You are on page 1of 7

The Bedan Journal of Psychology 2017

Mga Karanasan ng mga Kababaihang Umiinom

Abano, Princess Sarah G.


Castronuevo, Eva A.

Layunin ng pananaliksik na ito na pag-aralan ang pag-inom ng mga kababaihan, partikular sa bayan ng Tiaong,
Quezon, kung saan karaniwan nang maituturing ang malakas na pagkunsumo ng mga kababaihan ng mga
inuming nakakalasing. Sa pag pamamagitan ng katutubong metodo ng Sikolohiyang Pilipino na pagtatanong-
tanong nagkalap ang mananaliksik ng datos galing sa labindalawa kababaihan na nakatanggap ng walo o mas
mataas pang-iskor sa AUDIT, at sumang-ayon na makapanayam. Ang mga kababaihan ay nagsimulang uminom
sa murang edad dahil sa mga impluwensya sa kanilang mga malapit na kakilala tulad ng kanilang mga kaibigan
at kamag-anak. Iba-iba ang dahilan nang bawat isa sa pagsimula at motibo sa pagpapatuloy, ayon sa ilan ito
ay nakakapagtibay ng kanilang relasyon sa kanilang mga nakakasama sa pag-inom habang ang ilan ay
ginagamit itong paraan upang mabawasan umano ang kanilang stress. Ang lubusang pag-inom ay may naidulot
na negatibong epekto sa karamihan ng mga kalahok dahilan kung bakit ilan sa kanila ay sinubukang tumigil sa
gawain na ito, ngunit wala pang nagtatagumpay na itigil ito ng tuluyan, habang tatlo lamang ang nagsabing
binabalak na nilang tigilan ito sa hinaharap.

Mga Susing Salita: Kababaihan, Pag-iinom, Positibong karanasan, Negatibong karanasan, AUDIT

Ang pag-inom ng mga inumin na nakakalasing, lalo na tuwing may mga pagdiriwang ay maituturing
nang gawain saan mang dako ng mundo. Ang ilang tao ay maituturing ang pag-inom ng nakakalasing na inumin
na bahagi ng kanilang pang-araw-araw o lingguhang gawain, ang ilan naman ay umiinom upang pakipaglibangan
sa kanilang mga kaibigan at makipag-halubilo lamang. Subalit, ayon sa pagaaral ni Carguilo (2007), ang pag-
inom ay maaaring maging dahilan ng pagkasira ng utak, puso, atay, pancreas, at sa ilang kaso naman ay nagiging
dahilan ng sakit sa ovaries at kanser. Ayon sa National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism (NIAAA,
2005), umaabot sa 88,000 na pagkamatay sa Estados Unidos ay dulot ng alkohol. Habang napagalaman naman
nina Swahn, Palmier, Segarra, at Sinson (2013) na 9% ng mga kabataan edad 15 pataas ay may alcohol use
disorder, 25% ng mga kalalakihan at 8.3% ng mga kababaihan ay itinuturing na heavy episodic drinkers. Sa
datos na nakalap ng NIAAA noong 2013, 86.6% ng mga Amerikanong edad 18 pataas ay sinabing nakakunsumo
na sila ng alkohol minsan sa kanilang buhay, at 16.6 million ng mga may sapat na gulang at 697,000 na
adolescents edad 12-17 ay mayroong alcohol use disorder. Isiniwalat naman ng WHO o World Health
Organization na ang nakakasama na pag-gamit ng alkohol ay responsable sa 3.3 million na pagkamatay bawat
taon (WHO, 2015).

Pag-inom ng mga Kabataan


Ang simula ng pag-inom sa mga kabataan na ipinanganak noong 1956 hanggang 1960 ay tumaas ng
19.5% habang 74.3% naman sa mga ipinanganak ng 1981 hanggang 1985. Dahil dito, ang probabilidad ng pag-
inom ng alak, paggamit ng mapanirang inumin o alcohol, at iba pang uri ng pagkasira ng katawan dahil sa alak
ay tumaas (Pillai, Nayak, Greenfield, Bond, Hasin, at Patel, 2014). Sa Pilipinas, natuklasan ni Florendo at De
Guzman (2014) na ang mga kalalakihang nasa kolehiyo ay mas malakas uminom kumpara sa mga babae. Ang
karamihan sa mga umiinom ay kabilang sa kumpletong pamilya. Sina Furiscal, Pancharuniti, at Keiwkarna
(2008) ay natuklasan sa mga mag-aaral na kabilang sa mataas na paaralan, ang mga kalalakihan ay mas malakas
uminom kumpara sa mga babae. Ang kakayahan nilang bumili ng alak at maging impluwensya na rin ng mga
magulang ay kabilang sa mga dahilan ng kanilang pag-inom ng alak. Ayon sa mga mag-aaral, sila ay umiinom
ng alak ay dahil sa pagod o stress sa tahanan at paaralan, panghihikayat ng mga barkada at upang maramdaman
nilang sila ay mature habang ang ilan ay isiniwalat na ito raw ay kanila nang bisyo.

