You are on page 1of 5

Villanueva 1

Mary Jane C. Villanueva

Prof. Mark Benedict F. Lim

Kritisismong Pampanitikan ng Pilipinas

16 Marso 2021

Modyul 2 (KATUTUBO): Pagsipat sa Paghatol ng mga Piling Kritiko sa mga


Sanaysay

Sa bawat kritikong sumulat ng limang sanaysay ukol sa tula, nobela, maikling

kwento, at pelikula, masasalamin natin ang tradisyunal na pagtingin sa paghatol sa mga

pangunahin at pansuportang argumento.Bagaman, ito ang magbubukas sa panibagong

yugto ng pagkilala at pagpapahalaga sa anyo ng mga akdang pampanitikan.

Si Almario na sumulat ng sanaysay ayon sa “Mga Balintunang Panlipunan at

Pangkasaysayan sa ‘Kung Tuyo na ang Luha mo Aking Bayan’ ni Amado V. Hernandez”,

ay nagsasabing ang tula ay maaaring maging isang tagulaylay laban sa patuloy na

pamamayani ng imperyalista partikular ang mga dayuhan. At para sa kanya, ito ang

tungkulin ng makata bilang tinig ng progresibong sektor ng lipunan. Ganito rin binasa ni

Mojares ang: ‘The Linambay Tradition’ bilang paggalugad sa kalagayan ng mga elitista at

ng mga mahihirap sa isang ganap na espasyo. Dagdag pa rito ang ‘The Rise of the Filipino

Novel’, na hayagang ipinabatid ang wastong pagsusuri sa nobela nang maunawaan ang

tema at makilala ang mga tauhan sa kanilang desisyon o aksyong pakikisangkot sa mga

isyung panlipunan. Tatangkain din ni Cruz-Lucero na balikwasin ang pormalismong

pagbasa na ginawa ni Jalandoni sa “Paano Basahin ‘Si Anabella’. Ayon sa kanya, ang

mga maikling kwentong katulad nito ay hindi katanggap-tanggap na ikahon lang sa

konteksto ng romantisismo na isang kahinaan ng panitikang bernakular sa Pilipinas. At

panghuli, ay si Beller sa kanyang pagtingin sa konsepto ng mga pelikula na sumasandig sa


Villanueva 2

kritika ni Tolentino sa ‘Orapronobis Against Philippine Totalitarianism’ na ang paggamit

ng imahen sa likhang palabas ay magbubunsod ng pagbabagong panlipunan.

Tunay ngang mayroon silang samutsaring punto ngunit mapapansing may

pinanggagalingan ito; ang pamamaraan o proseso na kanilang ginamit upang suportahan

ang ganitong uri ng usaping kritisismong pampanitikan. Simulan natin kay Almario.

Binasag niya ang natutuhang alerdyi sa didaktisismo at sentimentalismo nang mabasa niya

ang tula ni Ka Amado at napuna niyang ito ay nakauumay kung kaya’t bumalikwas siya sa

duyan ng modernismo. Napagtanto niyang higit na mabisa ang komentaryong panlipunan

sa loob ng tula kung ihihiwalay sa likas nitong porma. Pangalawa naman ay si Mojares na

binuhay ang usaping pyudal upang maipasok ang ugnayan ng mga mababang-uri sa mga

naghaharing-uri. Kung matatandaan, sa panahon ng mga Kastila, ang piyudalismo ay ang

pag-aangkin ng mga prayle sa lupain ng mga Pilipino, ay isang patunay na may opresyong

naganap noon. Ngunit, nailipat niya ang konteksto sa kagandahang naidulot ng mga

tradisyong ipinakilala nila gaya ng pintakasi ng kapistahan ng mga santo bilang tanggulan

ng mahihirap sa gitna ng kahinaan. Kaalinsabay nito ang prosesong isinagawa niya sa

pagbasa ng nobela. Hinati-hati ang anyo ng isang nobela upang mapalitaw ang imahe at

mensaheng nais nitong ikintal sa mambabasa. Pareho din ang lente nang pagsipat ni Cruz-

Lucero sa maikling kwento na pinag-aralan ang simbolismo sa pagbuo ng panibagong

kahulugan at sumunod siya sa didakto at sentimento sapagkat pinag-aralan niya ang galaw

ng bawat tauhan bago tuluyang lumikha ng ibang anyong hiwalay sa lagkit ng

romantisismo. Hindi naman pahuhuli ang estetikang ikinabit ni Beller sa pagsusuri ng

pelikula na nag-uugat sa realidad at sikolohiya ng lipunan. Mahusay niyang inilatag ang

mga punto sa paghihimay-himay ng mga kaganapan sa panahon ng batas militar na

sinalamin ng cinemang ito sa pag-aklas laban sa pagtatago ng katotohanan at pagtapak sa

hustisya.
Villanueva 3

Narito ang mga anyo at genreng inihain ng mga kritikong nabanggit sa itaas: Una,

ang maaaring panganib na maidulot ng balintuna sa loob ng isang tula upang mamulitika

nang mangilan-ngilang tiwaling kawani ng bayan na masyado nang gasgas para sa mga

makata. Ipinapalagay na kailangan ang masugid na talos ng pangmasid sa bagong

anomalya sa lipunan at hindi maging paulit-ulit. Subalit, maluwag namang nakatutulong

ang padron ng saknong na nagbibigay pleksibilidad o pagbabago sa anyo ng pahayag.

