You are on page 1of 6

Byaheng Norte: Kayamanang Taglay ng Lupain ng mga Ilocandia

Tandang-tanda ko pa ang araw kung kailan sa loob ng limang taon ay muli akong nakatapak
sa lupain ng mga Ilocandia. Alas-diyes ng gabi kami nagsimulang maglakbay, at habang papaalis
kami ng syudad ay magkahalong tuwa at kaba ang aking naramdaman. Hindi ko mawari kung para
saan ang kaba ngunit alam ko sa sarili kong mas lamang ang galak sapagkat, sa wakas ay muli
akong makakalanghap ng hangin na sariwa. Sariwang hangin na malayong malayo sa hangin na
aking nalalanghap sa loob ng limang taong pananatili dito sa syudad. Alas-kwatro ng madaling araw
nang dumating kami sa Calle Crisologo, Vigan, Ilocos Sur. Napakaganda at napakatahimik ng paligid
sa kadahilanang masyado pang maaga upang magbukas ang mga establisyemento at wala pang
nagkalat na mga turista. Pakiramdam ko ng mga oras na iyon ay nasa ibang dimensyon ako ng
daigdig, dumagdag pa ang kulay kahel na kapaligiran na nagmumula sa mga poste ng ilaw. Sa mga
oras ding iyon, habang ako ay naglilibot at nagtitingin sa kapaligiran, may nakita akong grupo ng
mga taong kumukuha ng litrato para sa magkasintahang, pakiwari ko’y malapit ng ikasal dahil na din
sa kanilang kasuotan. At sa mga oras na iyon, aking napagtanto na balang araw, kung may lalaki
mang magbabalak na mahalin at makasama ako habang buhay, doon ako magpapakuha ng aking
wedding pictures. Ang magiging tema ay makaluma o sinaunang kasuotan nang sa gayon ay
bumagay ito sa estruktura sa kapaligiran. Pagkatapos ng ilang minutong pagmumuni-muni at
pagkain ng taho sa Calle Crisologo, agad ding kaming umalis at nagtungo sa pinakaunang
destinasyon. Destinasyong naaayon sa aming plano, tumigil lamang kami dito sa kadahilanang
gustong ipakita sa amin ang ganda ng lugar tuwing hindi napupuno ng turista ang kalye ng lugar na
ito.

Pagkahaba-haba man ng byahe, sa simbahan pa rin ang tuloy. Kahit pangalawang beses na
akong nakapunta sa Ilocos Norte hindi pa rin makukumpleto ang bawat byahe kapag hindi namin
nababalikan ang mga sikat na tourist destination dito. Agad din kaming nagtungo sa Paoay kung
saan matatagpuan ang Saint Augustine Church o mas kilala sa tawag na Paoay Church. Isa ito sa
pinakamatanda at picture perfect na simbahan sa bansa. Makapal ang dingding nito na gawa sa
mga coral stone at brick. Noong 1973 idineklara ito bilang National Cultural Treasure, at nakabilang
sa UNESCO World Heritage Site sa ilalim ng Baroque Churches of the Philippines noong taong 1993.
Isa lamang ito sa pinagmamalaking kayamanan ng Ilocos Norte. Medyo minalas lamang kami
sapagkat under construction ang simbahan noong panahong iyon. Hindi kami makakuha ng litrato
dahil natatakpan ng tarpulin ang malaking harapang bahagi nito. Ngunit malawak ang lugar, at
maaliwalas, maaga pa at hindi pa tirik ang araw kaya maaaring kumuha ng litrato na pang
instagramable ang datingan sa malawak nitong harapan.

Kung ang Italy, may leaning tower of Giza, may pambato naman diyan ang Ilocos Norte. Ito
ang Sinking Bell Tower, isa sa mga sikat na tourist destination na matatagpuan sa syudad ng Laoag.
Akala ko tinawag lamang itong sinking dahil sa maaring ito ay natabunan sa kasagsagan ng isang
sakuna ngunit literal palang sinking ang bell tower na ito, dahil daw habang tumatagal ay unti unti
itong lumulubog. Dahil raw yan sa laki at bigat ng estruktura na nasa mabuhanging parte ng lupang
itinayo. Hindi kami nagtagal sa lugar na ito dahil dumiretso agad kami sa susunod na destinasyon.