Pag-inom at Pagkakaiba ng Kasarian


Ayon kay Bobrova, West, Malyutina, Malyutina, at Bobak (2010), mayroong malaking patlang sa
pamamaraan ng pag-inom ng mga kalalakihan at kababaihan. Iginiit nina Holmila at Raitasalo (2005) na ang
mga kababaihan ay mas mahina pagdating sa alak dahil sa biological na pagkakaiba ng mga kababaihan at
kalalakihan. Tinalakay nina Holmila at Raitasalo (2005), Dumbili (2015), Visser at McDonnell (2011), and
8
The Bedan Journal of Psychology 2017

Bobrova, et al., (2010) na ang mga kababaihan ay hindi masyadong umiinom kumpara sa mga kalalakihan dahil
sa gender roles at double standards, ang mga kababaihan ay inaasahang hindi masyado uminom at hinuhusgahan
dahil dito. Subalit natuklasan nila, Visser and McDonnell (2011) and White, Castle, Chen, Shirley, Roach &
Hingson (2015) ang pagkakaiba sa pamamaraan ng pag-inom ng mga kalalakihan at kababaihan ay lumiliit, ibig
sabihin nito ay ang mga kababaihan ay kumukonsumo ng mas maraming alcohol ngayon kumpara sa mga
nagdaang taon.

Sintesis
Ang lubos na pag-konsumo ng alkohol ay hindi lamang nadagdagan ang posibilidad ng kanser, sakit sa
puso, komplikasyon sa atay at iba pang sakit kung hindi, ito ay maaaring maglagay sa buhay ng tao sa alanganin
o pisikal na kapahamakan pati na rin ang taong nakapalibot sa kanya. Sa loob lamang ng sampung taon, iba’t
ibang pag-aaral ang isinagawa hinggil sa pag-inom ng alak, isiniwalat nito ang pag-inom ng alak ng mga
kabataan ay tumataas sa paglipas ng panahon. Mayroon din itong mahalagang pagkakaiba sa pamamaraan ng
pag-konsumo ng mga kababaihan at kalalakihan, ang mga lalaki ay maaaring masangkot sa pag-inom kumpara
sa mga kababaihan. Subalit, ang pagkakaiba sa pag-inom ng mga babae at lalaki ay lumiliit, ito ay
nangangahulugang ang mga babae ay lumalakas ang pagkunsumo ng mga nakakalasing na inumin ngayon
kumapara sa mga nagdaang taon. Malawakang pag-aaral ay kinakailangan upang matukoy ang mga bagay na
maaaring dahilan kung bakit mas umiinom ang mga babae. Mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang pag-inom
sa mga kabataan na tumataas at ito ay maaaring magdulot ng masamang resulta sa hinaharap. Adhikain ng
mananaliksik na matukoy ang iba’t ibang dahilan na nakaa-apekto sa konsumo ng alkohol sa mga kababaihan
na may edad labingwalo hanggang dalwampu’t lima, paano sila nalulong sa pag-inom ng alak at ang kanilang
mahalagang karanasan sa may kinalaman sa pag-iinom. (1) Ano ang naging malaking impluwensya sa pag-
simula ng pag-inom ng mga kababaihan? (2) Ano ang mga mahahalagang salik na nag-uudyok sa mga
kababaihan na ipagpatuloy ang ganitong gawain? (3) Ano ang mga mahahalagang karanasan nila na mayroong
kinalaman sa pag-inom, tulad ng mga pagbabago sa kanilang buhay at mga benepisyo at problema na dinulot
nito.

Metodolohiya
Disenyo ng Pananaliksik
Ang katutubong pamamaraan ng pagtatanong-tanong ay ginawa ng mga katutubong sikolohista para
makamit ng mananaliksik ang maka-Pilipinong pamamaraan. Gumamit ng talatanungan ang mananaliksik upang
magsilbing gabay sa panayam upang malinaw na matanong ang mga kinakailangan na impormasyon para sa
pag-aaral. (Zafra, 2012).

