You are on page 1of 2

REPLEKSYON: ANAK

Ang mga kabataan ngayon ay tutok sa teknolohiya kung kaya’t ang iba ay
nakalimutan nang rumespeto sa nakakatanda at sakanilang magulang. Ang kantang
anak ay patungkol sa pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak noong tayo ay nasa
sinapupunan pa lamang hanggang sa tayo ay nagkaroon ng kamalayan sa mundo.
Noong tayo ay nasinapupunan pa lamang ay labis ang kagalakan at kasiyahan na ating
mga magulang. Dumating ang panahon na tayo naipanganak sa mundo, tayo’y
kanilang inalagaan, sinubaybayan at ibinigay lahat nang ating pangangailangan.
Malaking sakripisyo ang kanilang ibinigay para tayo ay maging malusog at may
malakas na pangangatawan. Habang tumatagal, ang ating mga magulang ay
nagdodoble kayod sapagkat tayo ay lumalaki na at ang mga gastusin ay tumataas na
din. Ang mga magulang natin ay nagpapakahirap upang tayo’y mabigyan ng
magandang edukasyon, masasarap na pagkain, at mga damit na maisusuot. Lahat nang
ito ay para mapabuti ang ating kinabukasan. Sundin natin ang kanilang mga payo
sapagkat sila ang higit na nakakaalam kung ano ang tama at nararapat sa atin.
Mahalagang maisabuhay natin ang kanilang mga payo dahil minsan, tayo ay
nawawala sa tamang landas. Tayo ay nagiging mabisyo, matigas ang ulo, walang
respeto at higit sa lahat ay hindi natin binibigyang halaga ang mga sakripisyo ng ating
mga magulang. Minsan darating tayo sa puntong magrerebelde, lalayas at
magpapakalulong sa bisyo pero andyan ang ating mga magulang na aakay sa atin
pabalik sa mabuting landas na dapat ay patutunguhan natin. Laging isipin na ang mga
bisyo at mga bakarda ay iiwan ka pero ang mga magulang ay palaging nariyan at hindi
ka iiwan. Sila ay palaging gagabay sayo kahit saan ka man mapadpad, kahit ano pa
man ang mangyari sayo, sila ay palaging nasa tabi mo at sila ang ating sasandalan
kung tayo ay magkaroon ng problema. Lagi nating isipin at isapuso na ang ginagawa
ng ating mga magulang ay para sa atin, para sa magandang kinabukasan natin. Huwag
nating bastusin ang ating mga magulang bagkus sila ay ating ipagmalaki sapagkat tayo
ay kanilang inalagaan ng buong puso, may pagmamahal at may takot sa diyos. Lagi
nating pakatatandaan na ang lahat nang paghihirap ng ating mga magulang simula pa
noong tayo’y nasa sinapupunan nang ating Ina hanggang sa tayo’y lumaki, lahat na
iyon ay gawin nating inspirasyon at motibasyon sa lahat ng ating ginagawa upang tayo
maging matagumpay sa buhay. Sa kantang ito, napagtanto ko na hindi lang dapat sarili
ko ang aking iniisip kundi kapakanan din ng aking mga magulang. Kailangan kong
limutin ang mga masasamang bisyo, mga bagay na magdadala ng kahihiyan sa aking
magulang. Pagsusumakitin ko at gagawin ko ang lahat para sa aking pamilya, upang
ako ay kanilang ipagmalaki. Gusto kong makita sa kanilang mukha ang saya at mga
ngiting sa kabila nang kanilang ilang taong paghihirap, ang kapalit nito ay isang
mabuting anak na gagawin ang lahat upang sila ay maiahos sa kahirapan at isang anak
na buong buhay niyang mamahalin at pagsisilbihan.

You might also like