You are on page 1of 2

PIITANG WALANG REHAS

I.
Kailan ko kaya masisilayang muli, berdeng kapaligiran?
Mamasdan ang bughaw na kalangitan, maging karagatan?
Mapakinggan muli ang awit ng mga ibon, at ang bulong ng hangin?
Kailan ko madarama ang kasarinlan, dini sa walang rehas na piitan?

II.

Sa isang kisap-mata, buhay sa daigdig ay tumigil


Abalang mga lungsod, syudad na kay ingay tila nasiil
Walang kamatayang trapiko sa isang iglap ay nakitil
Anupa’t ang mundo’y lumaya sa mga taong mapanikil

III.

Walang nakalirip na isang umaga ito’y magaganap


Isang salot ang daratal kahit sa hinagap
Anupa’t walang kahandaan, nasadlak sa hirap
Bayan ngayo’y humarap sa krisis na kay saklap!

IV.

Mga tao’y napiit sa walang rehas na kulungan


Upang maligtas sa kalawit ni kamatayan
Pagamuta’y nagimbal sa karamdamang walang kasagutan
Madami ang pumanaw, madami ang namatayan

V.

Mga bayang makapangyariha’y nagupo’t bumagsak


Ekonomiya’t antas sa isang iglap lumagapak
Tila isang magnanakaw na sa likod kung sumaksak
Sa tagumpay niya’y tila humahalakhak

VI.

Mga tao’y habang nakapiit, tila nawalan ng bait


Takot at pangamba sa kanila’y gumipit
Reklamo, diskriminasyon at panaghoy na sadyang kay pait
Anupa’t pagkakaisa’y tila naparam, o, sadyang kay lupit!

VII.

Kaya’t aking panambita’y, nawa ito na ay magwakas


Bayang nalalambungan ng pighati’t nanghihina’y lumakas
Mga taong watak watak, nawa’y muling magbigkis
Tuluyang lumaya’t magpakpak ang bagwis.

You might also like