunan sa porma
ng mga pang-araw-araw na karanasan, nagbabago rin ang takbo ng kanilang pamumuhay at ang panitikan
bilang salamin ng ating buhay ay sumasailalim na rin sa ‘di mapigilang transpormasyong ito.
Sa fast-facing na takbo ng lipunan, nabigyang-daan ang pagsibol ng iba’t ibang anyo ng panitikang popular
na karaniwang naitatampok sa pamamagitan ng teknolohiya. Ang mga panitikang popular na ito ang
ginagamit rin bilang lunsaran sa pagtuturo ng iba’t ibang kaalaman sa asignaturang Filipino, patunay nito mismo
ang modyul ng ikawalong baitang.
Sa pagtalakay na ito, makikitang muli ang ugnayan ng lipunan at ng panitikan. Ang usapin ng panitikang
popular ay hinggil sa bagong anyo ng panitikang umuusbong sa kasalukuyan dulot ng mga pagbabago sa
iba’t ibang aspekto. Sa ganitong pamamaraan at pagtalakay ng panitikang popular sa kurikulum ng K-12 sa
Filipino, matutulungan nito ang mga mag-aaral na mapahalagahan ang mga panitikang nagbagong-bihis at
maaaring namamalas nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang layuning magkaroon ng
pambansang pagkakakilanlan ay higit na napatitibay sa mga mag-aaral sa oras na makilala nila ang mga
panitikang popular. Nagbubunsod ito upang maging mapanuri sila sa mga nababasa sa kasalukuyang
panahon at gayundin, mauunawaan nila kung paano nga ba nakikiangkop ang panitikan sa mabilis na
pagbabago ng lipunan. Ang markahang ito ang magpapaunawa sa mga mag-aaral na ang mga
napapanood (dokumentaryong pampelikula at pantelebisyon), naririnig (komentaryong panradyo), nababasa
at nakikita (kontemporaryong dagli, pahayagan, komiks at magasin) ay maaari ding magsilbing instrumento
upang maging malay sila sa mga kaganapan sa lipunang kanilang kinabibilangan sa kasalukuyan.
Mga Sanggunian:
Lumbera, Bienvenido. (1994). Pag-akda ng Bansa
Tolentino, Rolando B. (2012). Panitikan ng Kulturang Popular: Popular na Anxiedad at ang Arkipelagong
Espasyo. http://bulatlat.com/main/2012/01/07/panitikan-ng-kulturang-popular-popular-na-anxiedad-
at-ang-arkipelagong-espasyo/
Gabay Pangkurikulum sa Filipino (2016) – Mula sa Kagawaran ng Edukasyon
Modyul sa Filipino ng Ikawalong Baitang (Gabay para sa Guro)
KADIPAN. (2017). Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon.
http://kadipanvalsci.blogspot.com/2010/08/panitikang-filipino-sa-ibat-ibang.html
Salazar, Z. (2004). Kasaysayan ng Kapilipinuhan – Bagong Balangkas.
http://www.bagongkasaysayan.org/downloadable/zeus_001.pdf
Tolentino, R. (2004). Kulturang Mall. Anvil Publishing Inc.