You are on page 1of 1

El Filibusterismo Kabanata 4 – Kabesang Tales

Si Tandang Selo na umampon noon sa gubat kay Basilio ay matanda na.


Ang anak nitong si Kabesang Tales ay isa nang Kabesa de Baranggay. May
tatlo itong anak, sina Lucia, Tano, at Juli. Namatay si Lucia at ang kanyang
asawa dahil sa malaria. Sina Tano at Juli na lamang ang buhay. Yumaman
na sila dahil sa tiyaga. Nakisama si Kabesang Tales sa namumuhunan sa
bukid at nang makaipon ng kaunti ay nagbungkal ng lupa sa gubat. Nang
maipagtanong na walang may-ari sa naturang lupa ay ginawa niya itong
tubuhan. Inisip din niyang pag-aralin na sa kolehiyo si Juli upang
mapantay kay Basilio na kasintahan nito. Nang umunlad ang bukid ay
inangkin ito ng mga prayle at pinagbayad ng buwis si Kabesang Tales.
Tinaasan ng tinaasan ng mga pari ang buwis at nang di na kinaya ng
Kabesa ay nakipag-asunto ito sa mga prayle. Dinala ni Kabesang Tales sa
korte upang maayos ang problema. Ngunit natalo ang Kabesa dahil nasa
ilalim ng impluwensya ng mga prayle ang gobyerno. Nang tuluyan nang
hindi makabayad ng buwis si Kabesang Tales ay ipinaglaban pa rin niya ang
lupa sa pamamagitan ng pagbabantay dito. Sa kanyang pagbabantay ay
nagdala siya ng baril na kinumpiska ng prayle. Sumunod ay itak naman ang
kanyang dinala ngunit ipinagbawal itong muli ng mga pari. Sa huli ay
palakol na lamang ang dinala ng Kabesa sa pagbabantay. Kalaunan ay
dinakip ng mga tulisan si Kabesang Tales dahil may perang nakita sa kanya
at nakakapagbayad ng abogado para sa kaso niya. Ipinatubos naman siya sa
halagang 500. Upang may maipantubos sa ama ay ibinenta ni Julia ang
kanyang mga alahas liban sa bigay ng kanyang nobyo na isang laket na
pagmamay-ari ni Maria Clara. Nang di sumapat ang perang pantubos ay
namasukan siyang katulong sa tahanan ni Hermana Penchang. Bisperas
noon ng Pasko kaya kinabukasan ay maninilbihan na siya bilang isang alila.
Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na nakapag-aral si Juli. Masalimuot
naman ang naging panaginip ng dalaga ng gabing iyon.

You might also like