You are on page 1of 2

Dela Cruz, Anecia T.

AKTIBIDAD
STEM J2 FILI 2121
HALIMBAWA NG BUOD

Buod ng SONA 2015


Ni Kristine Paula Garcia at Jessie Angelo Lee

Isinagawa ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Simeon Aquino
III noong Hulyo 27 sa Batasang Pambansa. Sa unang bahagi ng kanyang talumpati, binalikan ni
Aquino ang mga katiwalian ng nakaraang administrasyon at ang mga suliraning idinulot nito sa
bansa. Matapos isa-isahin ang mga anomalya ng nagdaang administrasyon, tinalakay niya ang
mga pagbabagong binigay ng kanyang gobyerno sa loob ng limang taon. Ibinahagi rin niya ang
mga nais marating sa 2016 bago bumaba sa panunungkulan. Ilan sa mahahalagang paksa ang
ekonomiya at labor force, transportasyon at imprastruktura, edukasyon, at mga batas na nabuo
sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Pagtaas ng Ekonomiya at Labor Force
Unang ibinahagi ng Pangulo ang pagtaas ng dibidendo ng mga Government-Owned and
Controlled Corporations (GOCC). Ipinagmalaki rin niya ang pagtaas ng buwis na nakolekta ng
Bureau of Internal Revenue (BIR). Umabot ng ₱1.06T ang nakolekta ng ahensya noong 2012. Ito
ang unang beses sa buong kasaysayan ng Pilipinas na umabot ng isang trilyong piso ang
kabuuang buwis na nakolekta sa loob ng isang taon. Tumaas ito sa ₱1.3T noong 2013 at ₱1.5T
noong 2014.
Naitala noong 2014 ang US$6.20B na Foreign Direct Investment (FDI) na siyang pinakamataas
din sa kasaysayan ng bansa. Pumalo sa ₱2.09T naman ang kabuuang domestic investments sa
ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ibinida rin ang paglago ng manufacturing sector, pagbaba ng bilang ng labor strikes at
unemployment rate, pagbaba ng bilang ng Overseas Filipino Workers (OFW), at ang pagdami ng
bilang ng mga pamilyang natulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s). Sa mga
pagbabagong nabanggit, nabansagan ang Pilipinas bilang “Asia’s Rising Star”, “Asia’s Rising
Tiger”, at “Asia’s Bright Spot”, ayon kay Aquino.
Transportasyon at Imprastruktura
Ipinagmalaki ni Aquino ang pag-unlad sa sektor ng aviation, kagaya nang pagkakaroon ng direct
flights papunta sa mga bansang kabilang sa European Union (EU) at ang pagtanggal ng ban sa
buong Civil Aviation ng bansa. Nagkaroon ang Pangulo ng pagkakataon upang talakayin ang isyu
sa MRT. Binatikos niya ang kompanyang nagpapatakbo sa tren dahil sa kapabayaan nito, ngunit
ipinangako niyang patuloy ang mga hakbang ng gobyerno upang ayusin at i-upgrade ang rail
transit. Ibinida ni Aquino ang mga imprastrukturang naipatayo at patuloy na ipinatatayo ng
kanyang administrasyon, katulad ng Muntinlupa-Cavite Expressway, Subic-Clark- Tarlac
Expressway (SCTEX), at Skyway Extension.
Usapin ng Edukasyon
Sa sektor ng edukasyon, ipinagyabang ni Aquino ang pagtugon ng pamahalaan sa
pangangailangan ng mga paaralan. Kabilang na rito ang pagpapatayo ng mga silid-aralan at
pagkuha ng mas maraming guro. Ito ang mga hakbang na isinasagawa ng administrasyon upang
tugunan ang pagdami ng mga mag-aaral na sasailalim sa K to 12 Kurikulum. Sa kasalukuyang
taon, mahigit 50% ng kakulangan sa libro, upuan, silid-aralan at guro ang nasolusyonan. Sa 2016,
inaasahang tuluyan nang masasagot ang backlog sa kagamitang pang-edukasyon.
Papatapos na Pamumuno
Tuloy-Tuloy na Pagbabago Inilahad ni Aquino na nais niyang maipasa ang Bangsamoro Basic Law
bago siya bumaba sa pwesto. Makatutulong ito upang mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao.
Dagdag pa rito, nais din niyang ipatupad ang Anti-Dynasty Law upang tuluyan nang mapuksa
ang korupsyon dulot ng mga pamilyang nagtutulungang makakupit sa kaban ng bayan. Bukod sa
mga batas na ito, ipinagmalaki rin niya ang pag-amyenda sa Cabotage Law upang siguruhin ang
patas na kompetisyon ng mga negosyo sa bansa.
Bilang pagtatapos, binuksan ni Aquino ang usapin ng papalapit na halalan. Inilahad niyang
nararapat lamang na mamili ang mga Pilipino ng lider na magtutuloy ng matuwid na daan upang
masiguro ang kinabukasan ng bawat Pilipino. Aniya, hindi matutupad ang minimithi nating
kinabukasan kung hindi tayo, ang mamamayan at ang pamahalaan, magtutulungan. Mag-
uumpisa ito sa pagpili ng karapat-dapat na pinunong gagabay sa ating bansa tungo sa kaunlaran.
“Magtulungan tayo sa pagtahak ng daang matuwid,” ani Aquino.

(SANGGUNIAN: Filipino sa Piling Larang Akademik: Kagamitan ng Mag-aaral ni Corazon L. Santos


Santos, PhD at Gerard P. Concepcion PhD)

You might also like