You are on page 1of 8

LASALITAAN

(“Tigang”)

Iniharap sa Departamento ng Filipino


De La Salle University- Manila
Akademikong Taon 2016-2017

Bilang pagtupad sa Pambahaging Pangangailangan


Sa Asignaturang
FILDLAR

Ipinasa kay:
Dr. Madula

Ipinasa ni:
Dela Cruz, Juan

Hunyo 2017
Ang pagbabago ng kahulugan ng mga salita ay isang malaking parte ng wika. Habang

tumatagal ay nakikiayon ang kahulugan ng mga salita sa mga pangyayari sa ating daigdig.

Ngunit sa panahon ngayon, hindi na masyado nabibigyan pansin ang kasaysayan at kung paano

nagbago ang mga lumang salita kaya walang kamalay-malay ang kabataan sa mga tunay na

kahulugan ng iba’t ibang salita. Sa pamamagitan ng pagmulat ng mga mata ng kabataan,

maaaring umunlad ang isang wika dahil ang kabataan ang magpapatuloy sa pagsulong ng ating

wika sa hinaharap. Umaasa akong makakatulong itong papael na ito pagmulat sa mata ng

kabataan. Tatalakayin natin sa papel na ito ang tunay na kahulugan, pagbabago, at kasaysayan ng

salitang ‘tigang’ at kung paano naging parte ito ng umuusbong na kultura sa ating bansa.

Tigang. Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang ito? Paano nga ba nagbago ang

kahulugan ng salitang ito? Karamihan sa mga kabataan ay walang kamalay-malay sa tunay na

kahulugan ng salitang tigang. Ang tanging alam nila ay ang maduming kahulugan ng salitang ito

dahil sa pag-usbong ng salitang kalye. Ang tunay na kahulugan ng salitang “tigang”, ayon sa

Diksyunaryong Tagalog ni Ginang Angelita G. Gonzales, ay “tuyong-tuyo” at ang halimbawa na

ginamit sa diksyunaryong ito ay tungkol sa isang magsasaka na inilalarawan ang kanyang lupa .

Kung nagsimula ang salitang ito bilang isang termino ng mga magsasaka upang ilarawan ang

kanilang lupa, bakit nagkaroon ng maduming kahulugan ang salitang ito? Ayon sa aking

pananaliksik, natagpuan ko na habang tumatagal ay nagbabago ang kahulugan ng mga salita

dahil sa iba’t ibang konotasyon ng mga tao. Likas na katangian ng isang tao ang paglikha at

pagbago ng mga salita upang mapahayag ang kanilang sarili kaya patuloy ang paggamit nila ng
mga salita base sa nais nilang ipahiwatig. At dahil dito ay unti-unting nagbabago ang kahulugan

ng mga salita. Nabanggit ni Virgilio S. Almario sa kanyang libro na Filipino ng Filipino na

“hindi natin namamalayan ngunit halos araw-araw ay yumayaman ang ating wika”. Araw-araw

gumagamit tayo ng mga salitang may ibang kahulugan at dahil dito nagiging parte tayo ng

ebolusyon ng isang salita.

Ayon naman sa Talinghagang Bukambibig nina Ligaya Tiamson-Rubin, Rosario Torres-

Yu, at Lydia Fer Gonzales, ang ibig sabihin ng “tigang na tigang” ay “hindi na magkakaanak”.

Habang tumatagal ay nagbabago ang kahulugan ng salitang “tigang”, galing sa kahulugan na

tungkol sa pagsasaka ay naging tungkol sa kakayahan ng isang babae na magsilang ng isang

sanggol. Ikinukumpara ng salitang ito ang tuyong lupa na hindi na maaring magbunga ng

pananim at ang sistemang reproduktibo ng kababaihan na hindi na maaring magbunga ng

supling. Ngunit, ang pagbago ng kahulugan ng salitang ito ay hindi nagtapos sa isang kahulugan

na may kaugnayan sa pagsilang ng sanggol ng kababaihan sapagkat nagkaroon ito ng hindi

magandang kahulugan. Sa panahon ngayon, ang ibig sabihin na ng salitang “tigang” ay isang tao

na matagal nang hindi nakakaranas ng pagtatalik o kaya isang tao na uhaw sa sekswal na aspeto.

