You are on page 1of 15

38 DALUMAT

Banal na Ahas, Ahas na Banal:


Ang Ahas o Nâga bilang motif sa mga piling panitikan ng
Pilipinas mula sa impluwensiya ng India

Vincent Louise Amante


Don Bosco College
Mandaluyong

Panimula

K inatatakutan ng tao ang ahas. Madalas na kapag nakakita ng ahas sa bahay


o sa daan, pinapatay na agad ito. May panimulang takot o primordial
fear ang ating mga ninunong unggoy kapag gumagapang ang mga ahas sa
lupa kaya nanatili sila sa itaas ng puno upang hindi matuklaw ng ahas at
mamatay dahil sa kamandag nito. Lalo pang umigting ang pagkamuhi ng
mga tao sa ahas nang maipalaganap ang paniniwalang Kristiyano na niloko
ng ahas si Eba kaya napalayas sa Paraiso ng Diyos ang tao. Subalit makikita
sa epikong Ibalon ng Bikol at iba pang kuwentong bayan ng Pilipinas na
iginagalang, at maaaring sinasamba, ang ahas.

Sa epikong Ibalon, tumulong si Oryol, isang malaking ahas o


serpyente, na mabuhay sa lupain ng Bikol ang mga kababayan ni Baltog.
Nakita ng mananaliksik na kung may ganitong pagpapahalaga sa ahas ang
epikong Ibalon, posibleng may mga katulad pa nito sa mga mito at alamat
ng Pilipinas. Kinikilala rin ang ahas bilang diyos ng pagbubuntis at imortalidad.
At dahil nagpapalit sila ng balat, itinuturing na mahaba ang kanilang buhay.

Nais ng mananaliksik na pag-aralan ang ahas o naga sa wikang


Sanskrit na isang mahalagang bahagi o motif ng panitikang Pilipino at
matukoy ang pagpapahalaga nito sa kulturang Pilipino. Partikular niyang
titingnan ang mga mito at alamat na may motif ng ahas at ang naging gamit
nito sa mga nasabing mito at alamat. Pipili ng mga mito’t alamat mula sa
mga naipon nina Damiana Eugenio at F. Landa Jocano. Pipili din ng ilang
mito at alamat ng India na may naga sa kanilang pagsasalaysay.
Pagkokomparahin ang mga ito at susuriin ang naging pagbabago o
pagpapanatili sa mga mito at kuwento ng Pilipinas at India.
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 39


Isang malayong nakaraan ang ipinakikita ng mga mito at alamat.


Bagaman iba’t-iba ang mga tauhan at pangalan, may pagkakatulad ang mga
ito sa tema, daloy, at mga pangyayari. Sa teoryang pampanitikan, maituturing
na arketipal ang mga mito at alamat sa buong bansa, at maging ang mga
mito at alamat sa labas ng bansa. Ayon kay Carl Jung, may collective
unconscious ang marami sa mga mito at alamat ng iba’t ibang bayan kaya’t
may pagkakahawig ang mga ito.

Sa mga panitikang ito ng Pilipinas, hindi matutukoy ang mga may-


akda sapagkat bahagi ito ng panitikang oral. Ito ang mga panitikang inuusal
upang pakinggan ng pamayanan. Mula sa bibig at tatanggapin ng mga tainga.
Kaya itinuturing itong pag-aari ng pamayanan, ng bayan. At naisasaulo nang
lahat ng mga kasapi ng pamayanang ang mga mito at alamat, lalo na ng mga
babaylan.

Sa pagtagal ng panahon, may mga grupo ng tao mula sa ibayong-


dagat na nakipag-ugnayan sa ating mga ninuno. Bago pa dumating ang mga
Español sa Pilipinas, mayroon na silang mga ugnayang panlabas. Gayundin
naman, lumalabas ang mga katutubo sa mga lupain ng Pilipinas upang
saliksikin ang ibayong dagat. Sinabi ni Solheim na hindi hadlang ang tubig sa
mga Nusantao (142). Naging tulay pa ito upang tuklasin ang nasa kabila ng
tubig, bukod pa sa paghahanap ng makakain at ikabubuhay, kaya nakagawa
sila ng malalaking bangkang gamit sa paglalayag. Sa kanilang pagbabalik,
lalo na at magiging regular na ang kanilang mga paglalayag, madadala nila
ang kultura, gawi, at kaugalian ng mga nakaugnayan nila sa ibang lupain
(Tanudirjo 93-4). Nakita nina Manuel (50-75) at Solheim (100-39) na ang
mga palayok, habi, at iba pang mga gamit ay may mga disenyong kahawig ng
sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Vietnam, at iba pang mga karatig-bansa.
Bukod pa rito, may mga salita sa wikang katutubo na katulad sa mga wika ng
nabanggit na lugar. At ang mga salitang ito ay pumasok sa mga panitikang
oral ng mga katutubo. Kaya naman malalaman sa mga panitikang ito kung
gaano na katanda ang mito at alamat at ang mga ugnayang-panlabas na
kumakatawan sa mga ito.

Sa papel na ito, tutukuyin ng mananaliksik ang ahas bilang motif sa


mga sinaunang panitikan ng Pilipinas. Kaugnay nito, titingnan din ang naga
(ahas sa salitang Sanskrit) bilang impluwensiya mula sa India. Ihahanay ang
mga mito at alamat ng Pilipinas at hahanapin ang mga tauhan at temang
ahas sa mga ito. Ihahanay rin ang naga sa mga mito at alamat ng India.
Matapos ito ay susuriin ang ugnayan ng India at Pilipinas sa panitikan, at
ang mga pangyayaring kaugnay nito.
40 DALUMAT

May mga pagkakataong lalampas sa panitikan ang talakay ng papel.