Kalahok
Simple lamang ang pamumuhay ng mga lokal sa bayan ng Tiaong, ang mga kalahok sa pananaliksik ay
mga kasalukuyang nag-aaral o kamakailan lang ay natapos sa pag-aaral, habang ilan ay mayroon nang trabaho
at ang iba ay mga ina na. Minabuti ng mananaliksik na pumunta sa bayan ng Tiaong sa katapusan ng linggo
sapagkat karamihan sa mga lokal ay maaaring may pasok, sa trabaho man o sa eskwela, tuwing lunes hanggang
biyernes. Nagtungo ang mananaliksik sa bayan nang sabado, habang maraming mga indibidwal na nasa bahay
lamang at nagpapahinga, hindi lahat ng mga kababaihan ay nasa edad na maaaring ipabilang sa pag-aaral.

Ang mga kalahok ay binubuo ng mga babaeng umiinom mula sa edad na labingwalo hanggang
dalawampu’t lima. Ito ay dahil ang mga kabataang nasa edad na mas mababa sa labingwalo ay hindi legal na
maaaring makabili ng inuming nakakalasing. Ang mga kalahok na pinili ayon sa pag-sala gamit ang AUDIT o
Alcoholic Use Disorder Identification Test. Mula sa labing-anim na mga lokal na nagbigay pahintulot na
maaaring isama sa pag-aaral na ito, labindalawa ang kwalipikado at nakakuha ng walo o mas mataas pa na puntos
sa AUDIT.

Lugar
Isinagawa sa bayan ng Tiaong, Quezon Province ang pananaliksik. Napili ng mananaliksik ang lugar
ng Tiaong, Quezon dahil karamihan sa mga nakatira dito ay umiinom ng mga inuming nakakalasing, partikular
ang lambanog. Karaniwan nang maituturing dito ang mga babaeng malakas ang pagkonsumo sa mga
9
The Bedan Journal of Psychology 2017

nakakalasing na inumin. Karamihan sa mga tiga-Quezon ay umiinom ng lambanog, isang uri ng nakakalasing
na inumin na mula sa fermented na niyog. Dahil isang probinsya ang Tiaong, Quezon, agrikultura ang kanilang
pinagkukunan ng pamumuhay, marami sa kanila ay gumagawa ng lambanog upang iluwas at ikalakal sa Maynila
o di kaya naman sa ibang bansa.

Pinili ng mananaliksik na gumamit ng pampublikong transportasyon upang pumunta sa Tiaong, Quezon.


Mula Alabang, Muntinlupa, sumakay ang mananaliksik ng bus na patungo sa Lucena, Quezon. Unang hintuan
ng biyahe ang bayan ng Tiaong, Quezon, ngunit hindi ipinahihintulot na dumaan dito ang mga pampublikong
bus, tanging pribadong sasakyan, traysikel, at mga jeep ang maaaring dumaan sa bayan. Pagbaba pa lamang sa
bungad ng bayan makikita nang maraming tindahan ng mga iba’t ibang pasalubong para sa mga nagbabakasyon,
mga prutas tulad ng mais at rambutan, at syempre mga lambanog na karaniwan ay malinaw at mayroon din iba’t
ibang kulay, ayon sa isang lokal na nakausap ng mananaliksik iba ang lasa at timpla ang lambanog depende sa
kulay nito. Nasasakop ang malaking bahagi ng bukiran at plantasyon ang bayan ng Tiaong, ilan sa mga pananim
ay tubo, mais, palay at niyog. Kakaunti lamang ang malalaking tahanan dito, karamihan ay simpleng tirahan at
kubo na hindi nagkakalayo ang mga ito at hindi nalalayo sa bukiran.

Instrumento
Ginamit ng mananaliksik ang Alcoholic Use Disorder Identification Test o AUDIT na kagamitang
naglalalaman ng mga katanungang binuo ng World Health Organization upang matukoy ang kanilang asal sa
pag-inom, partikular sa mga inuming mayroong alkohol o mga inuming nakakalasing. Ang natatanging adhikain
ng AUDIT ay masala nang mabuti ang mga kalahok na tutuloy sa mas masusing panayam. Ayon kina Babor,
Biddle, Saunders at Monteiro (2001), ang kabuuang puntos na walo o mas mataas pa ay sinasabing palatandaan
ng maalala o delikadong pag-inom ng nakakalasing na inumin. Susunod, ang mga kalahok mga kalahok na
nakatanggap na walo o mas mataas pa na puntos ay isasailalim sa masusi at malalimang panayam gamit ang
talatanungan na may labintatlong katangunan. Ang nasabing mga katanungan ay magsisilbi lamang gabay sa
pakikipanayam sa mga kalahok upang makalap ang hinahangad na datos Ang tagapag-suri ay maaaring gumawa
o magkaroon ng karagdagang katanungan kung ibig niyang ma-klaro o maipaliwanag pa nang mabuti ang naging
sagot ng kinakapanayam. Gumamit ng rekorder, kwaderno at bolpen upang mairekord ang panayam at upang
maitala ang mga mahahalagang impormasyon.

