Professional Documents
Culture Documents
Ang intelektwalisasyon ay isang uri ng proseso upang ang isang wika na hindi pa
intelektwalisado ay maitaas at mailagay sa antas na intelektwalisado nang sa gayo'y mabisang
magamit sa mga sopistikadong lawak ng karunungan. Ito ay kung saan galing sa salitang ugat na
"intelektwal" o ang pag-iisip at pag-unawa ng isang tao. Kung ganoon, ang intelektwalisadong
wika ay nangangahulugan na isang wikang malawak na nagagamit sa isang bansa. Mayroong
apat na katangian tungo sa intelektwalisasyon ng wika ayon kay Torres Yu (2005): Una,
ginagamit ito ng mga dalubhasa sa kaniyang pagdidiskuro. Pangalawa, may sapat na
terminolohiya at teknikal na angkop sa mga hiniram na salitang dayuhan. Pangatlo, may sapat na
bokabularyong ginagamit sa pagpapahayag ng mga abstraktong kaisipan. Pang-apat, may
modernong alpabetong makakaangkop sa pagpasok ng mga salitang hiniram.
Isa sa pangunahing hakbang para maging intelektwalisado ang isang wika ay sa pamamagitan ng
pagpapaunlad nito. Ang patuloy na paggamit ay isa nang mahalaga at malaking tulong upang
mas lalong makilala at mapalago ang katayuan ng wika. Ang salitang intelektwalisasyon ay
madalas ring mabanggit sa sikolohiya. Ito ay malalim at maingat na ginagamit sa isang usapin o
istandard ng pag-iisip upang mabisang maihatid ang nilalaman ng salita o wika. Isa din itong
pamamaraan upang mahadlangan ang pag-uusap o salitaan ng masidhing damdamin.
Ang isang intelektwal na Pilipino ay kinakailangang may kakayahan magsuri, mag taya at
makaunawa sa lipunan bilang isang kabuuang ugnay-ugnay. Makakapagbigay ng kahulugan at
interpretasyon sa isang tiyak na pananaw. Mapanlikha at pagpuna na nakakapagbigay ng bagong
ideya at obserbasyon ng walang takot at limitasyon. Radikal silang nag-aangkat sa bagong
kamalayan at kaayusan mula sa luma. Nagagamit ang sariling wika sa pagpapaunlad at
pagpapaimpluwesya ng kanyang dapat katayuan sa ating bansa.
Bilang isang mamamayan na may layuning iangat ang antas ng wika ay mahalagang magkaroon
ng intelektwal na pag iisip, kaalaman at kakayahang imulat ang sarili sa tunay dapat kinalalagyan
ng wikang pambansa. Ang intelektwalisasyon ay makakatulong sa pag unlad ng wikang
pambansa sa pamamagitan ng napapagbuklod- buklod at napag uugnay-ugnay nito ang bawat
kasapi o mamamayan ng isang bansa. Natutugunan ang kakulangan ng pagkakakilanlan nito at
mas nahuhubog ang kaisipan at kamalayan ng mga mamamayang Pilipino sa nararapat na estado
nito. Mas nagagamit ito sa iba't ibang larangan tulad ng akademya, medisina, pamahalaan,
industriya at iba pa. Dahil sa paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan at
iskolarling talakayan ay mas napapakintal sa mga mamamayan lalo na sa kabataan; sapagkat sila
ang susunod na henerasyong magtataguyod ng pag- asa at kamalayan sa ating bansa.
Ilan sa mga dahilan kung bakit nakakatulong ang intelektwalisasyon sa pagpapaunlad ng wikang
pambansa ay dahil sa paggamit wikang Filipino sa pag- iisip at pagbuo ng teorya o konsepto at
metodong bunga ng kaisipang Pilipino. Napapalaganap ang paggamit nito sa iba't- ibang
disiplina katulad ng edukasyon, gobyerno, negosyo at iba pa. Napapagyaman din ang ating
sariling kulturang pag-aaral sa Agham panlipunan. Nagagamit ang sariling wika sa pananaliksik
na kung saan nakakapaglunsad o nakakabuo sila ng modelong Filipino na nakakatulong upang
mas mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayang Pilipino. Na kung saan, sa patuloy na pag-
angat ng ating sariling wika ay inaasahang mapapalakas ang ating pagkakaisa bilang mga
Pilipino at maibalik ang ating pagka nasyonalismo. Gayon din na tuluyang maitakwil ang
paglaganap ng mga banyagang wika; ito'y sapagkat mas lalo nang nangingibabaw ang kamalayan
at karunungan sa wikang Filipino; wikang marapat na simbolo ng ating bansa.
Masasabing ang pagiging intelektwal na wika ay hindi lamang sa paggamit nito sa matalinong
talakayan ng karunungan , ito’y intelektwal kung saan mayroon rin itong malawak na espasyo sa
akademya at sa labas na sektor. Hindi pa man ganoon katatag ang wikang Filipino bilang
intelektwalisadong wika dahil nga sa iba’t- ibang yabong na wika ng mga dayuhan ay sa patuloy
naman na pag mulat ng mga mamamayang Pilipino ay makakamit din natin ang antas na iyon.
Ang tanong ay kung papaano nga ba natin ito makakamit kung hindi natin mismo sisimulan
ngayon.