You are on page 1of 32

Mga Pamamaraan, Kasanayan, at

Estilo sa Pagtuturo
Ang pagtuturo ay isang gawaing masalimuot at may
maraming anyo. Ang isang listahan ng mga pamamaraan sa
pagtuturo ay kinapapalooban ng maraming ideya at
halimbawa, at isang buong talakayan ng mga ito ay
makapupuno ng mga tomo. Gayunman, maaaring pagsama-
samahin ang mga ito sa ilang pangkalahatang paksa sa mga
pamamaraan, kasanayan, o estilo ng pagtuturo na lubhang
mahalaga sa epektibong pagtuturo. Ang bahaging ito ay
tutugon sa ilan sa mahahalagang paksang ito.
Kapag nagpapasiya kung aling pamamaraan ang gagamitin
sa pagtuturo, mahalagang tandaan na ang mga pamamaraan
at kasanayan ay paraan lamang para makamtan ang
layunin, hindi dito mismo nagtatapos. Ang mga titser ay
dapat pumili ng mga pamamaraan na pinakamainam na
makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga
nilalaman, doktrina, at alituntunin ng isang partikular na
scripture block at makatutulong na pangasiwaan ang
pagpapasigla at pagsasabuhay. Ang pagsasaisip sa layunin
sa paggamit ng isang partikular na kasanayan o
pamamaraan ay makatutulong sa mga titser na gamitin ang
mga ito sa mas makabuluhang paraan. Mahalaga ring
tandaan na kung wala ang Espiritu, kahit ang
pinakamabisang pamamaraan at estilo sa pagtuturo ay hindi
magtatagumpay.
Mga tanong [5.1]

“Ang magtanong at sumagot ang pinaka-puso [mahalaga] sa lahat ng


pag-aaral at pagtuturo.”
(Henry B. Eyring, “The Lord Will Multiply the Harvest” [an evening with
Elder Henry B. Eyring, Peb. 6, 1998], 5–6)

Ang mabisang pagtatanong ay isa sa mga


pinakamahalagang kasanayang maaaring linangin ng isang
titser. Ang mga tanong ay nakahihikayat sa mga estudyante
sa proseso ng pag-unawa ng mga banal na kasulatan at
tinutulungan silang matukoy at maunawaan ang
mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Nakatutulong
din ang mga tanong sa mga estudyante na pagnilayan kung
paano naiimpluwensyahan ng ebanghelyo ang kanilang
buhay at isaalang-alang kung paano maisasabuhay ang mga
alituntunin ng ebanghelyo ngayon at sa hinaharap. Ang
mabisang pagtatanong ay maaaring maghikayat ang mga
estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang
mga karanasan sa pagkatuto sa pamamagitan ng paggamit
ng kanilang kalayaang pumili at pagganap ng kanilang
papel sa proseso ng pagkatuto.
Hindi matatawaran na pagsikapang mabuti ang pagbuo ng
mga tanong habang naghahanda ng lesson na aakay sa
pagkaunawa at gigising sa puso’t isipan ng mga estudyante
habang sila ay nag-aaral. Kapag nagpaplano ng mga
tanong, dapat unang alamin ng titser ang layunin ng
partikular na tanong (halimbawa, maaaring hangarin ng
titser na tuklasin ng mga estudyante ang impormasyong
napapaloob sa isang talata sa banal na kasulatan, pag-isipan
ang kahulugan ng isang talata, o magbahagi ng patotoo
tungkol sa katotohanan ng isang alituntunin). Pagkatapos
ay dapat maingat na bumuo ng tanong ang titser na
isinasaisip ang layuning iyon. Ang ilang salita na maingat
na pinili ay makagagawa ng malaking kaibahan sa kung
ang tanong ba ay nagbunga o hindi ng mga ninanais na
resulta.
Ang mga titser ay dapat magsikap na maghanda at
magtanong ng mga bagay na nagpapasigla ng isipan at
damdamin. Dapat nilang iwasan ang mga tanong na
masasagot ng simpleng “oo” o “hindi”, o kung saan ang
sagot ay malinaw na nakikita kung kaya’t ang mga
estudyante ay hindi na mahikayat na pag-isipan iyon. Dapat
ding iwasan ng mga titser ang mga tanong na maaaring
pagsimulan ng kontrobersiya sapagkat maaaring hindi
ikatuwa ito ng mga estudyante at lumikha ng kaguluhan sa
klase, na nagkapagdadalamhati sa Espiritu (tingnan
sa 3 Nephi 11:29).
Kapag nagtatanong sa klase, mahalaga para sa mga titser na
bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang
kanilang sagot. Kung minsan ang mga titser ay
nagtatanong, titigil ng isa o dalawang segundo, at kapag
walang sumagot kaagad, matatakot at ibibigay nila mismo
ang sagot. Samantala, ang mga epektibong tanong ay
madalas na kailangang pag-isipan at pagninilay, at
maaaring mangailangan ang mga estudyante ng sapat na
oras para maghanap ng mga sagot sa mga banal na
kasulatan o makaisip ng makabuluhang sagot.
Makatutulong sa ilang pagkakataon na magbigay ng oras sa
mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot bago
tumugon.
Si Jesucristo, ang Dalubhasang Guro, ay gumamit ng iba’t
ibang uri ng tanong upang mahikayat ang mga tao na
pagnilayan at ipamuhay ang mga alituntunin na Kanyang
itinuro. Ang Kanyang mga tanong ay iba-iba na depende sa
kung ano ang hangad Niyang maisakatuparan sa buhay ng
mga tinuturuan Niya. Ilan sa mga tanong ay hinikayat ang
Kanyang mga tagapakinig na mag-isip at sumangguni sa
mga banal na kasulatan para sa mga sagot, tulad nang
itanong Niya, “Ano ang nasusulat sa kautusan? Ano ang
nababasa mo?” (Lucas 10:26). Ang iba pang mga tanong ay
naglalayong humikayat ng katapatan, gaya nang itanong
Niya, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?”
(3 Nephi 27:27).
Bagamat may iba’t ibang uri ng tanong na maaaring
itanong ng isang titser, may apat na pangkalahatang uri ng
mga tanong na partikular na mahalaga sa pagtuturo at pag-
aaral ng ebanghelyo:
1. Mga tanong na nag-aanyaya sa mga estudyante
na maghanap ng impormasyon
2. Mga tanong na maghihikayat sa mga estudyante
na gumawa ng pagsusuri para sa Ikauunawa
3. Mga tanong na nag-aanyaya ng damdamin at patotoo
4. Mga tanong na nanghihikayat ng pagsasabuhay
Mga Tanong na Nag-aanyaya sa mga
Estudyante na Maghanap ng
Impormasyon [5.1.1]