Pamamaraan
Ang paksa ng pag-aaral na ito ay tumatalakay sa pag-iinom, matuturing nang isang karaniwang gawain
sa mga tiga-Quezon, ngunit hindi ito isang paksa na basta-bastang tinatalakay, lalo na kung ito ay maaaring mag-
ungkat ng mga personal na impormasyon ng isang indibidwal. Kaya naman ang mananaliksik, bilang isang dayo
lamang, ay minabuting humingi ng patnubay at tulong sa isang kakilala na matagal nang naninirahan sa lugar.
Upang makasiguro na ang mga naninirahan sa lugar ay kwalipikado para sa pag-aaral, dalawang beses nagtungo
sa bayan ang mananaliksik. Sa unang pagpunta nagdesisyon ang mananaliksik na mag-obserba muna upang
makilala at makipagkwentuhan sa ilan sa mga lokal na indibidwal, impormal na diskusyon tungkol lamang sa
pamumuhay sa probinsya. Ayon sa kanila, karamihan nang mga indibidwal at pamilyang matagal nang
naninirahan dito ay pagsasaka at pagbubukid na ang kinabubuhay, habang mayroon din namang mga indibidwal
na mayroong trabaho sa lungsod, marami-rami pa rin ang mga lokal na hindi pa nakakarating sa Maynila, marahil
nasa probinsya na ang kanilang pamumuhay at hindi na sila nangangailangan pang dumayo sa malalayong lugar
para maghanap-buhay. Kung sa kultura naman ng kanilang pag-inom ang pag-uusapan, lambanog ang iniinom
ng karamihan sa mga lokal, paminsan naman ay mga komersyal na inumin ang kanilang iniinom, ngunit ayon
sa ilan ay mataas na ang presyo nito para sa kanila. Isinagawa ang mismong pagkalap ng datos sa sumunod na
linggo, bumalik muli ang mananaliksik sa bayan sa araw ng sabado. Pinili ng mananaliksik na magsuot na payak
at kaswal na damit bilang pakikibagay sa mga mamamayan sa bayan. Una, nagpakilala ang mananaliksik,
humingi din ng permiso sa bawat indibidwal kung maaaring sila isama sa pag-aaral. Ipinaliwanag din ang layunin
ng pananaliksik at ang mai-aambag ng bawat kalahok sa pagpapalawak kaalaman tungkol sa paksa. Ang mga
kalahok na may edad labingwalo hangang dalawampu’t lima ay sinala gamit ang Alcohol Use Disorder
Identification Test o AUDIT, minabuti ng mananaliksik na gamitin ang panayam na bersyon nito upang
maiwasan ang hindi pagkakaintindihan dahil ingles ang orihinal lengwahe nito, isinalin na lamang at
ipinaliwanag ang bawat aytem ng AUDIT at kanya itong inilista. Ang prosesong ito ay nagtagal nang halos tatlo
10
The Bedan Journal of Psychology 2017

hanggang limang minuto bawat kalahok. Sa labing-anim kababaihan na sumang-ayon na mapabilang sa pag-
aaral, labindalawa ang nakatanggap ng walo at higit pang puntos sa AUDIT. Ang labindalawang kalahok na ito
ay sunod naman na hiningan ng pahintulot ng mananaliksik na sumailalim sa mas malalim na pakikipanayam at
kung maaari din irekord ang pag-uusap gamit ang voice recorder ng cell phone. Habang isinasagawa naman ang
panayam isinusulat din ng tagapakinayam ang kilos at galaw ng bawat kalahok. Ang bawat panayam ay nagtagal
ng lima hanggang sampung minuto, depende sa pag-sagot ng bawat kalahok. Pinasamalamatan ng mananaliksik
ang bawat kalahok na kanyang kinapanayam at siniguro nito na mananatiling kompidensyal ang kanilang
pagkatao at tanging mga kasagutan at edad ang ilalahad sa pag-aaral.

Pagsusuri sa Datos
Upang masuri ang kasagutan ng bawat kalahok sa pag-aaral, ginamit ng mananaliksik ang Thematic
Analysis ay isang pamamamaraan sa pagtukoy, pagsuri, at pag-uulat ng anyo o pamamaraan sa loob ng datos
(Braun at Clark, 2006). Ang tagapanaliksik ay tutuon sa pagtugon ng mga kalahok at ikaklasipika sila ayon sa
uri. Ang mga uring ito ay makapagbigay ng paliwanag sa mga katanungan ng pananaliksik.

