You are on page 1of 1

Kambal Tuko

Ang wika ay bahagi ng ating kultura. Ang wika bilang kolektibong kaban ng karanasan
ng tao sa tiyak na lugar at panahon ng kaniyang kasaysayan. Sa isang wika makikilala ng bayan
ang kaniyang kultura at matututunan niya itong angkinin at ipagmalaki. Ito ay isa sa mga dahilan
kung bakit hindi maaaring mapaghiwalay ang wika at kultura. Ang kultura ang nagpapayaman sa
wika samantalang ang wika naman ang nagbibigay ng ngalan o salita sa lahat ng gawaing
nakapaloob sa kultura.
Ang wika ay nakakaapekto sa kultura, at ang kultura ay nakakaapekto sa wika. Ito ay
dahil matutukoy o makikilala natin ang wikang ginagamit ng isang tao dahil sa kaniyang kultura,
gayundin naman sa kultura, magkakaroon tayo ng pasilip sa kulturang nabibilang ang isang tao
dahil sa katangian ng kaniyang wika. Sa makatuwid, sumasalamin sa kultura ng isang tao ang
kaniyang ginagamit na wika. Nakakaapekto rin ang kultura sa wika sa paraang sa tuwing
nagbabago ang anyo at kaugalian ng isang kultura, sumabay sa pagbabago ang wika. Ito ay dahil
katangian ng wika ang pagiging buhay o dinamiko.
Dahil nga sumasalamin sa kultura ng isang tao ang kaniyang ginagamit na wika, may
mga salita na pag-aari lamang ng isang bansa. Tulad na lamang ng po, opo, at oho na
nagpapahiwatig ng paggalang para sa mga Pilipino. Kultura na rin sa mga Pilipino ang
pagkakaroon ng kaalaman sa ingles na ating itinuturing bilang ‘lingua franca.’ Ito ang dahilan
kung bakit napamamahal tayo sa mga banyagang wika.
Ang mga nakasulat sa taas ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit hindi kailanman
maaaring mapaghiwalay ang wika at kultura. Kung walang kultura, walang yayabong na mga
wika; at kung walang wika, walang mga makikilalang kultura ang bawat bansa sa buong mundo.
Ang Kultura at Wika ay nakabatay sa isa’t – isa.

You might also like