Ang mga tanong na nagsasaliksik ay makatutulong sa mga


estudyante na bumuo ng kanilang saligang pang-unawa sa
mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa
kanila na maghanap ng mahahalagang detalyeng may
kaugnayan sa nilalaman ng scripture block. Dahil
hinihikayat ng mga tanong ng pagsasaliksik ang mga
estudyante na maghanap ng impormasyon sa teksto ng mga
banal na kasulatan, makabubuting itanong ang mga bagay
na ito bago ipabasa ang mga talata kung saan matatagpuan
ang mga sagot. Tinutuon nito ang pansin ng mga
estudyante at tinutulutan sila nito na tuklasin ang mga sagot
sa mga salaysay sa loob ng banal na kasulatan.
Madalas na kabilang sa mga tanong na nagsasaliksik ang
mga salitang sino, ano, kailan, paano,
saan, at bakit. Kabilang sa ilang halimbawa ng mga tanong
na nag-aanyaya sa mga estudyante na maghanap ng
impormasyon ang:
 Ayon sa Mateo 19:22, bakit umalis ang mayamang binata
na nalulungkot?
 Sa I Samuel 17:24, paano tumugon ang mga kalalakihan ng
Israel nang makita nila si Goliath? Paano tumugon si
David sa talata 26?
 Ano ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Siblon
sa Alma kabanata 38, mga talata 5–15?
Ang mga sagot sa mga tanong na nagsasaliksik ay dapat
magtatag ng pundasyon ng saligang pang-unawa kung saan
ang iba pang uri ng mga tanong ay mailalahad para
magbunsod ng higit na pang-unawa at pagsasabuhay. Ang
tanong ng Tagapagligtas na “Ano baga ang sabi ng mga tao
kung sino ang Anak ng tao?” (Mateo 16:13) ay nagbigay
maraming impormasyon. Ang mga sagot na ibinigay ng
Kanyang mga disipulo ang naghanda sa kanila para sa mas
malalim at mas matinding tanong, “Datapuwa’t, ano ang
sabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15).
Mga Tanong na Maghihikayat sa Mga
Estudyante na Gumawa ng Pagsusuri Para sa
Ikauunawa [5.1.2]
Ang mga tanong na sumusuri ay karaniwang itinatanong
matapos maging pamilyar ang mga estudyante sa mga
talata na kanilang pinag-aaralan. Maaanyayahan nito ang
mga mag-aaral na maghanap ng mas malawak at mas
malalim na pang-unawa sa mga banal na kasulatan.
Matutulungan nito ang mga estudyante na suriin ang mga
ugnayan at huwaran o tuklasin ang mga paghahambing sa
loob ng mga banal na kasulatan. Ang mga tanong na
sumusuri ay halos laging may higit pa sa isang posibleng
sagot.
Ang mga tanong na sumusuri ay karaniwang tumutugon sa
isa sa tatlong layunin. Matutulungan nito ang mga
estudyante na:
 Mas maunawaan ang konteksto at nilalaman ng mga banal
na kasulatan.
 Tukuyin ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo.
 Bumuo ng mas malalim na pang-unawa sa mga alituntunin
at doktrinang iyon.
Pagtulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang
konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan. Ang
mga tanong na sumusuri ay makatutulong sa mga
estudyante na mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa mga
teksto at mga pangyayari sa banal na kasulatan sa
pamamagitan ng pagtulong sa kanila na suriin ang mga
talata sa konteksto ng kanilang kasaysayan at kultura, o sa
iba pang mga kaugnay na talata sa banal na kasulatan. Ang
gayong mga tanong ay makatutulong din sa mga estudyante
na linawin ang kahulugan ng mga salita o parirala at
tulungan sila sa pagsusuri ng mga detalye ng kuwento para
sa mas malalim na kahulugan. Ang prosesong ito ay
naghahanda sa mga estudyante na matukoy ang mga
alituntunin at doktrina.
Ang mga halimbawa ng mga ganitong uri ng tanong ay:
 Paano nakatutulong ang paliwanag ni Jesus sa atin
sa Mateo 13:18–23 na maunawaan ang Kanyang mga turo
sa mga talata 3 hanggang 8?
 Anong mga pagkakaiba ang nakikita ninyo sa pagitan ng
mga tugon nina Laman at Lemuel sa tagubilin ng anghel at
ng pagtugon ni Nephi? (tingnan sa 1 Nephi 3:31; 4:1–7).
 Ano ang nagbigay-daan sa pagkawala ng 116 na pahina na
nagtulak sa Panginoon na payuhan si Joseph Smith na
“hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos”?
(D at T 3:7).
Pagtulong sa mga estudyante na matukoy ang mga
alituntunin at doktrina ng ebanghelyo. Habang nililinang
ng mga estudyante ang kanilang pag-unawa sa mga
konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, mas
matutukoy nila ang mga alituntunin at doktrinang
nakapaloob dito. Ang mga tanong na sumusuri ay
makatutulong sa mga estudyante na makapagbigay ng
konklusyon at maipahayag nang malinaw ang mga
alituntunin o doktrina na nasa scripture block (tingnan sa
bahagi 2.5.1, “Tukuyin ang mga Doktrina at Alituntunin”
sa pahina 00[26]).
Kabilang sa ilang halimbawa ng mga tanong na ito ay:
 Anong alituntunin ang ipinakita ng tagumpay ni Nephi sa
pagtatamo ng mga laminang tanso sa kabila ng matinding
hirap? (tingnan sa 1 Nephi 3-4).
 Anong mga doktrina hinggil sa katangian ng Diyos ang
matututuhan natin mula sa Unang Pangitain? (tingnan
sa JS—K 1:15–20).
 Anong aral ang matututuhan natin mula sa pagsisikap na
ginawa ng babaing inaagasan ng dugo upang makalapit sa
Tagapagligtas, at ang naging tugon Niya sa kanya bilang
resulta? (tingnan sa Marcos 5:24–34).
Pagtulong sa mga estudyante na bumuo ng mas
malalim na pang-unawa sa mga alituntunin at
doktrina. Bukod sa pagtukoy ng mga alituntunin at
doktrina, kailangan munang maunawaan ng mga
estudyante ang mga ito bago nila ito maisasabuhay nang
makabuluhan. Partikular na makatutulong ang mga tanong
na nagbibigay-daan sa mas malinaw na pang-unawa sa
kahulugan ng partikular na alituntunin o doktrina, na
humihikayat sa mga estudyante na pag-isipan ang isang
alituntunin sa makabagong konteksto, o nag-aanyaya sa
mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang pagkaunawa sa
isang alituntunin. Ang mga sumusunod ay ilang
halimbawa:
 Ano ang mga katibayan na mahal natin ang Diyos ng ating
buong “kakayahan, pag-iisip at lakas?” (Moroni 10:32).
 Bakit ang palagiang pagdarasal ay makatutulong sa inyo na
matamo ang espirituwal na lakas na kailangan para madaig
ang mga tukso tulad ng pagsasalita nang masama sa kapwa
o paglilibang na nakasasakit sa Espiritu? (tingnan sa D at T
10:5).
 Anong mga ugali at katangian ang makikita ninyo sa buhay
ng isang tao na sumasalig sa pundasyon ni Cristo? (tingnan
sa Helaman 5:1–14).
 Gamit ang natutuhan natin sa Alma 40, paano ninyo
ipaliliwanag ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli sa
isang kaibigan na hindi natin kaisa sa pananampalataya?
Mga Tanong Na Nag-aanyaya ng Damdamin
at Patotoo [5.1.3.]
Ang ilang tanong ay tumutulong sa mga estudyante na pag-
isipan at unawain ang mga alituntunin at doktrina ng
ebanghelyo, habang ang iba ay maaaring magtulak sa
kanila na magnilay sa mga espirituwal na karanasan at
magbibigay-daan sa mga estudyante na madama nang mas
malalim ang katotohanan at kahalagahan ng isang doktrina
o alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Kadalasan,
ang mga damdaming iyon ay nagdudulot sa mga estudyante
ng matinding hangaring ipamuhay nang mas matapat ang
isang alituntunin ng ebanghelyo. Sa isang mensahe sa CES
religious educators, binanggit ni Elder Henry B. Eyring ang
ganitong mga uri ng katanungan nang sabihin niyang:

“May ilang tanong na nag-aanyaya ng inspirasyon. Ang


mahuhusay na guro ay nagtatanong nito. … Narito ang
isang tanong na marahil ay hindi nag-aanyaya ng
inspirasyon: ‘Paano nakikilala ang isang tunay na propeta?’
Ang tanong na iyon ay nag-aanyaya ng listahan ng mga
sagot, na hango sa alaala ng mga banal na kasulatan at sa
mga salita ng mga buhay na propeta. Maaaring makilahok
ang maraming estudyante sa pagsagot. Karamihan ay
makapagbibigay kahit paano ng mabuti-buting mungkahi.
At ang mga isipan ay magigising.
“Ngunit maaari din nating itanong ito sa ganitong paraan,
na may kaunting kaibahan: ‘Kailan ninyo nadama na kayo
ay nasa harapan ng isang propeta?’ Iyan ang mag-aanyaya
sa mga indibidwal na buhayin sa alaala ang kanilang
nadama. Matapos magtanong, mas mabuting maghintay
tayo sandali bago tumawag ng isang taong sasagot. Kahit
ang mga hindi nagsasalita ay mag-iisip ng mga espirituwal
na karanasan. Iyan ang mag-aanyaya sa Espiritu Santo”
(“The Lord Will Multiply the Harvest,” 6).
Ang gayong mga tanong ay nag-aanyaya sa mga estudyante
na pagnilayan ang nakaraan, na “buhayin sa alaala ang
kanilang nadama,” at mag-isip ng mga espirituwal na
karanasan na nauugnay sa doktrina o alituntunin ng
ebanghelyo na tinatalakay. Kadalasan, ang mga tanong na
ganito ay nagreresulta sa pagbabahagi ng mga estudyante
ng mga damdamin at karanasang iyon o pagbibigay ng
patotoo sa isang doktrina o alituntunin. Ang mga tanong ay
tumutulong na dalhin ang ebanghelyo mula sa isipan ng
mga estudyante patungo sa kanilang mga puso. At
kapag nararamdaman nila sa kanilang puso ang
katotohanan at kahalagahan ng alituntunin o doktrina ng
ebanghelyo, mas malamang na ipamuhay nila ang mga ito.
Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na nakagigising
ng damdamin at nag-aanyaya ng patotoo:
 Kailan ninyo nadama ang kapayapaan at kagalakang
nagmumula sa pagpapatawad ng isang tao?
 Mag-isip ng isang pagkakataon na ginabayan ng Panginoon
ang inyong mga desisyon dahil nagtiwala kayo sa Kanya sa
halip na umasa sa inyong sariling pang-unawa (tingnan
sa Mga Kawikaan 3:5–6). Paano kayo napagpala sa
paggawa nito?
 Kung personal kayong makapaghahayag ng inyong
pasasalamat sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang sakripisyo
para sa inyo, ano ang sasabihin ninyo sa Kanya?
 Paano naiba ang inyong buhay dahil sa nangyari sa
Sagradong Kakahuyan?
 Kailan kayo nakakita ng ibang tao na tumugon nang tapat
sa mga pagsubok? Paano ito nakaimpluwensya sa inyo?
Babala: Ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito ay
maaaring lubhang personal at sensitibo. Dapat tiyakin ng
mga titser na hindi maramdaman ng mga estudyante na sila
ay pinipilit pasagutin sa mga tanong, magbahagi ng
kanilang mga nadarama o karanasan, o magbigay ng
patotoo. Bukod pa rito, dapat tulungan ng mga titser ang
mga estudyante na maunawaan ang banal na katangian ng
mga personal na espirituwal na karanasan at hikayatin
silang ibahagi ang mga karanasan iyon nang naangkop
(tingnan sa D at T 63:64).
Mga Tanong na Nanghihikayat ng
Pagsasabuhay[5.1.4]
Sa huli, ang layunin ng pagtuturo ng ebanghelyo ay
tulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga
alituntunin at doktrinang matatagpuan sa mga banal na
kasulatan at maging karapat-dapat na matanggap ang mga
pagpapalang ipinangako sa matatapat at masunurin. Ang
mga estudyante na nakatatanto kung paano sila pinagpala
sa pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo noon ay
magiging higit na magnanais at mas handa upang
matagumpay na maisabuhay ang mga ito sa hinaharap. Ang
pagtatanong ay may mahalagang papel na gagampanan sa
pagtulong sa mga estudyante na makita kung paano nila
maipamumuhay ang mga alituntuning ito sa kanilang
kasalukuyang sitwasyon at mapag-isipang mabuti kung
paano nila maipamumuhay ang mga ito sa hinaharap.
Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na
makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan mismo ang
mga paraan upang maipamuhay nila ang mga alituntunin at
doktrina:
 Anong mga pagbabago ang kailangan ninyong gawin
upang mas gawing banal ang araw ng Sabbath nang sa
gayon ay maaari kayong maging mas lubos na walang
bahid-dungis mula sa mundo? (tingnan sa D at T 59:9–13).
 Ano ang bagay na ipinayo ng mga propeta na masusunod
ninyo nang mas lubusan? (tingnan sa Alma 57:1–27).
 Paano nakatutulong ang alituntunin na kung una nating
hahanapin ang kaharian ng Diyos, pagpapalain tayo sa
ibang pang aspeto ng ating buhay upang maisaayos ninyo
ang inyong mga mithiin at aktibidad sa susunod na dalawa
o tatlong taon? (tingnan sa Mateo 6:33).
Talakayan sa Klase [5.2]
Ang mga makabuluhang talakayan ay may mahalagang
papel na ginagampanan sa pagtuturo at pag-aaral ng
ebanghelyo. Ang talakayan sa klase ay nangyayari habang
nag-uusap ang mga titser at mga estudyante sa paraang
natututo sila. Ang isang mahusay na talakayan ay
makatutulong sa mga estudyante na malaman ang
kahalagahan ng paghahanap ng mga sagot sa mahahalagang
tanong at ang kahalagahan ng pakikinig sa at matuto mula
sa mga komento, ideya, at karanasan ng ibang tao.
Matutulungan din nito ang mga estudyante na panatilihin
ang antas ng konsentrasyon at partisipasyon sa klase na
madalas na nagbubunga ng mas malalim na pang-unawa sa
mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na tinatalakay,
gayon din ng mas taimtim na hangarin nila sa kanilang
puso na isabuhay ang mga bagay na kanilang natututuhan
at nadarama.

