You are on page 1of 7

Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa

Iba't iba ang kasanayan na dapat paunlarin sa bawat bahagi ng proseso ng pagbasa.
Sa kabuuan, mahahati ang mga kasanayan sa tatlong bahagi: Bago Magbasa, Habang
Nagbabasa, at Pagkatapos Magbasa.

Bago Magbasa

Sinisimulan ang pagbasa sa pagsisiyasat ng tekstong babasahin. Ang pagsusuri ng


panlabas na katangian ng teksto ay mahalaga upang malaman ang tamang estratehiya sa
pagbasa batay sa uri at genre ng teksto o kung kinakailangan ba ito ayon sa itinakdang
layunin ng pagbasa. Kinapapalooban ito ng previewing o surveying ng isang teksto sa
pamamagitan ng mabilisang pagtingin sa mga larawan, pamagat, at pangalawang pamagat sa
loob ng aklat. Sa bahaging ito, iniuugnay sa inisyal na pagsisiyasat ang mga imbak at
kaligirang kaalaman upang lubusang masuri kung anong uri ng teksto ang babasahin.
Nakabubuo ng mga tanong at matalinong prediksyon kung tungkol saan ang isang teksto
batay sa isinagawang pagsisiyasat. Ito ang pagsisimula ng kognitibong proseso.

Habang Nagbabasa

Nangyayari ang pinakamalaking bahagi ng kognisyon habang nagbabasa. Sa bahaging


ito, sabay-sabay na pinagagana ng isang mambabasa ang iba't ibang kasanayan upang
lubusang maunawaan ang teksto. Ang kaniyang mga naunang tanong at prediksyon bago
magbasa ay pinanghahawakan niya upang panatilihin ang pokus sa aktibong pag-unawa sa
binabasa. Sa bahaging ito, lumalawak at umuunlad ang bokabularyo ng mambabasa. Narito
ang ilan pang pamamaraan upang maging epektibo ang pagbasa:

 Pagtantiya sa bilis ng pagbasa. Binabago-bago ng mambabasa ang bilis o bagal


ng pagbasa batay sa hirap ng teksto at personal na kakayahan sa pagbasa.
 Biswalisasyon ng binabasa. Gamit ang mga impormasyon mula sa teksto at imbak
na kaalaman, bumubuo ang mambabasa ng mga imahen sa kaniyang isip habang
nagbabasa.
 Pagbuo ng koneksiyon. Pagpapayaman ng ugnayan sa pagitan ng teksto at imbak
na kaalaman upang matiyak ang komprehensiyon.
 Paghihinuha. Pag-uugnay ng impormasyon mula sa teksto at imbak na kaalaman
upang bumuo ng mga pahiwatig at kongklusyon sa kalalabasan ng teksto.
 Pagsubaybay sa komprehensiyon. Pagtukoy sa mga posibleng kahirapan sa
pagbasa ng teksto at paggawa ng mga hakbang upang masolusyonan ito.
Halimbawa, kung may isang salitang mahalaga at susi upang maunawaan ang
buong teksto, maaaring sumangguni sa diksyunaryo ang mambabasa.
 Muling pagbasa. Muling pagbasa ng isang bahagi o kabuuan ng teksto kung
kinakailangan kapag hindi ito naunawaan.
 Pagkuha ng kahulugan mula sa konteksto. Paggamit ng iba't ibang estratehiya
upang alamin ang kahulugan ng mga di-pamilyar na salita batay sa iba pang
impormasyon sa teksto.

Mababaw ang komprehensiyon kung hindi mananatili sa isip ng mambabasa ang


natutuhan nila. Sinisimulan ng isang aktibong mambabasa ang paglilipat ng impormasyon sa
matagalang memorya sa pamamagitan ng elaborasyon, organisasyon, at pagbuo ng mga
biswal na imahen. Ang elaborasyon ay ang pagpapalawak at pagdaragdag ng bagong ideya
sa impormasyong natutuhan mula sa teksto. Ang organisasyon ay pagbuo ng koneksiyon sa
pagitan ng iba't ibang bahagi ng impormasyon na nakuha sa teksto habang ang pagbuo ng
biswal na imahen ay paglikha ng mga imahen at larawan sa isipan ng mambabasa habang
nagbabasa.