Nagkaroon ng ganitong klaseng diwa ang salitang ito dahil sa umuusbong na salitang kalye ng

mga Pilipino. Ayon sa banyagang librong Language in the USA: Themes for the Twenty-first

Century, nabanggit ng may-akda na “a new use of an old word can be seen as a new word

derived from an old one and identical to it in form” at ito ang naganap sa salitang tigang. Ang

salitang “tigang” ay muling binuhay ng mga tao at ginamit bilang salita na tumutukoy sa mga
taong “tuyong tuyo” sa sekswal na aspeto. At dahil sa patuloy na paggamit ng mga tao sa

salitang balbal na ito, naging parte na ito ng pang-araw araw na pananalita. Nagkakaroon ng

hindi mabuting kahulugan ang iba’t ibang salita dahil sa paghanap ng mga tao ng mga salitang

makakapahayag o makakatakip sa mensahe na gusto nilang iparating. Itong pagbabago ng

kahulugan ng salitang “tigang” ay isang kongkretong halimbawa ng pag-unlad ng wikang

Filipino sapagkat patuloy na dumadagdag at nagbabago ang mga salita sa lengguwaheng ito.

Sa paglipas ng panahon, hindi lang kahulugan ang maaring magbago sapagkat ang gamit

ng salita sa isang pangungusap ay nagbabago din. Isang makasaysayang halimbawa nito ay ang

tribong Visigoths na nagmula sa Alemanya. Tinawag ang mga tao na nabibilang sa tribo na ito

bilang “Goths” at habang tumatagal ay nagbago ang gamit ng salitang ito. Pinabagsak ng mga

Goths ang Imperyong Roman kaya nagdulot ng malawakang depresyon sa kasaysayan ng Roma

at mula noon, maraming nagbago sa mga gusali at sining nila. Dahil sa kasaysayan at mga

pangyayari na naidulot ng tribong ito, ginamit ang salitang “gothic” upang ilarawan ang sining at

arkitektura na nagpapahiwatig ng kapighatian ngunit sa panahon ngayon, ginagamit na ang

salitang “goth” o “gothic” upang ilarawan ang mga taong pinapaligiran ang sarili ng kalungkutan

o nagsusuot ng mga madidilim na damit at nakikinig sa malulungkot na kanta. Nagsimula ang

salitang “goth” bilang pangngalan ng tribong nagmula sa Alemanya pero nagbago ito at naging

pang-uri na tumutukoy sa tao o sining na nagpapahiwatig ng kalungkutan. Pinapakita ng

halimbawa na ito ang kahalagahan ng kasaysayan ng isang salita dahil madalas hindi na

maaninaw ang pinagmulan ng mga salitang madalas gamitin ngayong panahon.


Bago pa man nagbago ang kahulugan ng salitang “tigang”, ginagamit na ito bilang pang-

uri sa pangungusap. Noon, ginagamit ito para ilarawan ang bahagi ng lupa na hindi na maaaring

magbunga ng ani dahil sobrang pagka-tuyo nito ngunit ngayon, ginagamit na siya para ilarawan

ang isang tao na sabik na sabik makipagtalik. Inilalarawan nito ang pagiging komportable ng

mga tao hinggil sa sensitibong paksa ng pagtatalik at ang natural na pakiramdam o tawag ng

kalikasan. Sa panahon ngayon, madalas na din gamitin ang salitang “tigang” bilang biro o tukso

para sa isang tao na masyadong mapanlimbang. Bagamat hindi nagbago ang gamit nito sa

pangungusap, malaking pagbabago ang naganap sa salitang ito kaya nararapat bigyan ito ng

kahalagahan.

Natural na sa mga Pilipino ang pagiging malikhain sa pag-imbento ng mga panibagong

salita o termino. Dahil dito, ang mga panibagong salita ay nabubuo sa iba’t ibang paraan.

Minsan ginagawang daglat ang mga salita, minsan naman ay pinagpapalit-palit ang mga pantig,

at minsan ay ginagamit ang kulturang popular o sikat na mga tao upang makalikha ng mga

nakakatawang termino, tulad ng “Jinet Jackson” na ibig sabihin ay mainit. Ang salitang “tigang”

ay madalas gamitin ng bagong henerasyon kaya maaaring isipin ng ibang tao na ito ay

panibagong salita lamang ngunit napaka-tagal na ng salitang ito. Ang pagkabuo ng salitang ito

ay hindi nabibilang sa mga paraan na nabanggit sapagkat nabuo ito sa pamamagitan ng pagbuhay

muli ng lumang salita subalit may iba nang kahulugan. Napakaraming salita ang umuusbong

ngayong henerasyon dahil sa patuloy na pagbago ng pangangailangan ng ating mundo. Tila


nagkulang pa rin ang koleksyon ng mga salita na nalikha sa paglipas ng panahon dahil

kinakailangan pang bumuo ng mga salita upang ipahayag ang sarili. Maaring nagbago ang

salitang “tigang” dahil sa pagbago ng panahon at trabaho ng mga mamamayan. Mula sa