Matutukoy ang relihiyon at kultura sa Pilipinas na may kaugnayan sa Hindu.
Titingnan din ang mga lugar na Naga ang pangalan sa Pilipinas at kung may
kaugnayan ba ito sa naga ng India.

Ang Ahas at ang Pangunang Takot

Kinatatakutan ang ahas. Nasa isip ng kahit sino na iwasan, kung


hindi man, patayin ang ahas na makasasalubong sa daan o makita sa loob ng
bahay. Ikamamatay niya ang tuklaw ng ahas, lalo na ang may matapang na
kamandag. Kung hindi man, mag-iiwan ito ng malaki at pangit na peklat. Sa
Pilipinas, ulupong ang pinakamakamandag na ahas (naja philippinensis) na
makikita sa Luzon, Mindoro, Catanduanes, at Masbate (Philippine Cobra,
pars. 2-3). At sa panahon ng ating mga ninunong unggoy, nanatili sila sa mga
puno upang iwasan ang mga ahas na gumagapang sa lupa (Elridge at Wynne
84). Kapag natapakan ang ahas, mabilis ang pag-atake nitong kagatin ang
ating binti at makapag-iwan ng kamandag o ng pangit na peklat. Kaya umukit
sa isip natin ang ahas bilang isa sa kinatatakutang hayop sa kalikasan. Isa
itong halimbawa ng primordial fear o pangunang takot sa ahas.

Bukod pa rito, naisasaisip na ng tao ang koneksyon nito sa ahas.


Kapag pinaglaro ang isang bata ng clay, irorolyo niya ito sa kanyang mga
kamay upang bumuo ng isang mahabang hugis na tulad ng sa isang ahas.
Mangyayari ito kahit na hindi pa nakakakita ang bata ng isang tunay na ahas
(Fielding at Lewis 81). Mula sa mga ninuno nating unggoy hanggang ngayon,
malay at di malay na ang takot at imahe ng ahas sa atin.

Ang Ahas bilang Kaaway

Nang lumaganap ang relihiyong Katolisismo, lalong umigting ang


takot sa ahas na umabot sa pagkamuhi. Hindi nakaligtas ang Pilipinas sa
mga ekspedisyong may basbas ng Santo Papa noong Edad Medya. Ipinakilala
ng Katolisismo ang ahas bilang si Satanas, ang Diyablo, ang tumukso kay Eba
na kainin ang bunga ng Puno ng Karunungan ayon sa ng Biblia (Genesis 3: 1-
15). Kaya sinasabing napalayas ang tao sa Paraiso, ang lugar na magbibigay
diumano ng walang hanggangl na kaligayahan sa tao. Sa Biblia, nakatala rin
ang pagkatalo ni Satanas na ipinakikita bilang isang dragon – isang imaheng
nakakabit sa ahas (Apokalipsis 12: 3-18). Bukod pa rito, sa isa sa mga imahen
ni Birheng Maria, ang imahen ng Imaculada Concepcion, makikitang
tinatapakan niya ang ulo ng ahas na nakapulupot sa daigdig. Simbolo ito ng
pagkagapi ng kasamaan. Sa kontekstong ito, ang ahas bilang símbolo ng
kasamaan.

Kaya kapag sinabi sa isang tao ang “Ahas ka!” nagiging katumbas
ito ng panloloko o panlalansi ng ahas kay Eba. Sa iba pang salita, katulad ka,
kung hindi man kampon, ng kasamaan.
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 41
Ang Ahas bilang Iginagalang na Anito sa Piling mga Mito at Alamat ng
Pilipinas

Subalit, bago lumaganap ang Katolisismo sa buong mundo, kinikilala


na ang kapangyarihan ng ahas bilang isang anito. Gayundin, may angkin
siyang talino at kakayahan sa pag-aayos ng mundo bago pa magkaroon ng
mga tao.

Ayon kay Francisco Demetrio (Myths and Symbols 28), may mga
hayop na sa daigdig bago pa magkaroon ng lupa. Halimbawa nito ang isang
malaking ibon sa himpapawid at isang dragon o ahas sa dagat. Naniniwala
ang mga katutubo na nagkaroon ng lupa dahil sa dalawang ito. Nag-away
ang dalawang dambuhalang hayop na ito. At ang pagkakalikha sa mga lupain
ng mundo ay tila dulot lamang ng pag-aaway na iyon, wala sa hinagap nilang
lumikha ng daigdig. Sa siniping pagsusuri ni Demetrio, makikitang may
paggalang ang mga ninuno natin sa ahas bilang kalahok sa paglikha.

Ganito naman ang bersyon ni Padre Pavon ukol sa pag-aaway nina


Manaul (ahas-dagat) at Tubluck Laui (lawin) at kung paano nagkaroon ng
lupa ayon sa mga Bisaya (29):

Away back in the long ago, there was only a vast immense
sea formed by the ocean. It so happened that a bloody
struggle ensued between King Manaul and King Tubluck
Laui.

