You are on page 1of 5

ARALIN 1: KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN NG PAGBASA

Kahulugan ng Pabasa
Ang pagbasa ay isang uri sa mga kategorya ng pakikipagtalastasan ng awtor sa
kanyang mga mambabasa. Tatlong mahahalagang sangkap ang sangkot dito:
ang aklat o anumang babasahin na nagsisilbing tsanel o midyum ng tao, ang awtor na
sumulat ng akdang babasahin, at ang indibidwal na babasa ng kanyang mga isinulat.
Maituturing ang pagbasa na isang proseso at isa ring uri ng kasanayan. Proseso ito ng
pagtuklas ng nais ipakahulugan ng awtor sa kanyang mga akda, at isa ring kasanayan
sa pag-unawa sa pamamagitan ng pagsasalita o wikang ginagamit dito
Ayon sa UP Diksyonaryong Pilipino (2012), ang kalidad o kalagayan ng pagiging
marunong at may kakayahang bumasa at sumulat ang palatandaan ng literasi. Mula
naman sa artikulo ni Juan Miguel Luz (2007), kanyang ipinahayag na “ang Pilipinas ay
hindi bansa ng mga mambabasa kundi bansa ng mga mananalaysay.”
Katuturan at Kahalagahan ng Pagbasa at Pagbabasa
Ang masining, maayos at tamang pagbabasa ay nagiging kapaki-pakinabang sa
mga bumabasa at mga nakikinig. Ito ay nagpapalawak ng kaalaman at nagpapalalim ng
pang-unawa at pag-unawa. Ang pagbabasa ay isang paraan din ng paglalakbay ng diwa,
kaisipan at maging ng imahinasyon ng tao. Ayon nga sa isang kasabihan sa
Ingles “Reading makes a man,” ang pagbabasa ay nagpapaunlad sa personalidad ng
tao. Sa pamamagitan nito ay nabubuo ang kanyang pagkatao. Kailangang pag-ukulan ng
maraming panahon ang pagbabasa sapagkat mahalaga ito sa pagtatamo ng karunugan.

Narito ang katuturan ng pagbasa ayon sa ilang mga eksperto rito:


Leo James English. Isang awtor ng English-Tagalog Dictionary, ang
pagbasa/pagbabasa ay pagbibigay ng kahulugan sa mga nakasulat o nakalimbag na mga
salita.
Kenneth Goodman. Ang pagbasa ay isang saykolingguwistik na panghuhula kung saan
ang nagbabasa ay bumubuong muli ng isang mensahe o kaisipang hango sa tekstong
binasa. Isang prosesong paulit-ulit buhat sa teksto, sariling panghuhula, pagpapatunay,
pagtataya, pagrerebisa, pagbibigay pa ng ibang pagpapakahulugan o prediksyon.
James Dee Valentine. Ang pagbasa ang pinakapagkain ng ating utak at sa maraming
pagkakataon, napatunayan nating marami sa mga nagtatagumpay na tao ang mahilig
magbasa.
James Coady. Ang kaisipang ibinibigay ni Goodman na nagwikang ang dating kaalaman
ng tagabasa ay kailangang maiugnay niya sa kanyang binabasang konsepto o kaisipan
at kasanayan sa pagpoproseso ng mga impormasyong masasalamin sa teksto.
Pagbasa at Pag-unawa
Mayroong dalawang paraan ng pagbabasa ang isang tao:
1. Ang pagbasa nang mag-isa at tahimik ay madalas na nangangailangan ng
komprehensyon o pag-unawa.
2. Ang pagbasa naman nang malakas ay maaaring isagawa nang may pag-unawa o
wala. Maaari kasing mabigkas nang tama ang mga salita kahit hindi ito
nauunawaan
Ipinahayag nga ni Rubin (1993) na ang pagbasa ay isang komplikado at dinamikong
proseso kaugnay ng pagpapadala at pagkuha ng kahulugan mula sa isang nakalimbag
na materyal. Inilahad naman nina Anderson (1985) na ang pagbasa ay isang proseso
ng pagbuo ng kahulugan mula sa mga nakasulat na teksto.
Sina Gray at Robinson mula pa rin kina Lapp at Flood (1992) ay naglalahad naman ng
mas higit na komprehensibong kahulugan ng pagbasa sa pamamagitan ng pag-iisa-isa
sa mga pangunahing komponent ng pagbasa.
Persepsyon – ito ay pagbasa sa akda o pagkilala sa mga salitang ginamit sa akda. Ito
ay maaari sa tahimik o malakas na paraan ng pagbabasa.
Komprehensyon – Ito ay pag-unawa sa mga salita ayon sa kontekstong kahulugan ng
mga ito. Ito ay maaaring literal o di-literal na pagpapakahulugan.
Reaksyon – Ito ay pagbibigay-puna sa binabasa mula sa nilalaman hanggang sa
pagkakabuo ng teksto. Ito ay maaaring sa paraang intelektwal kung saan ang bumabasa
ay nagpapasya sa kawastuhan at lohika ng binabasa, at sa paraang emosyonal kung
saan ang bumabasa ay humahanga sa estilo at nilalaman ng nabasang akda.
Asimilasyon – Ito ang pagsasama-sama at pag-uugnay ng mga kaalaman mula sa
binasa at sa mga dating kaalaman. Ito rin ang integrasyon ng personal na karanasan sa
binabasa.
Akselerasyon - Ito ay kabilisan na tumutukoy sa magkakaibang tulin sa pagbasa na
nakabatay sa dami ng mga bagong salita, haba ng paksa, at ang bigat ng konsepto ng
tekstong binabasa.
Layunin ng Pagbasa
Narito ang ilang mga layunin ng pagbasa:
1. Nagbabasa tayo upang maaliw.
2. Nagbabasa tayo upang tumuklas ng mga bagong kaalaman na maiimbak sa ating
isipan.
3. Mabatid ang iba pang mga karanasan na kapupulutan ng aral.
4. Napaglalakbay natin ang ating diwa sa mga lugar na pinapangarap natin na
marating.
5. Napag-aaralan natin ang kultura ng ibang lahi upang mabatid ang pagkakatulad
at ang pagkakaiba nito sa kulturang ating kinagisnan.
TANDAAN:
Anuman ang nais malaman ng isang tao ay natutuklasan niya sa pamamagitan ng
pagbabasa kaya hindi mapasusubalian ang kahalagahan nito. Napag-aaralan natin ang
kultura ng ibang lahi upang mabatid ang pagkakatulad at ang pagkakaiba nito sa
kulturang ating kinagisnan.

ARALIN 2: TEORYA, URI AT PROSESO NG PAGBASA


Mga Teorya ng Pagbasa
Bilang isang mag-aaral sa Ikalabing-isang Baitang, dapat mong mabatid ang mga
teorya ng pagbasa. Layunin nitong mabigyan ang mga mag-aaral na tulad mo ng mga
gabay sa pagbabasa upang maunawaan mong lalo ang mga binabasa at mapalawak ang
iyong pananaw sa pag-aaral sa mga naturang teksto.
Narito ang apat na teorya ng pagbasa:
1. Teoryang Baba-Pataas (Bottom-Up) – Ang pagbasa ay pagkilala sa mga serye
ng mga nakasulat na simbolo upang maibigay ang katumbas nitong tunog.
Naimpluwesyahan ang teoryang ito ng sikolohiyang Behaviorist kung saan ang
pagkatuto sa pagbasa ay nagsisimula sa yugto-yugtong pagkilala ng mga titik sa
salita, sa parirala, sa pangungusap, at sa buong teksto, bago pa man ang
pagpapakahulugan dito. Tinatawag ito ni Smith (1983) na outside-in o data driven.

2. Teoryang Taas-Pababa (Top-Down) – Ang pag-unawa sa binasa ay nagsisimula


sa isip ng mambabasa (top) patungo sa teksto (down). Naimpluwensyahan ang
teoryang ito ng sikolohiyang Gestalt na nagsabing ang pagbabasa ay isang
prosesong holistiko (holistic process). Hinihikayat ng teoryang ito na gamitin ng
mambabasa ang kanyang context clue upang maunawaan ang mga salita at
konsepto. Tinatawag din ito na inside-out o conceptually driven.

