You are on page 1of 3

Louise G.

David Marso 19, 2021


Batyelor ng Agham sa Sikolohiya

Karapatang Pantao
Dahil sa sinaunang sibilisasyon at kabihasan, maging ang pag-usbong ng iba’t

ibang relihiyon at pananampalataya, nabigyang diin ang pagpapahalaga sa karapatang

pantao ng lahat ng mamamayan sa iba’t ibang dako ng mundo. Doon, ang ideya ng

karapatang pantao ay kalaunang ipinalagay bilang isang likas na batas.

Ngunit sa paglipas ng panahon at patuloy na modernisasyon, tila ang karapatang

pantao ay hindi pa tuluyan o lubos na natatamasa. Sa loob pa lamang ng isang tahanan,

natatapakan din ang karapatan bilang isang tao. May pagkakataon na ang mga magulang

ang siyang nasusunod kung anong kurso ang tatahakin ng kanilang mga anak, sa

kagustuhan na sumunod sa kanilang mga yapak kahit hindi naman ito ang kagustuhan.

Noong naluklok si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, naging mainit na usapin ang

karapatang pantao dahil sa kabi-kabilang extrajudicial killings o ang pamamaraan ng

pagpatay sa isang tao o sa isang grupo ng tao na hindi idinaan sa proseso o paglilitis ng

korte, pagpigil sa malayang pagpapahayag ng mga midya at maging ang pagpapatahimik

sa mga kritiko ng gobyerno. Libu-libong inosente ang pinatay, ang ilang rito ay mga

kabataan kabilang si Kian Delos Santos, at hindi iilang pamilya lamang ang nawasak at

patuloy na humihingi ng hustisya. Ang nakakalungkot pa dito, parang hindi pinapansin ng

ating gobyerno ang paglabag sa karapatang pantao. Minsan ay parang sinusuportahan

pa nila ang mga ito. Kaya naman hindi lamang mamamayang Pilipino ang bumabatikos,

maging ang iba’t ibang lider sa iba’t ibang sulok ng mundo ay pinupuna ang mga

nangyayari dito sa ating bansa.


Maging ang diskriminasyon ay nananatili pa din, lalung-lalo na sa mga kababayan

natin na bahagi ng samahang LGBTQA+. Naalala ko ang pahayag noon, taong 2016,

nang ating senador na si Manny Pacquiao na kung saan kanyang binanggit na masahol

pa sa isang hayop ang tao kung ito ay nakikipagrelasyon sa kapwa niya kasarian. Dagdag

pa rito, taong 2019, ang pagbabawal naman sa isang transwoman na si Gretchen Diez

na gumamit ng pambabaeng pampublikong palikuran. Naging talakayan sa kongreso ang

pagpapasa SOGIE Equality Bill na kung saan pumapatungkol sa pagwaksi ng

diskriminasyon hindi lamang sa mga kapatid nating LGBTQA+ kundi sa lahat ng uri ng

kasarian. Magpahanggang sa ngayon, na nasa krisis pa din tayo ng pandemya dulot ng

COVID-19, nayuyurakan pa din ang karapatang pantao. Marami akong natunghayan at

napakinggan na balita tungkol sa mga taong nagpositibo sa sakit na ito ang nakaranas

at patuloy na nakakaranas ng diskriminasyon, kaakibat din nito ang maling pagtingin sa

mga taong may kapansanan at sakit sa pag-iisip.

Isa sa dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito ay ang kawalan o kakulangan

ng kaalaman nating mga Pilipino sa karapatang pantao. Ang mga karapatang pantao ay

ang mga karapatang marapat nating matamasa bilang isang tao. Lahat tayo ay may

karapatang mabuhay. Walang sinuman ang dapat alisan nito, maging ang kalayaan o ari-

arian nang hindi naayon sa kaparaanan ng ating batas. Bawat mamamayan ay may

karapatang sa maayos na edukasyon at trabaho upang mapaunlad ang sarili at makamit

ang mga ninanais sa buhay. Lahat tayo ay may karapatan ding maipahayag ang ating

saloobin o damdamin sa pamamagitan ng malayang pagsasalita o pamamahayag. Tayo

ay pinanganak ng malaya at may pantay pantay na dignidad at karapatan. Kaya’t kahit

ano pa ang ating estado sa buhay, lahi, kasarian at relihiyon, normal ka man o may
kapansanan, kinakailangan na balance ang pagtrato natin sa isa’t isa. Napakahalaga nito

lalo na sa ating mga Pilipino dahil marami tayong minority group sa ating bansa o ang

mga malilit na tribo o grupo na iba ang paniniwala at pamumuhay sa nakakarami. Kaya

madalas ay hindi sila napapakinggan at napag-iiwanan ng lipunan.

Ang pangunahing hakbang upang hindi malabag at lubos na mapangalagaan ang

ating mga karapatan ay ang patuloy na pag-aaral ng mga ito. Ang pag-aaral ay paraan

upang mamulat at manatiling bukas ang ating kaisipan sa higit pang ikalilinang ng mga

ito. May kontribusyon din ang pagsasabuhay nito hindi lamang sa pansariling interes

maging sa interes ng ibang tao. Maaari din tayong maging bahagi ng mga organisasyon

at lumahok sa mga aktibidad na nagsusulong ng karapatang pantao. Kung marami ang

nakakaalam ukol dito, kung saan at kung paano hahanap ng solusyon kapag nalabag

ang karapatan, at kung sino at kung saan mag-uulat ng mga paglabag, tiyak na

mababawasan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

You might also like