You are on page 1of 2

Bago nagsimula ang panahon, ang tahanan ng Diyos ay di-masukat na kalawakan.

Naging malungkutin ang Diyos sapagkat wala Siyang makita at marinig.

Ang araw ay sumisikat, maliwanag na parang ginto at ang langit ay napapalamutian


ng mapuputing ulap. Sa malayo ay nakasilip ang buwang kabilugan samantalang
kukuti-kutitap ang libong mga bituin.

Iniangat ng Diyos ang Kanyang kamay at ito’y itinurong pababa. Sa isang iglap ay
nalalang ang mundo. Ang mga lunting kakahuyan ay sumibol, pati mga damo.
Namukadkad at humahalimuyak ang mga bulaklak.

Ang mga dagat ay umalon at ang mga ilog ay umagos. Nagliparan ang mga ibon sa
himpapawid at nag-awitan.

Nayari ng Diyos ang sanlibutan. Ito ay isang ginintuan at mahiwagang paraiso.

Isang araw ang hari ng mga ibon ay lumipad at ginalugad ang papawirin.
Pagkatapos ikinampay ang matipunong mga pakpak at paimbulog na pababa sa
kakahuyan.

Mula sa malayo kanyang natanaw ang mataas na kawayang yumuyukod sa


mahinhing paspas ng hangin.

Kanyang binilisan ang paglipad pababa. Siya’y dumapo sa naturang kawayan upang
magpahinga.

Tok! Tok! Tok!

Nadama niya ang maririing katok na nagmumula sa loob ng kawayan. May tinig
siyang narinig!

“Palayain mo ako, oh, makapangyarihang hari ng mga ibon!” ang hinaing. “Tuktukin
ng iyong tuka ang kawayang kinapapalooban ko. Hindi ako makahinga. Para itong
karsel!”

“Baka ito’y patibong!” ang isip ng ibon. Kinamaya-maya’y may butiking gumapang na
paitaas sa kawayan. Ang ibon palibhasa’y gutom, ito’y tinuka ngunit hindi nahuli.

Buong lakas na tinuktok uli ng ibon ang kawayan.

Nabiyak ang kawayan. Isang makisig na lalaki ang lumabas.

“Salamat sa iyo,dakilang hari ng mga ibon! Ako’y si Malakas. Tuktukin mong muli
ang kawayan. Iyong palabasin ang aking kasama!”

Tinuktok ng hari ng mga ibon ang isa pang kawayan.


Isang mahinhin at magandang babae ang lumabas. “Ito’y si Maganda, ang aking
asawa. Pinalaya mo kami, dakilang ibon. Ikaw ay magiging kasama namin habang
buhay!”

“Hindi maaari. Maraming salamat,” sagot ng ibon. “Akoay ibon at ang tahanan ko ay
malawak na papawirin. Ako’y naglalayag sa hangin. Ang aking bagwis ay sinadya sa
paglipad. Subalit umasa kayong lagi ko kayong aawitan. Pag ako’y wala na, ang
maliliit kong supling ang aawit sa inyo. Aawitin din nila ang mga awit na inawit ko!”

“Hali kayo! Sumakay kayo sa aking bagwis. Kayo’y dadalhin ko at ipakikita sa inyo
ang Lupang Hinirang. Doon kayo maninirahan!”

Sina Malakas at Maganda ay dinala sa mga pulong luntian at kumikinang sa sikat ng


araw. Ang mga ito’y tulad ng tinuhog na kuwintas na isang mahalagang hiyas!

Dito sa mga pulong ito, Perlas ng Dagat Silangan, nagsimulang namuhay ang mag-
asawang Malakas at Maganda-ama’t inang pinagmulan ng lahing kayumanggi.

You might also like