You are on page 1of 13

Module 002: Pagbasa at Pagsusuri ng mga

Kritikal na Pag-aaral sa Displinang Filipino


(Unang Bahagi)

Sa katapusan ng modyul na ito, ang bawat mag-aaral ay inaasahang


1. Naiisa-isa ang paraan sa pagbasa at pagsusuri ng mga kritikal na pag-aaral
sa disiplinang Filipino.
2. Nabibigyang-halaga ang mga kritikal na pag-aaral sa displinang Filipino sa
tulong ng pagbabasa at pagsusuri.
3. Nakakapagbabasa at nakapagsusuri ng isang maikling kuwento gamit ang
pinakamalalim na proseso sa pagbabasa at pagsusuri.

PROSESO NG PAGBABASA AT PAGSUSURI NG TEKSTO


Sinasabing bahagi ang pagtatanong saka pagtataka ang paghahanap ng tao ng
karunungan. Mahalagang bahagi ito ng pag-iisip.
Hamon ni Florentino Timbreza, Tagapagtaguyod ng Pilosopiyang Filipino.
Hindi kusang uunlad ang anumang pag-iisip sa sarili nito mismo. Uunlad lamang ito sa
pamamagitan ng pag-iisip ng taong nag-iisip. Ang pag-unlad ng pag-iisip ay isang prosesong
intelektwal na nagaganap habang ang tao ay nag-iisip. Kaya maggkakkaroon lamang ng pag-
iisip kung mayroong taong nag-iisip; at sa pamamagitan ng taong nag-iisip ay uunlad ang pag-
iisipna kanyang pinag-iisipan. Totoo rin ito sa anumang pilosopiya. Habang ang tao ay
namimilosopiya, uunlad at uunlad ang pananaw o simulain na kanyang pinagwari-wari at
pinipilosopiya.

BALIK-TANAW SA PROSESO NG PAGBABASA


Inilahad sa aklat na Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t ibang Disiplina nina Austero et
al.(2003) na ayon kay Goodman, ang pagbasa ay saykolinggwistiks na panghuhula ng
kahulugan, mensahe o kaisipan ng tekstong binasa.
Ayon naman kina Arrogante et al. (2007), ang pagbasa ay hindi awtomatikong
nagagawa ng tao sapagkat kinakailangan ang mahusay na pagkilala, pagkuha at pang-unawa
sa mga ideya at kaisipanmula sa mga simbolong nakalimbag, saka ito bibigyan ng
interpretasyon.
Inilahad din nina Alcaraz et. al. (2005) sa kanilang aklat sa Filipino I-Komunikasyon
sa Akademikong Filipino na ang pagbasa ay pangunahing kasangkapan sa pansariling
lakbayin tungo sa paaghanap ng kaalaman at katotohanan. Ito rin ay gamit sa paghanap ng
kahulugan at kabuluhan ng mga bagay-bagay sa paligid o maging sa paglinang ng mapanuri
at malikhaing kaisipan.
Sa aklat na Teaching Reading (2004) ni Erlinda G. Tejero, ang pagbasa ay pagbibigay
ng kahulugan sa halip na pagkuha ng kahulugan sa nasusulat na teksto. Ito ay proseso na ang
mga impormasyon mula sa teksto at ang kaalamang taglay ng mambabasa ay nagtatagpo
upang makabuo ng kahulugan. Mula sa mga nabanggit na mga bahagi ng pagpapakahulugan
ng iba’t ibang palaaral at awtor, narito ang mabubuong sintesis.
Ang pagbasa ay aktibong proseso ng pagbibigay-kahulugan sa mga nasusulat na
simbolo/titik o teksto sa tulong ng kabatirang taglay ng mambabasa.
Posible ang mga imposible sa pagbabasa. Tanging sa pagbabasa ang tao ay
nakakukuha ng milyong kalaamang magagamit niya sa kanyang pamumuhay. Ang aklat kasi
ay maituturing na bangko na nagpapalabas ng milyong halaga ng impormasyon. Hindi nagsi-
zero balance
Sa kasanayang ito, libre rin siyang (ang tao) nakapaglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng
mundo nang hindi umaalis sa kinalalagyan. Nakikilala rin niya ang sinumang (pumanaw na
o sikat na personalidad) sa buong buhay ay hindi pa nakakaharap. Sa pagbabasa rin naililipat
sa iba’t ibang kaisipan ang mga klasikal at walang kamatayang akdang pampanitikan.
May iba’t ibang paniniwala o teorya sa proseso ng pagbasa na inilahad sa aklat na
Teaching Reading (2004).
Sa teorya ni Gough na bottom-up, mahalagang elemento ang tekstong binabasa.
Binibigyang diin sa prosesong ito ang yugto-yugtong pag-unawa sa titik patungong salita,
salita patungong pangungusap at hanggang sa matunton ng mambabasa ang ganap na pag-
unawa sa kahulugan ng buong teksto. Kaya tinawag na bottom-up mula sa tekstong
nakalahad ang pag-unawa.
Nagsisimula naman sa nauna/nakaimbak na kaalaman ng mambabasa ang teoryang
top-down ni Goodman. Nangangahulugan ito na may dating kabatiran na ang mambabasa
bago pormal na lumusong sa pagbasa ng hindi payugto-yugto kundi sa kabuuan ng mga
nasusulat na pahayag. Ang ganap na kaalaman sa teksto ay makakamit matapos buoin at
iugnay sa pansariling iskema ang mensaheng nais na ihatid ng manunulat.
Ang teorya ni Rumelhart na interactive/transactive ay kombinasyon ng unang
dalawang nabanggit na modelo. May bahagi ng babasahing hindi pamilyar sa mambabasa
kaya’t nagaganap ang modelong bottom-up. May bahagi rin na pamilyar sa kanya kaya’t
nabibigyang daan ang top-down. Nagkakaroon ng ugnayan ang dalawa.
Sa bawat yugto ng paglaki at pag-unlad ng indibidwal ay may inaasahang kaugnay
ring yugto ng pagbasa.
Ang yugto ng kahandaan sa pagbasa ay makikita sa isang batang nakatakdang
ipasok sa preschool. Ang yugto ng panimulang pagbabasa ay inaasahan sa mga mag-aaral
na nasa una at ikalawang baitang sa elementary. Sa bahaging ito, ang mga bata ay nakakikila
na ng mga simbolo, salita, parirala at pangungusap. Sa mga nasa ikatlo hanggang ikaanim na
baiting ay nakatakda naman ang yugto ng mabilis na paglaki na ang pagbabasa ay
sinasangkapan na ng pinaunlad na talasalitaan at pagkilala sa kontekstwal na kahulugan. Ang
yugto ng malawak na pagbasa ay sa mga mag-aaral sa sekondarya at tersarya. Inaasahan
na ang mga mag-aaral sa bahaging ito ay bihasa na sa pagpapakahulugan at kritikal na
pagbasa (Tejero, 2004)

