You are on page 1of 3

KALAGAYAN NG KABABAIHAN SA INDIA

 Noong 2012, nagsagawa ng poll ang Thomson Reuters Foundation na kung saan itinanghal nito
ang bansang India bilang pinakadelikadong estado para sa mga kababaihan. Ayon sa mga
mananaliksik, ang resulta ng nasabing poll ay hindi lamang nakabase sa mataas na porsiyento ng
sekswal na pang aabuso at harassment, nakapaloob din sa mga salik ang kakulangan sa aksiyon
ng gobyerno upang mabawasan o masolusyonan ang rumaragasang kaso ng karahasan sa mga
kababaihan.
 Sa bansang ito, Nananatilig nakaukit sa lipunan ang kaisipang mas mababa ang antas ng
kababaihan kumpara sa mga lalaki. Naging bahagi ng tradisyonal na paniniwala at kasanayan na
ang mga kababaihan sa India ay nararapat manatili sa mga tahanan, mag-alaga, at magsagawa
ng mga gawain sa loob ng bahay. Limitado lamang ang kanilang tungkulin at bunga nito,
nakatatak na ang kasanayan na hindi na kailangan mag-aral at makatanggap ng tamang
edukasyon ang mga babae. Bilang karagdagang impormasyon, ipinakita sa isang survey noong
2011 na 65.46 % lamang ng kababaihan ay marunong magsulat at magbasa, masasabing mababa
ito kumpara sa 82% na porsiyento sa kalalakihan.
 Ayon sa artikulo ng The Washington Post, 1/3 sa populasyon ng kababaihan sa India ay kasal
bago maglabingwalong taon. Ayon din sa mga pananaliksik, ang bansang ito ang may
pinakamataas na populasyon ng ‘child brides’ o mga kabataang babae na inilalaan ng kanilang
mga pamilya sa kasal bilang tradisyon.
 Dahil rin sa hindi patas na pagtrato ng kababaihan sa lipunan, nagkakaroon rin ng tinatawag na
‘gender gap’ sa pagitan ng anak at pamilya. Mas binibigyang pabor ang mga lalaking anak sa
usaping pamana, pagtrato, at edukasyon.
 Mataas rin ang porsiyento ng femicide o pagpatay ng mga kababaihan dahil lamang sa kanilang
kasarian. Sa pananaliksik na isinagawa ni Siwan Anderson at Debraj Ray, humigit-kumulang 2
million babae ang naitalang nawawala sa isang taon dulot ng rumaragasang kaso ng ‘femicide’ o
‘female foeticide’ na kung saan pinapatay ang sanggol kung babae ang kasarian nito. Ayon din sa
pahayag ng pambansang pamahalaan noong 2018, humigit-kumulang 63 million ang
pangkalahatang bilang ng mga nawawalang babae sa bansa.
 Bukod sa diskriminasyon na lumalaganap sa bansa, karamihan rin sa mga kabataang babae ng
India ay limitado o walang akses sa mga gadyet tulad ng mobile phones at desktop computers.
Lumaki ang porsiyento nito nang nagkaroon ng pandemya noong COVID-19 na kung saan
ipinalaganap ang lockdown at online classes sa maraming rehiyon. Hindi na bihara ang
diskriminsayon sa loob ng tahanan, na kung saan maraming sitwasyon na mas binibigyang
atensiyon ang edukasyon at pagbibigay ng digital na akses sa mga batang lalaki. Bunga nito,
tumaas ang bahagdan ng mga kabataang babae na naapektuhan ang kanilang pag-aaral.

