You are on page 1of 8

Singh, John Christian C.

Agosto 9, 2019
ADT 12A

FPLAR Travelogue

Ano ang mangyayari kapag hinalo natin ang silangan sa kanluran, ang moderno
at tradisyonal, at ang kultura at pagbabago? Hindi ba nakakasabik isiping maaaring
totoo ang isang bayan tulad nito​—​na sa bawat lingon at tingin sa mga tanawin ay tila
nabigyang buhay ang bawat hakbang at hinga ng isang tao? Ngunit ang lugar na ito ay
hindi lamang nabubuhay sa kathang-isip, tunay ito at biniyayaan ito ng pangalan na
Taiwan.

Ang Taiwan o Republic of China ay isang island state sa silangang Asya na


malapit sa Tsina at sa Pilipinas. Karamihan ng lupain ay binubuo ng mga kapatagan
ngunit mayroon ring mga mabundok na lugar na punong-puno ng mga gubat. Taipei
ang pangalan ng kabisera ng Taiwan at ito ang halos puntahan ng mga tao kapag sila’y
bibisita o mamamasyal sa Taiwan. Marami ring mga iba’t ibang gawaing nakakiba dito
katulad ng paggawa ng isang lantern para sa lantern fesitval, ang pagakyat sa
panglabing-isang pinakamataas na gusali sa mundo na ang Taipei 101 at iba pa.

Ngunit bakit ko nga ba pinag-uusapan ang napakagandang estado ng Taiwan?


Ito ay dahil noong Abril 2019 ay nakuha ko ang oportunidad na pumunta at
magbakasyon sa Taiwan. Sa biyaheng ito, kasama ko ang aking ina na siyang
nagmungkahi na pumunta kami sa Taiwan. Ang biyahe ay tumatagal nang limang araw
at kasama na roon ang pag-alis namin sa Pilipinas. Noong araw ng aming pag-alis ay
maaga kaming nagising dahil importante na makarating sa paliparan nang maaga kasi
minsa’y matagal ang mga pila dahil sa rami ng tao. Maraming iba’t ibang airline ang
nagtatakda ng eroplano tungong Taiwan at ang pinili naming airline papunta roon ay
ang Cebu Pacific. Ang paglipad namin sa eroplano ay tumagal nang halos tatlong oras
at nakarating kami sa Taiwan Taoyuan International Airport nang tanghali at
pagkatapos ay nag-taxi kami tungong Xi Men Ding sa Taipei. Dito sa Xi Men Ding
matatagpuan ang napaka-aktibong shopping district ng bayang ito na kung saan sa
bawat lingon ay ramdam mo ang tibok ng lungsod dahil sa kanyang “busy atmosphere”.
Dito sa Xi Men Ding ay napapalibutan ka ng maraming gusali at tila hindi mo
maramdaman ang paglipas ng panahon dahil sarili nang gumagalaw ang iyong katawan
sa pagtingin ng mga damit, pagkain, atbp. Dito ay parang naisasama ka na sa “hustle
and bustle” ng lungsod at sa ilang sandali ay ayaw mo na itong iwanin.

Tumira kami sa isang hotel sa Xi Men Ding at ang pangalan ng hotel na ito ay
“Diary of Ximen hotel”. Maganda ang kanilang mga kwarto at araw-araw talaga itong
nililinis at napakasarap matulog sa kanilang kama dahil parang pakiramdam mong ika’y
minamasahe ng maraming maliliit na plumahe. Nakakatuwa rin ang lokasyon ng hotel
na ito dahil malapit siya sa mga tindahan ng mga damit at mga iba’t ibang pagkain.

Bago kami nagcheck-in sa hotel, umikot-ikot muna kami sa Xi Men Ding at


kumain sa isang kainan na nangangalang “Risotto”. Risotto ang pangalan nito dahil sa
“poster dog” nila na si Risotto. Siya ay isang asong golden retriever na lumilibot sa loob
ng kainan. Sa bawat prankisiya ng Risotto ay parating may asong golden retriever sa
loob. Ang mga pagkain nila dito ay mga “rice bowl” na may iba’t ibang ulam. Ang ulam
na kinuha ko roon ay karne ng baka na niluto kasama ng kamatis kaya’t mayroon itong
matamis at maasim na lasang nakakaiba sa asim na kinasanayan natin dito sa
Pilipinas.