Ikalawa, ang Linambay na tradisyon naman ng mga Taga-Cebu ay naging daan sa paghatid

ng kasiyahan o komedya at kaalaman sa kung paanong umiiral ang buhay sa mundo.

Ikatlo, ang hybrid plot sa ‘The Rise of the Filipino Novel’, na kabilang sa anyong ginamit

sa mga nobelang Filipino upang pagsamahin ang kumbensyunal at realistikong anyo.

Kinasangkapan ang usaping panlipunan sa pagbabago ng tradisyunal na porma nito dahil

sa pagsulpot ng mga alagad ng sining na siyang naging patnugot sa pagbubunyag ng tunay

na kulay ng gobyerno. Ikaapat, ang pagsipat sa daloy ng banghay ng maikling kwento

nang maiparating ang mga aral at kahalagahan nito. Panlima, ang sining ng pagtatanghal

ng mga karakter sa isang pelikula upang mag-uyam ng karahasan sa diktaturyal na

pamahalaan.

Bilang paglalagom, nais kong ibahagi ang aking sariling disposisyon sa mga

argumentong nailahad sa itaas: Sang-ayon ako kay Almario na ang pag-uulit sa tradisyonal

na porma ng tula na may sukat at tugma ay hindi na mahalaga kahit lumilikha ito ng

musika sa pagbigkas dahil sa pagbabago ng panahon. Nakikita kong marapat ang pagdulog

na kayang makapagsilang ng panibagong obra mula sa orihinal nang sa gayon ay

magkaroon ito ng bisa. Isa pa rito ang maging bukas sa lahat ng teoryang pampanitikan na

hindi maaaring madiktahan ng damdaming nangingibabaw sa tema ng alinmang panitikan;

pasalita man o pasulat. Ito ay sa kadahilanang iniiwasan natin ang moralistikong paghatol
Villanueva 4

sa anumang sulatin lalo na usapin ng literatura. Kung kaya’t winasak ko rin ang didakto o

nangangaral na pagsulat sa aking katauhan matapos kong mabasa ang mga kritika ng

bawat sanaysay. Nabatid kong kaiinisan lamang ito ng aking mambabasa o awdiyens kung

ipagduduldulan ko ang nalipasan ng estratehiya. Ngunit, sa mga pagkiling na ito, mayroon

din akong pansariling kamalayan bilang manunulat. Hindi ako kumbinsido na kailangang

iugat ang tradisyon ng mga absolutong espasyo sa pagbabagong porma ng isang nobela,

tula, maikling kwento o pelikula. Maaari naman tayong lumikha ng isang utopia upang

dalhin ang isang indibidwal sa panibagong mundo na kung saan siya ay makapaghaharaya

nang malaya. Dito maaaring isilang ang pansariling ideolohiyang hindi na nakasandig sa

dikta ng kolonyalismo alang-alang sa globalisasyon. Hindi naman marahil imposibleng

mangyari ito lalo na’t unti-unting pinipilas ng modernismo ang kontemporanyong kaisipan

ng mga manunulat at kritiko.


Villanueva 5

Sanggunian

Almario, Virgilio. "Mga Balintunang Panlipunan at Pangkasaysayan sa 'Kung Tuyo na ang

Luha mo, Aking Bayan' ni Amado V. Hernandez." Pag-unawa sa Ating Pagtula:

Pagsusuri at Kasaysayan ng Panulaang Filipino, ni Almario, Anvil Publishing,

2006, pp. 286-297.

Beller, Jonathan. "Orapronobis Against Philippine Totalitarianism (2000)." Geopolitics of

the Visible: Essays on Philippine Film Cultures, pinamatnugutan ni Rolando

Tolentino, Ateneo de Manila U P, 2000, pp. 13-34.

Cruz-Lucero, Rosario. "Paano Basahin 'Si Anabella' ni Magdalena Jalandoni." Ang Bayan

sa Labas ng Maynila / The Nation Beyond Manila, ni Cruz-Lucero, Ateneo de

Manila U P, 2007, pp. 161-177.

Devilles, Gary C. “Pasakalye: Ikalawang Edisyon,” 5-12. Quezon City: Ateneo de Manila

University Press, 2014.

Garcia, Lakandupil. “Pagbasa at Pagpapakahulugan ng Tula: Prosesong Hindi Dapat na

Pabigla-bigla.” n.d. http://www.geocities.ws/paradimo2002/DrGarcia.htm.

Mojares, Resil. "The Linambay Tradition." Theater in Society, Society in Theater: Social

History of a Cebuano Village, 1840-1940, ni Mojares, Ateneo de Manila U P, 1985,

pp. 55-92.

---. "The Rise of the Filipino Novel, 1900-1920." The Origins and Rise of the Filipino

Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940, ni Mojares, edisyong 1998, U of

the Philippines P, 1998, pp. 169-269.

You might also like