Ayon sa isang survey, 65% ng mga guro ay sumang-ayon sa pahayag na malaki ang salik ng kasarian
sa pagkakaroon ng madaling akses sa teknolohiya, dahil ito sa paniniwala ng mga magulang na hindi
nararapat na ipagamit sa kanilang mga babaeng anak ang mga gadyet dahil maaari itong maging
abala o distraksiyon.BIlang karagdagang impormasyon, ipinakita rin ng survey na 66.7% ng gma
magulang ang naniniwalang hindi angkop ang paghawak ng gadyet para sa kznilang babaeng anak.
Humigit kumulang 41% ng mga babae ay nakagagamit lamang ng gadyet nang hindi hihigit sa isang
oras sa isang araw.
 Sa isang survey, ipinakita na 26% ng mga kababaihan ay hindi nakatatanggap ng karampatang
sahod o hindi patas na sweldo kumpara sa mga lalaki. Ayon din da pagsasaliksik ng Women
Deliver and Focus 2030, 55% ng babae ay nagsabi na nakararamdam ng pagkabahala sa ‘online
platforms’ at 40% naman ay nagsasabing nakararamdam rin ng balisa ‘sa kanilang
pinagtatrabahuan’.
 Sa bansang India, itinuturo na sa murang edad ang pagiging maingat at alerto laban sa mga
sitwasyon na may pambabastos o sekswal na karahasan. Sa isang proyekto rin ng Museum of
Street Weapons of Defense, itinanong sa ilang kababaihan sa India kung may mga bagay o
kagamitan sila na hindi maaaring wala sa tuwing nasa labas. Karamihan sa mga nabanggit ay
maliit na kutsilyo o kahit anong matulis na bagay na maaaaring pandepensa, pepper spray, at iba
pa. Pinapakita ng saliksik na ito na normal na lamang sa mga kababaihan ang paghahanda laban
sa karahasan at ang kawalan ng konsiderasyon ng lipunan sa kapakanan ng mga kababaihan.

KALAGAYAN NG LGBTQ+ SA INDIA

 Ayon sa isinagawang poll ng International LGBT and Intersex Association, 35% ng mamamayan
ay sang-ayon sa pagpapatupad ng ‘same-sex marriage’ sa India, 35% rin naman ang hindi sang-
ayon dito. Ayon pa sa isang survey noong 2019, may iilang rehiyon sa bansa na bukas sa
komunidad ng LGBT tulad ng Uttar Pradesh, Delhi, at Tamil Nadu. Ngunit marami ring lugar sa
bansa na hindi bukas ang pagtanggap sa mga ‘same-sex relationships’ tulad ng Mizoram,
Kashmir, Nagaland, at Kerala. Ayon naman sa 2020 Pew Research, 37% ng mga mamamayan ng
India ay sang-ayon sa pagtanggap ng komunidad LGBT bilang bahagi ng lipunan.
 Noong August 24, 2017, binigyang diin ng Supreme Court na parte ng konstitusyonal at likas na
karapatan ng isang indibidwal na ang kasariang nais niyang kabilangan ay bahagi ng kanyang
pagkatao at walang sinuman ang maaaring lumabag o sumalungat dito. Idiniin rin na
kinakailangang bigyang proteksiyon ang lahat ng indibidwal at ang kaniyang kasarian o ‘sexual
orientation’ bilang pagsunod sa Artikulo 14, 15, at 21 ng Konstitusyon.
 Bagama’t hindi pa buo ang pagtanggap sa nasabing komunidad, aktibo pa rin ang
pagpapalaganap ng LGBTQ+ ng mga pagdiriwang, programa, at mga pagpupulong na kung saan
ipinapakita ng mga miyembro ang kanilang partisipasyon bilang bahagi ng komunidad at naging
pamamaraan rin upang bigyang boses ang hinaing ng komunidad.
 Ngunit, tulad na lamang ng ilang sitwasyon na nagaganap sa ibang bansa, hindi rin maiiwasan
ang mga sitwasyon na kung saan hindi buong pusong tinatanggap ng pamilya ang isang
miyembro kung ito ay kabilang sa isang ‘homosexual relationship’. Karamihan sa mga kaso na
nabibilang dito ay ang pagpatay, blackmailing, at malupit na pagtrato sa mga miyembro ng
LGBT+
 Sa tradisyonal na lipunan ng India, nakapaloob rito na ang pangatlong kasarian ay nabibilang sa
populasyon ng lipunan bilang hijiras o hijadas. Nabigyan ang komunidad ng karapatang bumoto
at pagkakaroon ng aktibong partisipasyon sa mga panlipunang gawain.
 Nagpatupad rin ng iilang batas upang maprotektahan ang kapakanan at kaligtasan ng mga
miyembro ng pangatlong kasarian tulad ng Transgender Persons(Protection of Rights) Act 2019
na kung saan bibigyan ng karampatang parusa ng pagkakulong ang sinumang mang aabuso o
lalabag sa protektisyon ng dignidad ng LGBTQ+
 Mayroon ding mga suliranin na kung saan hindi nabibigyang ng pantay karapatan ang mga
LGBTQ+ couples sa insurance, kasal, at pag-aampon ng bata, pagbili o pag-aari ng lupain,
pagkakaroon ng bank account at iba pa. BUnga nito, ang ilan sa mga miyembro ng LGBTQ+ ay
nais bigyang boses ang mga hinaing ng homosexual couples ukol sa akses, karapatan, at
pagtanggap ng pantay na pagtrato sa loob ng lipunan