Pagkatapos naming kumain sa Risotto ay tumingin-tingin kami ng mga damit


bago kami nagcheck-in sa hotel. Pagkapasok namin sa aming kwarto rito ay agad
kaming umidlip dahil alas kuwatro palang nang umaga ay gising na kami at hindi ko na
matigilan ang aking mata na sumara mas lalo na’t kakakain palang namin noon.
Pagkagising namin ay bumalik kami sa labas kung saan lumamig na nang kaunti ngunit
masarap ang klima nila doon dahil hindi siya katulad sa Pilipinas na tila ramdam mo na
dumidikit-dikit ka sa kung saan-saan dahil sa sobrang lagkit ng hangin. Tuyo ang
hangin doon sa Taiwan kaya’t maganda ang panahon tuwing gabi roon. Kumain kami
ng hapunan sa isang kainan na halos lutong Hapon ngunit halos magkaparehas lang
ang lasa nito sa mga lutong Hapon dito sa Pilipinas. Ito ang huling ginawa namin sa
aming unang araw sa Taiwan. Pagkatapos ay bumalik na kami sa hotel para humanda
nang matulog dahil sa pangalawang araw ay mayroon kaming isang tour sa silangang
Taipei.

Kinabukasan, nagising kami nang maaga at humanda na para hindi kami mahuli
sa sasalihan naming tour. Ang tour na ito ay na-book namin sa isang app/website na
nangangalang “Klook”. Maaaring gamitin ang Klook para malaman ano yung mga iba’t
ibang gawain habang naglalakbay. Ang Klook ay mas ginagamit para sa mga bansa sa
Asya. Sa tour na kinuha namin, ang aming tour guide ay nangangalang Lucy at siya ay
isang Taiwanese na nag-aral sa Amerika kaya’t marunong siya magsalita ng Ingles at
Mandarin. Kasama rin namin sa tour na ito ay dalawang Amerikano na si Lindsay at
Shawn. Sila’y magkasintahan at mayroon silang halong lahing Taiwanese at Tsino
kaya’t gusto nila pumasyal sa Taiwan para mabalikan ang pinanggalingan ng kanilang
pamilya. Kaming lima ang magkakasama sa tour na ito na kung saan pupunta kami sa
Jinguashi, Jiufen, at Shifen, tatlong bayan sa silangan ng Taipei. Inabot kami nang mga
isang oras at kalahati sa daan dahil medyo malayu-layo ang mga bayan na ito sa Xi
Men Ding.

Una ay ang Jinguashi, ito ay isang bayang na sa distrito ng Ruifang. Kilala ang
lugar na ito dahil sa kanilang mga minahan ng ginto at tanso, ngunit luma na ang mga
ito at hindi ginagamit dahil sa mga kemikal na naroroon kaya’t ginawa nalang itong
tourist spot na maari mong tingnan sa malayo. Ang mga minahan na ito ay tila histurang
mga “haunted house” sa mga nakakatakot na pelikula dahil sa kadiliman nito at
kalumaan nito. Mayroong mga malalaking bakal na tubo na nakatayo sa gilid ng mga
bundok para maaaring iakyat ang mga bato at mineral papunta sa pabrika sa tuktok;
maaari nating maihabng ang hitsura nito sa isang gusali na may iilang “slide” na
lumalabas pababa ng bundok.

Pangalawa ay ang Jiufen. Ito ay isang bayan na sa gilid ng bundok naninirahan,


dahil dito mayroon silang mga hagdang naka-carve sa gilid ng bundok. Mahaba-haba
ang lakad pataas gamit ang mga hagdang ito. Nakakapagod rin siya dahil marami rin
ang mga tao dito kaya’t mainit. Sa sobrang dami ng tao maaari siyang magmukhang
katulad ng mga langgam na nagkukumpulan. Maaari ring tingnan ang lugar na ito
parang isang tanawain na maaaring ihambing sa mga iilang anime dahil oriental ang
mga istruktura dito at may mga bahay at mga temple na nakatayo sa gilid ng mga
bundok. Ang una naming nakita rito ay ang Quanji temple. Ang Quanji temple ay isang
Taoist na temple kung saan may isang napakalaking rebulto ni Guan Yu, ang diyos ng
digmaan. Maliwanag at maning-ning ang rebulto dahil ito ay gawa sa tanso at makikita
talaga ang mga detalye ng kanyang mukha, damit, libro, at trono. Ang sumunod dito ay
ang mga kainan at bilihan ng mga subenir na nasa gilid ng bundok. Dito ay kumain kami
sa isang kainan na dalubhasa sa pagkaing-dagat. Ang kanilang isdang niluto sa
Szechuan sauce ay isa sa mga paborito kong nakain doon dahil may naiiwan itong
aftertaste na mainit-init at maasim na lasang nagpapakilig.

