You are on page 1of 4

Ang Paglilitis kay Mang Serapio

Ralph

Ralph

Follow

Nov 26, 2018 · 3 min read

Saksi lamang sa teatro ang manonood. Inihihiwalay ng entablado ang mga tauhan ng dula sa mga taong
nagmamasid sa kani-kanilang mga upuan. Nakatutok ang ilaw sa mga tagapagtanghal. Kubli tayo sa
dilim. At bagaman nakikita natin ang mga mukha, naririnig ang mga linya at salita, panatag tayo sa
hinagap na dula lamang ang lahat. Na hindi ito totoo. Na anumang tamis ng pagsintang iniaawit sa
entablado, hindi tayo ang sinusuyo. Na anumang lupit ng dahas na tampok sa dula, hindi tayo
titilamsikan ng dugo. Sapagkat hindi ba gawa-gawa lamang ang lahat? Pampalipas-oras sa mga gabing
naghahanap ng sining ang katawan? Kathang-isip. Laro. Samakatwid, dula.

Gayunman, damang-dama ko pa rin ang sakmal ng gimbal sa mga desperadong hiyaw ni Tituba nang
ipagkanulo siya ni Abigail Williams bilang mangkukulam sa Ang Pag-uusig ni Arthur Miller gayong alam
kong huwad ang paratang. Minumulto pa rin ako ng nakaririmarim na hilakbot sa titig kong nakatutok sa
panggagahasa, pagpipi, at paglumpo kay Lavinia nina Demetrius at Chiron sa Titus Andronicus ni William
Shakespeare. Ito ang biyaya’t sumpa ng teatro — ang igapos tayong nanonood sa kalagayan ng
pagtanaw. Hindi maaaring makialam. Hindi maaaring gumalaw. Hindi maaaring agawin ang punyal ni
Makbet, ni makidigma kasama ni Orosman. Tayo’y mga saksi’t hamak na saksi lamang.

Kagabi, nagbayad ako upang panoorin ang pagbulag sa isang pulubi. Serapio ang pangalan niya.
Pinarusahan sa sala ng pag-aaruga ng bata. Maaga kaming dumating sa nakatkdang pagdausan ng
paglilitis, isang paguho nang gusali sa Poblacion, sa Makati. Napaaga kami ng dating sapagkat nananabik
na kaming silayan ang paglilitis. At tamang-tama, nakaabang na rin ang mga pulubi sa labas ng litisan.
Hindi namin sila nilimusan. Naghuhuntahan sila. Nagtatawanan. Nasasabik din sa napipintong paglilitis
at pagbulag sa kapwa nila dukha.

Sa takdang panahon, binuksan ang pinto at pumasok kaming lahat na nagbayad sa litisan. May mga
magkakadikit na hanay ng mga bangko saan kami siksikang nagsipag-upo. Punong-puno ng tao ang
litisan kahit butas-butas ang kisame, at may mga bahaging tila nakalawit at tila mahuhulog na May
makitid na espasyo sa gitna na pinagtipunan ng mga pulubi. Maya-maya, tumindig dito ang isang lalaking
nakahubad at may hawak na martilyo — nagpakilala siya bilang hukom, ipinaalaala ang mga patakarang
dapat naming sundin, at pinayuhan kaming ipatong sa aming mga binti ang mga plastik na
nangakapatong sa mga bangko upang pananggalangan ang aming mga sarili.

Nangako siyang sisirit ang dugo.


Nagsimula ang paglilitis nang kaladkarin ng mga guardia si Mang Serapio sa gitna ng litisan.

Hindi ko malilimutan ang gabing iyon. Ang nanlilisik na mga mata ng mga guardia. Ang mapang-uyam na
sidhi ng galit sa mukha ng mga tagapagtanong. Ang pagkabagot sa mukha ng hukom. Si Serapio, na nasa
mata ng bagyo ng dahas, na lumulundag mulang lungkot, galit, at pag-ibig. At ang kapanatagan sa
kaalamang matutupad din sa huli ang ipinangakong pagdanak ng dugo. Nakasulat na naman sa mga
dingding: bawal dito ang pag-ibig.

Minsan ko na rin namang napanood ang kaniyang paglilitis. Ngunit ito ang unang pagkakataong nasalat
ko ang nanlilimahid na manikang tinatawag niyang anak, na tinatawag niyang Sol. Liwanag. Kagabi ang
unang pagkakataong iniuwi ko ang mga bahid ng dugo ng pagkabulag ni Serapio sa aking damit. Kagabi
ang unang pagkakataong tumiim sa mga buto ko ang gimbal ng dahas at humaplit sa balata ng malupit
na higpit ng gapos ng pagsaksi.

Sapagkat sa alinmang bahagi ng dula, maaari sanang tumindig ang sinuman sa aming nanganonood
upang itakbo papalayo sa litisan ang manikang si Sol, o agawin ang icepick na bubulag kay Serapio.
Lansagin ang pamilyar nang daloy ng kwento at bumuo ng bagong naratibo. Ngunit bagaman punong-
puno kami ng habag at gimbal, walang nangahas. Nanatili kaming lahat na nakaupo. At nakatitig.

Napakaangkop at napakasariwa, sa gayon, ng interpretasyon ni Juan Ekis sa klasikong dulang ito. Lalo sa
panahong ito ng pagkatay, ipinaalaala sa atin nina Paul Dumol at Juan Ekis na walang inosenteng
pagsaksi. Na ang bawat titig ay pagkakataong humadlang sa pang-aapi. Ngunit iginagapos tayong lahat
ng kathang-isip na hindi angkop ang kumilos, na pagsasadula lang ang dahas na umaagos, na may
mahiwagang dingding na naghihiwalay sa ating kinaluluklukang ginhawa at ang entabladong
pinangyayarihan ng mga balita ng pandurusta.

Paglabas ko sa litisan kagabi, napansin kong pawing may pulang mantsa ang damit naming mga
manonood. Kung sapat na nga sana ang tumitig lang at kilabutan, wala sana sa aming umuwing duguan.

You might also like