After the struggle, Manaul was imprisoned. But he broke


his chains and flew away seeking vengeance on Tubluck
Laui. […]

[…] The king of the air (Tubluck Laui), angered by Manaul’s


eating (some of) his bird counsellors… appealed to king
Captan… Captan sent huge rocks and stones from the sky
to crush Manaul. But he easily escaped unhurt. In this
manner, the earth had its beginning: for Manaul, finding a
support on these big stones, made them remain fixed
forever. They became his dwelling.

Sa bersyon naman ni Maximo Ramos mula sa Bisaya (27), matagal


nang panahon magkaibigan ang langit at dagat. Dumating naman si Manaul,
isang sea eagle sa sipi ni Ramos, na libong taon nang lumilipad dahil wala
siyang mapagpahingahan. Pinag-away niya ang magkaibigan. Ayon kay Ramos
(27-28):

One morning the ocean tossed salty waves at the face of


the sky. This made the sky angry, and it dropped heavy
42 DALUMAT

gray clouds on the face of the ocean. The sky and the ocean
fought in this way for many thousands of years.

Every time the ocean rose to hit the sky, the great Eagle
god Manaul swooped down to the shallower water and
picked up large rocks with his powerful talons. He dropped
the rocks in different parts of the ocean.

(When the sky and ocean ended their fighting), Manaul


could rest on the piles of rock he had made in the ocean.

Parehong mula sa Bisaya ang dalawang alamat na ito tungkol sa


pinagmulan ng lupa, at ang tinutukoy rito ay ang mga pulo ng Visayas na
kalat-kalat tulad ng mga bato na inihagis mula sa langit o kaya’y inayos ng
isang dambuhalang hayop. Sa alamat na ito, si Manaul na isang ahas.

Nang magkaroon na ng lupa ang daigdig, sumunod namang nilikha


ang mga tao. Kilala sa maraming mga lugar sa Pilipinas ang kuwento ng
nabiyak na kawayan bilang pinagmulan ng mga unang tao. Sa bersyon ni
Ramos (28-29), si Manaul ang bumiyak ng kawayan matapos niyang marinig
ang sunod-sunod na katok mula sa loob nito. Lumabas mula rito sina Malakas
at Maganda, ang unang lalaki at unang babae.

May bersyon din ang mga Tingguian (30-31) at Bisaya-Hiligaynon


(Jocano 14-16 at Eugenio 2:225-6) ukol sa kawayang pinagmulan ng mga
unang tao. Para sa kanila, Sikalak at Sikabay ang pangalan ng unang lalaki at
babae. Noong panahong iyon, dalawang bathala ang nasa langit, sina Kaptan
at Maguayan. Mag-asawa ang dalawang ito sa bersyon ni Jocano. Nagkaroon
ng hindi pagkakasundo sina Kaptan at Maguayan. Lumayas si Maguayan.
Hinanap siya ni Kaptan sa buong kalangitan ngunit hindi niya ito makita.
Dala ng kalungkutan, nagtanim siya ng kawayan at iba pang mga halaman sa
kanyang kabilyawan. Mas mabilis na lumaki ang kawayan kaysa sa iba pang
mga halaman. Naisip ni Kaptan na makikita ni Maguayan ang kabilyawan, at
nasambit niyang “Gagawa ako ng mga maaaring mag-alaga sa aking
kabilyawan.” Pagkasabi niya nito, nabiyak ang kawayan at lumabas ang isang
lalaki at isang babae. Pinangalanan niyang Sikalak ang lalaki at Sikabay naman
ang babae. Sila ang nag-alaga ng kabilyawan ni Kaptan. Muling umalis si
Kaptan upang hanapin si Maguayan at naiwan sina Sikalak at Sikabay. Hiniling
ni Sikalak na maging mag-asawa sila ni Sikabay. Tumanggi ang huli sapagkat
magkapatid sila at galing sa iisang kawayan. Pagkatapos ng mahabang alitan,
sumangguni sila sa mga isda ng dagat at ibon ng langit kung maaari ba silang
maging mag-asawa. Huli nilang sinangguni ang lindol:
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 43
“Yes, you can,” replied the earthquake. “It is necessary that
you marry so that the earth will be peopled,” the
earthquake added. (Jocano 16)

Lindol din ang nakasaad sa bersyon ni Eugenio. Subalit sa bersyon


ni Ramos (31) mula sa mga Tingguian, isang sawa ang kanilang tinanong :

They saw a god in the shape of a huge python coiled around


an enormous post. This post held up the whole world so
that it would not sink to the bottom of the ocean. When
the people of the world did something wrong, the python
god grew angry and shook the post, causing an earthquake
above.

Babayi was afraid of the snake god, but Lalaki told her it
would do her no harm. “Look at its handsome coat,” he
said. “It looks like a beautiful sleeping mat.”

The python saw them and asked, “What brings you two
here?”

“Can she and I marry?” asked Lalaki.

“Yes, you can,” replied the snake god.

Sa tatlong bersyong ito ng kawayan na pinagmulan ng mga unang


tao sa daigdig, ang lumilikha ng lindol, ang ahas, ang kanilang tinanong kung
maaari silanng magpakasal. Ipinakikita ng mga alamat na ito ang mataas na
pagkilala at paggalang sa ahas. Sa siniping bersyon ni Demetrio (Myths and
Symbols 42) mula kay Povedano, si Macalinog ang ahas na ito. Sa mga taga-
Bohol, nakasakay ang ahas sa isang malaking pagong.