Ang masarap na pampabuwenas matapos ang mahabang biyahe, ang mainit-init at sikat na
Ilocos empanda. Dito sa Ilocos Norte, tatak na ng kanilang kultura ang linamnam ng empanada ng
Batac, Ilocos Norte. Sa aking paglilibot napansin kong hindi lamang mga turista ang kumakain dito,
pati na din ang mga lokal na mamamayan ay dito din madalas magmeryenda. Sabi ng isang ale,
nagmula daw ang salitang empanda sa salitang Espanyol na empanar. Ang ibig sabihin daw ay
ibinalot sa tinapay. Ang Batac empanada ay gawa sa dough na kinulayan ng atsuete. Pinapalamanan
ito ng papaya na may toge, isang buong itlog at Laoag longganisa bago iprito. Kapag
pinagkokompara sa ibang empanada, namumukod tangi ang lasa ng empanada rito dahil sa maalat
alat na lasa ng Laoag longganisa na humahalo sa malasadong itlog at para mas umangat ang lasa
pinapartneran ito ng nuknukan ng asim na sukang Laoag. Kaya naman patok na patok ang
empanada dito sa bayan ng Batac. Aakalain mo bang mabubusog ka sa pagkaing nagkakahalaga
lamang ng kwarenta pesos. Sulit na sulit ika nga, sabayan mo na din ng ketshup at sukang Iloko.
Talaga namang swak na swak sa panlasa.

Sunod naming binisita ang Suba Paoay Sand Dunes. At dahil gusto naming magliwaliw at
maghanap ng sakit ng katawan este ng thrill, sinubukan namin ang 4x4 Ride and Sandboarding
Adventure. Humigit kumulang 88 hectares ang lawak ng mala-disyertong lugar na ito sa Ilocos
Norte. Kung gusto niyong maranasan ang adventure na hatid ng buhangin pwede kayong umarkila
ng 4x4 vehicle na kasya ang lima hanggang anim na tao sa halagang 2,500 pesos lang kada oras.
Para masigurong ligtas ang adventure, dapat laging nakahawak sa railing ng sasakyan. Bawal
tumalon at pwedeng kumaway kaway habang nasa mala-roller coaster trail ng Paoay at para bawas
kaba habang nagpapasirko sirko ang sasakyan sa sand dunes pwede kang tumili at
makipagtawanan. Paalala lamang lalo na kung may kasamang bata at matatanda, sobrang init sa
lugar na ito lalo na't tirik ang araw. Mainam na magdala ng inuming tubig.

Matapos ang mainit ngunit masaya at nakakatawang adventure sa Paoay Sand dunes ay
nagtungo naman kami sa Paoay Lake at Malacañang of the North. Sa Malacañang of the North,
makikita at malalaman mo ang tungkol sa buhay ng pamilya Marcos at maging mga nagawa ng
dating Pangulong Ferdinand Marcos. Napakaganda nito at napakalinis. Nakita namin doon ang
lumang tirahan ng pamilya ni Marcos. Kumuha kami ng mga litrato nito habang nililibot ang
kapaligiran. Dumako naman kami sa Marcos Presidential Centre. Nakita namin kung ano ang mga
kagamitan ni Marcos dati, kung paano niya nakamit ang kaniyang tagumay, kung ano ang kaniyang
mga pinagdaan. Katabi noon ay ang Marcos mausoleum. Talagang napahanga ako ng dating
Presidente, sa kabila ng masalimuot na pagpapakahulugan sa kanya sa mga lumang libro at ng ilan
sa social media, nabago ang aking pananaw sa aking nasaksihan sa kanyang lumang bahay. Apo
lakay ang tawag sa kanya ng mga Ilocandia, naming mga Ilokano. Nakakahanga ang kanyang mga
nagawa sa ating bansa at mas lalong nakakahanga ang mga planong dapat kanyang isasakatuparan
ngunit nangyari ang mga dapat nangyari at naglahong parang bula ang mga planong sana’y
makakatulong sa atin upang umunlad. Sa hindi kalayuan mula sa veranda ng lumang bahay ng mga
Marcos ay matatanaw ang Paoay Lake o kung tawagin ay “Dacquel a Danum” na ang ibig sabihin sa
salitang Ilokano ay "Big Water". Ito ang pinakamalaking lawa sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Idineklara itong National Park sa pamamagitan ng isang batas na pinagtibay noong 1969.

