You are on page 1of 7

FILIPINO 2

Aspekto ng Pagbasa
Ayon kay Atanacio mayroong apat na aspekto ng pagbasa

1. Pisyolohikal na Aspekto ng Pagbasa


Isang pisyolohikal na proseso ang pagbabasa dahil
sangkot dito ang mga mata na siyang ginagamit natin
upang makita , matukoy at makilala ang mga imahen
at simbolismo. Sa tuwing tayo'y nagbabasa ang
simbolismo o imahen ay mga liwanag na tumatama
sa retina ng ating mata. Nagkakaroon ng mga
pagbabagong kemikal na dumadaloy sa ating mga ugat
patungo sa cerebral cortex, ang sentro ng ating
utak na nagbibigay ng interpretasyon o kahulugan sa
mga simbolo.

Sa proseso ng pagbabasa ay gumagalaw sa iba't ibang


paraan ang ating mga mata. Kung minsan ay
napapatitig ang ating mga mata upang kilalanin at
initindihin ang teksto. Ang pagtitig na ito ay
tinatawag na fixation. Ang tagal o bilis ng pagtitig
at depende sa tagal ng pagtutok natin sa mga
simbolo o salita. Kung minsan naman ay gumagalaw
ang ating mata mula kaliwa pakanan o mula itaas
pababa na karaniwang nangyayari habang tayo'y
nagbabasa at tinatawag namang inter fixation. Gumagalaw
rin ang mga mata mula sa simula ng binabasa
hanggang sa dulo ng teksto na tinatawag
namang return sweeps. Kung minsan din ay kailangang
balik-balikan at suriin ang ating binabasa. Ang
paggalaw ng mga mata para gawin ito ay tinatawag
na regression.
2. Kognitibong Aspekto ng Pagbasa
Ayon sa organisasyong SEDI. dating kilala
bilang The Southwest Educational Development
Laboratory, na gumagawa ng mga pananaliksik pang-
edukasyon, may dalawang pangunahing hakbang sa
kognisyon: ang pagkilala (decoding) at pag-
unawa (comprehension). Una, kinikilala muna natin at
binibigyang-anyo ang mga simbolong tinututukan ng
ating mga mata. Habang nagaganap ito ay inuunawa
natin ang ating binabasa. Ang mga titik at simbolo
ay naipamamahagi sa iba't ibang sentro ng utak
(pakiramdam, imahinasyon, kagustuhan at iba pa) at
nagkakaugnay-ugnay upang magkaroon tayo ng
pagkilala at pagkaunawa sa kahulugan ng mga
nakalimbag na simbolo. Mahalaga ang pagsasama ng
mga kasanayang ito sa pagbabasa.

Iba't ibang antas ng pagkaunawa (comprehension)


1. Pag-alam sa literal na kahulugan o unang antas
ng pagkaunawa sa binasa.
2. Pagbibigay kahulugan sa nabasa.
3. Paggamit ng kaalamang nakuha mula sa binasa.
4. Paghuhusga o pagtatasa sa nilalaman ng tekstong
binabasa.
3. Komunikasyong Aspekto ng Pagbasa
Ang wika ay napakahalagang kasangkapan sa
pakikipagtalastasan. Bawat wika ay may kaniya-
kaniyang estruktura at kahulugan na kailangang
alamin upang maunawaan ang impormasyong
ipinahahayag nito.
4. Panlipunang Aspekto ng Pagbasa
Isang panlipunang gawain ang pagbasa.Kahit saan
magpunta at kahit saan tumingin ay napakaraming
maaaring basahin. Sa kasalukuyan, ang
pinakamaimpluwensyang pinagkukunan ng ideya at
kaalaman ay ang Internet. Sari-saring impormasyon
ang makukuha mula rito, halimbawa ay mga isyung
pinag-uusapan at binabasa ng nakararami.
Hakbang sa Pagbasa
 Sinasabing mayroong apat(4)na pangunahing hakbang sa Pagbabasa

1. Pagkilala 
Ito ang proseso ng pagkilala at pagtukoy sa mga
nakalimbag na salita o simbolo at kakayahang
mabigkas ang tunog ng mga titik na bumubuo sa bawat
salita.
2. Pag-unawa
Ito ang proseso ng pag-unawa sa mga nakalimbag na
simbolo o salita.
3. Reaksiyon
Ito ang proseso ng pagpapasiya o paghatol sa
kawastuhan at kahusayan ng teksto, pagpapahalaga sa
mensahe nito at pagdama sa kahulugan nito.
4. Pag-uugnay
Ito ay kaalaman sa pagsasanib o pag-uugnay at
paggamit ng mambabasa sa kaniyang dati at mga
bagong karanasan sa tunay na buhay.

SQ3R ng Pagbasa
Ang SQ3R na estratehiya sa Pagbasa:

A.  Survey o Pagsisiyasat
ito ay kritikal na pagbasa na sinisiyasat mabuti
ang teksto upang makuha ang kabuuang ideya kung
patungkol saan ito at matulungan kang magpasya kung
ito ba ay magagamit mo sa  iyong sulatin o
pananaliksik
B. Questions o Mga Tanong
Makatutulong ba ang tekstong ito sa iyo?
Nakapagbibigay ba ito ng kaukulang impormasyong
maaaring gamitin ? Ang pagtatanong ba ay
nakatutulong na makatuon kang mabuti sa iyong
pinag-aaralan.
C. Read o Pagbasa
Gumawa ng mas mahigpit na pag-iingat at detalyadong
pagbasa ng teksto. Sikaping panatilihing nakatuon o
pokus sa iyong layunin sa pagbabasa ng teksto.
Magtala ng mga mahahalagang pangunahing punto.
D. Recall o Pagbabalik Diwa
Isantabi muna ang teksto at ang iyong talaan at
sikaping alalahanin o gunitaing muli ang mga
impormasyong iyong nabasa.
E. Review o Pagbabalik-aral
Basahing muli ang teksto at repasuhin ang iyong mga
naunawaan at linawing mabuti ang anumang punto na
hindi ka sigurado

APAT NA ANTAS NG PAGSUSURI


APAT  NA  ANTAS NG PAGSUSURI NG TEKSTO SA PAGBASA

1. TEKSTUWAL NA PAGSUSURI
Binabasa sa antas na ito ang bawat elementong
tinataglay ng isang teksto. Unang gawain ng isang
estudyante ay ang pagtukoy sa anyo ng tekstong pinag-
aaralan.
 