Pagkatapos Magbasa

Upang maipagpatuloy ang malalim na pag-unawa at pag-alala sa teksto kahit natapos


na ang proseso ng pagbasa, mahalagang isagawa ng isang mambabasa ang sumusunod:

 Pagtatasa ng komprehensiyon. Sagutin ang iba't ibang tanong tungkol sa binasa


upang matasa ang kabuuang komprehensiyon o pag-unawa sa binasa.
 Pagbubuod. Sa pamamagitan ng pagbubuod, natutukoy ng manunulat ang
pangunahing ideya at detalye sa binasa.
 Pagbuo ng sintesis. Halos kagaya rin ito ng pagbubuod, ngunit bukod sa
pagpapaikli ng teksto, ang pagbuo ng sintesis ay kinapapalooban ng pagbibigay ng
perspektiba at pagtingin ng manunulat batay sa kaniyang pag-unawa.
 Ebalwasyon. Pagtataya ng mambabasa sa katumpakan at kaangkupan ng mga
impormasyong nabasa sa teksto. Sa bahaging ito, tinutukoy niya rin kung ano ang
halaga at ugnayan ng teksto sa layunin ng pagbasa.

Kapag nagawa na ng isang mambabasa ang mga nabanggit, natitiyak na magiging


makabuluhan ang karanasan sa pagkatuto at makakukuha ng mahahalagang impormasyon na
hindi agad mawawala sa alaala ng mambabasa. Bukod sa mga nabanggit na kasanayan na
dapat linangin habang nagbabasa, makatutulong din ang iba pang pamamaraan sa
pagpapayaman ng karanasan sa pagbasa.

Pagkilala sa Opinyon o Katotohanan


Ang pagtukoy kung opinyon o katotohanan ang isang pahayag ay mahalagang
kasanayan ng isang mambabasa, lalo na't napakarami nang iba't ibang impormasyon ang
maaaring makuha sa Internet. Ang katotohanan ay mga pahayag na maaaring mapatunayan
o mapasubalian sa pamamagitan ng empirikal na karanasan, pananaliksik, o pangkalahatang
kaalaman o impormasyon. Ang opinyon naman ay mga pahayag na nagpapakita ng
preperensiya o ideya batay sa personal na paniniwala at iniisip ng isang tao. Maaaring
kakitaan ito ng mga panandang diskurso tulad ng “sa opinyon ko,” “para sa akin,” “gusto ko,” o
sa “tingin ko.”

Halimbawa, maituturing na katotohanan ang pahayag na:

Si Pangulong Benigno Aquino III ang kasalukuyang pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Habang opinyon naman ang pahayag na:

Para sa akin, si Pangulong Benigno Aquino III lamang ang kaisa-isang pangulo na sumugpo
sa korupsiyon sa gobyerno ng Pilipinas.

Pagtukoy sa Layunin, Pananaw, at Damdamin ng Teksto

Mahalagang sa umpisa pa lang ng pagbasa ng teksto at habang napapalalim ang pag-


unawa rito ay matukoy ang layunin, pananaw, at damdamin ng teksto upang maging epektibo
ang pag-unawa rito. Ang layunin ay tumutukoy sa nais iparating at motibo ng manunulat sa
teksto. Mahihinuha ito sa pamamagitan ng uri ng diskursong ginamit sa pagpapahayag.
Halimbawa, naglalarawan ba ito o kaya ay nagkukuwento lang ng isang tiyak na karanasan o
sitwasyon? Maaari ding nangangatuwiran ito o kaya naman ay hinihikayat ang mambabasa na
pumanig sa opinyon o paninindigan niya. Sa layunin, tinutukoy rin ang suliranin o pangunahing
tanong ng akda na nais solusyonan ng may-akda.