May alamat din ang mga Manuvu at Bagobo tungkol sa mga lindol.
Sa mga nasa Talakogon, gumawa si Makalindung ng mga poste sa ilalim ng
lupa. At may posteng nasa gitna ng ilalim ng lupa. Kasama niya rito ang isang
sawa. Sa mga Manuvu ng Ilog Argauan at Ilog Hibung, si Dagau naman ang
nakatira rito kasama rin ang isang sawa. Sa mga Bagobo naman,
pinababantayan ni Eugpamulak Manobo ang poste sa isang igat na si Kulasi
na may malaahas na hugis. Kasama niya ang isang alimangong si Kuyamang.
Nagkakalindol kapag iniipit ni Kuyamang si Kulasi, masasaktan ito at kakawala
sa sipit ni Kuyamang (Demetrio, Myths and Symbols 39, 52). Ganito rin ang
alamat ng lindol ng mga Itneg sa bersyon ni Eugenio (Myths 261-2).
44 DALUMAT

May isa pang alamat tungkol sa ahas na may kaugnayan sa mga


eklipse. Bakunawa ang tawag dito ng mga Bisaya. Ang bakunawa ay isang
dambuhalang ahas na nakatira sa kuweba. Pinangingilagan ng mga tao ang
kuwebang iyon upang huwag silang kainin ng bakunawa. Sa bersyon ni Ramos
(24-26), kumakain ito ng tao na maliligaw sa kanyang lugar. Minsan,
sumalakay ang ilang kalalakihan upang patayin ang bakunawa subalit nabulag
lamang nila ang isang mata nito. Bilang ganti sa pagbulag sa kanya, isang
gabi ay bumaba sa barangay ang bakunawa. Narinig ng mga tao ang kanyang
kaluskos kaya’t nagtakbuhan sila. Sa sandali ring iyon, lumitaw ang bilog at
maliwanag na buwan. Nakita iyon ng bakunawa, inakyat niya ang buwan at
kinagat. Naging pulang tulad ng dugo ang buong buwan. Subalit hindi
malunok ng bakunawa ang buwan kaya iniluwa rin niya ito. Nagdiwang at
nagsayawan ang mga tao dahil hindi nakain ng bakunawa ang buwan. Nauulit
ang ganitong pangyayari kaya nagtatago ang mga tao kapag may eklipse dahil
paparating na ang bakunawa.

Para sa mga Bagobo, minokawa naman ang tawag nila sa kumakain


ng buwan na nagiging sanhi ng eklipse. Nag-iingay sila sa pamamagitan ng
pagtugtog ng mga agong upang iluwa ng minokawa ang buwan. Ganito rin
ang ginagawa ng mga Maranao para iluwa ni Arimaonga ang buwan (Eugenio
2:266-268).

Ayon kay Demetrio (Survey 31-2), may taglay na carhungco ang mga
ahas, lalo na iyong mga makamandag. Isa itong anting-anting na binabantayan
nila at sinumang makakuha nito ay pinagpapala. May ganitong alamat sa
mga naipon ni Dean S. Fansler sa kanyang aklat na Filipino Popular Tales na
ilathala noong 1921. Mula sa mga Tagalog ang kuwentong “Edmundo” (87).
Bagaman may bahid ng pagka-Español ang mga pangalan ng tauhan at
tagpuan, naririto ang ahas bilang mapagpalang anito. Si Edmundo ay anak
ng balong si Merced. Matalino si Edmundo sa paaralang pinapasukan niya
subalit kinailangan niyang tumigil upang alagaan ang nanay niyang maysakit.
Naging magtotroso siya para makadagdag sa kita ng kanyang nanay. Minsan,
habang nagtotroso, nakasalubong niya sa daan ang isang ahas. Tatakbo sana
siya palayo kung hindi ito nagsalita. Nabubulunan ito dahil hindi malunok
ang isang usa. Ipinabunot niya ito kay Edmundo. Natulungan niya ang ahas
kaya inimbitahan siya sa yungib nito at ibinigay sa kanya ang isang
mahiwagang salamin. Sinabi ng ahas kay Edmundo na makatutulong ito sa
kanya, anuman ang hilingan niya ay ibibigay sa kanya ng salamin.

Ganito rin ang gantimpala sa nakuhang kuwento ni Fansler (223-4)


na pinamagatang “Juan Sadut” mula sa La Union. Tinawag na sadut si Juan
dahil siya ay tamad. Minsan, inutusan siya ng kanyang ama na tumulong sa
kanilang bukid, ngunit natulog lang si Juan. Bilang parusa, inihulog ng kanyang
ama si Juan sa yungib ng mga ahas. Nang magising si Juan, nakapulupot
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 45
malapit sa kanya ang isang ahas. Natakot siya at tatakbo na sana kung hindi
pa nagsalita ang ahas:

“Why do you fear me? Don’t you know that I am the king
of the snakes? I am going to give you a wonderful gift that
will make you happy forever;” And having said this, it
dropped a gold ring on the ground, and bade Juan pick it
up and wear it on his finger. The ring was of pure gold, and
it had on it initials that Juan could not understand. “Keep
that ring carefully, for it will be of great use to you,” said
the snake.

Hindi man makikita sa mga akdang ito ang carhungco, naririto ang
mga katangian niyon, sa salamin at singsing na nagbibigay ng anumang
hilingin ng sinumang may hawak ng mga iyon.