HALIMBAWA:
                Haligi’y bali-bali
                Ang bubong ay kawali,
                Ang loob ay pusali.
 
Sa kaso ng halimbawang teksto, masasabing ito ay isang
tula. Ngunit anong partikular na uri ng tula?
May taglay ba itong sukat at tugma?
Ilan ang pantig sa bawat taludtod?
Ano ang hulmahan ng tugma? (rhyme pattern)?
Tradisyunal ba ang tula o moderno batay sa anyo,
nilalaman at wikang ginamit?
Ano ang namamayaning larawan o imahen sa teksto?
May kaisahan ba sa ginamit na mga larawan tulad ng
“haligi,”bubong’ at “pusali”?
Anong uri ito ng tula?
 

2. KONTEKSTUWAL NA PAGSUSURI
Sa pagsusuring ito, iniuugnay ng mananaliksik ang
tekstong nabasa sa mga nangyayari sa lipunan;
kinikilala ang teksto bilang produkto ng kasaysayan at
iniluwal ng isang lipunan o grupo ng mga tao.
Mahalaga sa pagsusuring ito ang malawak na kaalaman ng
mananaliksik upang higit niyang maintindihan ang
nilalaman at bisa ng teksto.
Ilan sa mga uri ng pagsusuri  ng konteksto ay ang
historikal na konteksto, kultural na konteksto,
personal na konteksto,, pampulitikong
konteksto,panlipunang konteksto at panlinggwistikang
konteksto.
 
HALIMBAWA:  Sa kaso ng isang halimbawang bugtong,
pangunahing tinatalakay ng pagsusuri ang mga tanong na:
Ano ang nag-udyok sa manlilikha na isulat ang bugtong?
Ano ang mga pangyayaring panlipunan na nag-udyok sa
manunulat o sa taumbayan na likhain ang bugtong na ito?
Iniuugnay rin ng mananaliksik ang isang teksto sa mga
yugto ng kasaysayan ng bansa. Katulad sa halimbawang
tula, Bakit nagkabali-bali ang haligi?
Paano ito nabali sa mga panahon ng kolonyalismo? Bakit
nagging “pusali” ang loob ng bahay?
Ano-ano ang matutukoy na problemang panlipunan sa
taludtod na ito?
 
 

3. PAGSUSURI NG SUBTEKSTO
Halos katulad din ito ng pagsususri ng konteksto
maliban sa binabasa rito ang kahulugan ng maliliit na
bahagi o mga ispisipikong simbolo.Binabatid ng
mambabasa ang halos pribadong sinasabi ng manunulat.
Inaalam ang mga lihim na kahulugan ng mga pangalan,
eksena, lunan, panahon,talinghaga, tono at, damdamin.
Malaking tulong sa ganitong uri ng pagsusuri ang
kaalaman sa manunulat at kaalaman sa sikolohiya upang
mabatid ang malay o di-malay na sinasabi ng teksto
 
HALIMBAWA:
Katulad ng halimbawang tula, bibigyan ng
pahiwatig (clue) ang mga salitang “bahay ni Ka Tale”,
‘haligi”, “bali-bali”, “bubong”, “kawali”, “loob” at
“pusali”. Napakaikli ng bugtong ngunit napakayaman sa
mga lihim na pahayag. Malikhaing ikinukubli ang
sentiminyentong anti-kolonyal ng manlilikha. Tandaan na
ang isang mananaliksik ay tila isang detektib na
naghahanap ng mga nakatagong mensahe sa dawag at lawas
ng mga salita.
 

4. PAG-AARAL NA INTERTEKSTUWAL
Mahalaga sa pagsusuring ito ang masaklaw na pagbabasa
ng estudyante sa panitikan at iba pang tekstong
malikhain. Lagi’t laging iniuugnay ng mambabasa ang
isang partikular na teksto sa iba pang tekstong nabasa
o nalathala.Sa pagsusuring ito, nagkakaroon ng
pahiwatig ang mambabasa na ang mga akda ay magkakaugnay
at may pinagmumulang bukal o pinanggalingan.Natutukoy
rin sa pagsusuring ito ang mga impluwensya at
pinanggalingang tradisyon ng isang manunulat.
 
HALIMBAWA:
Maaaring iugnay ang bugtong sa bahay ni Ka Tale sa mga
teksto na nagtatampok ng simbolo’t talinghaga ng bayan,
nasyon, o bansa. Tinatawag na trope* ang mga
kumbensyunal na ideya o larawan gaya ng “bahay” sa
teksto ng bugtong. Maaaring paghambingin sa pagsusuring
ito ang pananalinghaga ng bugtong sa tradisyunal na
awiting bayan na bahay kubo sapagkat magkatulad
ang trope ngunit magkaiba naman ang mensahe ng dalawang
teksto.
 
*Trope -A trope is an idea or device that repeatedly
appears
Evasco,E. Y et al. (2011). Saliksik. C.E pub house.
Quezon city.

You might also like