Ang pananaw naman ay ang pagtukoy kung ano ang preperensiya ng manunulat sa
teksto. Ibig sabihin, natutukoy rito kung ano ang distansiya niya sa tiyak na paksang
tinatalakay. Nasa unang panauhan ba ito na maaaring magpakita na personalang pespektiba
niya sa paglalahad, o kaya naman ay nasa ikatlong panauhan na nagbibigay ng obhetibong
pananaw at paglalahad sa paksa? Mula sa mahusay na pagtukoy ng pananaw, nahihinuha rin
ng mambabasa kung ano ang kahihinatnan ng isang teksto.

Ang damdamin naman ay ang ipinahihiwatig na pakiramdam ng manunulat sa teksto.


Maaaring nagpapahayag ito ng kaligayahan, tuwa, galit, tampo, o kaya naman ay matibay na
paniniwala o paninindigan tungkol sa isang pangyayari o paksa. Dahil sa damdamin na
ipinahahayag ng teksto, hindi naiiwasan na ito rin ang nagiging pakiramdam ng mambabasa
sa pagbasa nito. Sa katapusan ng pagbasa, maaari ding tasahin ng isang mambabasa kung
nagtagumpay ba ang manunulat na iparamdam ang layunin ng teksto.

Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak, at Rebyu


Ang paraphrase ay tumutukoy sa muling pagpapahayag ng ideya ng may-akda sa
ibang pamamaraan at pananalita upang padaliin at palinawin ito para sa mambabasa.
Mahalaga ang paraphrase sa pananaliksik upang tukuyin ang pinagmulan ng isang ideya o
kaisipan at ipahayag ito sa pamamaraan na makatutulong sa pananaliksik. Narito ang isang
halimbawa ng paraphrase:

Ayon kay Bienvenido Lumbera (2000, p.130), Pambansang Alagad ng Sining sa


Panitikan, mahalaga ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa na magiging daluyan
ng mga aspirasyon at pagpapahalaga ng mga karaniwang mamamayan. Ito ay dahil
mas katanggap-tanggap ang paggamit ng wikang Ingles sa iba't ibang sangay ng
pamahalaan at paaralan, na wikang hindi nauunawaan ng mamamayan.

Ang paraphrase na ito ay nagmula sa sumusunod na sipi:

“Ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng buhay ng


milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsasatinig ng kanilang adhikain at pananaw sa
kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-ibang institusyong panlipunan ay
sa Ingles nagpapanukala at nagpapaliwanag” (Lumbera 2000, p. 130).

Ang abstrak naman ay isang buod ng pananaliksik, tesis, o kaya ay tala ng isang
komperensiya o anomang pag-aaral sa isang tiyak na disiplina o larangan. Ang abstrak ay
nakatutulong upang mabilis na makita ng isang mambabasa ang kabuuang latag ng
pananaliksik kabilang ang mga layunin at kinalabasan nito. Sa ilang publikasyon, tinatawag din
itong precis o synopsis. Narito ang isang halimbawang abstrak mula sa isang pananaliksik.

Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) Bilang Praktika ng


Inklusibong Edukasyon: Simulain at mga Hamon
Crizel P. Sicat-De Laza

Abstrak
Ang pandaigdigang mga kasunduan sa karapatang pantao ay nagbabawal sa
anumang porma ng eksklusyon o limitasyon sa oportunidad sa edukasyon na
nakabatay sa mga pagkakaibang itinatakda ng lipunan tulad ng kasarian, lahi,
etnikong pagkakakilanlan, wika, relihiyon, politika at opinyon, nasyonalidad,
ekonomikong kondisyon, ari-arian, kapansanan, at ang istatus, aktibidad, paniniwala
ng mga magulang o sinumang kaanak ng bata. Sa isang inklusibong edukasyon,
kailangan ng handang kapaligiran at malalim na kamalayang uunawa sa pagkakaiba-
iba at susi sa pagkakaunawaang ito ang wika. Malawak at malalim na ang mga
pananaliksik na nagpapakitang mas epektibo at komprehensibo ang kognitibong
pagkatuto ng bata kapag ginamit sa pagtuturo ang kanyang unang wika, isa sa mga
pangunahing dahilan sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual
Education (MTB-MLE) sa Pilipinas (DepEd Order No.74, S. 2009). Bukod dito,
nakikita sa iba't ibang modelo ng MTB-MLE sa buong mundo, na nababawasan ang
mardyinalisasyon at diskriminasyon sa pagitan ng mga kultura dahil itinatanghal
bilang epektibong wika ng pagkatuto ang iba't ibang rehiyonal na wika, na isa sa mga
mithiin ng Education for All (EFA). Mula sa ganitong saligan, sisikapin ng papel na
itong ipakita ang diwa at posibleng pundasyon ng inklusibong edukasyon mula sa
mga simulain ng MTB-MLE. Susuriin nito ang ilang mga nasimulang praktika at
pinagbatayang pananaliksik sa pagbabago sa wika ng sistema ng edukasyon at
hihimayin ang inklusyon mula sa mga karanasang ito. Gayundin, ipakikita ng papel
ang mga posibleng hamon sa pagpaplano at implementasyon ng kautusan batay rin
sa mga naunang pananaliksik na nakakonteksto sa kultural, politikal at
pangekonomikong kalagayan ng lipunang Pilipino.
Mga Susing Termino: Mother Tongue-Based Multilingual Education, Inklusibong
Edukasyon, wika ng pagkatuto
Sanggunian:
Department of Education (2009). Institutionalizing Mother Tongue Based Multilingual
Education. Nakuha mula sa http://www.deped.gov.ph/orders/do-74-5-2009.
*Ang pananaliksik na ito ay ibinahagi sa Philippine Association of Language Teachers
(PALT) International Conference sa University of San Jose Recoletos, Lungsod ng
Cebu noong Disyembre 5-7, 2013.

Ang rebyu naman ay isang uri ng pampanitikang kritisismo na ang layunin ay suriin ang
isang aklat batay sa nilalaman, estilo, at anyo ng pagkakasulat nito. Naglalaman din ang rebyu
ng pagtataya o ebalwasyon ng akda batay sa personal na pananaw ng mambabasa na
nagbibigay ng rebyu. Ang mga nagsusulat ng rebyu sa mga pahayagan o online portal ay
gumagamit ng panunuri upang magpalaganap ng sariling kaalaman na sumusuporta o kaya ay
nagpapasubali sa nilalaman ng aklat. Maaaring ang rebyu ay naglalaman ng maikling buod ng
aklat upang magkaroon ng ideya ang mga mambabasa. Narito ang isang halimbawa ng rebyu
sa aklat ni Renato Constantino (1978) na Neo-Colonial Identity and Counter-Consciousness.

Ang Tatak ni Constantino sa Historyograpiyang Pilipino:


Rebyu ng “Neo-colonial Identity and Counter-Consciousness”
ni Renato Constantino

Ang mga koleksyon ng sanaysay ni Renato Constantino sa aklat na “NeoColonial


Identity and Counter-Consciousness” ay mahalagang pag-ukulan ng pansin ng sinumang
nais mag-aral ng kasaysayan ng lipunang Pilipino. Kaiba sa ibang nagsalaysay ng
kasaysayan, isa si Constantino sa nagbigay ng pinakamatalas at pinakaakmang metodo
at pananaw kung paanong titingnan at pag-aaralan ang historyograpiya sa Pilipinas.

Hindi man tuwirang sinasabi sa mga sanaysay ni Constantino na Marxistang


metodo ng pagtingin sa kasaysayan ang kaniyang nilangkap, ay malinaw itong matutukoy
sa mga pananalita at kategorisasyon na kaniyang ginamit tulad ng kahalagahan ng
pagsusuri ng mga uri sa lipunan, pagbanggit sa pinakaubod ng teorya ni Marx na
diyalektikong materyalismo, at paglalapat nito sa historikong materyalismo.