Presentasyon at Diskusyon
Sinuri ang sagot ng bawat kalahok at hinanap ang bawat tema mula dito upang masagot ang mga
katanungan ng pananaliksik na; (1) Ano ang naging malaking impluwensya sa pagsimula ng pag-inom ng mga
kababaihan? (2) Ano ang mga mahahalagang salik na nagu-udyok sa mga kababaihan na ipagpatuloy ang
ganitong gawain? (3) Ano ang mga mahahalagang karanasan nila na mayroong kinalaman sa pag-inom, tulad ng
mga pagbabago sa kanilang buhay at mga benepisyo at problema na dinulot nito.

Impluwensya ng Pamilya at Kaibigan


Mula sa labindalawang kalahok, dalawa lamang ang nagsabing sila ay nagsimulang uminom na sila ay
lagpas na sa legal na edad na labinwalo. Habang sampu naman ay nagsabing sila ay nagsimulang uminom habang
sila ay nasa menor de edad pa. Anim sa sampung kalahok na nagsimula habang menor de edad ay nagsimula sa
edad na labingapat hanggang labimpito, habang dalalawa naman ay nagsimula sa murang edad na labing-isa.
Lahat sa labindalawang kalahok ay nagsabing karamihan sa kanilang kaibigan ay umiinom, sampu naman dito
ay nagsabing karamihan din sa kanilang kamag-anak ay umiinom. Ayon sa ilang kalahok, kasama nila ang
kanilang pamilya sa unang beses na sila ay uminom, kaya naman naging komportable sila sa gawain na ito. Ayon
sa kanila, pina-inom sila ng kanilang kamag-anak o magulang upang sila ay masanay nang uminom kapag
kasama na nila ang kanilang mga kaibigan, naging komportable ang kalahok sa gawain na ito dahil ang kanilang
pag-inom ay may permiso ng kanilang magulang. Nabanggit din ng ilang kalahok na sila ay tinutukso ng
kanilang mga kaibigan kapag hindi sila uminom, ayon sa unang kalahok, “mapapa-inom ka pa rin kasi aasarin
ka ‘pag di ka tumagay” at ayon sa ikawalong kalahok, mas malakas siya uminom dahil pinipilit siya ng kanyang
mga kaibigan kapag siya ay may nadadaanang inuman at umiinom na sila hanggang madaling araw.

Pag-tibay ng Relasyon
Ayon sa mga kinapanayam, nakakatulong ang pag-inom sa pagpapa-tibay ng kanilang relasyon sa kanila
pamilya’t kaibigan, ito ay nagsisilbing bonding nila. Ayon sa unang kalahok ito ay nagiging open forum nilang
magkakaibigan, at minsan ng kanyang kasintahan.at ayon naman sa ikalimang kalahok, “nagiging close kayo ng
mga kasama mo sa inuman”. Nabanggit din na ang pag-inom ang nagbibigay daan upang magka-ayos ang mga
may hindi pagkakaunawaan, ayon sa ikatlong kalahok, “halimbawa, kaaway mo yung ano, merong hindi kayo
okay, nagiging kasundo mo na siya, mas nakikilala mo”.

Isa din itong daan upang makakilala ng mga bagong kaibigan, ayon sa ikalawang klahok, “marami
akong nakilala mga bagong kaibigan, nakakasalamuha”. Ayon sa mga kalahok nagiging mas malapit sila sa mga
nakakasama nila sa pag-inom na karaniwan ay kanilang mga kaibigan at paminsan kanilang mga kamag-anak.

Pagpapahayag ng Damdamin
Inilahad ng karamihan na dahil sa umano sa pag-inom nagkakaroon sila ng “lakas ng loob”, ito ang
kanilang paraan upang malaya nilang mapahayag ang kanilag sarili nang hindi nag-aalangan sa kanilang
11
The Bedan Journal of Psychology 2017

sasabihin. Nasabing nagiging daan ito nang pagkaka-ayos ng mga nasirang pagkakaibigan dahil kanilang
napapahayag ang kanilang sarili kapag sila ay nasa impluwensya ng inuming nakakalasing. Isang daan ang pag-
inom upang mabawasan umano ang kanilang hiya at o alinlangan at mapahayag nila ang kanilang damdamin at
ayon sa kanila “nagiging malakas ang loob na mag open-up ganun, nasasabi mo yung ‘di mo masabi pag ‘do ka
lasing”. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagiging maganda ang resulta nang kanilang panandaliang
lakas ng loob, tulad na lamang ng ikalima, ika-anim, ikapito at ika-labindalawang kalahok na nagsabing sila ay
may nasabi o nagawa na silang kanilang ikinahiya at pinagsisihan. Mayroon ding nagsabi na sila o kanilang mga
nakasama sa pag-inom ay nasasangkot sa mga pag-aaway sa pagitan ng iba pang umiinom, kanilang kaibigan at
kanilang kasintahan.