3. Teoryang Interaktibo – Ang teoryang ito ay binuo ni David E. Rumelhart.


Binibigyang-diin ng teoryang ito ang pag-unawa bilang proseso at hindi bilang
isang produkto. Sa prosesong ito mangyari ang kombinasyon ng dalawang
naunang teorya: Teoryang Baba-Pataas at Teoryang Taas-Pababa kung saan
makikita ang interaktibong proseso dahil ang mambabasa ay hindi lamang
nakabatay sa kung anong mayroon ang teksto ngunit ginagamit din nya ang
kanyang dating kaalaman at karanasan pati na ang kakayahang pangwika para
matamo ang komprehensyon ng pagbasa. Sa madaling sabi, ang pagbasa ay
parang interaksyon ng dalawang naunang teorya, ang manunulat ay parang
kaharap ng mga mambabasa na may patuloy na tanong-sagot bilang interaksyon.
4. Teoryang Iskema/Iskemata - Ang lahat ng ating naranasan at natutuhan ay
nakaimbak sa ating isipan o memorya. Ito ay nagiging dating kaalaman (prior
knowledge). Ito’y nakakaimpluwensya nang malaki sa pag-unawa kung ano ang
alam na o hindi alam ng mambabasa.
Mga Uri ng Pagbasa
1. Iskaning – Ito ay isang uri ng pagbasa ng nangangailangan hanapin ang isang
partikular na impormasyon sa aklat o sa anumang babasahin. Ginagawa ito ng
isang bumabasa sa pamamagitan ng palaktaw-laktaw na pagbuklat sa materyal at
pag-uukol ng mabilisang pagsulyap sa mga ito. Halimbawa nito ay paghahanap
ng numero ng telepono sa direktoryo, paghahanap ng isang katuturan ng salita sa
diksyunaryo, paghahanap ng isang tiyak na sagot mula sa tanong ng isang teksto
at iba pa.

2. Iskiming - Ito ay mabilisang pagbasa upang makuha ang pangkalahatang ideya


ng buong teksto. Maaaring ang binabasa lamang ay ang una o huling
pangungusap ng bawat talata sapagkat dito karaniwang matatagpuan ang
pangunahing ideya ng talata. Sa ganitong uri ng pagbabasa, mahalagang matukoy
ang pangunahing ideya ng bawat talata at pagkatapos ay pagsama- samahin ang
mga ito sa pamamagitan ng paglalahat.

3. Analitikal – Ito ay tinatawag na masinsinang pagbasa. Ang isang mahusay na


mambabasa ay hindi lamang kayang unawain ang kanyang binabasa kundi kaya
ring himayin ang teksto at namnamin ang importansyang hatid nito sa kanyang
sarili, sa ibang tao at sa buong lipunan mismo.

4. Kritikal – Ito ay tinatawag na mapanuring pagbasa. Tinitingnan at sinusuring


mabuti ng nagbabasa ang katotohanan at kawastuhan gayundin ang kahinaan at
kalakasan ng tekstong binabasa.
Mayroong pitong (7) pamamaraan ang kritikal o mapanuring pagbasa at ito ay
ang mga sumusunod:
1. Pagbasa nang pahapyaw – Ito ay mahalaga upang magkaroon ng
pangkalahatang pananaw sa nilalaman at kayarian ng teksto.

2. Pagkokonteksto ng teksto – Dapat maikonteksto ng nagbabasa ang teksto sa


kanyang sarili, kultura at maging sa kasaysayan.

3. Pagtatanong upang matandaan at maunawaan – Tumutukoy ito sa pagbuo ng


mga katanungan kaugnay ng nilalaman.
4. Paghahambing ng mga paniniwala at pagpapahalaga ng mambabasa sa
nilalaman ng teksto - Sa pagbabasa ay maaring lagyan ng tanda o marka ng
nagbabasa ang taliwas o iba sa kanyang paniniwala at muling babalikan upang
makabuo ng argumento.

5. Pagbabalangkas at paglalagom – Pagkilala sa pangunahing ideya at muling


pagpapahayag ng mambabasa.

6. Pagtitimbang sa isang argumento – Ang mambabasa ay kailangang magkaroon


ng bukas na isipan at handang magtimbang ng mga argumento at magpasya kung
ano ang kanilang paninindigan.

7. Pagtutulad at pag-iiba sa mga kaugnay na babasahin - Pagsisiyasat ito sa


pagkakatulad at pagkakaiba ng mga teksto upang higit itong maunawaang mabuti.
TANDAAN:
Ang pagbabasa ay nagbibigay ng impormasyon at nagiging daan sa kabatiran at
karunungan ng isang tao.

You might also like