Sa isa namang epiko, makikita ang ahas bilang tagapangalaga ng


kalikasan at tagapagpanatili ng balanse nito. Isinasalaysay ng Ibalon (Eugenio
8:95-103) ang pakikipagsapalaran nina Baltog, Handiong, at Bantong sa lupain
ng Ibalon o lupain ng Bicol ngayon. Sa bahaging si Handiong na ang
kinikilalang pinuno ng mga taga-Bicol, natalo niya at ng kanyang mga
mandirigma ang kinatatakutang mga buwaya at sarimaw. Subalit hindi nila
matalo-talo si Oriol. Si Oriol ay isang ahas na mabilis nakakawala sa libong
ulit na pagkakagapos niya na gawa ni Handiong. Bukod pa rito, madali niyang
nalalansi at naloloko sina Handiong. Kung minsan ay nagiging mapang-akit
na babae si Oriol. Subalit dahil paiba-iba siya ng ugali, kung minsan ay
tumutulong si Oriol kay Handiong sa mga pakikipagsapalaran nito. Sa unang
bahagi ng epiko, nagkaroon ng digmaan na siyang ikinagapi ni Oriol. Sa buong
salaysay, hindi matutunghayan kung namatay nga ba o nasugatan man lang
si Oriol, lalo na at hindi buo ang epikong Ibalon batay sa tekstong Español ni
P. Jose Castaño. Sa madaling salita, hindi natalo si Oriol sa pakikipagbuno
nito kay Handiong.

Sa mga piniling mito at alamat at isang epiko ng Pilipinas, natatangi


ang pagkilala at paggalang ng mga katutubo sa ahas bilang anito ng kalikasan.
Isang ahas ang dahilan upang magkaroon ng lupa ang daigdig. Ito rin ang
nagbabantay sa gitnang poste sa ilalim ng lupa at lumilikha ng lindol kung
may pagkakamali ang mga tao. Ito rin ang kumakain ng buwan kaya
nagkakaroon ng eklipse. At ang may hawak ng carhungco na nagbibigay ng
kapangyarihan sa mayhawak nito. At ito rin ang nagpapanatili ng katiwasayan
sa mga tao at iba pang hayop.
46 DALUMAT

Ang Ahas at ang Nâga

Sa pag-aaral ni Juan Francisco na inilathala noong 1964 tungkol sa


impluwensiya ng India sa Pilipinas, sinasabi niyang maaaring nakarating ang
mga Hindu sa bansa sa pamamagitan ng mga imperyong Sri Vijaya (circa 700
hanggang 1300 PK) at Majapahit (circa 1300 hanggang 1600 PK). Kabilang sa
mga imperyong ito ang Thailand, Malaysia, Brunei, at Indonesia. Makikita sa
mga bansang ito ang dominanteng impluwensiya ng kulturang Hindu, mula
sa pananamit, palasyo, at relihiyon. Kasama rin dito ang panitikan at mga
salitang Hindu (Francisco xiii).

May mga salita ring nakapasok sa Pilipinas dahil malapit ito sa mga
nabanggit na bansa. Para sa salitang ahas ng Tagalog at haas ng Tausug,
sinasabi ni Pardo de Tavera na mula ito sa Sanskrit na ahí (12). Ngunit, kung
galing nga ito sa Sanskrit, wala itong kahawig sa wikang Java at Malayo, kaya
kaduda-duda ang ganitong sapantaha ni Pardo de Tavera ayon kay Francisco
(12). May salita namang nâga sa Sanskrit na kasingkahulugan ng ahas. Ito rin
ang ginagamit ng Bisaya para sa ahas. Sa wikang Java, dragon ang ibig sabihin
ng nâga. Ganito rin ang pakahulugan ng mga Maranao sa salitang iyon.

May mga lugar sa Pilipinas na nagngangalang Naga. Ito ang mga


bayan ng Naga, Zamboanga Sibugay; Dakbayan sa Naga (Lungsod ng Naga),
Cebu; at Ciudad nin Naga (Lungsod ng Naga) sa Camarines Sur. Sinasabing
ang salitang naga ay Sanskrit din para sa puno ng narra (8). Marami nito sa
Ilog ng Naga sa Bicol kaya Naga ang naging pangalan ng nasabing lungsod.

Kung pagbabatayan ang mungkahi ni Francisco na daan ng


impluwensyang Hindu sa Pilipinas, nagmula sila sa Indonesia o Malaysia at
una silang nakarating sa Mindanao bago makarating sa Bicol. Laganap ang
salitang naga ng Bisaya para sa ahas.

Gayundin naman, may grupo ng mga tao sa India na Naga ang


pangalan. Sinasabing sila ay nanirahan sa Kashmir, sa kanlurang bahagi ng
India. Lumaganap sila sa buong India sa panahon ng epikong Mahabharata
(circa 300BK hanggang 520PK). May mga grupo rin ng Naga sa Burma at
Indonesia. Posibleng sila man ay nakarating sa Pilipinas kaya nagkaroon ng
mga lugar na Naga sa bansa. At dala rin nila ang paniniwala tungkol sa mga
nâga o ahas.