Ang pagbasa bilang estratehiya sa pagtuturo at pag-aaral ay kinabibilangan ng mga


yugtong bago magbasa, habang nagbabasa at matapos magbasa.
Bago magbasa ay inihahanda muna ang bawat mag-aaral sa pamamagitan ng mga
pangganyak na gawain at mga nakabiting katanungan bilang gabay. Ang mga pangganyak na
gawain ay malaking tulong upang maihanda at magkaroon ng kapanabikan sa gawain ang
mag-aaral. Sa ilang pagkakataon, binibigyan ang mga mambabasa ng mga dagdag na
impormasyon tungkol sa awtor.
Habang bumabasa ay maaaring isagawa ang pagtatala at pagsagot sa isip sa mga
katanungang ibinigay sa simula.
Matapos ang pagbasa ay handa ng ibahagi ng mambabasa ang kanyang mga
nalalaman sa pamamagitan ng pakikipagtalakayan o di kaya pagsusulat ng kaugnay na
teksto.
Ang pagbabasa ay maaaring uriin ayon sa layunin ng nagsasagawa nito.
Kapag ang layon ng mambabasa ay kumuha ng pangkalahatang impresyon sa teksto
gayundin ang lawak at sakop na ideya niyon, ang pagbasa ay nasa uring pahapyaw o
skimming. Ito rin ang ginagawa sa pagsasaliksik sa internet gamit ang kompyuter. Gayundin
ang senaryo sa silid-aklatan kung ang mag-aaral ay naghahanap ng dagling kasagutan sa
anumang paksa. Malaking tulong sa pahapyaw na pagbasa sa silid-aklatan ang paggamit ng
kard catalog.
Samantala, kapag ang layon ng mambabasa ay kumalap ng komprehensibong detalye
sa sinasaliksik, ang pagbasa ay nasa uring masusi o scanning.
Kung ang layunin naman ng mambabasa ay makapagbahagi ng impormasyon o di
kaya ay makapagbigay-aliw sa harap ng tagapakinig, ito ay tinatawag na malakas na
pagbasa. Samantala, kung ang pakay ay maunawaang ganap ang teksto para sa pansariling
kapakinabangan sa pamamagitan ng higit na konsentrasyon, ito ay tahimik na pagbasa.

METACOGNITIVE AT COGNITIVE NA ESTRATEHIYA TUNGO SA KRITIKAL


NA PAGBASA
Ang pag-unawa sa binasa ay gawaing pangkaisipan/cognitive. Naisasakatuparan
ang kasanayang ito hindi lamang sa pagganap ng mata, at bibig (kung malakas na pagbasa)
kundi ng isip. Pangkaisipan sapagkat ang pangunahing layunin ay makabuo ng
pagpapakahulugan sa mga nasusulat sa teksto.
Ayon kay Ehri sa akalat na Teaching Reading, upang mabigyang kahulugan ang
nasusulat na teksto, ang mambabasa ay kailangang magtaglay ng kaalamang
metacognitive. Ito, ayon sa kanya ay nagbibigay ng pagkakataon sa mismong mambabasa
na malaman ang antas ng kanyang pang-unawa. Sa pagkakataong malaman iyon,
natutulungan niya ang sarili na malutas ang mga suliranin sa nabanggit na kasanayan.
Sa aklat na Principles of Teaching I nina Corpuz at Salandanan (2007), binigyan ng
pagpapaliwanag ang metacognitive bilang estratehiya sa pagtuturo at pagkatuto. Ang
unalaping meta- na ikinabit sa salitang ugat ay nangangahulugang higit. Kung gayon, ang
metacognitive na estratehiya ay higit pa sa kasanayang pampag-iisip. Ito ay nagbibigay-
daan sa bawat indibidwal na alamin, tingnan at pag-aaralan ang sariling proseso ng pag-iisip.

