You are on page 1of 1

LIHAM PARA SA IYO

Mahal Kong Kaibigan,

Mangyaring sumulat ako upang maipabatid ko sa’yo kung gaano kita kamahal at kung gaano
ang pagmamalasakit ko sa iyo. Nakita kita kahapon habang ikaw ay naglalakad, kasama ang
iyong mga kaibigan. Naghintay ako sa tabernakulo ng iyong kapilya sa buong maghapon sa
pag-aakalang nais mo ring makipag-usap sa akin. Nang magtakip-silim na ay binigyan kita ng
ginintuang paglubog ng araw at malamig na simoy ng hangin para sa iyong pamamahinga at
ako ay naghintay… Subalit ‘di ka dumating . . . Lubos akong nasaktan at nagdamdam.
Gayunpaman ay mahal pa rin kita, sapagkat itinuturing kitang kaibigan.

Kagabi ay pinagmasdan kita sa iyong pagtulog, sa pagnanais kong maidampi kahit man
lamang ang aking mga palad sa iyong noo. Sinabuyan kita ng malamlam na liwanag ng
buwan sa iyong mukha at muli akong naghintay! Halos madaliin ko ang umaga upang tayo’y
makapag-usap. Sabik na sabik akong makausap ka. Marami pa naman akong regalo para sa
iyo. Subalit napakahimbing ng tulog mo... Tanghali ka na ng magising… Nagmamadali kang
uminom ng kape at nagpunta ka na sa iyong trabaho. Ang aking mga luha’y nalunod na
lamang sa patak ng mga ulan.

Ngayon, ikaw ay parang malungkot at nag-iisa. Ito’y nakapagpadurugo sa aking puso,


sapagkat, lubusan kitang nauunawaan. Ganyan naman talaga ang mga kaibigan ko . . . Lagi
akong sinasaktan. Gayunpaman, mahal pa rin kita . . . Mahal ko kayong lahat…

Kung pakikinggan mo lang sana ako! Talagang mahal na mahal kita. Ito’y hinahangad kong
maipa-unawa sa iyo sa bughaw na papawirin at sa luntiang damuhan. Ibinunulong sa mga
dahon ng mga punong-kahoy. Ibinubuntong hininga sa makulay na bulaklak, ipinagsisigawan
sa mga batis at sa mga huni ng ibon. Ipinadarama ko sa iyo ang init ng sikat ng araw at
pinababango ang hangin na iyong nilalanghap, sa pamamagitan ng mabangong singaw ng
kalikasan. Ang pag-ibig ko sa’yo ay mas malalim pa sa karagatan at mas malaki pa kaysa sa
alinmang pangangailangan at suliranin ng iyong puso.

Kung alam mo lang sana kung gaano ang pagnanais ko na ikaw ay tulungan.

Nais kong makilala mo ang aking ama. Nais ka rin n’yang tulungan. Ganyan naman ang aking
ama, sadyang matulungin, lubos na maunawain at mapagmahal.

Tumawag ka lang, ako ay kausapin. Sabihin mo na rin ang anumang nais mong sabihin.
Please naman! Huwag mo akong kalimutan. . . Napakarami pa ng nais kong ibahagi sa’yo,
subalit hindi na kita masayadong gagambalain pa. Malaya ka namang tumawag sa akin kahit
anong oras, basta’t tandaan mo na ako ay laging naghihintay sa iyo. Sapagkat mahal na
mahal kita at kailanman ay di kita malilimutan . . .

Nagmamahal na Kaibigan,

HESUS – Anak ng Diyos

You might also like