Professional Documents
Culture Documents
ANEKDOTA
ANEKDOTA
Ang mga bangkang may layag ay parang mga paru-parong puti na naghahabulan.
Ang bangka ay karaniwang gawa sa kahoy na inukit sa matibay na kahoy na nakukuha sa aming gubat.
Kung minsan ito ay may dalawang katig na gawa sa matitibay at mahabang kawayan upang ang bangka ay hindi
gumiwang kapag ito ay nakatigil sa tubig.
Karamihan sa gamit nito ay pangingisda nguni’t sa aming lalawigan, ang ay ginagamit namin sa paglalakbay
lalo na sa pagtawid sa ibayo ng dagat. Mas mabilis ito kaysa gumamit ng kalabaw o ng karetela.
Naalala ko pa noon kasalukuyang kaming nakasakay sa bangka nang humulagpos ang isa kong tsinelas.
Ang tsinelas ay ang gamit namin sa pagpasok at pagpunta sa mga lakaran kung saan ang bakya na gawa sa kahoy
ay hindi nararapat.
Mabilis itong inanod sa tubig bago ko nahabol para kunin. Malungkot ako dahil iniisip ko ang aking ina na
magagalit dahil sa pagkawala ng aking tsinelas.
Tiningnan ako ng nagsasagwan nang kinuha ko ang aking isa pang tsinelas at dali dali kong itinapon sa
dagat, kasama ang dasal na mahabol nito ang kapares na tsinelas.
“Bakit mo itinapon ang iyong isa pang tsinelas?” tanong sa akin ng kasamahan ko sa bangka.
“Isang tsinelas ang nawala sa akin at walang silbi sa makakakita. Ang isang tsinelas na nasa akin ay wala
ring silbi sa akin. Kung sino man ang makakuha ng pares ng tsinelas ay magagamit niya ito sa kaniyang paglakad.
Napatingin ulit sa akin ang mama. Marahil naunawaan niya ang isang batang katulad ko.
Kung may makita kayong isang lalaking hangos sa paglakad, may kipkip na karterang katad na halos
magputok sa mga lamang resibo at kung anu-anong papel, siyamnapu’t siyam sa isang daan, ang taong yaon
ay isang kubrador o maniningil ng mga pautang. Kung siya’y kinakatawan ng isang malaking bahay-kalakal,
ang ayos niya’y maaaring may-kakinisan at nag-aanyaya sa isang tunay na pagpipitagan. Kung, sa kabilang
dako, siya naman ay tagapaningil ng isang tindahan, malamang na ang ayos niya’y gusgusin, pawisan, at
parang wala nang kapana-panahong mapakag-ayos ng sariling katawan. Iyan ang maniningil; laman ng
lansangan, kilabot ng mangungutang, panauhing pinagtataguan, dalaw na kinamumuhian.
Malayu-layo pa’y matatanaw mo siyang ang hagdanan mo ang tinutungo. Pagmamasdan mo munang
mabuti upang matiyak kung sino siya. Kung mapagsiya mo’y magbibilin ka sa iyong kasambahay na para
bagang may-katotohanan ang iyong sinasabi. “Hoy,” ang sasabihin mo, “hoy, kung may hahanap sa akin,
sabihin mong ako’y wala. May pinaroonan.” At marahan kang papasok at pakubling uupo sa isang sulok na
kunwa’y may binabasa o anumang pinagkakaabalahan. Ikaw nga ang hanap. Itinatanong kung saan ka
naroon, at ang pinagbilinan mo nama’y matapat sa kanyang tungkulin. “Hindi ko po malaman kung kailan sila
babalik,” ang naririnig mong sagot. “Magbalik po kayo uli,” ang habol pa. At mararamdaman mong aalis ang
maniningil. Ang yabag ng kanyang mga hakbang ay kilalang-lilala mo na. Makahihinga ka nang maluwag.
Sisilip ka nang bahagya sa puwang ng durungawan, at pagkasilip mong lumiko na ang salot na kinatatakutan
mo’y uubo ka nang bahagya na para bang nabunutan ka ng isang libo’t isang tinik sa dibdib.
Datapwat huwag mong hinalaing hindi nalalaman ng kubrador ang buong katotohanan. Hindi nawalan
ng kabuluhan ang nilakad-lakad niya sa mga lansangan. Hindi nawalan ng kahulugan ang pagkapudpod ng
kanyang sapatos sa ginagala-gala sa bahay-bahay ng mga mangungutang. “Oh, iyang mga mangungutang!”
ang nasasabi-sabi niyang madalas na susundan pa ng isang mariing kagat sa labi. “Iyang mga mangungutang
ay maraming dahilan kapag nagkakataong dinaratnan mo sa bahay. Naroong siya’y may pinagbayaran.
Naroong siya’y napagkasakitan. Naroong kung nauna-una ka lamang nang kaunti ay walang salang
nabayaran ka niya. Oh, sari-saring dahilan ang ibinibigay nila sa iyo kung mataunan mong nasa bahay ang
mga iyan. At parang pagpapakilala ng kanilang katapatan ng loob ay ihahabol pa kunwari sa iyo ang “Magbalik
ka bukas.”
Sa kabila ng gayong pabuntot, ang ating kubrador ay hindi nagbabalik. Dalang-dala na siya sa “bukas”
ng mga mangungutang. Alam niyang ang kanilang “bukas” ay “bukas” na walang katapusan.
Oh, iyang maniningil! Pinandidirihang parang ketongin. Nilalayuang parang may sakit na nakahahawa.
Kinasusuklamang parang isang salarin. Ang pagdalaw ay ipinangingilabot na parang pagdalaw ng isang
malaking sakuna!
Posted by Den at 3:52 AM
MAR