Ang Nâga bilang Deva at Asura sa piling mga Mito at Alamat ng India

Mataas ang paggalang ng mga Hindu sa mga nâga, bukod pa sa


pagdami at pagbabagong-anyo at pangalan ng kanilang mga batara sa pag-
usad ng kanilang kasaysayan at paniniwala. Hindi mabubuo ang mundo kung
hindi kalahok ang mga nâga sa paglikha nito. At nang maging laganap ang
pagsamba sa mga nâga, kinilala sila bilang mga demigod (Mackenzie 66).
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 47
Sa mito ng mga Hindu tungkol sa paglikha mula sa Vedas, kinalaban
ni Indra, ang kanilang dakilang batara, si Vritra, upang mapakawalan ang
mga ulap na may dalang ulan sapagkat matindi ang tagtuyot noon. Si Vritra
ay isang dambuhalang ahas. Ikinulong niya sa kanyang mga moog ang mga
ulap. Nang mawasak ni Indra ang mga moog ni Vritra, nagsimula ang unang
ulan sa mundo (4-5).

Sa paghahambing sa kuwentong ito sa kuwento nina Tubluck Laui


at Manaul, may nangyari munang mga labanan bago nagkaroon ng resultang
pabor sa mga tao. Lupa para sa mga nasa Pilipinas at ulan para sa mga nasa
India. Dahil sa heograpikal na anyo ng India, ulan ang kailangan nila nang
maglaban sina Indra at Vritra. Tubig naman ang lumiligid sa Pilipinas kaya
lupa ang nabuo sa away ng dalawang anito. Tulad ni Tubluck Laui, mga kidlat
at kulog ang ginamit ni Indra kay Vritra.

Kung sumangguni sina Sikalak at Sikabay sa isang ahas sa ilalim ng


lupa, pinatutunayan nito ang impluwensiyang Hindu tungkol sa tirahan ng
mga nâga. Dito, sila ang nakapangyayari. Si Shesha ang kanilang pinuno na
tinatawag ding Vasuki o Karkotaka. Minsan, ipinakikilala si Shesha bilang
nâga na may libong ulo. Sa Ramayana, siya si Ravana, ang Asura ng Ceylon.

Nang magsimula na ang panahon ng mga Brahman sa India,


nagkaroon ng tatlong dakilang batara ang mga Hindu: sina Vishnu, Brahma,
at Shiva. Silang tatlo ang nagpapanatili sa kaayusan ng mundo. Si Vishnu ay
sinasabing namamahinga sa ibabaw ni Shesha. At si Shesha naman ay nasa
ibabaw ng pagong na si Kurma. At kapag gumalaw si Kurma, gagalaw din si
Shesha, kaya nagkakaroon ng lindol (124). Si Shiva naman ay kakikitaan ng
mga nakapulupot na cobra sa kanyang pagsasayaw na binanggit sa
Mahabharata. Sa epikong ito, inangat ang kanyang katayuan kay Vishnu.
Kinikilala si Shiva bilang tagapagwasak ng kasamaan at mga sakit, ang
tagapagbigay ng mahabang buhay at lunas sa mga sakit (147). Sa panahon
naman ng Budismo, isang kobra ang nagprotekta kay Gautama sa ulan at
mababangis na hayop habang nasa meditasyon siya. Ipinakikita ng mga
pagkilalang ito ng Hindu sa mga nâga na katulong ang mga ito, kung hindi
man kapantay ng mga batara, sa pagpapanatili ng kaayusan sa daigdig.

Kapag nagkakaroon ng eklipse, sinasabing isang ahas ang kumakain


sa araw at buwan. Ganito rin ang paniniwala ng mga Hindu. Si Rahu, isang
asura, ang kumakain sa araw at buwan bilang paghihiganti. Nang makuha ni
Vishnu ang amrita upang maging imortal ang mga batarang tulad nila,
nagpanggap si Rahu upang makainom din nito. Hindi pa niya ito nalulunok
nang isumbong siya ng araw at buwan kay Vishnu. Inihagis ni Vishnu ang
kanyang discus at napugutan si Rahu. Ngunit dahil nakainom na siya ng
amrita, naging imortal ang kanyang ulo kaya sinusundan niya ang buwan at
araw (144). Sa pag-aaral ni Francisco (39-40), ang salitang laho ng mga Tagalog
48 DALUMAT

at ng Kapampangan na lawo ay mula sa Sanskrit na râhu. Ganito rin ang


gamit ng mga Malay upang tukuyin ang eklipse.

Kinikilala rin ng mga Hindu ang mga nâga na matulungin sa mga


taong nangangailangan. Nang mapunta si Bhima sa kailaliman, sinalubong
at tinanggap siya ni Vasuki. Sinabi ni Vasuki na ibibigay niya kay Bhima ang
lahat ng hilingin nito dahil kilala ang kanyang pangalan bilang isang dakilang
mandirigma. Hiniling lamang niya na ipainom sa kanya ang nasa mangkok
na magbibigay sa kanya ng lakas ng libong nâga. Ibinigay ni Vasuki ang hiling
ni Bhima (Mackenzie 179).

Subalit hindi lang basta ahas ang mga nâga. Sinasabing sila ay anyong
tao mula ulo hanggang baywang at anyong ahas mula baywang pababa.
Kadalasan ay babae ang mga nâga na nakikita ng mga tao. Makikita rito ang
pagkakahawig nila kay Oriol na isang babaeng ahas sa epikong Ibalon.

Mula sa mga mito at alamat na ito ng India, matutunghayan natin


ang pagkakahawig ng mga tema at pangyayari sa mga mito at alamat ng
Pilipinas tungkol sa ahas o nâga. Parehong may mataas na paggalang at
pagpapahalaga ang dalawang lahing ito sa mga ahas, pagpapahalagang
nabura – subalit hindi tuluyan –pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas.