terminong pang-magsasaka ay naging terminong pang-malibog. Ganito na ba kalaki ang

pagbabago ng ating mamamayan? Hindi na kinakailangan ng terminong tumutukoy sa tuyong

lupa dahil higit na mas madami na ang tuyong tao? Higit na masmadami na ang mamamayang

punong puno ng pagnanasa sa katawan kaysa sa mamamayang nagtatrabaho sa ilalim ng init ng

araw? Ni hindi na nga alam ng kabataan na ang orihinal na kahulugan ng salita na ito ay ang lupa

na hindi na maaaring mag-bunga ng ani. Naniniwala akong lilipas ang panahon at magbabago

din ang kahulugan ng salita ng ito. Hangga’t nabubuhay ang mga tao, maghahanap sila ng

panibagong termino na magsisilbi sa kanilang pangagailangan sa partikular na panahon at lugar

na iyon.

Ang wika ay isang malaking parte ng isang bayan. Ito ang nagbubuklod sa atin kaya

maliwanag kung bakit mahalaga ito sa ating kultura. Nauugnay nito ang karanasan at kaalaman

kaya nabubuo ang mga salita na tiyak sa ating kultura. Ang mga pinagdadaanan at

pangangailangan ng isang bayan ay naisasalamin ng wika kaya nauunawaan natin ang kultura at

ugali ng isang lugar sa isang partikular na panahon. Ang salitang “tigang” ay parte ng salitang

kalye at ang salitang kalye ay isang antas ng wikang kolokyal. Kaya ano nga bang isinasalamin

ng salitang “tigang” sa kultura at ugali ng mga Pilipino?


Noong unang panahon, isinasalamin ng salitang “tigang” ang hirap na pinagdadaanan ng

mga magsasaka tuwing natutuyo ang kanilang lupa at hindi na maaaring magbunga ng ani.

Ngunit sa kasalukuyan, hindi na itong kahulugan ang ginagamit ng mga tao sapagkat nahigitan

na ito ng bagong kahulugan. Isinasalamin ng salitang ito ang lumalagong kaugalian ng mga tao

na ginagawang biro ang pambabastos upang normalisahin ang rape culture. Sensitibong paksa

ang pagtatalik noon pero sa panahon na ito, wala nang sensitibo. Lahat ng paksa ay pinag-

uusapan at ginagawang biro parang tila walang pinagdaanan ang ating bansa. Malaking parte

kung bakit sensitibo ang paksang ito ay ang kapangyarihan ng simbahan sa bansang ito.

Ginagamit ng simbahan ang relihiyon upang patahimikin ang mga nagnanais magsalita kaya

dahil dito, nagnais ang mga tao ng kalayaan sa pagsasalita. Ngunit dahil sa kagustuhan nilang

maging malaya, labis-labis ang kalayaan na natamo at hindi na tama ang naging ugali tungkol sa

pananalita. Isinasalamin ng salitang “tigang” ang kawalan ng malay ng mga Pilipino hinggil sa

kasaysayan ng tunay na kahulugan ng mga salita at ang kalubhaan ng pagbabago ng isang salita

sa paglipas ng panahon. Isinasalamin nito ang paglaganap ng mga termino na nakatutulong sa

pagnormalisa ng rape culture. Isinasalamin din nito ang kultura ng isang bayan na patuloy na

sumisikap upang paunlarin lalo ang kanilang wika.


SANGGUNIAN

Almario, V. S. (2009). Filipino ng mga Filipino (2nd ed.). Pasig City, Philippines: Anvil

Publishing Inc.

Baronda, A. C. (2016). Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino. Pasay

City, Philippines: JFS Publishing Services.

Carr, K. E. (2016, April 01). Who were the Visigoths? Retrieved from

http://quatr.us/medieval/history/earlymiddle/visigoths.htm

Cote, M. (1985, September). Language Reflects Culture. Retrieved from

http://www.sicc.sk.ca/archive/saskindian/a85sep21.htm

Ferguson, C. A., & Heath, S. B. (2013). Language in the USA: Themes for the Twenty-first

Century (E. Finegan, Ed.). Cambridge, UK: Cambridge University Press.

Gonzales, A. G., Lim, M. S., & Vargas, L. P. (2010). Diksyunaryong Tagalog: Makabago at

Pinagaan. Quezon City, Philippines: Katha Publishing Co., Inc.

Hawkins, M., & Gallo-Crail, R. (2012). Filipino Tapestry: Tagalog Language through Culture.

Madison, Wisconsin: The University of Wisconsin Press.

Rubin, L. T., Yu, R. T., & Gonzales, L. F. (1986). Talinghagang Bukambibig. Pasig City,

Philippines: Anvil Publishing Inc.

You might also like