Narito ang ilang ideya para matulungan ang mga titser na


pamunuan ang maganda at nakapagbibigay-inspirasyon na
talakayan sa klase:
Planuhin ang talakayan. Tulad ng iba pang mga
pamamaraan ng pagtuturo, ang talakayan ay kailangang
ihandang mabuti at pagkatapos ay isagawa sa ilalim ng
impluwensya ng Espiritu. Kailangang napag-isipan ng titser
kung paano tutulungan ng talakayan ang mga estudyante na
maunawaan ang kailangan nilang malaman, anong mga
katanungan ang magbibigay-daan para makamit ang
layuning iyon, paano itatanong ang mga ito sa
pinakamabisang paraan, at kung ano ang dapat gawin kung
ang sagot ng isang estudyante ay magdadala sa talakayan sa
isang di-inaasahang direksyon.
Iwasan ang sobrang komentaryo ng titser. Ang mga
titser na labis na nagbibigay ng mga komentaryo sa isang
paksa ng talakayan ay makahahadlang sa pagsisikap ng
mga estudyanteng lumahok dito dahil napag-alaman nila na
ang kanilang titser ay kadalasang sabik na ibigay ang sagot.
Ang sobrang komentaryo ng titser ay maaaring
makapagpadama sa mga estudyante na ang kanilang mga
kontribusyon ay hindi gaanong mahalaga at maging dahilan
upang mawalan sila ng interes.
Anyayahan ang lahat ng estudyante na
makilahok. Dapat maghanap ng mga paraan ang mga titser
para angkop na anyayahan ang lahat ng estudyante na
makilahok sa mga makabuluhang talakayan sa klase, pati
na ang mga nag-aalangang lumahok dulot ng iba’t ibang
kadahilanan. Dapat mag-ingat ang mga titser na hindi
ipahiya ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagtawag
sa kanila kapag alam nila na ang estudyante ay hindi
handang sumagot.
Kung minsan ang isang estudyante o ilang mga estudyante
ay nangingibabaw sa talakayan sa klase. Maaaring
kailanganing kausapin nang sarilinan ng mga titser ang mga
taong ito, pasalamatan sila sa kahandaan nilang makilahok,
ipaliwanag kung gaano kahalaga na hikayatin ang lahat ng
miyembro ng klase na makilahok, at ipaliwanag kung bakit
hindi sila maaaring tawagin sa tuwing sila ay
nagpiprisintang tumugon.
Tawagin sa pangalan ang mga estudyante. Ang
pagtawag sa mga estudyante sa kanilang pangalan para
sagutin ang isang tanong o magbigay ng puna ay
tumutulong na bumuo ng pagmamahal at paggalang sa loob
ng klase.
Huwag matakot sa katahimikan. Minsan kapag tinanong
ng isang epektibong tanong, ang mga estudyante ay
maaaring hindi agad nakasasagot. Ang katahimikang ito ay
hindi dapat ikabahala ng titser kung hindi ito masyadong
mahaba. Kung minsan, kailangan ng mga estudyante ng
pagkakataong pagnilayan ang itinanong sa kanila at kung
paano nila maaaring sagutin ang tanong. Ang pagninilay na
ito ay maaaring maging daan para sa pagtuturo ng Espiritu
Santo.
Ulitin ang tanong gamit ang ibang salita. Kung minsan
maaaring mahirapan ang mga estudyante na sumagot sa
tanong dahil ang tanong ay hindi malinaw. Maaaring
kailangan ng titser na ulitin ang tanong gamit ang ibang
salita o itanong sa mga estudyante kung naiintindihan nila
ang itinanong. Dapat iwasan ng mga titser na magtanong
nang sunud-sunod na hindi binibigyan ng sapat na oras ang
mga estudyante na mag-isip nang mabuti para makabuo ng
angkop na mga sagot.
Makinig na mabuti at sundan ng mga kaugnay na
tanong.Ang mga titser kung minsan ay masyadong inaalala
kung ano ang kanilang susunod na sasabihin o gagawin
kung kaya’t hindi nila napagtutuunan ng pansin ang
sinasabi ng mga estudyante. Sa pagmamasid at pakikinig
nang mabuti sa mga estudyante, mahihiwatigan ng mga
titser ang kanilang mga pangangailangan at magagabayan
ang talakayan sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo.
Matitiyak ng mga titser na tama ang pagkakaunawa nila sa
mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng
pagtatanong na tulad ng “Matutulungan mo ba akong
maunawaan kung ano ang ibig mong sabihin?” o “Maaari
mo bang bigyan ako ng halimbawa ng ibig mong sabihin?”
Ang pagtatanong ng mga ganoong kaugnay na tanong ay
kadalasang nag-aanyaya sa isang estudyante na magbahagi
pa kung ano ang kanilang mga iniisip at nadarama at
madalas na nag-aanyaya sa diwa ng patotoo sa pagtugon.
Dapat ding paalalahanan ng mga titser ang mga estudyante
na makinig sa isa’t isa at huwag makipag-usap kapag may
ibang taong nagsasalita.
“Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga
tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at
makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay
nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat.”
(Doktrina at mga Tipan 88:122)
Ibahin ang direksiyon ng mga komento o tanong ng
mga estudyante. Maraming beses na sumusunod sa isang
huwaran ang mga talakayan sa klase kung saan ang isang
titser ay nagtatanong, sumasagot ang isang estudyante, at
pagkatapos ay idinaragdag ng titser ang kanyang nalalaman
sa sagot ng estudyante bago ibigay ang susunod na tanong.
Ang mga talakayan ay mas magiging makahulugan,
masigla, at epektibo kapag ibinabaling ng isang titser ang
sagot o komentaryo ng isang estudyante sa iba pang mga
estudyante. Ang mga simpleng tanong na tulad ng “Ano
ang maidaragdag ninyo rito?” o “Ano ang inyong mga