Halimbawa, matapos na ipabasa ng guro ang isang teksto, hinihikayat niya ang mga
mag-aaral na ihayag ang kanilang damdamin at iniisip habang binabasa iyon. Sila ba ay
nagkakaroon ng pagdududa, pagtatanong at kapanabikan habang isinasagawa iyon? Isa pang
popular na tanong ng guro ay ganito: Ano ang masasabi ninyo sa inyong binasa? Ano-ano ang
mga naglalaro sa inyong isipan habang nagbabasa? Susundan pa ng ganito: Paano at bakit
mo nasabi ang ganoon?
Mabisang estratehiya ang pagtatanong sa o ng mambabasa sakanyang sarili upang
masubok ang metacognition at ganap niyang maisagawa ang kritikal na pagbabasa.
Ang kritikal na pagbasa ay kinabibilangan ng mas matataas na antas ng pag-iisip
(Higher Order Thinking-pagsusuri, pagmamarka/pagbibigay puna at pagbuo).
Pinagbababatayan dito ang binanggit ni Anderson na mga antas sapangkaisipang
domeyn. Ayon sa pagkaksunod, ito ay kinapapalooban ng pag-aalala, pag-unawa, paglalapat,
pagsusuri, pagmamarka/pagbibigay –puna at pagbuo).
Ang unang nabanggit na tatlo ay nasa mababang antas ng pag-iisip. Karaniwan, ang
mga ito ay pagtugon sa mga tanong na sino, ano, kalian at saan. Gayundin ang mga gawaing
pagbibigay-kahulugan ng mga salita, paglalarawan, pagbubuod at pagsasabuhay/aplikasyon
ng mga nilalaman.

Narito ang mga pagpapaliwanag sa mas mataas na antas ng pag-iisip.

Antas-pagsusuri. Tinutukoy sa o ng mambabasa ang sanhi at bunga ng mga pangyayari,


motibo ng mga pagkilos, konklusyon at paglalahat at mga patunay/ebidensya para
pagtibayin ang mga pangyayari o sitwasyon.
Halimbawa: paghahambing ng mga ideya (iskema ng mambabbasa at pananaw ng
manunulat), pagtukoy sa sanhi at bunga, pagpapaliwanag sa motibo ng mga aksyon.

Antas-pagmamarka/pagbibigay-puna. Sa natas na ito, hinihikayat ang mambabasa na


magbigay ng pangkalahatang puna at reaksyon sa mga mahahalagang detalye sa teksto.
Halimbawa: pagbibigay-puna sa pagkakabuo at pagkakalahad ng mga detalye, sa mga
tauhang gumanap at sa mga pangyayari.

Antas-pagbuo. Isinasagawa ng mambabasa ang pagbuo ng bagong sariling kaisipan o ideya


mula sa binasa. Dagdag pa, ang paglikha ng awtentikong patunay ng pagkaunawa sa teksto.
Halimbawa: pagbuo ng salaysay, pagbibigay ng mungkahing solusyon, paglalahad ng
suhestyon sa pag-unlad ng nilalamang paksa.
ANG TEKSTO AT ANG KONTEKSTO NG WIKANG GAMIT SA BABASAHIN
Nararapat na alamin ng mga kasangkot sa diskurso ang tinatawag na teksto at
konteksto para sa pag-unawa ng wikang gamit sa babasahin.
Ang teksto ay ang wika o ideyang itinatawid o pinagpapalitan sa diskurso
samantalang ang kahulugang (berbal o di- berbal) kargado ng mga iyon ay ang tinatawag na
konteksto.
Inilahad nina Paz et al. (2003), isaalang-alang din ang lugar, mga bagay sa paligid,
kultura at konseptong pansarili ng mga taong kasangkot (pisikal na konteksto), ang mga
salitang ginamit sa pangungusap (linggwistik na monteksto) at ang ugnayan ng nagsulat at
nagbasa (sosyal na konteksto).
Halimbawa:
Sa diskurso ng mga magkakaibigan…

Panatiko 1: Mas mahusay ang kandidatong iboboto ko sa eleksyon.


Panatiko 2: Paano masasabing mahusay ang kandidato mo samantalang hindi naman
makaabante sa mga survey? Mabuti pa ang ihahalal kong kandidato, sikat na sikat!
Panatiko 1: Sikat nga at hawak nga ang mga unang puwesto sa survey pero wala
naming napatunayan sa paglilingkod sa mga pampublikong tanggapan.
Tagapamagitan: O teka, mga p’re, tama na iyan, umiinit na ang usapan gayong
malamig pa ang yelo sa ating iniinom.

Maisasaalang-alang ang pisikal na konteksto ng nag-uusap sa konseptong pansarili. May


pagkakahati ng paniniwala ngunit tiniyak na binigyan ng pagkakataong magbahagi ang
bawat isa.
Sa mga salitang sikat na sikat, pinagtitibay lamang ni Panatiko 2 na mas mahusay ang
ganoong kandidato kaysa sa payak na salitang mahusay lamang.
Sa pahayag na mismo ni Panatiko 1, nagmula na hawak na ng pulitikong tinutukoy
ang mga unang puwesto sa sarbey na nagpatibay naman sa kasikatang ibinabandera ng
ikalawang panatiko. Ganoon man, naroon ang lakas ng punto ni Panatiko 1 sa pagpapatibay
na subok na ang kanyang kandidato at hindi sarbey ang sukatan. Sa pagbasang ito sa mga
pahayag, magiging malinaw ang linggwistik na konteksto.
Mahihinuha na magkakaibigan ang nag-uusap kaya sa sosyal na konteksto, may
malalim nang ugnayan sa pagitan nila. Inaasahan na walang mangyayaring pag-aaway
sapagkat mabilis na pinawi ng tagapamagitan ang papataas na tension.