Stress Relief
Nang tanungin ang mga kalahok tungkol sa benepisyo sa kanila ng pag-inom, marami ang nagsabi na
ito ay ang kanilang paraan upang makalimutan ang problema o kanilang stress. Ayon sa ilan, panandalian nilang
nakakalimutan ang kanilang mga inaalala kaya naman tuwing sila ay may kinakaharap na problema o sadyang
nakakaramdam ng stress dinadaan nila sa pag-inom o kaya naman ay gusto nilang makapag-relax. Karamihan
ay umiinom kasama ang kanilang mga kaibigan upang makalimutan ang kanilang problema, ayon naman sa
ikalimang kalahok, “pag stressed ako, umiinom ako mag-isa o kaya kasama jowa ko… nakakatulong siya
mabawasan ang mga negative na iniisip ko”. Para naman sa ikatlong kalahok, nakakabawas ng kanyang
problema ang pag-inom dahil nagkaka-ayos sila kanyang mga nakaka-hidwaan.

Kasiyahan
Maituturing nang parte ng isang kasiyahan o okasyon sa bayan ang pag-inom, sinabi ng karamihan na
umiinom lamang sila kapag mayroong okasyon sa kanilang lugar, tulad ng kaarawan, pista, kasal, o kaya naman
binyagan. Kahit ang mga nagsabing sila ay tumigil na sa pag-inom, ay inaming umiinom pa rin sila kapag may
okasyon dahil hindi nila ito maiiwasan., isang malaking salik kung bakit walang kahit isa sa mga indibidwal na
nakapanayam ay naging matagumpay na lubusang matigil ang kanilang pag-inom. Bukod sa mga okasyon,
sinsabi din ng ilang na nagiging masaya sila kapag sila raw ay umiinom, ayon pa sa ikapitong kalahok ito ay
“masarap sa feeling” kaya naman ipinagpapatuloy niyang umiinom. Sinabi din ng ika-walong kalahok na
“sumasaya ako, nakakalimutan ko problema ko kahit saglit lang”
Pisikal na Daing
Pabiro mang sinabi ng ilan, hindi nawala ang mga pisikal na daing sa kasagutan ng mga kalahok. Ayon
sa ilan, nang nagsimula silang uminom ito ang naging dahilan ng kanilang pagtaba. Inamin ng ika-apat na
kinapanayam na isang dahilan kung bakit sinubukan niyang tigila ang bisyo na ito ay dahil gusto niyang pumayat,
ngunit hindi niya ito lubusang nagawa kaya naman ayon sa kanya pinili nalang niya bawasan ang kanyang
pagkonsumo. Isa pang daing ng mga kalahok ay ang sakit sa ulo na kanilang nararamdaman kinabukasan
matapos nilang uminom o ang tinatawag na hangover, isa ito sa rason kung bakit sinubukan ng ika-limang
kalahok na tumigil sa pag-inom, ngunit katulad ng iba, hindi din siya tuluyang tumigil sa pag-inom. Mayroon
ding mga negatibong karanasan na dinulot ng pag-inom, katulad nang naranasan ng ika-limang nakapanayam na
nasagasaan sa kanyang pagtawid sa kalsada dahil siya ay nasa impluwensya ng nakakalasing na inumin habang
ang ilang kalahok naman ay nasasangkot sa mga pisikal na away.