Ang Ahas bilang Simbolo sa mga Artifact o Liktao

Hindi lamang sa panitikan makikita ang ahas bilang iginagalang na


nilalang. Maging sa mga banga, palayok, tela, tabak, kalasag, at mga bahay
ay makikita ang mga disenyong ahas. Sa aklat na Liktao at Epiko ni Zeus
Salazar, pinag-aralan niya ang mga pigura sa takip ng Tapayang Libmanan.
Nakita niya ang isang “bibig” na sa unang malas ay isa palang ahas na kausap
ang isang tao. Dahil isa nang artifact o bagay na nawalan na ng gamit ngayong
panahon, tinukoy ni Salazar ang takip bilang kaugnay ng epikong Ibalon. At
upang patunayan pa ang kanyang pagsusuri, nasa aklat din ang mga
disenyong ahas sa mga gamit na nakuha sa Tingguian, Maranao, at Cordillera.
At maging sa Borneo, Indonesia, at Taiwan, makikita rin ang ahas sa kanilang
mga disenyo. Binanggit ni Scott (66) ang isang banga na kung tawagin ng
mga Bisaya ay hinalasan dahil sa disenyo nitong dragon. Ang halas ay malapit
sa salitang ahas.

Sa larawan ng isang karakoa na makikita sa Barangay (65-6),


mapapansin sa unahang bahagi nito ang tila hugis-ulo ng dragon. Ganito rin
ang makikitang disenyo sa mga bangka ng Maranao. Sa ganang ito, mailalapat
ang hulagway ng naga bilang isang ahas-dagat.

Bagaman disenyong pagong ang pokus ng pag-aaral ni Cayron sa


mga artifact noong 2004, isang ahas ang nasa likod ng pagong na makikita
sa isang templo sa Foshan, malapit sa Canton, China (279). Makikita na ang
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 49
India, China, at Pilipinas ay may paniniwala na pinapasan ng ahas at pagong
ang mundo.

Sa isang saliksik ni Francisco, na sinipi ni Gerona (20), sumasamba


ang mga sinaunang Bicolnon sa maliliit na batong hugis silindro at pabilog
ang ibabaw. Maitutulad ito sa hugis ng phallus o ari ng lalaki. Tinatawag
itong linggam at gayundin ang tawag ng mga Tagalog sa mga ito. Mula ito sa
Sanskrit na linga na gayundin ang hitsura. Ang linga ay isang imahe ni Shiva
bilang batara ng pagbubuntis. At si Shiva ay may kasamang mga nâga. Kaya,
maituturing na ahas ang sinasamba noon kapag linggam ang nasa harap ng
mga tao.

Isang epikong nobela ang naglalaman din ng mga motif na ahas.


Isang adbentura ng pagbibinata at labanan ang Batbat hi Udan ni Telesforo
S. Sungkit, Jr. Mababasa sa nobelang ito ang tungkol sa mga gamit na may
ahas tulad ng tapayan na may ginintuang dragon (7), baluting may balat ng
buwaya (10), datu ng mga ahas na si Magahiyup (80, 107), ginuntuang sisidlan
ng nganga (176), at tapayang may disenyong dragon mula sa Butuan (199).
Bagaman isang epikong nobela, makikitang humalaw ito ng impluwensiya
sa mga épiko at alamat ng Pilipinas kaugnay ng motif na ahas.

Kongklusyon

Sa maikling pag-aaral na ito, inilatag ng mananaliksik ang ahas bilang


iginagalang na nilalang sa pamamagitan ng mga mito at alamat ng Pilipinas.
Itinuturing sa mga panahong iyon na ang ahas ay kaibigan at kaagapay ng
tao sa kanilang araw-araw na gawain. Ipinaaalala rin ng mga mito at alamat
na ito na may yugtong nalampasan na ng tao ang takot sa ahas kaya narating
nito ang paggalang sa ahas. At masasabing ang ganitong pagpapahalaga ay
impluwensiya ng India sa Pilipinas.

Itinuturing din ang ahas bilang bukal ng karunungan. Tumulong si


Oriol kay Handiong sa paglilinis ng Ibalon upang panahanan ng mga
kasamahan ng huli. Sinabi sa epiko na marami sa mga tagumpay ni Handiong
ay dahil sa tulong ni Oriol. Sumangguni sa ahas sina Sikalak at Sikabay upang
malaman kung maaari silang maging mag-asawa. Mula rito ay maituturing
din ang ahas bilang anito ng pagbubuntis.

Ahas din ang isa sa tagapagpanatili ng kaayusan sa mundo kaya ito


nasa ilalim ng lupa at nananahan sa gitna ng mundo. Dahil nasa sentro siya,
may kapangyarihang angkin ang ahas. Kasama niya rito ang dakilang bathala
ng mga partikular na grupo sa Pilipinas. Sa India, kasama ng dakilang si Vishnu
si Shesha, ang hari ng mga nâga, sa ilalim ng lupa. Sila ang nasa sentro, sila
ang may kapangyarihan.
50 DALUMAT

Kung bakit may pagkakahawig ang mga panitikan ng India at


Pilipinas, mailalapat dito ang konsepto ni Solheim ng Nusantao Maritime
Trade and Communication Network (57-139). Dito, nakikipag-ugnayan ang
mga tao para sa kalakal ng mga bagay na kailangan ng isa’t isa. At dahil
nagiging bukas sila sa kalakalan, nagiging bukas din sila sa impluwensiya ng
ibang tao. Susundan ito ng palitan ng mga ideya, gawi, kaugalian, paniniwala,
at maging tao. At aariin nito ang mga hiniram na ideya, gawi, kaugalian,
paniniwala, at tao bilang bahagi na ng kanilang kultura. Tinawag ng mga
iskolar na glocalization ang yugtong ito (Tanudirjo 93-4).