ANTAS NG PAGSUSURI NG TEKSTO


Katulad ng nabanggit na, ang ganap na pagbasa ay may pag-unawa. Batay kay Salazar
sa aklat ni Tejero (2004), ang gawaing pag-unawa sa binasa ay bumubuo sa lahat ng
kasanayan sa pagbasa, simula sa pagkilala sa salita hanggang sa pag-alam at pagpapaliwanag
ng kahulugan niyon.
Hinati ni Frank May sa apat na kategoya ang mga kasanayan sa pag-unawa ng binasa
(Tejero, 2004).

1. Ang literal na pag-unawa ay kinabibilaangan ng pag-alala sa pagkakasunod-sunod ng


mga pangyayari at mga mahahalagang detalye.
2. Ang kategoryang paghihinuha ay pagbuo ng prediksyon at pagkilala sa pangunahing
ideya ng akda.
3. Ang kritikal na pag-iisip ay pagkilala sa opinion at katotohanan, sa pananaw at panig ng
sumulat at pagtataya sa kabuoan ng teksto batay sa binuong rubrics o panukatan.
4. Ang malikhaing pag-iisip ay pagbuo ng bago at masining na ideya mula sa nabasa.

Narito ang mga antas ng pagsusuri ng teksto na mahalagang paglapatan ng mga


kasanayan sa pag-iisip.

Unang antas-pagbasa sa salita/reading the lines. Naalala ng mambabasa ang


pangunahing ideyang nais ihatid ng may-akda – ang mga detalye, element at bahagi ng
material na nabasa.
Ikalawang antas-pagbasa sa pagitan ng mga salita/reading between the lines.
Nabibigyang kahulugan at iniuugnay ng mambabasa ang mga bahagi ng teksto sa isa’t isa
upang makapaglahad ng hinuha at interpretasyon.
Ikatlong antas-pagbasa higit sa mga salita/reading beyond the lines. Iniuugnay ng
mambabasa ang pansariling iskema sa nabasa at napaghahambing ang sinabi ng awtor sa
sariling paniniwala. Hinihikayat din sa antas na ito na bumuo ang mababasa ng sariling
pananaw ngunit batay pa rin sa nabasa, pagsalungat man o pagsang-ayon.
Ikaapat na antas-pagbasa sa karakter at pagpapahalaga/reading with the
character/transactive. Inilalagay ng mambabasa ang sarili sa nilalaman ng teksto.
Pinapasok niya ang sarili sa binabasa. Nalilinang at nasusubok ditto ang bias at sariling
pagpapahalaga ng mambabasa at tinitiyak ang kaugnayan ng teksto sa sarili, pamilya at
komunidad, bansa at daigdig.

Bukod sa kasanayan sa pagpili ng impormasyon, kinakailangan din ng isang


mananaliksik ang mgakaroon ng ganap na kasanayan sa pagbabasa at pagbubuo ng
impormasyon. Hindi mapagkakasya sa isang libro o aklat ang lahat ng impormasyong
makakalap, ito ang dahilan kung kaya’t kinakailangan maibuod ito nang hindi mawawala o
maisasakripisyo ang mga kakailanganing datos. May iba’t ibang pamamaraan sa pagbabasa
at pagbubuod ng impormasyon, narito ang sumusunod:

Kasanayang Pagbasa gamit ang SQ3R. Iminungkahi ni Robinson (1970), ang SQ3R
dahil sa kagamit-gamit ito sa pagkuha ng mga impormasyon sa loob ng teksto. Nakatutulong
ito na makalikha ng balangkas sa kaisipan ng mambabasa na siyang magagamit upang
maisalansan nang wasto ang mga impormasyon. Makatutulong dinito nang malaki sa
pagtatalaga ng layunin sa pagbasa sang-ayon sa hinihingi ng pananaliksik.
S-Survey. Isa-isahin ang bawat bahagi o nilalaman ng dokumento. Iiskan ang
panimula, mga lagom ng bawat kabanata upang makuha ang paimbabaw na kabuuang
nilalaman ng teksto. Magdesisyon kung ang tekstong babasahin ay makatutulong sa pag-
aaral, at kung hindi naman, huwag nang ituloy ang pagbasa at humanap na lamang ng ibang
aklat na makatutulong sa iyo. Kung ito ay makatutulong, tumuloy sa kasunod na hakbang.

Q-Question. Tanungin ang sarili kung patungkol saan ang mga tekstong babasahin.
Ano-anong katanungan ang sinasagot nito na magiging kapakinabangan na isinasagawang
pananaliksik. Maaaring iiskan muli ang dokumento upang makatiyak sa mga katanungang
ninanais na masagot. Maituturing rin na tunguhin ng pag-aaral ang mga katanungang
ibinigay at ang pag-unawa sa mga katugunan nito ay makatutulong nang malaki sa pagbuo
ng balangkas ng mga kaisipan.