Batay sa metodong ito, tinitingnan ni Constantino na ang kasaysayan ay binubuo at


maaring sumahin sa serye ng mga tunggalian sa pagitan ng mga uri sa loob ng lipunan
(class conflict). May isang nagbibigkis sa lahat ng ito na mas kilala sa tawag niyang
connecting thread. Para sa kaniya, maging ang mga naunang pagaalsa na may milenyal o
milinaryong katangian (halimbawa ay ang pakikibaka nina Papa Isio) ay hindi ispontanyo,
isporadiko, at hiwa-hiwalay na pag-aalsa lamang kung hindi, may iisang pakikibakang
nagtatahi dito sa mas mga dakilang rebolusyon ng Katipunan. Lagi't lagi ang lahat ng
pakikibaka ay tinitingnan ni Constantino na bahagi ng pagtatangka ng mga
pinagsasamantalahang uri na umigkas at labanan ang mga nagsasamantalang uri.
Binigyang-diin ito sa introduksiyon ni Istvan Meszaros sa kaniyang akda:

“Constantino is not simply a nationalist. He is one who is anxious to define


the class basis of the movement for national emancipation in precise, and
also organizationally realistic terms, seeing that colonial domination was
traditionally inseparable from the willing submission of the indigenous ruling
class to the colonial master in the interest of his own class.”

Bukod sa kahalagahan ng pagtingin sa tunggalian ng mga uri sa loob ng lipunan,


binigyang halaga rin ni Constantino sa kaniyang pagsasakasaysayan ang papel ng
kamalayan. Para sa kaniya, mahalagang sandata ang kamalayan upang mapanatili ng
mga mapagsamantalang uri ang kanilang kinalulunanan sa lipunan. Dahil sa sila ang may
hawak sa mga daluyan ng kultura na may direktang koneksyon sa kamalayan ng tao, ay
hinuhulma nila ang mga utak nito upang magsilbi sa kanilang interes. Malinaw ang
ganitong proposisyon ni Constantino sa kaniyang mga akdang “Miseducation of the
Filipino People”, “Mga Sanhi ng Pagkakanluranin ng mga Pilipino,” at “Veneration Without
Understanding.” Para sa kaniya, ang ipinalaganap na kamalayan ng mga kolonisador at
lokal na naghaharing uri sa Pilipinas ay pawang mga kamalayang iginiit upang mapanatili
ang dominanteng kaayusan ng lipunan o mas kilala sa tawag niyang false consciousness.
Naniniwala si Constantino na ang demistipikasyon ng ganitong mga pananaw at
kamalayan ang pangunahing papel ng historyograpiya para sa lipunang Pilipino.

“...from 'historical mission’ to ‘true history’ – clearly indicate that the


development of an adequate form of historical consciousness, in place of a
mystifying false consciousness, is vital to any radical critique of the
prevailing structure of domination.”

Mula sa ganitong pananaw, nagpanukala si Constantino ng isang kontrakamalayan


o counter-consciousness na siyang palalaganapin at tutunggali sa dominanteng
kamalayan sa kasalukuyan. Ang kamalayang ito ay nakabatay sa uri at magpapalaganap
ng interes ng mga pinagsasamantalahang uri. Ang isang tunay na istorikong kamalayan,
para sa kaniya, ay makakamit kung mamumulat ang mamamayan sa isang istratipikadong
lipunan at ang kaniyang kinalulunanan dito. Ang tunay na kasaysayan ay saka lamang
maisusulat kung mulat na makikibaka ang mamamayan upang baguhin ang kanilang
kalagayan at mapagsamantalang dominasyon. Masa ang pangunahing bubuo ng
reinterpretasyon ng kasaysayan ayon sa kaniya.

Bagaman namatay na si Constantino at hindi na naipagpatuloy ang kaniyang


dakilang mithiin, hindi pa rin matatawaran ang naging ambag niya sa pagsasakasaysayan
ng kasaysayan ng lipunang Pilipino. Sa tingin ko, hanggang sa ngayon ay hindi nakakamit
ang kontra-kamalayang ipinapanukala ni Constantino, ngunit maraming iskolar, palaisip,
at progresibong elemento ng lipunan sa kasalukuyan ang patuloy na naniniwala at
nagpapaunlad ng kaniyang mga kaisipan. Naniniwala akong ang pagtatangka ni
Constantino na ipaliwanag ang esensya ng tunggalian sa loob ng lipunang Pilipino ay
hindi maaaring isantabi hangga't nananatili ang pandaigdigang pagsasamantala at
makauring dominasyon.

Sanggunian:

Constantino, Renato (1978). Neo-colonial Identity and Counter-Consciousness. London:


Merlin Press.

You might also like