HUMSS 11A REPLEKTIBONG SANAYSAY TUNGKOL SA SULAT NI TATAY
Wala na sigurong makakatumbas pa sa pagmamahal ng mga
magulang para sa kanilang mga anak. Ang pagmamahal na ito ang nagtutulak sa kanila na gawin ang lahat lahat, tulad ng pagtratrabaho,pag-aaruga, pagsasakripisyo alang alang sa kanilang mga kayamanan, ang kanilang mga anak. Sa mga panahon kinakailangan natin sila hindi sila nawala at lagi lang andyan sa piling natin pero sa panahon naman kayang sila ang mangailangan sa atin? Asaan tayo? Kaya ba nating matumbasan ang lahat ng nagawa nila para sa atin? Sa umpisa ng ating mga buhay, kinakailangan natin ng pag- aalaga at pag-aaruga, dahil sa mga panahon na ito sa kagustuhan man natin o hindi, hindi natin kayang mabuhay ng tayo lang. Kung sabagay, hindi naman talaga tayo mabubuo kung hindi dahil sa ating mga magulang. Bunga ng pagmahahalan, mabubuo sa sinapupunan ang isang batang habangbuhay mamahalin ng mga taong kaakibat sa pagkakabuo nito. Sa loob ng siyam na buwan, ang ating ina, ang magdadala sa atin at magtitiis sa lahat ng hirap na kaakibat ng pagbubuntis. Ang ating mga ama naman sa kabilang dako ay andiyan lagi sa tabi ng ating mga ina para umalalay at ibigay ang kahit anong kailanganin ng kanyang minamahal na asawa. Dito makikita na kahit sa umpisa pa lamang, makikita na natin ang pagmamahal na kayang ibigay ng ating mga magulang para sa atin. Lalo pa itong makikita sa panahon ng pagpapalaki nila sa atin. Mula sa pagkain na ating nakakain sa araw-araw, mga inumin, mga laruan, mga kasuotan at iba pang materyal na pangangailangan natin.Sila din ang nagtuturo sa atin ng mga asal na magagamit natin sa mundo sa labas ng ating tahanan. Kung susumahin, hanggat kailangan natin sila ay hindi nila tayo iiwanan. Kahit na dumating ung puntong kaya na nating tumayo sa sarili natin, pwedeng pwede natin silang takbuhan sa oras ng kagipitan. Dahil sa sulat na ito, lalo kong naisip na ang lahat ng hirap ng dinaranas ng ating mga magulang para lang sa atin. Aking napagtanto na bilang isang anak na kanilang pinalaki ng maayos at inalagaan ng buong puso, karapatan nilang maalagaan din sa panahon na hindi na nila kaya. Bilang mga anak,tungkulin natin silang mahalin at arugain ng buong puso bilang sukli sa lahat ng ginawa nila sa atin. Darating ang panahon, magiging magulang din tayo, at ang lahat ng naranasan ng ating mga magulang ay mararanasan din natin. Dito lubusan nating maiintindihan ang konsepto ng pagiging magulang. Masasaktan tayo, mahihirapan, iiyak, tatawa, magagalit, at lahat lahat na saka lang natin masasabing naging mabuting magulang nga tayo.