R-Read. Matapos ang pagtatanong ay basahin na ang teksto. Basahin ang mga
bahaging magiging kagamit-gamit sa pananaliksik at maging maingat sa pag-unawa sa bawat
mahahalagang puntos ng teksto.

R-Recall.Matapos ang matimtimang pagbasa, pag-isipan nang makailang ulit ang


bawat seksyong binasa. Magmuni-muni at tipunin ang mga impormasyong kakailanganin sa
paglalakip ng mga kaisipang binubuo ng teksto.

R-Review.Matapos na dumaan sa proseso ng Recall, balik-aralan ang teksto sa


pamamagitan ng muling pagbasa, pagpapalawak ng mga isinulat na tala, o kaya’y
pakikipagtalakayan sa taong nakabasa na rin ng teksto.

Kasanayan ng Pagpapakahulugan
Kinakailangang maging tiyak sa pagpapakahulugan ng mga salita. Dapat tandaan na sa
sulating pananaliksik ay kinakailangan ang pagiging wasto ng mga katagang ilalagay
sapagkat dapat na ito ay maging siyentipiko. Karaniwang ginagamit sa ganito ang
pagpapakahulugang denotatibo. Ito ang paraan ng pagpapakahulugan kapag tumutukoy sa
literal na konsepto ng bagay, tao, lugar o pangyayari. Karaniwang makikita sa diksyonaryo
ang ganitong uri ng kahulugan. Halimbawa nito ang salitang Kompyuter na
nangangahulugang isang makina na ginagamit sa paggawa ng mga kalkulasyon o mga
operasyon na maaaring gawin sa pamamagitan ng terminong numerical o lohikal
(Wikipedia). Samantala, Konotatibo naman ang paraan ng pagpapakahulugan kapag ito ay
nagtataglay ng mga emosyonal o pansaloobing pahiwatig. Subhektibo ang ganitong paraan
ng pagpapakahulugan. Halimbawa, ang salitang babae, ito ay salitang pangkasariang
ginagamit para sa tao at mga hayop. Ngunit kapag ito ay ginamit ng isang ginang sa
pangungusap na: “May babae ka kasi kaya hindi ka makapagbigay ng pera sa amin ng
pamilya mo.” Ang salitang babae ngayon ay nangangahulugan nang kalaguyo at si mister ay
hindi nagtataksil sa kanyang asawa.
Kasanayan sa Pagbasa ng Grap
May mga impormasyong nakatala sa pamamagitan ng grap. Kinakailangan ng maayos na
pag-aanalisa upang maunawaang mabuti at makuha ang impormasyong ipinababatid nito.
Narito ang ilang patnubay: Una, suriin ang pamagat ang grap. Sa pamagat pa lamang ay
mabibigyang-linaw na sa mambabasa kung ano ang binibigyang diin ng binabasang grap;
Malaking tulong ito sa pagkuha at pagbibigay ng wastong impormasyon; ikatlo, pag-aralan
ang iskalang ginamit. Makikita ito sa linyang vertical at horizontal. Makikita rito ang sukat o
bilang na kinakatawan ng bawat bar, linya o larawan na siyang kinapapalooban ng
impormasyong nakapaloob sa grap. Suriin ang mga bilang at kahulugan nito. Magsagawa ng
paghahambing at obserbahang maigi ang mga kaugnayan at kaibahan ng bawat bahagi; at
panghuli, magbigay ng konklusyon. Analisahing maigi ang mga nakalap na impormasyon at
gumawa ng sariling konklusyon hinggil dito.

Kasanayan sa Pagbasa ng Talahanayan


Katulad ng grap ay karaniwan ding makikita ang mga talahanayan sa sulating pananaliksik.
Binubuo ito ng mga kolum na siyang kinapapalooban ng mga impormasyon. Karaniwang
pamilang ang inilalagay na datos sa talahanayan.Narito ang paraan sa pagbasa ng
talahanayan. Una, basahina t suriing maigi ang pamagat ng talahanayan. Ito ang nagbibigay-
linaw kung patungkol saan ang binasang talahanayan; ikalawa, basahin ang tala o legend.
Pagkaminsan ay may mga katumbas na deskripsyon ang bawat bilang na naitala; ikatlo pag-
aralan ang mga katumbas na bilang o kaya’y ; bahagdan at kung ano ang kahulugang
ipinaaabot nito; at panghuli, magbigay ng koklusyon.

Kasanayan sa Pagbasa ng Flow Chart


Nakapaloob sa flow chart ang pagkasunud-sunod na daloy o patunguhan ng mga isinasaad
na impormasyon. Sa unang bahagi ng pananaliksik ay mga paradigm o paradaym na siyang
kinakikitaan ng batayang konseptwal. Malaki ang maitutulong ng flow chart upang
maunawaan nang lubos ang pagkakasunud-sunod na daloy ng impormasyon. Bawat hakbang
o bahagi ay kinakailang suriin upang matiyak ang kaugnayan nito sa iba pang bahagi.