Matapos ang aming historical tour sa Malacañang of the North ay bumisita naman kami sa
Refmad Dragon Fruit Farm, nakilala ngayon dahil sa kanilang mga pananim. Sa totoo lang, isa sa
mga pangarap ko ay magkaroon din ng sariling farm kung saan ka magreretiro, magka-kape at
malaya ka na makapaglakad-lakad sa iyong taniman. Kung bibisita ka din ay huwag na huwag mong
palalampasin na hindi matikman ang Dragon Fruit Ice Cream sa halagang 25 pesos lamang. Bumili
din kami ng Dragon Fruit Tea, dahil curios ako sa lasa nito. Sa laki ng farm na ito hindi ka
mauubusan ng Dragon Fruit. May mga available na kwarto para sa mga gustong mag overnight sa
farm.

Plano din sana naming bisitahin ang Cape Bojeador Light House upang makita namin ang
natural na liwanag nito sa gabi. Nagkwe-kwento pa nga ang aming tour coordinator ng mga
kababalaghan sa nasabing light house. Ngunit tila ang lahat yata ay tinamaan na nang pagod kaya
hindi na kami natuloy at sa halip ay dumiretso na kami sa accomodation upang makapag-pahinga at
makaligo na. At dito nagtapos ang unang araw ng aming paglilibot sa Ilocos Norte. Maayos din ang
naging accomodation namin sa unang araw ng aming adventure. Hindi din agad kami nakatulog
syempre hindi mawawala ang kwentuhan at tawanan. Kung gusto mo din mag-swimming ay walang
problema sapagkat may swimming pool din ito. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay ko,
perstaym kong maligo sa swimming pool sa gitna ng gabi kasama ang aking mga pinsan. Nagtagal
kami hanggang alas-tres ng madaling araw sa kakababad sa tubig. Idagdag pa ang sobrang lamig
na klima ng Ilocos. Medyo may kamahalan nga lang ang pagkain ngunit ito ay masarap at bagong
luto. Ang maganda lang sa na-avail naming tour package ay libre ang dalawang araw naming
agahan!

Sa ikalawang araw namin sa Ilocos Region, ang sunod naman naming binisita ang Cape
Bojeador Light House na may kalapitan lamang pala sa aming tinutuluyan. Upang marating ang
nasabing light house, maaari mong lakarin mula sa ibaba pa akyat o ‘di kaya naman ay mag-arkila
ng tricycle. Syempre ang pinili namin ay ang maglakad para mas ma-enjoy namin ang lugar. Sa
totoo lang hindi naman malayo, medyo pataas nga lang ang kalsada.

Idineklara itong National History Landmark noong 2004 at National Cultural Treasure noong
2005, ito ang isa sa mga natitirang parola na itinayo noong panahon pang mga kastila. Mula ng ito
ay unang ilawan hanggang ngayon ay gumagana pa din ito. Pero imbes na gumamit ng gas bilang
pang sindi, solar powered lenses na ang gamit ng mga makabagong parola at patuloy itong
nagbibigay liwanag sa mga dalampasigan ng bayan ng Burgos. Ano ba ang pinupuntahan mismo
dito ng mga turista, ang napakagandang view rito mula sa tuktok, ibang lebel din ang lakas at lamig
ng hangin pag-akyat mo sa lighthouse na ito. Kung makikita mo lamang ang Cape Bojeador Light
House ay talagang mabibighani ka sa taglay nitong ganda, hindi lamang dahil sa natural na
kalumaan nito ngunit dahil pagkarating mo sa taas ay makikita mo ang kalawakan ng karagatan sa
norte. Hindi nga lamang puwedeng akyatin ang mismong parola nito dahil na din siguro sa
kalumaan nito. Sa loob ng Cape Bojeador Light House ay may ilang litrato na nagbibigay
impormasyon kung kailan at paano ito nabuo. Sobrang worth it.