Ang huling pinuntahan namin sa trip na ito ay ang Shifen kung saan dito
maaaring gumawa ng lantern para matupad ang iyong mga hinihiling sa buhay kapag
ipinalipad mo ito. Ito’y ginagawa sa gitna ng riles sa Shifen Old Street at mayroong
maraming mga booth na nagbibigay nga kanilang serbisyo para magturo kung paano
gumawa ng lantern. Mayroon ring mga tindahan ng pagkain at subenir kaya’t ito ay
talagan puntahan ng mga tao dito sa Taiwan dahil masarap rin sa pakiramdam na
naisusulat mo ang iyong mga pangarap at hinihandog mo ito sa kaitaasan. Maganda
siyang paraan para tapusin ang aming trip. Pagkatapos ng lahat ng ito ay inihatid na
kami pabalik sa aming hotel at kami’y muling umidlip bago kumain sa labas habang
binabalikan namin ang lahat na nangyari sa trip.
Sa pangatlong araw ay kumuha naman kami ng “hop-in hop out” na mga bus na
kung saan titigil ang mga bus sa iilang tourist destination at maaari kang pumili kung
saan bababa at paglilipat ka ng ibang lugar ay iintaying mo lang yung bus na parehas
ang kulay sa iyong bus pass; ito ay maaari ring kunin gamit ang Klook. Sa araw na ito
inikutan namin ang iilan sa mga tampok na lugar sa Taipei katulad ng ​National Chiang
Kai-shek Memorial Hall at ang Taipei 101.

Ang National Chiang Kai-shek Memorial Hall ay isang “national monument” na


itinayo sa Taiwan para magbigay pugay sa dati nilang pangulo na si Chiang Kai-shek.
Ito ay isang napakalaking Istruktura na mayroon malaking rebulto ni Chiang Kai-shek sa
loob. Mayroon ding seremonya dito kung saan nagpapalit ang mga guwardiyang
bumabantay sa rebulto. Tuwing ito’y nangyayari, maraming tao ang nanonood dahil ang
kanilang pagpapalit ay isang mahalagang parte ng tradisyon sa lugar na iyon. Dito ko
rin natikman ang pinakamasarap na milktea sa aking buhay dahil ang lasa nito ay hindi
gaano matamis ngunit sobrang creamy ng kanyang lasa na gusto mo pang bumili ng isa
pa.

Ang susunond ay ang pinakatampok na lugar sa buong Taiwan​—a​ng Taipei 101.


Ito ay pinangalanang Taipei 101 dahil ito ay mayroon isang-daang at isang palapag. Ito
ay naging pinakamatangkad na gusali noong 2004 hanggang 2010. Ang inspirasyon ng
disenyo at arkitektura ng gusali ay ang mga kawayan dahil ang kawayan ay matibay
kaya’t ito ay isang simbolismo na magiging matibay ang gusali at ito’y magbibigay tibay
sa bansa. Para sa mga bisita ang pinakamataas na palapag na maaaring puntahan ay
ang 89th at 91st, ang 89th ay ang indoor 360 viewing room at ang 91st ay isang outdoor
balcony/viewing deck. Ngunit bago ang lahat ito ay sasakay ka muna sa pinakamabilis
na elevator sa buong mundo simula noong 2007 ngunit maaaring nagbago na ito. Sa
sobrang bilis ng elevator ay makakaabot ka sa 89th na palapag sa 37 na segundo
lamang mula sa panglimang palapag. Malalaman rin dito sa Taipei 101 ang dahilan
kung paano it nakakatiis ng malalakas na hangin at lindol. Ito ay dahil sa 660 tonne na
damper na nakakabit sa 92nd hanggang sa 87th na palapag. Kina-counteract nito ang
mga pwersa na dala ng hangin sa itaas at lindol sa ibaba. Ito talaga ang isa sa mga
lugar na dapat makita ng mga tao kahit isang beses lamang sa buhay nila. Ito na rin
ang huling pinuntahan namin sa araw na iyon at pagkatapos ay bumalik na muli kami sa
aming hotel sa Xi Men Ding.