Kasanayang Pagbasa ng Sulating Pananaliksik


Kapag napdpad ka sa silid-aklatan, nakahambalang ang mga napakakapal na mga tisis at
disertasyon na nakabukbaynd. Sa pagtingin pa lang ay kakabahan ka na dahil sa iisipin mong
ganito rin kaya ang gagawin namin? Sa pag-iisip pa lamang ay matatakot kanang basahin ito
dahil baka nga hindi mo matapos at mauubos ang oras mo sa pagbasa ng isang tisis pa
lamang.
Kinakailangan sa isang mambabasa ng sulating pananaliksik ang laging nagtatala o kaya’y
gumagamit ng haylayter para sa mga importanteng mga detalye at ideya. Si Dr. Johanna
Rubba ng California Polytechnic State University ay gumawa ng patnubay sa pagbasa ng
sulating pananaliksik ayon sa pagkakasunod-sunod:
Una, basahin ang bahagi ng konklusyon na nasa hulihan ng artikulo. Sa isang ordinaryong
kwantitatibong pananaliksik, makikita ito sa ikalimang kabanata. Ang mga nabuong
konklusyon ay nakabatay sa mga hinuha o hipotesis ng isinagawang pag-aaral o
pananaliksik. Maaaring hindi madaling mauunawaan mo agad ang mga sinasabi sa bahaging
ito ngunit laging tandaan na dito isinusulat ng mananaliksik ang lagom ng buong pag-aaral.
Nagsisilbing tagapagpahayag ang konklusyon kung gaano katatag o kahina ang mga
nakalapa na datos sa pagtugon sa mga hipotesis ng pag-aaral kung maaaring kakitaan din
ito ng mga pinatotohanan at/o pinasubaliang mg ateorya na pinagbatayan ng pananaliksik.
Ikalawa, Bumalik sa unahang bahagi ng pananaliksik at basahin ang unang kabanta na
kinaroroonan ng: Panimula, Kaligirang Kasaysayan ng Pag-aaral, Paglalahad ng Suliranin,
Hipotesis at iba pa.

Kaligirang Kasaysayan. Karaniwang makikita sa panimulang bahagi ng pag-aaral ang mga


kadahilanan ng paggawa ng pananaliksik. Una na rito ang Kaligirang Kasaysayan o
bakgrawnd ng pag-aaral. Nakapaloob sa bahaging ito ang mga dahilan kung bakit
isinasagawa ang pananaliksik/pag-aaral. Kadalasang ang isang sulating pananaliksik ay
nakabatay sa konteksto ng mga naisagawa na o napatotohanan nang pananaliksik, maaaring
ito ay nagpapatotoo, nagpapalawak, sumusuporta, tumutuligsa, o kaya naman ay
nagpapabulaan sa mga kontrobersiya o sa mga resulta ng mga kasalukuyang tanggap na
kaalaman sa larang ng pananaliksik na pinagbatayan. Sa seksyong ito, matutunghayan ang
ilang mga mahahalagang publikasyong naisagawa na, na siyang pinagbatayan ng
kasalukuyang isinasagawang pag-aaral o pananaliksik.

Mga Suliranin at Hipotesis. Kinakailangang maipahayag na ng mananaliksik sa unang


bahagi pa lamang ng kaniyang sulatin ang mga dahilan sa paggawa ng pananaliksik.
Naisasagawa ang isang pananaliksik dahil may mga karanasan o kaya’y mga datos na
nakapagganyak sa kuryusidad ng isang mananaliksik na nais niyang masagot. Ang suliranin
ng [pag-aaral o pananaliksik ay hindi tumitiyak o pumapanig sa maaaring kahinatnan ng
isinasagawang pag-aaral, hindi rin ito kakikitaan ng pagtaliwas o kaya’y paghahatol bagkus
ay kakikitaan ito ng mga katanungan sa pagkuha ng mga impormasyon na maaaring
maghatid sa pagsusuri at pagbubuo ng hinuha. Samantala ang Hipotesis naman ay hayagang
humahatol sa maaaring kahinatnan ng mga makakalap na datos. Naghahayag ng paghula sa
positibo o kaya’y negatibong maaaring maging resulta ng mga suliranin.
Sa pamamgitan ng pagbasa ng mga suliranin at hipotesis ay magkakaroon na nang
malawakang ideya kung ano nga ba ang inaasahan na lalamanin at hahalukayin sa
binabasang tisis o pananaliksik. Hindi magkakaroon ng mga makabuluhang pagtuklas ang
isang pananaliksik nang hindi nakalahad sa mga suliranin ng pag-aaral at sa inaasahang
magiging kahihinatnan nito na nakalagay naman sa hipotesis.

Ikatlo, Basahin ang pamamaraang ginamit sa pag-aaral at magsagawa ng iskim ng pagbasa


sa mga natuklasan. Karaniwang makikita sa ikatlong kabanata ng ordinaryong tisis ang mga
Pamamaraan o Metodolohiyang ginamit sa pag-aaral. Napakahalagang maintindihan at
masuri kung paano isinagawa ang binasang pag-aaral upang maintindihan ang naging
resulta o mga natuklasan nito.

Ikaapat, Matapos masuri ang pamamaraang ginamit at maiskim ang mga natuklasan,
dadako na sa pinakamabigat na bahagi ng pananaliksik, ito ang paglalahad, pagsusuri at
interpretasyon ng mga ng mga datos (Kabanata 4). Naglalaman ito ng mga impormasyon na
maaaring nasa iba’t ibang anyo, tulad ng talahanayan, grapikong representasyon, at iba pang
pantulong biswal upangg mailahad ng maayos ng mananaliksik ang mga impormasyon.
Kinakailangan ang imahinasyon at talim ng pag-iisip sa bawat detalyeng makikita sa mga
datos na inilahad sa bahaging ito. May mahalagang may basikong kaalaman sa pagkompyut
lalo na sa istadistika sapagkat ito’y nagiging batayan ng mga isinasagawang pagsusuri at
paglikha ng interpretasyon ng mga datos na nailhad sa pananaliksik.