saloobin sa punang ito?” ay makagagawa ng isang huwaran
kung saan ang mga estudyante ay sasagot sa mga
estudyante. Kadalasang ito ay lubhang nagpapaibayo sa
karanasan sa pag-aaral. Karaniwan, maliban na lamang
kung limitado ang oras, lahat ng estudyante na nagnanais
na magbigay ng komento ay dapat magkaroon ng
pagkakataong magsalita.
Kilalanin ang tugon sa isang positibong paraan. Kapag
sumagot ang isang estudyante, kailangang kilalanin ng
titser ang mga ito sa kahit anong paraan. Ang pagkilalang
ito ay maaaring simpleng “salamat” o pagbibigay ng
komento sa sagot. Kapag maling sagot ang ibinigay, ang
titser ay kailangang mag-ingat na hindi mapahiya ang
estudyante. Ang epektibong titser ay madaragdagan ang
isang bahagi ng sinabi ng estudyante na tama o
makapagtatanong ng karagdagang tanong na nagbibigay-
daan sa isang estudyante na pag-isipang muli ang kanyang
tugon.
Magkakasamang Pagbasa sa
Klase ng mga Banal na
Kasulatan [5.3]
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa klase ay
makatutulong sa mga estudyante na maging pamilyar at
mas maunawaan ang mga talatang pinag-aaralan nila.
Makatutulong din ito sa kanila na magkaroon ng
kumpiyansa sa kanilang kakayahang magbasa sa kanilang
sarili ng mga banal na kasulatan. Ang mga titser ay dapat
maging maingat na hindi mapahiya ang mga nahihirapang
magbasa o ang mga napakamahiyain. Ang mga
estudyanteng hindi gustong magbasa nang malakas ay hindi
dapat piliting gawin ito, ngunit maaari silang hikayatin ng
mga titser na makilahok sa mga paraang mas komportable
sila. Halimbawa, ang pagbibigay ng isang maikling talata
sa isang estudyante nang mas maaga para makapag-ensayo
siyang basahin ito ay maaaring isang angkop na paraan
para sa estudyanteng ito na makilahok sa klase.
May ilang pamamaraan upang basahin ang mga banal na
kasulatan sa klase:
 Ipabasa sa mga estudyante nang malakas, isa-isa o sabay-
sabay.
 Ipabasa sa mga estudyante sa isa’t isa.
 Ipabasa sa mga estudyante nang tahimik ang isang talata.
 Italaga sa iba’t ibang estudyante na basahin ang mga sinabi
ng iba ibang tao sa isang kuwento.
 Magbasa nang malakas sa mga estudyante habang
sinusundan nila sa mga banal na kasulatan.
Paglalahad ng Titser [5.4]
Bagama’t mahalaga ang pagiging aktibo ng mga estudyante
sa proseso ng pag-aaral sa kanilang pag-unawa at
pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan, hindi nito
pinapalitan ang pangangailangan para sa isang titser na
angkop na ilahad ang impormasyon sa iba’t ibang
pagkakataon habang nakikinig ang mga estudyante. Para sa
mga layunin ng hanbuk na ito, ang mga pagkakataong iyon
kung saan ang titser ay nagsasalita at nakikinig ang mga
estudyante ay tatawaging “paglalahad ng titser.” Kapag
ginamit ito nang tama, mapag-iibayo ng paglalahad ng
titser ang iba pang mga pamamaraan sa pagtuturo. Subalit,
kung labis itong ginamit, ang aktibidad na ito na nakasentro
sa titser ay makababawas sa epektibong pagtuturo at
malilimitahan ang pagkakataon ng isang estudyante na
matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Ang paglalahad ng titser ay maaaring maging napaka-
epektibo kapag ibinubuod ang malaking bahagi ng mga
materyales, inilalahad ang impormasyong bago sa mga
estudyante, gumagawa ng mga transisyon sa pagitan ng
iba’t ibang bahagi ng lesson, o pagbuo ng konklusyon.
Maaaring kailanganin ng isang titser na magpaliwanag,
maglinaw, at maglarawan upang mas malinaw na
maunawaan ng mga estudyante ang konteksto ng isang
scripture block. Maaari ding bigyang-diin ng isang titser
ang mahahalagang doktrina at alituntunin at hikayatin ang
mga estudyante na ipamuhay ang mga ito. Marahil ang
pinakamahalaga sa lahat, ang mga titser ay maaaring
magpatotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo at
magpakita ng pagmamahal nila sa Ama sa Langit at sa
Kanyang Anak.
Kapag gumagamit ng paglalahad ang mga titser, tulad ng
paggamit sa anumang pamamaraan ng pagtuturo, dapat
patuloy nilang sinusukat ang kahandaan ng mga estudyante
na makinig sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang
sarili ng: “Ang aking mga estudyante ba ay interesado at
nakapokus?” at “Nauunawaan ba nila ang inilalahad?” Sa
huli, ang pagiging epektibo nito o anumang paraan ng
pagtuturo ay natutukoy kung ang mga estudyante ay
natututo o hindi sa pamamagitan ng Espiritu, nauunawaan
ang mga banal na kasulatan, at hinahangad na ipamuhay
ang kanilang natututuhan.
Ang mga sumusunod na ideya ay makatutulong sa titser na
gamitin ang pamamaraang ito nang mas epektibo.
Planuhin ang mga bahagi ng paglalahad ng titser sa
lesson.Paminsan-minsan, ang mga titser ay masusing
naghahanda ng iba pang mga bahagi ng lesson ngunit hindi
nagbibigay ng parehong pansin sa mga bahagi ng lesson
kung saan sila ang magsasalita nang husto. Isa sa mga
alalahanin tungkol sa paglalahad ng mga titser ay madaling
maging kalahok na walang kibo ang mga estudyante sa
pag-aaral. Kaya nga, ang paglalahad ng titser ay kailangan
din ng maingat na pagpaplano at paghahanda, na
kinabibilangan ng pagpapasiya kung paano sisimulan at
paano uusad sa pagtuturo sa isang lohikal na paraan.