Sunod naming binisita ang isang treasure sa bayan din ng Burgos ng Kapurpurawan Rock
Formation. Puti ang ibig sabihin ng kapurpurawan hango na rin sa puting rock formation nito. Sa
daan pa lamang ay aming natanaw na ang ilang naglalakihang mga windmills at syempre ang amoy
ng simoy ng dagat. Bukod sa swak ito sa mga gustong mag horseback ride papalapit sa rock
formation, perfect din ito sa mga kids at syempre sa mga kids at heart. Hinubog ang magagandang
rock formation na ito ng malalakas na hangin at alon ng dagat na nakapalibot dito kaya hanggang
ngayon patuloy na nagbabago ang itsura at kondisyon ng lugar na ito. Ang sarap tumambay sa
lugar na ito sapagkat ramdam mo ang malakas na hangin at magandang tanawin.

Walang akong masabi kundi napakaganda. Inakala namin na yung mga nadaanan at nakita
naming mga windmill ay yun na ang aming pupuntahan ngunit hindi pa pala, dahil hindi pala yun
ang mga orihinal o unang windmills na ating nakikita sa mga post card o mga imahe sa internet.
Ang una pa lang windmills ay matatapuan sa Bangui Windmill Farm. Mahalagang paalala, ito ang
kauna-unahang power generating windmill farm sa Southeast Asia. Nagtataka ka ba kung bakit
walang nagsi-swimming dito? Ayon sa aming Tour Coordinator ay dahil daw sa malalim at
unpredictable na lakas ng alon ay masyadong delikado. Mukha lamang maliliit sa internet ngunit
sobrang laki pala sa personal ng mga windmills.

Mula Welcome Arch ng Pagudpud ay tinungo namin ang sinasabing Paraiso ni Anton. Sinabi
ng aming Tour Coordinator na ang tubig na mula sa isang bukal ay nakakagaling daw dahil sa
milagro. Dagdag pa niya na nagmula daw ang pangalan ng lugar sa isang foreigner na hunter na
nagngangalang Antonio na kaibigan daw ni dating Pangulong Marcos na napabilib daw sa taglay at
yaman ng lugar. May ilang kwento din na may white lady daw umano na nagpapakita sa mga
motoristang nagdadaan sa lugar. Tuwing dadaan daw sa lugar na ito ay kinakailangan bumusina.

Kung tipong chill lang ang vibe na gusto niyo, perfect pumunta pag summer sa lugar na ito.
Hindi naman nalalayo ang Blue Lagoon sa Paraiso ni Anton. Ang blue lagoon o mas kilala ng mga
local bilang Hannah’s Beach Resort ay kalmado mula buwan ng Marso hanggang Hunyo kaya
bongga ito sa mga awting ng pamilya o barkada tuwing tag-araw. Dito din matatagpuan ang pinaka-
mahabang Zipline na may habang 1.2 kilometer at sinasabing pinaka-mahabang zipline over the
water sa buong mundo.Panalo din ang lugar na ito dahil white sand ang beach at asul na asul ang
dagat. Dahil matao ang lugar, madami ding accommodation, restaurants at iba’t ibang beach
activities na makikita dito. Buong taon itong bukas dahil pagtapos ng summer at nagsisimula ng
tumaas ang alon, ang mga surfers naman ang bumibisita dito.

Bago pa man kami magtungo sa aming accommodation ay dinaanan muna namin ang sikat
na Patapat Viaduct, kung saan panalo scenic at most photograph tourist destination sa pagudpud
Patapat Viaduct. Ginawa ang tulay na ito upang pagdugtungin ang dulo ng Ilocos Norte sa rehiyon
ng Cagayan Valley. Ang 1.3 km na tulay na ito ay nasa gilid ng bundok at nasa ibabaw ng
dalampasigan. Para maiwasan ang mga batong nahuhulog mula sa katabing bundok mas pinili nila
ang tulay sa halip na kalsada ang ilagay sa lugar na ito para mas malayo sa aksidente. Plus, factor
din ang elevated view mo ng Pasaling Bay. Kaya naman humihinto ang mga turista sa gitna ng tulay
upang kumuha ng litrato.