Kung bakit iba man ang pangalan ng mga anito sa Pilipinas, makikita
sa papel na ito na may malaking pagkakahawig sa mga ideya at pangyayari
ang mga mito at alamat ng ibang bansa sa mga mito at alamat ng Pilipinas.
Sa kaso ng nâga, makikitang iginagalang at sinasamba ng mga sinaunang
Pilipino ang mga ahas tulad ng sa India. Maging ang mga lugar na Naga ang
pangalan sa Pilipinas ay impluwensiyado ng nâga o ahas ng India. Ngunit
ang prosesong ito ay hindi nangyayari sa isang iglap. Matagal at yugto-yugto
ang pagpasok ng mga impluwensiya mula sa labas ng Pilipinas.
Vincent Louise Amante: Banal na Ahas, Ahas na Banal 51

SANGGUNIAN

Cayron, Jun G. “The Sinalakan Turtle-Shaped Artifact.” Southeast Asian


Archaeology: Wilhelm G. Solheim II Festschrift. Ed. Victor Paz. QC:
UP Press. 2004. 276-91

Demetrio, Francisco, SJ. Towards A Survey of Philippine Folklore and


Mythology. QC: ADMU Press. 1968.

___________________. Myths and Symbols Philippines. Manila: NBS-


Xavier University. 1978.

Eldredge, Niles and Patricia Wynne. Life in the Balance: Humanity and the
Biodiversity Crisis. New Jersey: Princeton University Press. 2000.
<http://books.google.com.ph/books?id=kLO4rrcmTScC&dq
=LIFE+IN+THE+BALANCE&printsec=frontcover&source=
bl&ots=UIDWB6cS2X&sig=VkbYROeIKUczMi_
wtisuUhd5nzA&hl=tl&ei=yP8fSvypN8SHkQXXlNH0
BA&sa=X&oi=book_result&ct=result&resnum=2#PPA85,M1 >

Eugenio, Damiana L. The Myths: Philippine Folk Literature Series:


Vol 2. QC: UP Press. 2001.

________________. The Epics: Philippine Folk Literature Series: Vol 8. QC:


UP Press. 2001.

Fielding, William J. and Joseph Lewis. Shackles of the Supernatural.


Montana: Kessinger Publishing. 2003. <http://
books.google.com.ph/books?id=BVW_SI0Psr8C&dq=shackles+of
+the+supernatural&printsec=frontcover&source
=bl&ots=9CWCIiuQn_&sig=JAb-
tvu2lcz5ezair2LOUvryJg&hl=tl&ei=2f4fStmrOZSIkQXgy9CiBQ&sa=
X&oi=book_result&ct=result&resnum=1#PPA82,M1>

Fansler, Dean S. Filipino Popular Tales. Pennsylvania: Folklore Associates, Inc.


1921.
Francisco, Juan R. Indian Influences in the Philippines. QC: UP Press. 1964.

Gerona, Danilo M. From Epic to History: A Brief Introduction to Bicol History.


Naga City: Ateneo de Naga. 1988.
52 DALUMAT

Jocano, F. Landa. Myths and Legends of the Early Filipinos. QC: Alemar
Phoenix Publishers. 1971.

Mackenzie, Donald A. Myths and Legends of India. Singapore, Graham Brash.


1989.

Manuel, E. Arsenio. Documenting Philippineasian. QC: The Philippineasian


Society. 1994.

“Naga.” Wikipedia.org. 2008. September 14, 2008. <http://en.wikipedia.org/


wiki/N%C4%81ga>.

“Philippine Cobra.” Wikipedia.org. 2008. September 14, 2008. <http://


en.wikipedia.org/wiki/Philippine_C%E5b%74ra>.

Ramos, Maximo, ed. Legend of Lower Gods. QC: Phoenix Publishing House.
1990.

Salazar, Zeus A. Liktao at Epiko: Ang Takip ng Tapayang Libmanan ng


Libmanan, Camarines Sur. QC: Bagong Kasaysayan. 2004.

Scott, William Henry G. Great Scott! The New Day William Henry Scott Reader.
Ed. Bezalie Bautista Uc-Kung. QC: New Day Publishers. 2006.

__________________. Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and


Society. QC: ADMU Press. 1994.

Solheim, Wilhelm G. II. Archaeology and Culture in Southeast Asia: Unraveling


the Nusantao. QC: UP Press. 2006.

Sungkit, Telesforo Jr. Batbat hi Udan. QC: w.p. 2009.

Tanudirjo, Daud Aris. “The Structure of Austronesian Migration into Island


Southeast Asia and Oceania.” Southeast Asian Archaeology: Wilhelm
G. Solheim II Festschrift. Ed. Victor Paz. QC: UP Press. 2004. 83-103.

Tesoro, Grace Barreto. “A Partial View of Pas Mental Templates: Utilizing Folk
Literature.” Southeast Asian Archaeology: Wilhelm G. Solheim II
Festschrift. Ed. Victor Paz. QC: UP Press. 2004. 315-24.

You might also like