Habang pinaplano ang paggamit ng paglalahad ng titser,


dapat pag-isipang mabuti ng mga titser kung saang bahagi
mahalagang aktibong makilahok ang mga estudyante.
Kalimitan, sa pagprogreso ng lesson mula sa pag-unawa sa
konteksto at nilalaman ng scripture block hanggang sa
pagtuklas, pagtalakay, at pagsasabuhay ng mga alituntunin
at doktrina, nagiging mas mahalaga ang aktibong
pakikilahok ng mga estudyante.
Pagsamahin ang paglalahad ng mga titser sa iba pang
mga pamamaraan. Ang mabisang paggamit ng paglalahad
ng titser sa klase ay gamitin ito bilang bahagi ng buong
lesson plan na isinasama sa iba pang mga pamamaraan at
estilo sa kabuuan ng pagtuturo. Ang presentasyon ay dapat
madaling maibabagay sa mga pagbabago kung kapansin-
pansin na naiinip o nalilito ang mga estudyante. Sa
ganitong paraan, kahit na ang titser ay nagsasalita, ang
pokus ay naroon pa rin sa mga estudyante at sa pag-aaral, at
makapag-aangkop ang titser kung kinakailangan. Minsan
may isang taong naghalintulad ng paglalahad ng titser sa
tali ng isang kuwintas ng perlas. Ang mga perlas ang iba’t
ibang paraang ginagamit ng titser (mga tanong, talakayan,
aktibidad ng grupo, mga audiovisual presentation, atbp.),
ngunit ang mga ito ay nakatali at nabibigkis ng pagtuturo at
paliwanag ng titser. Ang tali lang mismo ay hindi
nakabubuo ng isang kaakit-akit na kuwintas.
Gumamit ng iba’t ibang angkop na pamamaran. May
mga paraan para magkaroon ng magkakaibang paglalahad
ang mga titser. Maiiwasan ng mga titser ang
pagkakapareho sa pamamagitan ng pagbabago ng tono ng
tinig, ng punto, at lakas ng boses at paglibot sa silid habang
nagpapatuloy ang paglalahad. Maaari ding magkaroon ng
pagkakaiba-iba sa mga uri ng materyal na ibabahagi.
Halimbawa, ang mga titser ay maaaring magkuwento,
gumamit ng mga angkop na pagpapatawa, bumanggit ng
mga larawan o iba pang display sa silid-aralan, magbasa ng
mensahe, gamitin ang pisara o audiovisual na pagtatanghal,
at magpatotoo. Ang angkop na pagkakaiba-iba sa
paglalahad ng titser ay dapat laging pahusayin ang
kakayahan ng mga estudyante na maunawaan at
maipamuhay ang mga banal na kasulatan.
Mga Kuwento [5.5]
Ang mga kuwento ay makatutulong sa mga estudyante na
patatagin ang kanilang pananampalataya sa ebanghelyo ni
Jesucristo. Makukuha ang interes at matutulungan nito ang
mga estudyante na maunawaan ang ebanghelyo sa
pamamagitan ng mga karanasan ng iba. Ang mga kuwento
ay epektibo ring paraan upang tulungan ang mga
estudyante na maunawaan ang mga alituntunin ng
ebanghelyo na tinukoy sa isang scripture block. Sa
paglalarawan ng isang alituntunin ng ebanghelyo sa isang
makabagong konteksto, bilang karagdagang konteksto sa
mga banal na kasulatan, ang mga kuwento ay makatutulong
din sa mga estudyante na maunawaan kung paano
nauugnay ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang
buhay, at tulungan sila na magkaroon ng hangaring
ipamuhay ito.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Mangyari pa, walang
masama sa pagsasalaysay ng makabagong kuwento na
nagpapalakas ng pananampalataya, isa na nangyari sa ating
dispensasyon. … Sa katunayan, ito ay dapat itaguyod nang
lubos. Dapat nating gawin ang lahat ng pagsisikap para
ipakita na nangyayari din sa buhay ng mga Banal ngayon
ang mga naganap noon unang panahon sa matatapat. …
“Marahil ang perpektong huwaran sa paglalahad ng mga
kuwentong nagpapalakas ng pananampalataya ay ituro ang
matatagpuan sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay
tatakan sa tunay na buhay sa pamamagitan ng pagsasabi ng
isang bagay na katulad at katumbas na kaganapan sa ating
dispensasyon at sa ating mga tao at—higit sa lahat—sa atin
mismo bilang mga indibiduwal” (“The How and Why of
Faith-Promoting Stories,” New Era, Hulyo 1978, 4–5).
Maibabahagi ng mga titser ang mga kuwentong hango sa
buhay ng mga propeta at sa kasaysayan ng Simbahan, pati
na rin ang mga kuwentong matatagpuan sa mga mensahe sa
pangkalahatang kumperensya at sa mga magasin ng
Simbahan. Maaari din silang magbahagi ng mga totoong
kuwento mula sa sarili nilang karanasan. Ang ilan sa mga
pinakamakabuluhan at pinakanakapagpapabagong
karanasan sa pag-aaral ay nangyayari kapag pinagbabahagi
ng mga titser ang kanilang mga estudyante ng mga
kuwento na hango sa kanilang mga sariling buhay na
nagpapakita kung paano sila pinagpala sa pagsasabuhay ng
isang alituntunin ng ebanghelyo.
Ilang babala at payo ang dapat tandaan sa paggamit ng mga
kuwento.
 Kung ang paglalahad ng mga kuwento ang nangingibabaw
na paraan ng pagtuturo, ang mga kuwento mismo ay
maaaring maging pokus ng lesson, na nagpapaikli sa
aktuwal na oras na ginugugol sa mga banal na kasulatan at
nasasapawan ang mga doktrina at alituntuning itinuturo ng
mga ito.
 Ang paggamit ng masyadong maraming kuwentong hango
sa buhay ng mga titser ay maaaring magresulta sa personal
na kapakinabangan at ang mga titser mismo ang
“[nagtatakda ng] kanilang sarili bilang tanglaw ng
sanlibutan” (2 Nephi 26:29).
 Bagama’t ang mga kuwento ay nakapagpapaliwanag at
nagpapasigla ng pagtuturo ng banal na kasulatan at
nakatutulong sa mga estudyante na madama ang
kapangyarihan ng Espiritu, ang mga ito ay hindi dapat
gamitin para sa emosyonal na pagmamanipula.
 Dapat mag-ingat ang mga titser na hindi lagyan ng
palamuti ang mga katotohanan sa isang tunay na kuwento
upang gawin itong mas dramatiko o epektibo.
 Kung ang isang kuwento ay hindi totoo, tulad ng isang
nakatatawang kuwentong nagsasaad ng isang punto, dapat
malinaw na ipahayag sa simula pa lamang na ang kuwento
ay hindi totoo.