Mula Ilocos Norte ay byaheng Ilocos Sur naman kami. Sa aming ikatlong araw ng
paglalakbay, una naming pinuntahan ang Bantay Church Bell Tower na isa sa mga iconic symbol ng
Vigan, Ilocos Sur. Kapag narinig mo ang Ilocos, ano ang unang pumapasok sa isip mo? Windmills at
syempre ang Calle Crisologo na matatagpuan sa Vigan City, Ilocos Sur. Ang pinaka popular na lugar
para sa mga turista na bumibisita sa Vigan. Ang vigan ay isa sa Heritage City of the Philippines at
nasama sa 7 wonder cities noong 2015. Ang Calle Crisologo ay nag sisimbolo ng kapanahunan nang
mga kastila sa bansa na nagpapabaliktanaw sa Spanish Era ng Pilipinas. Nakilala ang lugar na ito
dahil sa mga kalye na gawa sa mga cobblestone, mga kalesa at mga bahay na hango ang disenyo
sa Espanyol na magbabalik sa inyo sa panahon 16th century. Sa lugar na ito matatagpuan ang nag
gagandahang bahay Kastila na nag sisimbolo nang marangyang pamumuhay dahil sa Manila
-Acapulo trade.

Talk of the town ang 120 hectares tourist spot na ito, bakit kaya? Sunod naming binisita ay
ang Baluarte ni Singson. Ito din ay kilala sa tawag na Baluarte Zoo na isang zoological park na
matatagpuan sa Vigan, Ilocos Sur. Makikita mo din dito ang ilang mga hayop na hindi talaga
nagmula sa Pilipinas at higit sa lahat makikita mo sa Safari Gallery ang mga hayop na napatay ni
Luis Crisologo Singson o mas kilala bilang Chavit Singson. Sa puso ng Vigan Ilocos Sur,
matatagpuan ang Baluarte, kung saan iba’t ibang hayop mula sa North America, South Africa at
Asya ang pwede mong maka-bonding ng libre. Up-close at personal na makakasama mo sila. Lahat
sila nakakaaliw, dito parang sanay na sanay na sila sa tao at pag seselfie kasama nila. Kaya hindi
kataka takang dinadayo ang Baluarte mini zoo at resort na pag-aari ni Gov. Chavit Singson.

Nag umpisa daw sa native na usa, hanggang sa mag-import na ng iba’t ibang hayop, may
antelope, wallabies na kapamilya rin ng kangaroo, zebras, ostrich at camel. May animal shows tulad
ng bibong sea lion na marunong sumayaw at magpa ikot-ikot. Maaaliw ka sa ibat ibang ibon, bear
cat na amoy pandan. Mayroon ding mga big cats tulad ni Tom the Bengal Tiger ay isa sa labing apat
na Bengal tiger sa baluarte, ilan sa mga big cats dito sila King the White Lion na tatlong taong
gulang at si Rudy the Leopard at ang mga senior cats katulad nila Kiara at Harry na halos kasing
edad ko lang, labing-pitong taong gulang. At ang pinakabagong miyembro ng pamilya sa Baluarte,
ang mga giraffe na mula pa sa South Africa. Mahahaba ang binti, mahinhin, kaaya-aya at mahiyain.
Ayon sa caretaker, nagkakahalaga ng milyong piso ang bawat giraffe at napansin kong mahihiyain
pa ang mga giraffe na bagong dating doon, hindi pa raw kasi sila sanay sa mga tao pero kapag
nakikita nila na may pagkain nang parating, hintay hintay lang at makukuha mo na ang loob nila. At
sa kasalukuyan ay may 27 na giraffe na dito. At hindi lang kakaibang experience at interaction sa
mga hayop ang makikita sa loob ng 120 hectares na lupain. Dito rin nakatayo ang golden tower, ang
bahay ni Gov., maeenjoy ang paraiso ng Vigan dito sa Safari Hotel and Villas, pati design ng mga
kwarto dito para kang nasa Africa.

Huli naming pinuntahan ang Banaoang Bridge. Pinagdudugtong nito ang bayan ng Santa at
Bantay. Ito ay dumadaan sa Abra River. Mayroong paniniwala na kapag unang beses mong
mapuntahan ang tulay na ito sa pagdaan mo dito kailangan mong humiling at sa pagdaan mo dito
kailangang huwag kang huminga upang matupad ang iyong kahilingan. Pagkatapos nito ay muli
kaming bumalik sa accommodation. At habang pauwi kami bigla kong naramdaman ang lahat ng
pagod at lungkot sapagkat babalik na naman ako sa aking buhay sa syudad. Natapos na ang tatlong
araw na pagliliwaliw. Kahit papaano ay naging masaya ako at nakalimutan kahit sandali ang
nakakapagod na buhay dito sa syudad.

You might also like