Bukod sa pagtaba, aksidente at mga panandaliang sakit na nararamdaman matapos ang isang sesyon ng
inuman, may ilang kalahok na nagkaroon nang mas seryosong daing dahil sa regular nilang pag-inom. Tulad
nalang ng ika-pitong kalahok na sinabing nahihirapan siya huminga kapag siya ay umiinom at isiniwalat din
niyang sinubukan niyang tumigil dahil may dugo nang kasama sa kanyang ihi. Ang ika-siyam na kalahok ay
nagsabing sumasakit ang kaniyang tiyan at mayroon daw siyang allergy ngunit sa kabila nun ay pinipili pa rin
niyang uminom kapag mayroong okasyon. Apat naman sa mga kalahok ay nagsabing si panandalian silang
tumigil o di kaya ay plano nilang tumigil dahil sila ay mayroon nang mga anak. Sa kaso ng ikalawa, ikatlo at
ikasampung kalahok, sila raw ay panandaliang tumigil sa pag-inom dahil sila ay nabuntis at nanganak, ito rin
ang dahilan kaya ayon sa kanila ay nabawasan ang kanilang konsumo ng nakakalasing na inumin, habang ang
ika-labinwalong kalahok naman ay nagpa-planong tumigil nang tuluyan dahil lumalaki na ang kanyang mga
anak, partikular ang kanyang panganay na anak. Sa kabila ng lahat ng daing ng mga nakapanayam ng

12
The Bedan Journal of Psychology 2017

mananaliksik, walang kahit isa sa mga kalahok ang lubusang tumigil na sa pag-inom at ito ay nananatiling pa
rin sa kanilang plano para sa hinaharap.

Konklusyon at Rekomendasyon
Makikita sa nakalap na datos na lahat sa mga nakapanayam na babaeng tiga-Tiaong ay mayroong
malapit na kakilalang umiinom, maging ito man ay kanilang pamilya o kabigan. Makikitang dito nagpakilala sa
kanila ang gawain na ito. Nang tanungin naman ang bawat isa kung ito ay naka-apekto sa kanila, kalahati ang
nagsabi na hindi ito naka-apekto sa kanila habang kalahati naman ay sinabing malaking impluwensya ito sa
kanilang pag-simula. Kung ang pag-uusapan naman ay ang unang nagpa-inom sa kanila o ang kanilang nakasama
sa unang beses na sila ay uminom, mas marami ang nagsabing kamag-anak nila o kanilang magulang ang
kanilang nakasama. Isa ito sa dahilan kaya naman komportable ang mga kalahok na uminom dahil ang kanilang
pag-inom ay may permiso ng kanilang magulang.

Karamihan sa kalahok ay nagsimulang uminom sa mababang edad na nasa pagitan na labing-isa


hanggang labimpito, habang dalawa lamang sa mga kalahok ay nagsimula nang nasa legal na edad na labing-
walo at dalawampu. Iba’t iba naman ang motibo ng bawat kalahok sa pagpapatuloy nila sa pag-inom,
pinakamarami ay nirason ito sa mga kaibigan at mga okasyon. Ayon sa kanila dumadagdag ito sa kasiyahan ng
bawat pagdiriwang, dahil malaya nilang napapahayag ang kanilang damdamin at nagiging daan ito upang
maging masmalapit sila sa mga nakakasama nila sa pag-inom. Sa kabila ng mga negatibong dinulot ng gawain
na ito sa mga kalahok, pinili pa rin nilang ipagpatuloy dahil para sa kanila ay mas matimbang ang positibong
nadudulot nito kesa ang negatibo. Noong tinanong naman ang mga kalahok kung ano ang mga nagbago sa
kanilang buhay dahil sa pag-inom, lahat sila ay nagsabing wala daw silang nakitang malaking pagbabago sa
kanilang buhay bukod sa bagong kaibigan at mga pisikal na pagbabago tulad ng pagtaba. Inamin nang ilan sa
mga kalahok na mayroon silang mga pinagsisihan na kanilang nagawa habang sila ay nakainom o lasing, lahat
sila ay umaming sinubukan na nilang tigilan ang pag-inom ngunit walang nagtagumpay na tumigil nang lubos.
Malaking salik sa nabigong pagtigil sa pag-inom ay ang kanilang kapaligiran, halos lahat sa kanilang mga
kakilala o kasama sa araw-araw ay umiinom pa rin at ayon sa kanila, sila raw ay tutuksuin nito kapag sila ay
tumanggi.

Karamihan sa mga kinapanayam ay naging hindi komportable noong sila ay tinanong tungkol sa
kanilang negatibong karanasan. nakikita sa galaw ng mga kinapanayam na nag-aalangan silang sagutin ang mga
tanong, hindi sila makatingin ng diretso, tumitingin sila sa kaliwa’t kanan na para bang inoobsebahan nila ang
paligid, humihina din ang kanilang boses at napapa-tigil nang bahagya bago sumagot, ginagalaw din nila ang
kanilang mga kamay habang nagpapaliwanag, at ang ilan dinadaan sa pabiro at tawa. Mayroong na
nagkakasakitan o napapaaway nang pisikal habang nasa impluwensya ng alak. Mayroon ding umamin na naging
dahilan ito nang alitan sa kaniyang matalik na kaibigan. Dalawa sa mga kalahok ay nagbuntis sa murang edad
na 16 dahil sa pag-inom, umamin silang kasama din nila sa mga inuman ang kanilang kasintahan. Dahil sa
kanilang maagang pagbubuntis, natigil nang halos dalawang taon ang kanilang pag-inom. Nang tinanong na ang
mga kinapanayam kung ano ang kanilang plano sa hinaharap patungkol sa kanilang pag-inom, dalawa lamang
sa kanila ang nagsabi na plano na nilang tumigil, habang ang ilan ay walang balak tumigil, habang ang ilan ay
sinabing babawasan na lamang nila ang kanilang nakukunsumo para na rin sa kanilang ikabubuti.