Panghuli, Siyasating maigi ang Pagsusuri at Interpretasyon ng mga datos. Ang bahaging ito
ang pinakamahalagang bahagi sapagkat sinusuri ito sa pamamagitan ng pagbablik-tanaw sa
mga teoryang may kaugnayan sa sinasagawang pag-aaral o kaya’y iniuugnay ito sa mga
makabuluhang prinsipyong umiiral sa daigdig ng sinasaliksik o sa mga nauna nang
pananliksik na may kaugnayan rito. Ang diskusyon o pagsusuring ito ang naging batayan
tungo sa pagsasagawa ng interpretasyon ng mananaliksik hinggil sa mga impormasyong
nakalap at nasuri. Kinakailangan sa pagbasa ng bahaging ito ang maging mapagsuri sapagkat
anumang kahinatnan ng pagsusuri’t interpretasyon ay siyang nagiging batayan ng
konklusyon at rekomendasyon ng isang tisis at pananaliksik.
Kung magkakaroon lamang ng wastong pagbasa ng sulating pananaliksik ay makakukuha ng
malalimang impormasyon at makatutulong ito nang malaki sa mambabasa upang hindi
magkaroon ng pagkabagot o pagkainip sa pagbasa ng ganitong uri ng sulatin.

Kasanayan sa Pagsasalin
Dahil sa karamihan ng mga dokumento at siyentipikong pag-aaral ay nanggaling sa mga
maunlad na bansa, isa sa mga nagiging kahingian ay ang pagsasalin ng mga ito sa Filipino
nang sa gayon ay maging bahagi ito ng pagpapalawak ng saliksik sa bansang Pilipinas.
Makatutulong ng malaki kung ang mga tuklas sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay
maipababatid sa mga mamamayan ng Pilipinas, isa sa mga instrumentong maaaring magamit
ay ang pagsasalin nito sa wikang alam ng mga Pilipino.

Nilagom ni Karen San Diego (2014), sa kanyang isinagawang pag-aaral hinggil sa pagsasaling
wika ay naglagom hinggil sa labing walong (18) paraan ng pagsasalin ni Peter Newmark
(1988) mula sa aklat naA Textbook of Translation. Ito ang mga sumusunod:
(1) Adapsyon (Transference) na ang ibig sabihin ay ang paglilipat o panghihiram ng
mga cultural na salita mula sa Pinagmulang Wika (PW) patungo sa Target na Wika
(TW) nang walang pagbabago sa ispeling o baybay; (2) Isahang Pagtutumbas (One-
to-One Translation) o literal na pagsasalin sa isa-sa-isang pagtutumbasan ng salita sa
salita, parirala sa parirala, sugnay sa sugnay, o pangungusap sa pangungusap;

(3) Saling Hiram (Through Translation) Katumbas nito ang ginagamit sa pagsasalin
ng mga karaniwang kolokasyon;

(4) Naturalisasyon (Naturalization), may pagkakahawig sa transference o adapsyon


ngunit dito ay nakikiayon muna ang normal na pagbigkas at pagkatapis ang normal
na morpolohya sa target na wika na iniayon sa ortograpiya ng Tunguhing Wika;
(5)Leksikal na Sinonim (Lexecal Synonymy), paraan ng pagsasalin na nagbibigay
nang malapit na katumbas o angkop na kasingkahulugan sa target na wika ng
pinagmulang wika;

(6)Transposisyon (Transposition), tinatawag ding shift na ang ibig sabihin ay


pagkakaroon ng pagbabago sa gramatika ng pinagmulang wika kapag isinalin sa
target na wika;

(7) Modulasyon (Modulation), pagsasalin na may pag-iiba sap unto de bista o


pananaw sa pagbibigay-kahulugan sa mga dahilan sa iba’t ibang teksto;

(8) Kultural na Katumbas (Cultural Equivalent), ito ang malapit o halos walang salin
(approximate translation), na ang isang kultural na salita sa TW ay isinasalin sa
katumbas ding kultural na salita sa TW;

(9)Gamiting Katumbas (Functional Equivalent), paraan ng pagsasalin na ibinibigay


ang higit na gamitin at tinatanggap na katumbas o kahulugan. Tinatawag din itong
pagdede-kulturalisa ng wika (deculturalizing the language);

(10) Deskriptibong Panumbasan (Descriptive Equivalent) Pagbibigay ng katumbas


na kahulugan sa pamamagitan ng depinasyong naglalarawan, gaya ng paggamit ng
pariralang pangngalan o sugnay na pang-uri;

(11) Kinikilalang Salin (Recognized Translation), ang paraan sa pagsasalin sa opisyal


at tinatanggap ng nakararami na salin ng anumang terminong pang-institusyon;

(12) Pagdaragdag/ Pagpapalawak (Additional/ Expansion), pagdaragdag ng salita


sasitrukturang gramatikal upang maging malinaw ang kahulugan;

(13) Pagpapaikli/Pagpapaliit (Reduction/ Contruction), paraan sa pagsasalin na


pinaiikli o pinaliliit ang mga salita ng kabuuang gramatikal na hindi nababago o nag-
iiba ang kahulugan mula sa orihinal;
(14) Pagsusuri sa mga Bahagi (Componential Analysis), paraan sa pagsasalin na
naghahati-hati batay sa leksikal na yunit sa mga makabuluhang sangkap o hanay;