Kinabukasan ay sinubukan naming lumakbay gamit ang subway system ng


Taiwan. Akala namin na magiging mahirap siya dahil maaaring walang Ingles, ngunit
pagdating namin sa istasyon ay mayroong pagsasalin nito sa Ingles kaya’t mabilis na
lamang ang pag intindi at pag-navigate ng ito. Dito sa subway nila ay mapapansin na
Maayos at organisado ang kanilang sistema at mabilis rin ang pagdating ng mga tren.
Malayo it so lebel ng Pilipinas dahil maginhawang gumamit ng tren doon ngunit sa atin,
minsan ay mapanganib pa dahil maaaring biglang masira ang tren.

Sa pang-apat na araw nami ay umikot-ikot lamang kami sa mga mall malapit sa


Taipei 101 at muli rin namin itong nakita. Bumili kami ng mga pasalubong at kumain
kami sa pinakapaborito kong nakain doon. Kumain kami sa isang Thai na kainan
nangangalang Bangkok Jam at naaalala ko na sobrang bait ng mga tauhan nila kaya’t
mas napahalagahan ko ang pagkain nila. Ang pagkain ay walang kaparis sa iba kong
nakain sa Taiwan. Mayroong fried rice na may kaunting pinya at kropek, Isdang niluto
sa isang lemon sauce na tunay nakakakilig dahil sa asim. Kumain rin kami ng inihaw na
manok at curry na may scallop. Ang paborito ko ay ang kumbinasyon nung kanin at
nung isda dahil binalanse ng maalat na kanin ang maasim na isda ang ang aftertaste na
matitira sa iyong bibig ay nakakamatay sa sarap. Kung dumating ang panahon na
babalik ako sa Taiwan, sigurado akong babalikan ko ang Bangkok Jam.
Pagkatapos namin kumain ay bumalik kami sa Xi Men Ding para bumili ng mga damit at
sapatos. Masaya ang Xi Men Ding sa gabi dahil mayroon mga street performer na
magagaling at masayang panoorin. Ito ang huling gabi namin sa Taiwan kaya’t sinulit
namin ang gabi sa pamamagitan nang pagkain sa isang Hot-pot na restawran. Ang
pangalan ng kainan ay Ma La Hot Pot at masasabi kong kumpletong-kumpleto ang
kanilang mga sangkap sa paggawa ng Hot-pot. Mayroon rin silang self-serve na bar
kung saan maaari kang kumuha ng sarili mong timpla ng milk-tea; mayroon ding unli-ice
cream na Häagen-Dazs na iba’t ibang flavor. Masarap ang balanse ng mainit na sabaw
sa malamig na dessert. Minsa’y masaya talagang i-treat ang sarili. Pagkatapos ay
nagsimula na kami sa pag-aayos ng gamit at pag-iimpake ng mga subenir, bagong
damit, at labahan dahil kinabukasan ay aalis na kami sa kaakit-akit na estado ng
Taiwan.

Paggising ko nang umaga ay naramdaman ko ang kalungkutan at kasiyahan.


Malungkot ako na aalis na ako sa napakahiwagang lugar na ito ngunit masaya rin ako
na naranasan kong lumakbay sa Taiwan. Marami akong nagawa kasama ng aking
nanay at naging masaya ang biyahe na ito. Pagkatapos naming ihanda lahat ng bagahe
ay nagcheck-out na kami sa hotel at umikot ulit kami nang isa pang beses sa Xi Men
Ding upang bumili ng karagdagang subenir dahil gabi pa ang paglipad namin pabalik.
Nang lumipas ang oras at muli kaming dumating sa ​Taiwan Taoyuan International
Airport ay inaalala ko na lamang ang lahat ng naranasan ko sa Taiwan at inaabangan
ko rin ang panahon na ako’y babalik rito. Dumating na ang panahong lilipad na ang
aming eroplano at sinabi ko na ang huling paalam ko sa Taiwan. Ako’y natulog at sa
pagdilat ng aking mga mata, muling ikakamusta ko ang Pilipinas.

Sa limang araw na nagbakasyon kami sa Taiwan ay masasabi kong napakasulit


ng karanasan dahil marami kang maaaring gawin dito at mararaming magandang
tanawin sa lugar. Masasarap ang mga pagkain at alam kong makikita ko muli ang hindi
malilimutang estado ng Taiwan. Hanggang sa susunod na paglalakbay!

You might also like