Talakayan sa Maliliit na Grupo


at mga Assignment [5.6]
Kung minsan ay nakatutulong na hatiin sa maliliit na grupo
ang klase para makalahok ang mga estudyante sa isang
aktibidad sa pag-aaral o talakayan nang magkakasama. Ang
mga aktibidad para sa maliliit na grupo ay kadalasang
nagbibigay ng pagkakataon sa mas maraming estudyante na
makilahok at nakapaglalaan ng isang ligtas na lugar kung
saan maibabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga
damdamin, iniisip, at patotoo sa isa’t isa. Ang mga
aktibidad na ito ay makapagbibigay rin ng pagkakataon sa
mga estudyante na ituro ang ebanghelyo sa iba at
tumutulong na ihanda sila na ituro ang ebanghelyo sa
hinaharap. Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay
epektibong maisasali ang mga tila nawawalan ng interes at
konsentrasyon, at matutulungan din ang mga estudyante na
linangin ang kasanayan sa pakikipag-ugnayan at
mapapalakas ang angkop na panlipunan at espirituwal na
mga ugnayan. Ang mga ito rin ay makapagbibigay ng
tiwala sa sarili sa mga mahiyaing estudyante, na
maghihikayat sa kanila sa mas makabuluhang
partisipasyon.
Kapag gumagawang magkakapares o sa maliliit na grupo
ang mga estudyante, makatutulong na isaisip ang
sumusunod:
 Bago paghiwa-hiwalayin ang mga estudyante upang bumuo
ng maliliit na grupo, ang mga titser ay dapat magbigay ng
malinaw na mga tagubilin kung ano ang inaasahang
gagawin ng mga estudyante sa aktibidad. Kadalasang
nakatutulong ang pagsusulat ng mga tagubiling ito sa pisara
o sa handout, na nagtutulot sa mga estudyante na
sumangguni sa mga ito sa gitna ng aktibidad.
 Ang mga aktibidad ng mga maliliit na grupo na may
kaugnayan sa buhay at kalagayan ng mga estudyante ay
kadalasang nagtataguyod ng higit na interes at pakikilahok.
 Ang pagtatalaga ng isang lider na estudyante para sa bawat
grupo at pati na rin ang partikular na haba ng oras ay
tutulong sa grupo na manatiling nakapokus sa gawain. Ang
mga panggrupong aktibidad na may kahabaan ay madalas
humantong sa hindi pare-parehong oras ng pagtatapos ng
mga grupo at maaaring mauwi sa kaguluhan sa silid-aralan.
 Karaniwang lumalahok ang mga estudyante sa aktibidad
nang may mas malaking interes kung inaanyayahan sila ng
titser sa simula pa lang na maghandang ibahagi o ituro sa
klase ang anumang natutuhan nila mula sa aktibidad. Ito rin
ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na
magpraktis sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba.
 Ang mga estudyante ay kadalasang mas nakagagawa nang
maayos sa mga grupo kapag kanilang sinasaliksik ang mga
banal na kasulatan, nagbabasa ng mensahe, o isinasagawa
ang iba pang gawain nang mag-isa bago sila magsama-
sama.
 Sa grupo ng lima o higit pang estudyante, maaaring
mahirapan ang bawat isa na lumahok nang makabuluhan.
Bukod pa rito, ang mas malalaking grupo ay karaniwang
mas nahihirapang manatiling nakapokus sa gawain.
 Maaaring hindi ang paggawa sa maliliit na grupo ang
pinakamahusay na paraan sa pagsagot sa mga simpleng
tanong dahil sa oras na kinakailangan upang isaayos ang
mga estudyante sa mga grupo.
 Kapag ang mga panggrupong aktibidad sa pag-aaral ay
nasobrahan sa paggamit, maaaring mabawasan ang
pagiging epektibo nito.
Sa mga talakayan na pangmaliliit na grupo o mga
assignment, maaaring maguluhan ang mga estudyante sa
layunin ng aktibidad, mapag-usapan ang mga bagay na
personal, o maging kaswal sa kanilang pagsisikap na
matuto. Ang titser na nananatiling aktibo sa pamamagitan
ng pagpapalipat-lipat sa bawat grupo at sumusubaybay sa
aktibidad ng pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante
na manatiling nakapokus sa gawain at makinabang nang
husto mula sa assignment.
Mga Writing Exercise [5.7]
Dapat anyayahan ng mga titser ang mga estudyante na
makilahok sa mga writing exercise tulad ng pagsusulat ng
mga tala, mga journal assignment, worksheet, pansariling
pagninilay, at sanaysay o essay. Paminsan-minsan, ang
pag-anyaya sa mga estudyante na tumugon sa