KONKLUSYON

Sa kasalukuyan, itinuturing ang LGBTQ+ bilang grupo hindi buong pusong tanggap ng lipunan. Hindi
maiiwasan na may iilang indibidwal o grupo na sumasalungat sa komunidad. Hati man ang opinion
ng masa ukol dito, masasabing Malaki rin ang pinagbago ng Sistema ng bansa sa pakikitungo nito sa
pangatlong kasarian. Mula sa paggamit nito bilang insult tungo sa pantay na pagtrato bilang isa ring
miyembro ng lipunang ginagalawan, naging mas bukas ang publiko ukol sa usaping ito. Ang
mahinang boses na dati’y pipe lamang sa madla, ngayon ay paunti-unting nabibigyang
konsiderasyon ng lipunan.

Hindi magiging madali ang pagbago ng mga nakasanayang pananaw ng lipunan sa mga kababaihan
nito. sa pamamagitan ng mga organsisasyon at programang nais itaguyod ang kanilang proteksiyon,
nabibigyang pansin ang kakulangan ng lipunan at ang mga suliraning nagiging sagabal sa pagtayo ng
ligtas na komunidad para sa mga kababaihan. Kung bibigyang atensiyon ang kanilang boses at mga
hinain, lubha itong makatutulong sa pagpapaunlad sa lipunan bilang isang estado na may mataas na
pagpapahalaga sa karapatan at kapakanan ng bawat indibidwal anuman ang kanilang kasarian.
BAgama’t mabagal ang proseso, ito ang magsisilbing pundasyon tungo sa isang lipunang may
pagpapahalaga sa moral at pagkapantay pantay.

Sa pamamagitan ng aking mga pananaliksik, naging mas matibay ang aking adbokasiya sa
pagpapatupad ng isang ligtas na lipunan sa bawat indibidwal na kung saan hindi nakabase ang iyong
antas sa kasarian. Nagkaroon din ako ng mas malalim na pagkakaunawa sa sistemang nakapaloob sa
bansang India at pati rin ang pagpapahalagang kanilang ipinapamalas sa kababaihan at sa mga
miyembro ng pangatlong kasarian. Sa pamamagitan ng simpleng pagsuway sa mga di wastong
pagtrato at sa pagkakaroon ng solidong pananaw ukol sa isyung ikinihaharap ng lipunan, nailalaan
natin ang ating mga aksiyon tungo sa pagtaguyod ng kaaya-ayang kondisyon at mapayapang Sistema
na kung saan may moral na pakikitungo ang mga miyembro ng lipunan sa isa’t isa.

You might also like