(15) Hawig (Paraphrase), paraan sa pagsasalin na nagpapaliwanag sa kahulugan ng


isang hanay, pangungusap o talata;
(16) Kompensasyon (Compensation), pagsasalin na ginagamit kapag ang pagkawala
ng kahulugan ng isang bahagi ng parirala, pangungusap o talata ay natutumbasan o
napupunan sa ibang bahagi;

(17) Pagpapabuti (Improvements), pagwawasto sa mga gramatikal o tipograpikal na


kamalian sa OT, kaya’t walang mali sa ST;

(18) Kuplets (Couplets), paraan sa pagsasalin na pinagsasama ang paggamit ng


dalawa, tatlo, o higit pa sa mga pamamaraang nabanggit.

Kasanayan sa Paglalagom at Pagpaparapreys


Paglalagom ang tawag kapag inilahad nang payak ang orihinal na materyales na nabasa. Ito
ay ang paghango ng mga mahahalagang impormasyon at isinusulat ito sa anyo na madaling
maunawaan. Hindi gaanong maraming pananalita ang ginagamit at mabilis lamang na
naisasagawa sa paraang hindi nakokopya ang orihinal na pahayag ngunit hindi nawawala
ang pinakaesensiya ng orihinal na isinulat.
Sa paglalagom, alalahaning huwag muling isulat ang orihinal na akda. Kailangang
mapanatiling maigsi ito at gumamit lamang ng sariling pananalita. Gayondin, huwag
maglagay ng sariling opinyon sa paglalagom. Kailangan lang maipakita ang pinakapusong
ideya tuwing naglalagom.

Sa kabilang banda, ang pagpaparapreys ay muling pagpapahayag ng ideya ng awtor na halos


magkasindami ng bilang ng mga salita ng orihinal. Maaari ding bigyang katuturan ang
pagpaparapreys bilang muling pagpapahayag ng teksto, pahayag o pagbibigay kahulugan sa
teksto sa ibang anyo.

Halimbawa
Orihinal na bersiyon:
Karaniwang ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto ay nangangailangan ng ugnayan
ng bawat isa upang maging matagumpay –ang guro at mag-aaral. Gayonpaman,
sinasang-ayonan ng lahat na ang guro ang siyang higit na gumagawa ng
pinakamahirap na gawain sa proseso ng pagkatuto upang matamo ang ninanais na
bunga – na matamo ang kabuoang pag-unlad ng mag-aaral. Magkagayonman, ang
tagumpay ng proseso ng pagtuturo at pagkatuto ay hindi kinakailang iasang ganap sa
guro lamang. Gaano man kahusay ang guro sa kaniyang mga estratehiya at
performans sa pagtuturo, mayroon at mayroong mga salik na nakaaapekto sa
pagkatuto ng mga mag-aaral. Maaaring isa sa mga ito ay ang iba’t ibang estilo sa
pagkatuto ng mga mag-aaral.

Parapreys:
Ang guro at ang mga mag-aaral ay dalawang nilalang na mahalaga sa proseso ng
pagkatuto. Gayonpaman, sa maraming pagkakataon ang tagumpay ng proseso ng
pagkatuto ay ipinapasan lamang sa guro dahil sila ang tagapagpadaloy upang
mapaunlad ang holistikong mag-aaral. Ngunit, kinakailangan din nating tanggapin na
ang performans ng guro at kalidad ng kaniyang pagtuturo ay hindi batayan ng
performans ng mag-aaral sapagkat may mga salik na nakaaapekto sa proseso ng
kaniyang pagkatuto – na ang madalas na natuturong dahilan ay ang estilo sa
pagkatuto ng mag-aaral maging ang kaniyang mga preperensiya sa pagkatuto.

Lqgom:
Ang guro at mag-aaral ay parehong mahalaga sa proseso ng pagkatuto. Ang gampanin
ng guro ay mapaunlad ang holistikong mag-aaral sa loob ng paaralan. Gayonpaman,
ito ay hindi palagiang nagaganap sapagkat may mga salik na nakaaapekto sa
performans ng mag-aaral. Ito ay maaaring ang kaniyang mga preperensiya at estilo
ng pagkatuto.

Kasanayan sa Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik


Pinakamahirap na suliranin ng isang mananaliksik ang pagpili at paghanap ng Paksa ng Pag-
aaral. Hindin madaling pumili ng paksa ng isasagawang pananaliksik. Nagiging mahirap ang
bahaging ito kung hindi palabasa o hindi palaaral ang naitalagang mananaliksik o kaya
naman ay napilitan lamang magsaliksik dahil isa ito sa mga kahingian ng kursong kinukuha.
Napakaraming maaaring paghanguan ng suliranin para sa isasagawang pananaliksik lalo na
sa panahong elektroniko. Higit ring makatutulong kung magbabasa muna ng mga tisis o
kaya’y disertasyon na siyang mapaghahanguan ng mga maaaring maging paksa ng nais na
isagawang pananaliksik.

Sanggunian:
Books and Journals
 Mortera, Melvin O. , 2017. Tulay sa Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa
Pananaliksik. Mandaluyong City: Books Atbp Publishing Corp.
 Aguilar, Jennifor L. et. al. (2018). Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina. Rizal: Jenher Publishing
House.

You might also like