Maaari pang mapalawak at mapabuti ang pag-aaral kung maisasagawa ito ng mga susunod pang
mananaliksik sa iba pang lalawigan na ang mga kababaihan ay kilala din bilang malakas ang pagkunsumo sa
mga inuming nakakalasing, maaaring ito man ay sa rural o urban na pook. Maaari din isagawa ang naturang pag-
aaral sa ibang kababaihan sa ibang sakop ng edad, maaaring sa mas matanda o di kaya’y mas batang mga
kababaihan. Isa pang rekomendasyon ng mananaliksik ay gumamit ng kasangkapang naaangkop sa lengwahe o
dialekto sa lugar na napili upang maiwasan ang di pagkakaintindihan at hindi na kakailanganing magsalin ng
mga salita.
SANGGUNIAN

Babor, T. F., Higgins-Biddle, J. B., Saunders, J. B., & Monteiro, M. G. (2001). The Alcohol Use Disorders
Identification Test Guidelines for Use in Primary Care (2nd ed.).
13
The Bedan Journal of Psychology 2017

Bobrova, N., West, R., Malyutina, D., Malyutina, S., Bobak, M. (2010). Gender Differences in Drinking
Practices in Middle Aged and Older Russian. Alcohol and Alcoholism, 45 (6): 573-580.
Braun, V. & Clarke, V. (2006). Using Thematic Analysis in Psychology. Qualitative Research in
Psychology, 77-101.
Carguilo, T. (2007). Understanding the Health Impact of Alcohol Dependence. American Journal of Health-
System Pharmacy, 64, S5-S11.
Dumbili, E.W. (2015). 'What a man can do, a woman can do better': gendered alcohol consumption and
(de)construction of social identity among young Nigerians. BMC Public Health. doi:10.1186/s12889-
015-1499-6.
Florendo, H. & De Guzman, R. (2014). Personality Traits of Freshman Binge Drinkers and Cigarette Smokers
In State Universities And Colleges. Journal of Arts, Science & Commerce, 5(4).
Furiscal, E., Pancharuniti, N., and Keiwkarnka, B. (2008). Alcohol Drinking Behavior Among High School
Students In Low-Income Urban Community Baguio City, Benguet Province, Philippines. Journal of
Public Health and Development, Volume 6, No. 3.
Holmila, M. & Raitasalo, K. (2005). Gender differences in drinking: why do they still exist?. Addiction, 100(12),
1763-1769.
Pillai A., Nayak, M., Greenfield, T., Bond, J., Hasin, D., and Patel, V. (2014). Adolescent drinking onset and its
adult consequences among men: a population based study from India. Journal of Epidemiology &
Community Health. doi:doi:10.1136/jech-2014-204058
Swahn, M. H., Palmier, J. B., Benegas-Segarra, A., & Sinson, F. A. (2013). Alcohol marketing and drunkenness
among students in the Philippines: Findings from the nationally representative Global School-based
Student Health Survey. BMC Public Health, 13(1), 1159.
Visser, R. & McDonnell, E. (Dec. 2011). ‘That's OK. He's a guy’: A mixed-methods study of gender double-
standards for alcohol use. Psychology and Health, 27 (5), pp618-639.
White, A., Castle, J., Chen, C., Shirley, M., Roach, D., and R. Hingson. (2015). Converging Patterns of Alcohol
Use and Related Outcomes Among Females and Males in the United States, 2002 to 2012. Alcoholism:
Clinical and Experimental Research, Volume 39 (Issue 9), pp1712-1726. Retrieved from
http://onlinelibrary.wiley.com/doi/10.1111/acer.12815/abstract
Zafra, R. B.(2012). Edukasyong Di Pormal ng mga Katutubong Agta sa General Nakar, Quezon Gamit ang Swot
Analisi. Dalumat Ejournal, 3(1).

14

You might also like