nakapupukaw na tanong sa pamamagitan ng pagsulat ay
tumutulong palalimin at palinawin ang kanilang pag-iisip.
Ang pag-anyayasa mga estudyante na isulat ang kanilang
sagot sa tanong bago ito ibahagi sa klase ay nagbibigay sa
kanila ng panahon na pag-isipan ang kanilang mga ideya at
tumanggap ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Mas
malamang na mahikayat ang mga estudyante na ibahagi
ang mga ideya nila kung isusulat muna nila ito, at ang
ibabahagi nila ay madalas na mas magiging makabuluhan.
Higit sa lahat, ang mga writing assignment ay nagbibigay
sa mga estudyante ng pagkakataong personal na lumahok,
tumanggap ng inspirasyon, at maghandang ituro at ibahagi
sa iba ang kanilang mga damdamin, kilalanin ang kamay ng
Panginoon sa kanilang buhay, at magbahagi ng patotoo. Sa
pagpapasiya ng mga titser kung aling mga writing exercise
ang angkop para sa pag-aaral, dapat nilang isaalang-alang
ang alituntuning ito na ibinahagi ni Elder David A. Bednar:
“Ang pagsusulat ng ating natututuhan, naiisip, at nadarama
sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isa pang uri ng
pagninilay-nilay at malakas na paanyaya sa patuloy na
pagtuturo ng Espiritu Santo” (“Because We Have Them
before Our Eyes, New Era, Abr. 2006, 6–7).
Ang mga writing exercise para sa mga estudyante na mas
bata o mas limitado ang kakayahan ay dapat iakma upang
tulungan silang magtagumpay. Halimbawa,
makapaghahanda ang titser ng fill-in-the-blank exercise
kung saan may mga karagdagang impormasyong ibinibigay
sa mga estudyante at mas kaunti ang ipinagagawa sa kanila.
Ang mga titser ay makatutulong sa mga estudyanteng ito sa
pamamagitan ng pagpokus sa writing assignment tungkol
sa maiikling talata sa banal na kasulatan o sa mga partikular
na tanong at sa pagbibigay sa kanila ng sapat na oras upang
makumpleto ang assignment.
Ang mga estudyante ay karaniwang mas makikinabang
mula sa mga aktibidad sa pagsusulat kapag:
 Ang mga titser ay nagbibigay ng malinaw at nakasulat na
mga tagubilin kung saan ang mga estudyante ay patuloy na
makasasangguni sa kabuuan ng assignment.
 Itinutuon ng aktibidad ang kanilang isipan sa katotohanan
ng ebanghelyo na nauugnay sa kalagayan ng bawat isa.
 Ang aktibidad ay tumutulong sa kanila na personal na
isabuhay ang mga katotohanang iyon.
 Ang mga estudyante ay sinusuportahan at tinutulungan ng
kanilang titser sa buong aktibidad ng pagsusulat.
 Nagtatakda ng mga limitasyon sa oras na angkop sa hirap
ng pagsasanay.
 Inaanyayahan ang mga estudyante na magpaliwanag,
magbahagi, o magpatotoo tungkol sa isang bagay na
natutuhan nila mula sa aktibidad.
 Tiniyak sa mga estudyante na ang mga aktibidad sa
pagsusulat na nakapokus sa personal na saloobin o pangako
ay hindi ibabahagi sa iba, kabilang na ang titser, nang
walang pahintulot ng mga estudyante.
 Ang aktibidad ay isang makabuluhang bahagi ng lesson
plan at hindi ibinigay bilang “gawain para maging abala” o
kaparusahan sa masamang asal.
 Nagbibigay ng mga alternatibong paraan ng pagtatala ng
mga kaisipan at ideya para sa mga taong hirap sumulat.
Maaaring kabilang dito ang pagkakaroon ng isa pang
estudyante na magsisilbing tagasulat, paggawa ng mga
audio recording, at iba pa.
 Ang mga aktibidad sa pagsusulat ay hindi palaging
ginagamit.

Pisara o Whiteboard [5.8]


Ang isang pisara o whiteboard na maayos na inihanda ay
magpapakita ng paghahanda ng titser at magdaragdag ng
diwa ng layunin sa loob ng klase. Ang epektibong paggamit
ng pisara sa lesson ay maihahanda ang mga estudyante na
matuto at maaanyayang makilahok nang makabuluhan, lalo
na ang mga taong mas natututo sa mga bagay na nakikita
nila. Kapag ginagamit ang pisara, dapat tandaan ng mga
titser na magsulat nang malinaw at sapat ang laki para
makita ng lahat, sinisiguro na ang materyal ay wasto ang
pagitan, maayos, at madaling basahin. Kung walang pisara
o whiteboard, ang isang malaking papel o poster board ay
magagamit din sa parehong layuning.

You might also like