You are on page 1of 2

FILIPINO: WIKA NG SALIKSIK

ni PAT V. VILLAFUERTE

Nasaliksik natin –
isang malaking katanungan ang iniwan sa atin ng kasaysayan
na hinulma sa mula’t mula pa sa araw at oras ng ating pagkakasilang
pilit itinatanong sa kasaysayan ang ating pinagmulan
sinasagot ito katuwang ang araw at bituin, ang buwan at ulan
idinadamay maging ang umaalimpuyong hangin, langitngit ng kawayan
rumaragasang alon at bagyong masasal
kasaliw ang pinamumutiktikang bulong at pinagtagni-tagning awit at panalangin
habang nagkukumahog sa paghalik sa mga imaheng kung ituring ay tagapagligtas
gamit ang wika ng pagsamba -
ang wikang Filipino, ang wika ng saliksik.

Nasaliksik natin –
pinagsanib ang maraming ideolohiya ng pagtuklas
upang makabuo ng isang mapagkakatiwalaang kaisipan -
sining, agham, wika, panitikan, kultura, at lipunan
na sumangkutsa sa ating naguguluhang diwa
na gumisa sa ating mga maling paniniwala
na humubog sa ati ng di madalumat na haka-haka
na nagpabago sa ating sinaunang tradisyon
na nagwasak sa ating ipinagdikdikang pamahiin at talinghaga
na sumagot sa ating di mabilang na pag-aalinlangan
upang palutangin ang kolektibong rekognisyon ng ating pinagmulan
sa hilaga, sa silangan, sa kanluran, at sa timog.
gamit ang samu’t saring wikang pinuhunanan ng pinagtagpi-tagping kultura -
ang wikang Filipino, ang wika ng saliksik.

Nasaliksik natin -
kasaysayan ang nagturo sa atin ng kongkretong identidad
saklaw ang nakagisnan nating mga pananakop na gumulantang sa atin
upang dakilain ang bagong ideolohiyang huwad at hindi atin
naging sunod-sunuran tayo sa kolonyal na kaisipan
na humubog sa ating mga magbubukid, mangisngisda at manggagawa
at tumakwil sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipinong masaya’t malaya.
dahil lumaganap ang kapitalismong ang kinakalakal ay tao
sumibol ang negosasyon ng kapangyarihan ng mga mamumuhunan at politiko
umusbong ang kapital at produkto -
gamit ang wika ng kalakalan -
ang wikang Filipino, ang wika ng saliksik.

Nasaliksik natin -
lumantad ang maraming kolektibong ekspresyon ng tunggalian, galit at poot
upang pairalin ang transpormasyong pang-indibiduwal
laban sa mga lumalabag sa batas ng tao at batas ng Diyos
umiral ang maraming hinahangad na pagbabago sa ikadalawampu’t isang siglo -
sosyal, edukasyonal, kultural at politikal na larang
kapalit ang pagdanak ng maraming dugo kapalit ng isinusulong na pagbabago
hinangad na sumulong ang bansa kapalit ng “pakikitungo”
habang patuloy ang negosasyon ng dayong kapital, pangnegosyo’t pangkultural
umusbong ang kaganapang multi-media at multi-kultural
nakikisangkot ang simbahan sa problemang pang-administratibo ng gobyerno
nilalampaso ng globalisasyon ang sistema ng kahirapan at paghihikahos
habang binubulabog tayo ng isinusulong na train law at federalismo.
ang mabuhay sa panahon ng millennial ay isang radikalisasyon
isang walang katapusang pakikibaka sa pandaigdigang kolaborasyon
isang walang hanggang manipestasyon ng ating nilulunggati at pinapangarap
isang pakikisangkot sa realidad ng buhay na lumalatay
sa ating buong pagkatao bilang PILIPINO
gamit ang wikang Filipino, ang wika ng saliksik.

You might also like